Nagpapasalamat Ako para sa mga Paa Mo
Nicholas Nelson, Texas, USA
Wala namang kakaiba sa mga paa ko, kaya medyo nagtaka ako nang sabihin ni Nieves, isang bagong binyag sa Bolivia, na nagpapasalamat siya para dito.
“Talagang nagpapasalamat ako para sa mga paa mo,” lagi niyang sinasabi ilang linggo mula nang binyagan siya.
Madaling natanggap ni Nieves ang ipinanumbalik na ebanghelyo, pero nang anyayahan namin siyang magpabinyag, nag-atubili siya.
Ipinaliwanag niya na may sakit siya sa balat. Kapag nabasa ng malamig na tubig ang balat niya, parang isang libong karayom ang tumutusok sa mga butas ng kanyang balat. Dahil dito hindi niya magawa ang kahit simpleng gawain, tulad ng paghuhugas ng mga gulay o pagkukusot ng damit.
Ipinaliwanag namin na mapapainit ang tubig sa bautismuhan, at tiniyak namin kay Nieves na bibinyagan siya sa maligamgam na tubig. Sumaya ang kanyang mukha, at pinili niyang mabinyagan sa Araw ng Pasko. Sinabi namin ng kompanyon ko sa branch president ang sakit sa balat ni Nieves, at sinabi nito na paiinitin ang bautismuhan para sa oras ng binyag sa hapon.
Pero pagdating namin sa chapel para sa binyag, puno ng napakalamig na tubig ang bautismuhan! Ipinaliwanag ng nag-alalang branch president na dahil sa di-pagkakaintindihan, matatagalang ihanda ang tubig.
Alam naming magkompanyon na gusto nang mabinyagan ni Nieves sa araw na iyon, at naniwala kami na iyon din ang gusto ng Panginoon. Nakakita kami ng bakanteng silid at ipinagdasal na tulungan Niya si Nieves na mabinyagan.
Napanatag kami matapos magdasal at nagpasiyang ituloy ang binyag. Maganda ang mga itinuro ng mga nagsalita bago ang binyag, pero bigla akong kinabahan nang marinig ko na, “Bibinyagan na ngayon ni Elder Nelson si Sister Nieves.”
Sinikap kong itago ang pag-aalala ko habang maingat akong lumulusong sa napakalamig na tubig. Humawak sa kamay ko si Nieves at inilusong niya ang kanyang paa sa tubig. Inihanda ko ang sarili ko sa pinakamasamang puwedeng mangyari, pero hindi tumili o ngumiwi man lang sa sakit si Nieves. Kalmado siyang bumaba sa hagdan at ngumiti sa akin.
Pagkatapos ng panalangin sa binyag, inilubog ko siya sa malamig na tubig. Nang iangat ko siya, umahon siyang nakangisi. Napuspos ako ng pasasalamat. Para sa akin, ang kanyang binyag ay isang himala.
Nang huli kong makita si Nieves, may sinabi siya na nagpalis sa aking pagkalito kung bakit siya natutuwa sa mga paa ko. Sabi niya, “Labis akong nagpapasalamat para sa mga paa mo, na naglakad papunta sa pintuan ko at nagdala sa akin ng katotohanan.”
Naiisip ko si Nieves at ang kanyang simpleng pananalig at pasasalamat tuwing maririnig ko ang mga salitang ito ni Isaias: “Anong pagkaganda sa mga bundok ng mga paa niyaong nagdadala ng mga mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan, na nangagdadala ng mga mabuting balita sa ikabubuti, na nagtatanyag ng kaligtasan, na nagsasabi sa Sion, Ang iyong Diyos ay naghahari!” (Isaias 52:7; tingnan din sa Mosias 12:21).