2015
Paano Binabago ng Family History ang Ating mga Puso’t Isipan
Pebrero 2015


Paano Binabago ng Family History ang Ating Puso’t Isipan

Ang pagsasaliksik ng kasaysayan ng ating pamilya at pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo para sa ating mga ninuno ay tumutulong sa atin na makita ang lawak gayundin ang pagkapamilyar ng plano ng Diyos.

Family members looking at family photographs.

Sa loob ng maraming taon, tuwing papasok ako sa templo, naiisip ko ang aking kalola-lolahan na si Hannah Mariah Eagles Harris (1817–88), ngunit hindi dahil sa kailangan kong mag-proxy sa templo para sa kanya.

Si Mariah (na siyang gusto niyang itawag sa kanya) ang isa sa mga dahilan kaya nasa Simbahan ang pamilya ko. Siya ay bininyagan noong 1840 sa England, na-endow sa Nauvoo, Illinois, nabuklod sa kanyang asawa sa Winter Quarters, Nebraska, at namatay sa Utah. Ang naiisip ko tungkol sa kanya habang nasa templo ako ay hindi ang pangangailangan niyang magawan ng mga ordenansa kundi kung paano kami ibinuklod ng mga ordenansang iyon samantalang nabuhay kami sa magkaibang panahon at lugar.

Noong bata ako nakatira ako sa bayan sa Utah na tinirhan niya noon, at kalaunan ay binisita ko ang Winter Quarters, Nauvoo, at ang maliit na English village kung saan siya isinilang. Nagulat ako sa layo ng nilakbay niya at sa malaking pagkakaiba ng buhay niya sa buhay ko.

Gayunman, sa kabila ng agwat ng panahon, lugar, at kalagayan sa pagitan naming dalawa, dama ko ang kaugnayan ko sa aking kalola-lolahan kapwa sa pamamagitan ng tipan ng pagbubuklod at sa pag-alam tungkol sa kanyang buhay. Ang kaugnayang iyon ang nagbibigay-liwanag sa mga dahilan kaya may gawain sa family history at pagsamba sa templo.

Itinuturo sa atin ng pagsasaliksik sa family history ang lawak at laki ng nasasakupan ng paglikha ng Diyos at nagbibigay-diin sa maawaing tulong ng Pagbabayad-sala ni Cristo sa bawat isa sa atin.

Dagdag na Pagmamahal sa Pamamagitan ng Family History

Itinuro ng Panginoon na kahit na ang mga mundong Kanyang nilikha para sa Kanyang mga anak ay “hindi mabilang … ng tao; … lahat ng bagay ay bilang sa akin, sapagkat sila ay akin at kilala ko sila” (Moises 1:35). Ang gawain sa family history at sa templo ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong makibahagi sa gawain ng kaligtasan ni Jesucristo.1 Ang paggawa nito ay makatutulong sa atin na malaman kung paano mahalin at maging maawain sa ating mga pamilya, sa ating kapwa, sa lahat ng nakakahalubilo natin, sapagkat silang lahat ay ating mga kapatid.2

Sa pag-alaala sa sarili nating mga ninuno, kinikilala natin ang saklaw ng plano at paglikha ng Ama sa Langit. Nilikha ng Panginoon ang isang lugar para tayo subukan at magkaroon ng pananampalataya, ngunit dahil kakaunti lang ang mga tao na nagkakaroon ng pagkakataong matanggap ang kaganapan ng mga tipan ng Diyos sa mortalidad, ang awang dulot ng pagpo-proxy ay nagpapaalala sa atin na mahal ng Panginoon ang lahat ng Kanyang anak at naglaan ng paraan upang maaaring piliin ng lahat na tanggapin ang buong pagpapala ng ebanghelyo anuman ang kanilang sitwasyon sa buhay na ito (tingnan sa 2 Nephi 26:20–28, 32–33).

Bukod pa rito, ang pag-alam tungkol sa buhay ng ating mga ninuno ay makapagpapaalala sa atin na hindi lahat ng bagay sa buhay ay magiging madali, na magkakaroon ng mga kabiguan at hindi pagkakapantay-pantay sa makasalanang mundong ito. Ngunit ang pag-alam tungkol sa kanilang buhay at pagsasagawa ng mga ordenansa para sa kanila ay nagpapaalala rin sa atin na walang sinumang hindi maaabot ng pagmamahal ng Diyos (tingnan sa Mga Taga Roma 8:38–39).

Ang lola kong si Mariah ay napalakas ng katotohanang ito nang una niyang marinig na ipinangaral ito. Noong 1840–41, sa unang pagdagsa ng mga proxy baptism na isinagawa sa Mississippi River at sa hindi pa tapos na Nauvoo Temple noon, sinamantala niya ang pagkakataon na magpabinyag para sa kanyang pumanaw na kapatid na babae, na namatay bago dumating ang mga missionary sa England.3 Kahit hindi ko nakilala si Mariah, tulad niya ay mahal ko rin ang mga kapatid ko at alam kong ang pagmamahal na ito ay maaaring magpatuloy sa kabilang-buhay dahil sa mga ordenansa sa templo. Ang pagkakaroon ng kaalamang iyon na tulad niya ay nagbibigay-inspirasyon sa akin na mahalin din siya.

Joseph Smith looking out a window.

Kaya hindi nakakagulat na halos hindi makapaniwala si Propetang Joseph Smith sa napakaganda at maawaing doktrina ng kaligtasan para sa mga patay, na tinukoy niya bilang “pinakamaluwalhati sa lahat ng paksang nabibilang sa walang hanggang ebanghelyo” (D at T 128:17): “Pasigawin ang mga bundok sa kagalakan, at lahat kayong mga lambak ay sumigaw nang malakas; at lahat kayong mga dagat at tuyong lupain sabihin ang mga kamangha-mangha ng inyong Walang Hanggang Hari! At kayong mga ilog, at mga batis, at mga sapa, ay umagos nang may kagalakan. Purihin ng mga kahoy at lahat ng puno ng bukid ang Panginoon; at kayong mga buo na bato ay umiyak sa kagalakan! Magsiawit nang sabay-sabay ang araw, buwan, at ang mga pang-umagang bituin, at pasigawin sa kagalakan ang lahat ng anak na lalaki ng Diyos! At ipahayag ng walang-hanggang mga nilikha ang kanyang pangalan magpakailanman at walang katapusan!” (D at T 128:23).4

Tulad ni Mariah, na masigasig na humayo upang magpabinyag para sa kanyang kapatid, masaya rin noon ang iba pang mga Banal. Isinulat ni Sally Carlisle na isa sa mga Banal na iyon: “Napakaluwalhati nitong ating pinaniniwalaan at … ngayon maaari nang magpabinyag para sa lahat ng ating mga namatay na kaibigan at iligtas sila ayon sa lahat ng malalaman natin tungkol sa kanila.”5

Para sa Lahat—at para sa Isang Nawawala

Gaya ng ipinapakita ng mga paggunitang ito, ang malawak na saklaw ng family history ay nalilimitahan ng personal na dahilan. Nalaman natin hindi lamang ang kahalagahan nito kundi maging ang lalim ng pagmamahal ng Panginoon, sapagkat nagmamalasakit Siya sa tao. Ang Panginoon na nakakakita sa pagbagsak ng maya at naghahanap sa nawawalang isa sa isandaang tupa (tingnan sa Mateo 10:29; Lucas 15:4) ay hindi tayo tinutubos nang sabay-sabay, kundi nang paisa-isa, tulad nang maglingkod Siya sa mga tao noong Kanyang ministeryo sa lupa at tulad nang basbasan Niya ang mga taong nakatipon sa templo sa Bountiful (tingnan sa 3 Nephi 17).

Gayundin, itinuro ng Panginoon sa mga Banal noon ang isang masinsin na pamantayan sa pag-iingat ng talaan ng nagawang pagpo-proxy para sa bawat tao (tingnan sa D at T 128:1–5, 24). Sa gayon, ginagawa natin nang napakaingat ang pagtukoy sa bawat ninuno, hindi lamang ang mga katalogo ng mga pangalan. Sa gawaing ito nasisilayan natin ang awa ng Diyos, ang Kanyang habag, at ang kahalagahan ng isang kaluluwa.

Bukod pa rito, ang pag-alam sa mga kuwento ng buhay ng ating mga ninuno ay tumutulong sa atin na matutuhan silang mahalin, anuman ang kanilang mga kapintasan at pagkukulang. Habang nalalaman natin kung paano naapektuhan ng pabagu-bagong sitwasyon sa buhay na ito ang mga pasiya ng ating mga ninuno, nahahabag tayo sa kanila. Dapat mapag-ibayo ng prosesong ito ang kakayahan nating magkaroon ng ganitong uri ng pagmamahal para sa mga buhay, kapwa sa ating mga pamilya at sa lahat ng anak ng Diyos. Ang madama nang mas malalim na lahat ng tao, maging ang karamihan na bumaba sa lupa nang hindi nagkaroon ng pagkakataong tanggapin ang mga tipan at ordenansa, ay mga anak ng mga magulang sa langit ay tumutulong para pahalagahan natin ang buhay bilang isang pagsubok sa pananampalataya at katatagan para sa lahat ng nabuhay, “ayon sa paggamit nila sa liwanag na ibinigay [ng Diyos] sa kanila.”6

Ang nakadadalisay na impluwensya ng gawain sa family history ay makadaragdag sa ating sariling kakayahan na magmahal. Kung matututuhan nating mahalin ang mga taong matagal nang pumanaw, na kakaiba ang naging buhay kumpara sa atin, sa gayon hindi ba natin matatanto kung gaano kalaki ang pagmamahal at awa ng Diyos sa atin? At kung gayon ay hindi ba natin matututuhang mahalin ang ating mga pamilya at kapitbahay at mahabag sa kanilang mga pagkukulang?

An old photograph of Mariah Eagles Harris (1817-88).

Kapag nakikita ng iba ang kaisa-isang larawan ng lola kong si Mariah, madalas nilang punahin na mukha siyang mabagsik o suplada. Ipinagtatanggol ko siya kaagad dahil kilala ko siya. Kilala ko ang taong naglakad noon sa River Severn noong bata pa siya at noong may maliliit na siyang anak. Kilala ko ang taong naglayag patawid ng karagatan, na nagsilang sa kanyang ikaapat na anak habang naglalakbay. Kilala ko ang taong pumayag na magpunta sa digmaan ang kanyang asawa at namatayan ng isang sanggol habang wala ito. Kilala ko ang taong naglakad nang 1,000 milya (1,609 km) papunta sa isang bagong tahanan sa disyerto ng kanlurang Amerika. Kilala ko ang taong nagtrabaho at nakipagtipan at nagsaka at nagmahal. At dahil kilala ko siya, natikman ko ang pagmamahal ng ating mga magulang sa langit para sa kanya at sa bawat isa sa kanilang mga anak.

Family History—ang Malawak na Sakop at Maawaing Pagtulong

Ang pinakasentro ng family history ay hindi ang paggamit ng computer; hindi ang pagbabasa ng mga sinaunang sulat-kamay o paggawa ng masusing mga puna at sipi. Iyon ay mga kasangkapan o gawain ng family history, ngunit hindi ito ang pinakasentro ng family history, ni hindi nila nauunawaan ang kahalagahan ng dahilan kung bakit hinahanap ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang mga ninuno. Ang family history, sa kabuuan nito, ay itinuturo sa atin ang malawak na sakop ng paglikha at pagtubos at ipinapaalala rin nito sa atin ang personal at maawaing tulong na hatid ng Pagbabayad-sala ni Cristo.

Ang paghahanap sa ating mga ninuno ay maaaring magkaroon ng gayon ding epekto sa ating puso’t isipan kapag natanto natin na lahat ng taong iyon—na “di mabilang gaya ng buhangin sa dalampasigan” (Moises 1:28)—ay mga anak ng mga magulang sa langit at mahal at kilala nila. Hindi nakapagtatakang inilarawan ni Joseph ang pagpasok sa kahariang selestiyal na pagtawid sa isang pasukan na may “kahanga-hangang kagandahan” (D at T 137:2), sapagkat ano pa ba ang mas kahanga-hangang kagandahan kaysa maligtas na kasama ang mga taong kilala at mahal natin, na tulad natin ay tinubos ng malawakan at personal na pagmamahal ng Diyos? Inaasam kong makita si Lola Mariah sa pasukang iyon.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 555.

  2. Itinuro ni Elder Russell M. Nelson na ang isang gawain ng espiritu ni Elijah—isang natatanging pagpapamalas ng Espiritu Santo—ay “magpapatotoo sa banal na katangian ng pamilya.” Maaaring ang ibig sabihin nito ay kapwa ang banal na katangian ng ating mortal na ugnayan sa pamilya at gayon din ang kabanalan at potensyal ng lahat ng anak ng Diyos. Tingnan sa Russell M. Nelson, “A New Harvest Time,” Ensign, Mayo 1998, 34. Tingnan din sa Richard G. Scott, “Ang Kagalakan ng Pagtubos sa mga Patay,” Liahona, Nob. 2012, 93.

  3. Si Mariah Harris ay nabinyagan para sa kapatid na si Edith Eagles, 1841, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Nauvoo Proxy Baptism Records, 1840–1845, Family History Library US/Canada film 485753, item 2, tomo A, pahina 42.

  4. Para sa malalimang pagtalakay kung paano naimpluwensyahan ng mga pagkamatay sa pamilya Smith ang paghahanap ni Joseph Smith ng mga sagot tungkol sa kaligtasan para sa mga patay, tingnan sa Richard E. Turley Jr., “The Latter-day Saint Doctrine of Baptism for the Dead” (BYU family history fireside, Nob. 9, 2001), familyhistory.byu.edu.

  5. Sally Carlisle, sa Steven Harper, Making Sense of the Doctrine and Covenants: A Guided Tour through Modern Revelations (2008), 470–71.

  6. Mga Turo: Joseph Smith, 475; tingnan din sa Deuteronomio 8:2; Moroni 7:16; Doktrina at mga Tipan 76:41–42; 127; 137:7–9; Abraham 3.