Mga Tanong at mga Sagot
“Pumanaw ang isang mahal kong kaibigan kamakailan. Paano ko makakayanan ang dalamhati?”
Ang pagpanaw ng isang kaibigan ay isa sa pinakamahihirap na pagsubok na mararanasan mo. Natural lang na magdalamhati kapag namatayan. Nalulungkot ka dahil mahal mo ang kaibigan mo. “Kayo ay mamuhay nang magkakasama sa pag-ibig, kaya nga tatangisan ninyo ang pagkawala ng mga yaong namatay” (D at T 42:45).
Kabilang sa ilan sa mahihirap na damdaming pagdaraanan habang nagdadalamhati ang lungkot, galit, kawalang-pag-asa, pagod, pagkawala ng interes sa mga aktibidad, at labis na paghihinagpis. Ngunit kasabay nito, ang mga nagdadalamhati ay kadalasang nakadarama ng kapanatagan kapag hinanap nila ang Panginoon at lumapit sa Kanya; tinatanggap nila ang Kanyang pangako: “Mapapalad silang lahat na nahahapis sapagkat sila ay aaliwin” (3 Nephi 12:4). Ang dalamhati ay masakit, ngunit nagpapahilom din ito.
Habang pinapayapa mo ang iyong damdamin, sikaping magtuon sa positibo. Pahalagahan ang magagandang alaala ninyo ng kaibigan mo. Ipagdasal na madama mo ang kapayapaan at pag-aliw ng Tagapagligtas. Maghanap ng pag-asa sa pagmamahal, kabutihan, at plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit.
Ang pagdadalamhati ay hindi nangangahulugan na wala kang pananalig. Nagsalita si Pangulong Thomas S. Monson sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa pagpanaw ng kanyang asawa. Sabi niya, “Hindi sapat na sabihing nangungulila ako sa kanya para maipahayag ang tunay kong damdamin.” Pagkatapos ay nagsalita siya tungkol sa mga pagsubok at sinabi: “Alam natin na may mga pagkakataon na daranas tayo ng sama ng loob, dalamhati, at susubukan tayo kung hanggang saan ang ating pananampalataya. Gayunman, ang gayong mga paghihirap ang nagtutulot para tayo’y magpakabuti, ayusin ang ating buhay sa paraang itinuro sa atin ng ating Ama sa Langit” (“Hindi Kita Iiwan ni Pababayaan,” Liahona, Nob. 2013, 85, 87).
Sa anong mga paraan maaaring magbigay ng inspirasyon sa iyo ang pagpanaw ng kaibigan mo para magpakabuti ka pa?
Samahan ng Pananalig ang Dalamhati
Hindi masamang magdalamhati. (Gayunman, maaari itong makasama kung lagi kang malungkot.) Ang pinakamagandang paraan para makayanan ang hirap ng mawalan ng mahal sa buhay ay ang samahan ng pananalig ang dalamhati. Isipin mo ngayon ang kaibigan mo, na nasa daigdig ng mga espiritu, at kung ano kaya ang ginagawa niya. Mahal ka niya at gusto niyang lumigaya ka. Ang pagkatuto tungkol sa daigdig ng mga espiritu ay magdaragdag sa pag-unawa mo sa plano ng kaligtasan at maghahatid ng kapayapaan, pag-asa, at pananampalataya. Huwag kalimutang humingi ng tulong sa Ama sa Langit sa panalangin. Alam ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo ang tunay mong nadarama at tutulungan ka kung taos-puso kang hihiling.
Mary G., edad 14, Virginia, USA
Humanap ng Tulong sa mga Banal na Kasulatan
Isang mabuting kaibigan ko ang namatay kamakailan sa isang kalunus-lunos na aksidente sa sasakyan. Napanatag ako nang lumapit ako kay Cristo. Kinailangan kong magkaroon ng patotoo tungkol sa pagmamahal ni Cristo sa bawat isa sa atin; kinailangan kong maunawaan kung sino tayo bilang mga anak ng Diyos; at higit sa lahat kinailangan kong maunawaan ang plano at kalooban ng Diyos para sa Kanyang mga anak. Nang bumaling ako sa Kanya sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, simbahan, at mga materyal ng Simbahan, natamo ko ang patotoong iyan at napayapa ako at napanatag. Nakatulong nang malaki ang aralin para sa mga kabataan na pinamagatang “Paano ako makadarama ng kapanatagan kapag namatay ang isang taong mahal ko?” Lahat ng banal na kasulatan, artikulo, at video na may kaugnayan sa araling ito ay napakaganda at nagpabago ng buhay ko.
Madilin N., edad 18, Iowa, USA
Maging Masaya para sa Kaibigan Mo
Kapag nawawalan ako ng mahal sa buhay, sinisikap kong alalahanin na may plano ang ating Ama sa Langit para sa kanila at na makikita ko silang muli. Maaari tayong maging masaya para sa kanila dahil hindi na nila mararanasan pa ang mga paghihirap sa buhay na ito. Masakit ang hindi na sila makasama sa buhay, pero maaari nating asaming makasama silang muli.
Ariadna T., edad 19, Mexico City, Mexico
Mahal ng Diyos ang Kaibigan Mo
Kahit mahirap para sa iyo ang magdalamhati, ang plano ng kaligtasan ng ating Ama sa Langit ay makakaaliw sa iyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo na balang-araw ay makikita mong muli ang kaibigan mo. At tandaan na ang buhay dito sa lupa ay napakaikli lang para tayo mapatunayan at masubukan. May inilalaang lugar ang ating Ama sa Langit para sa kaibigan mo. Mahal ng Diyos ang Kanyang mga anak.
Marvin S., edad 16, Metro Manila, Philippines