Laging May Oras para Magdasal
Ang awtor ay naninirahan sa Bavaria, Germany.
Napakahirap mag-aral. Magiging mas madali kaya ang lahat?
“Nagdarasal araw-araw. Sa ‘king Ama sa Langit” (“I Pray In Faith,” Children‘s Songbook, 14).
“Halika na, Fynn. Aalis na tayo!” sabi ni Johan.
Inip na naghihintay ang kuya ni Fynn na si Johan sa pintuan sa harapan. Ayaw niyang mahuli sa pagpasok sa eskuwela.
Sumimangot si Fynn. Ayaw niyang pumasok sa eskuwela. Kalilipat lang ng kanyang pamilya sa isang bagong bahay. Unang taon niya iyon sa eskuwela, at wala pa siyang kaibigan doon. Hinanap-hanap niya ang dati niyang mga kaibigan.
“Natatakot ako!” sabi ni Fynn, habang tumatakbo papunta sa nanay niya. “Bakit ko kailangang pumasok sa eskuwela?”
Niyakap ng nanay niya si Fynn. “OK lang iyan. Magdasal tayo,” sabi nito. “Laging may oras para magdasal.”
Lumuhod sila at hiniling nila sa Ama sa Langit na tulungan si Fynn. Pagkatapos ay pumasok na sa eskuwela si Fynn at ang kuya niya. Medyo naging maayos ang maghapon.
Tuwing umaga pagkaraan niyon, lumuhod si Fynn at nagdasal para humingi ng tulong sa Ama sa Langit.
Unti-unting naging maayos ang lahat. Nagkaroon ng kaibigan si Fynn, at hindi na siya takot. Di-nagtagal, nagustuhan na ni Fynn ang pagpasok sa eskuwela.
Isang araw naglakad si Fynn at ang kuya niya papasok sa eskuwela, at masaya si Fynn. Napansin niya na sumisikat ang araw. Naisip niya ang lahat ng masasayang bagay na natututuhan niya. Walang anu-ano, tumigil siya sa paglalakad.
“May nalimutan ako!” sabi niya kay Johan. Tumakbo si Fynn pabalik sa kanilang bahay.
Nag-alala ang nanay niya nang tumakbo siya papasok.
“Ano’ng nangyari?” tanong nito.
“Nalimutan ko pong magdasal!” sabi ni Fynn. Lumuhod siya. Gusto niyang pasalamatan ang Ama sa Langit sa pagtulong sa kanya.
Pagkatapos niyang magdasal, niyakap niya ang nanay niya. “Laging may oras para magdasal!” sabi niya.
Ngumiti si Fynn. Ngumiti ang nanay niya. At nang tumakbo si Fynn para habulin ang kuya niya, naisip niya na nakangiti rin siguro ang Ama sa Langit.