2015
Patotoo at Pagbabalik-loob
Pebrero 2015


Mensahe ng Unang Panguluhan

Patotoo at Pagbabalik-loob

May pagkakaiba sa pagitan ng pagtanggap ng patotoo ukol sa katotohanan at ng tunay na pagbabalik-loob. Halimbawa, ang dakilang si Apostol Pedro ay nagbigay ng kanyang patotoo sa Tagapagligtas na alam niya na si Jesus ang Anak ng Diyos.

“Sinabi [ni Jesus] sa kanila, Datapuwa’t, ano ang sabi ninyo kung sino ako?

“At sumagot si Simon Pedro at sinabi, Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay.

“At sumagot si Jesus at sa kaniya’y sinabi, Mapalad ka, Simon Bar-Jonas: sapagka’t hindi ipinahayag sa iyo ito ng laman at ng dugo, kundi ng aking Ama na nasa langit” (Mateo 16:15–17).

Gayunman kalaunan, sa Kanyang utos kay Pedro, ang Panginoon ay nagbigay sa kanya at sa atin ng isang gabay upang tunay na magbalik-loob at tumagal ang pagbabalik-loob na iyon sa habambuhay. Ganito ang sabi ni Jesus: “Kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid” (Lucas 22:32).

Itinuro ni Jesus kay Pedro na may malaking pagbabago pa ring kailangang gawin na higit pa sa pagkakaroon ng patotoo hanggang sa magkaroon tayo ng kakayahang mag-isip, makadama, at kumilos bilang tunay na nagbalik-loob na mga disipulo ni Jesucristo. Iyan ang malaking pagbabagong hangad nating lahat. Kapag nakamit natin ito, kailangan nating ipagpatuloy ang pagbabagong iyon hanggang sa wakas ng ating buhay sa mundo (tingnan sa Alma 5:13–14).

Alam natin batay sa sarili nating karanasan at sa pagmamasid sa iba na ang pagkakaroon ng ilang mahahalagang sandali ng espirituwal na kapangyarihan ay hindi sasapat. Itinatwa ni Pedro na kilala niya ang Tagapagligtas kahit pinatotohanan na sa kanya ng Espiritu na si Jesus ang Cristo. Ang Tatlong Saksi sa Aklat ni Mormon ay nabigyan ng tuwirang patotoo na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos, ngunit kalaunan ay nag-atubili silang tangkilikin si Joseph Smith bilang Propeta ng Simbahan ng Panginoon.

illustration of woman in Nephite time praising God

Oh, Banal na Jesus, ni Walter Rane

Kailangan natin ng pagbabago sa ating puso, tulad ng inilarawan sa aklat ni Alma: “At ipinahayag nilang lahat sa mga tao ang gayon ding bagay—na ang kanilang mga puso ay nagbago; na wala na silang pagnanais pang gumawa ng masama” (Alma 19:33; tingnan din sa Mosias 5:2).

Itinuro sa atin ng Panginoon na kapag tunay tayong nagbalik-loob sa Kanyang ebanghelyo, ang ating puso ay hindi na magiging makasarili at tutuon sa paglilingkod upang iangat ang iba habang sumusulong sila tungo sa buhay na walang hanggan. Para magtamo ng gayong uri ng pagbabalik-loob, maaari tayong magdasal at kumilos nang may pananampalataya upang maging bagong nilikha na ginawang posible ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Makapagsisimula tayo sa pagdarasal na magkaroon ng pananampalatayang magsisi sa pagiging makasarili at tumanggap ng kaloob na magmalasakit sa iba nang higit kaysa ating sarili. Maaari nating ipagdasal na magkaroon tayo ng lakas na iwaksi ang kapalaluan at inggit.

Panalangin din ang magiging susi sa pagtanggap ng kaloob na pag-ibig sa salita ng Diyos at sa pag-ibig ni Cristo (tingnan sa Moroni 7:47–48). Ang dalawa ay magkasama. Kapag binasa, pinagnilayan, at ipinagdasal natin ang salita ng Diyos, matututuhan natin itong mahalin. Inilalagak ito ng Panginoon sa ating puso. Kapag nadama natin ang pagmamahal na iyon, lalo’t higit nating mamahalin ang Panginoon. Kasabay na darating ang pag-ibig sa kapwa na kailangan natin upang mapalakas ang mga taong inilalagay ng Diyos sa ating landas.

Halimbawa, maaari nating ipanalangin na matukoy ang mga taong nais paturuan ng Panginoon sa Kanyang mga missionary. Ang mga full-time missionary ay maaaring manalangin nang may pananampalataya na malaman sa pamamagitan ng Espiritu kung ano ang ituturo at patototohanan. Maaari silang manalangin nang may pananampalataya na ipadama sa kanila ng Panginoon ang Kanyang pagmamahal sa lahat ng taong makikilala nila. Hindi madadala ng mga missionary ang lahat ng makikilala nila sa mga tubig ng binyag at sa kaloob na Espiritu Santo. Ngunit maaari nilang makasama ang Espiritu Santo. Sa kanilang paglilingkod at sa tulong ng Espiritu Santo, darating ang oras na magbabago ang puso ng mga missionary.

Ang pagbabagong iyon ay paulit-ulit na magaganap habang patuloy tayo sa habambuhay na pagkilos nang may pananampalataya upang palakasin ang iba sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang pagbabalik-loob ay hindi minsanan lang nangyayari o isang bagay na tatagal sa isang panahon lang ng buhay kundi magiging patuloy na proseso. Maaaring lumiwanag pang lalo ang buhay hanggang sa ganap na araw, na makikita natin ang Tagapagligtas at matutuklasan na tayo ay naging katulad Niya. Inilarawan ng Panginoon ang paglalakbay na ito nang ganito: “Yaong sa Diyos ay liwanag; at siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw” (D at T 50:24).

Ipinapangako ko na posible iyan sa bawat isa sa atin.

Pagtuturo mula sa Mensaheng Ito

Ginamit ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang “talinghaga ng pickle” para ituro na ang pagbabalik-loob ay isang patuloy na proseso sa halip na isang minsanang pangyayari: “Taludtod sa taludtod at tuntunin sa tuntunin, unti-unti at halos hindi halata, magiging tugma ang ating mga hangarin, iniisip, mga salita, at ating mga gawa sa kalooban ng Diyos” (“Kinakailangan Ngang Kayo ay Ipanganak na Muli” Liahona, Mayo 2007, 21). Isiping repasuhin ang talinghaga ng pickle sa inyong mga tinuturuan. Ano ang magagawa ng bawat isa sa atin para patuloy na sumulong sa paunti-unting proseso ng pagbabalik-loob na tinalakay kapwa nina Pangulong Eyring at Elder Bednar?