2015
Nangungulila Kami kay Sofía
Pebrero 2015


Nangungulila Kami kay Sofía

Ang awtor ay naninirahan sa Buenos Aires, Argentina.

Nasa dilim at nahihirapan, ipinagdasal ko ang kaligtasan ng ate ko.

illustration of a train wreck

Paglalarawan ni Brandon Dorman

Noong 2012 nakatapos ako ng seminary at high school, at nabuksan ang isang bagong mundo sa buhay ko. Maganda ang simula ng taon, lalo na sa multistake youth camp. Nadama ko na pinagpapala at pinoprotektahan ako ng aking Ama sa Langit.

Ilang taon bago iyon, nagpasiya akong maglingkod sa full-time mission, kaya noong 2012 nagplano akong ipunin ang lahat ng perang kaya kong ipunin. Salamat sa ate kong si Sofía, agad akong nakakita ng trabaho sa kumpanyang pinagtatrabahuhan niya. Noong Pebrero 22, nagtren kami ni Sofía papasok sa trabaho. Maganda ang araw na iyon, pero pagdating namin sa destinasyon, nakarinig ako ng malakas na ingay, at pagkatapos ay dumilim ang lahat.

Nang magising ako, nasasaktan ako at nalilito. Magwawakas na ba ang buhay ko sa lupa? Gusto ko talagang mabuhay pa at maranasan ang ilang bagay, tulad ng pagmimisyon at pagpapamilya. Kaya nagdasal ako, na hinihiling sa Ama sa Langit na bigyan ako ng pagkakataong mabuhay at maglingkod sa misyon.

Habang nakahiga sa sala-salabid at wasak na tren, hinanap ko ang kapatid ko, pero hindi ko siya makita. Sa wakas ay narinig ko ang mga bumbero na hinihiling sa lahat na huminahon, at nakadama ako ng pag-asa. Ipinagdasal ko ang kaligtasan ng ate ko dahil hindi ko alam kung nasaan siya. Habang nagdarasal ako, nakadama ako ng malaking kapayapaan. Kinailangan kong lumaban para matiis ko ang sakit na nadama ko, pero binigyan ako ng Ama sa Langit ng lakas na kailangan.

Pagkaraan ng isang oras ay nasagip ako. Nadama kong kasama ko ang Panginoon sa oras na iyon. Nang dalhin ako sa ospital para maoperahan sa binti, hindi ko mapigil na isipin ang ate ko at ang kalagayan niya. Ngunit tuwing maiisip ko siya, nakadarama ako ng kapayapaan.

Kinabukasan ipinaalam sa akin ng mga magulang ko na hindi nakaligtas si Sofía sa aksidente. Labis akong nasaktan sa balitang iyon. Ngunit kasabay nito, nakadama ako ng kapanatagan at pasasalamat sa mga sagradong tipan na ginawa ng mga magulang ko sa templo at nabuklod ang aming pamilya hanggang sa kawalang-hanggan.

Nang makauwi ako mula sa ospital, pinagpala ng Panginoon ang aking pamilya sa pamamagitan ng aming mga kaibigan at kamag-anak, na aming mga anghel, at binigyan kami ng kapanatagan. Lagi kong pasasalamatan iyan. Salamat sa kapangyarihan ng priesthood, nakalakad akong muli nang mas mabilis kaysa inaasahan. Nakalakad ako nang normal makalipas lang ang ilang buwan.

Maganda ang ebanghelyo saan man ninyo ito tingnan. Nagpapasalamat ako para sa mga templo at ordenansa sa templo. Alam ko na may sagradong bagay na inihanda ang Panginoon para sa kapatid ko. Hindi madaling mabuhay nang wala siya, at hindi magiging madali iyon kailanman, ngunit ang katiyakan at kapayapaang nadarama namin ay mas matindi kaysa sakit na nadama namin sa kanyang pagpanaw. Nangungulila kami kay Sofía nang buong puso at naaalala namin siya araw-araw. Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang langit kung wala ang inyong pamilya ay hindi talaga magiging langit (tingnan sa Between Heaven and Earth [DVD, 2005]), at pinatototohanan ko na iyan ay totoo.

Mahal tayo ng Diyos, at hindi Niya tayo pinababayaan kailanman. Sabi sa Isaias 54:10, “Ang aking kagandahang-loob ay hindi hihiwalay sa iyo, o ang akin mang tipan ng kapayapaan ay maalis, sabi ng Panginoon na naaawa sa iyo.”