Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya
Nagpapasalamat para sa mga Tipan sa Templo
Ang awtor ay naninirahan sa Arizona, USA.
Paano mapapagaan ng anuman ang aking kalungkutan samantalang naghihingalo ang anak ko sa aking sinapupunan?
Noong 14 na linggo pa lang akong buntis sa pangatlong anak namin, ipinaalam na sa amin ng doktor na malalaglag ang sanggol dahil sa mga kumplikasyon sa kanyang baga. Nakapanlulumo ang balitang iyon: lungkot na lungkot ako, takot na takot, at walang katiyakan ang hinaharap. Nang gabing iyon, nagpunta kaming mag-asawa sa templo na malungkot at lumuluha. Kailangan namin ng mga sagot, patnubay, at lakas, at alam namin na sa katahimikan ng templo ay mapapalapit kami sa Panginoon. Nagulat kami sa kapayapaang nadama namin sa silid-selestiyal. Nalaman ko na kahit hindi dapat manatili sa mundo ang sanggol na ito, magiging maayos ang lahat.
Kalaunan, lumuhod ako at ibinuhos ko ang aking damdamin sa Ama sa Langit. Sinabi ko sa Kanya na nauunawaan ko na ang aming anak ay hindi dapat mabuhay nang matagal pero gusto ko ng ilang partikular na pagpapala, kung maaari. Nangako rin ako na kung hindi ipagkakaloob ang aking mga naisin, hindi mawawala ang aking pananampalataya. Hiniling ko na sana’y makapiling ko nang mas matagal ang batang ito—na mabuhay siya, kahit sandali man lang, hanggang sa mahawakan siya ng aming buong pamilya. Sinabi ng mga doktor na kung himalang umabot sa hustong buwan ang aming sanggol, isisilang siya na nangingitim, ngunit nagdasal ako na lumabas siya na kulay rosas para hindi matakot ang iba pa naming mga anak na hawakan ang kanilang kapatid. Hiniling ko sa Panginoon na ipaalala sa amin ang aming walang-hanggang kahit wala na ang sanggol, na pinangalanan naming Brycen.
Sa paglipas ng mga linggo, nagulat ang mga doktor sa magandang kalagayan ni baby Brycen ngunit nagbabala na tiyak siyang papanaw matapos isilang. Nakadama ako ng di-maipaliwanag na dalamhati, batid na mawawala siya sa amin, pero natuwa rin ako na lumalaki pa siya. Patuloy akong nabigatan sa pagdadala sa aking sinapupunan sa anak kong ito na hindi mabubuhay; nasaktan ako tuwing itatanong ng iba ang kasarian ng aming sanggol o ang takdang petsa ng panganganak ko at kinailangan kong magkunwaring normal ang lahat. Bumili kami ng monitor para mabantayan ang pintig ng kanyang puso araw-araw, na laging sabik na marinig ang natatanging tunog na iyon. Matindi ang aking dalamhati. Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay nagkaroon ng bagong kahulugan sa akin: sa wakas ay naunawaan ko mula sa karanasan na hindi lang nagdusa si Jesucristo para sa aking mga kasalanan kundi nadama rin Niya ang bawat kalungkutan, bawat sakit. Bilang aking Tagapagligtas, talagang tinulungan Niya ako sa aking pasanin para hindi ako kailanman nag-iisa.
Sa ika-37 linggo pumasok na ako sa ospital, batid na nagsimula na ang taning sa buhay ni Brycen. Nakakatakot ito pero maganda rin sa pakiramdam. Sinabi ng mga doktor na maaari siyang mabuhay mula 10 minuto hanggang ilang araw. Sa kabila ng aking takot, nadama ko ang pagtiyak ng Panginoon. Si Brycen Cade Florence ay isinilang noong Enero 27, 2012. Napaiyak ako nang isilang ko siya—kulay rosas, napakaguwapo, napakaperpekto.
Nagpasukan ang mga anak namin sa silid para makita at mahawakan ang kanilang kapatid; nagsama kami ng retratista para makunan ng retrato ang sandaling iyon. Nabuhay lamang si Brycen nang 72 minuto, talagang sapat lang para mahawakan at mayakap siya ng bawat isa sa amin. Noon lamang kami nagkasama-samang lahat bilang pamilya sa daigdig na ito, ngunit iyon lamang ang pinangarap namin. Sabik na sabik ang mga bata sa kanilang kapatid, pinaghahalikan siya, kinantahan siya, at nagmakaawang mahawakan siya. Sapat din ang itinagal ng kanyang buhay para makatanggap ng basbas mula sa kanyang ama, isang bagay na inasam at ipinagdasal ng aking asawa.
Bilang isang pamilya may patotoo kami na “ang plano ng kaligayahan ng Diyos ang nagpapahintulot sa mga ugnayan ng mag-anak na magpatuloy sa kabilang buhay” at ang mga ordenansa at tipan sa templo ay tinutulutan “ang mga mag-anak na magkasama-sama [nang] walang hanggan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129). Para sa amin, pagkakaroon ng walang-hanggang pamilya ang lahat-lahat. Ang pinakamagandang bahagi ng ebanghelyo ay na hinding-hindi tayo mapaghihiwalay ng kamatayan; sama-sama tayong magpapatuloy sa paglalakbay.
Sa pagsubok na ito, nalaman ko na alam ng Diyos ang mga detalye ng ating buhay. Nagmamalasakit siya sa bawat isa sa atin. Bagama’t darating ang mga pagsubok at paghihirap, pagagaanin ng Diyos ang mga ito. Mas nagpapasalamat ako ngayon kaysa rati na nabuklod ako sa templo sa aking asawa at isinilang sa tipan ang aming mga anak. Dahil sa magandang plano ng Diyos para sa ating mga pamilya, kabilang na ang walang-hanggang sakripisyo ng Tagapagligtas, maaari tayong magkasama-samang muli. Madalas kong isipin kung paano ko malalampasan ang mahirap na pagsubok na ito nang hindi nalalaman ang walang-hanggang katotohanang iyon. Labis akong nagpapasalamat sa patotoong natamo ko dahil sa maikling buhay ni Brycen—mas lubos na nabuksan ng Diyos ang aking mga mata at puso sa Kanyang mga pagpapala.