Ang Bahaging para sa Atin
Magkasamang Minamasdan ang Tanawin at ang Aklat ni Mormon
Habang naglilingkod ako bilang missionary sa isang munting bayan sa Wales, nagbabahay-bahay kami ng kompanyon ko sa isang kalye na tumutumbok sa isa sa maraming burol doon. Isang araw ng tag-init iyon. Nang marating namin ang tuktok ng burol, maganda ang tanawin, kaya’t nagpasiya kaming magkompanyon na magpahinga muna sandali at masdan ang tanawin para makabawi ng lakas.
Habang kumukuha ako ng kahel sa backpack ko, nakita ko ang isang babaeng Intsik na paakyat ng burol. Hindi ko alam kung bakit, pero kinawayan ko siya. Masaya rin siyang kumaway at lumapit para umupo sa tabi namin. Nagsimula kaming mag-usap, at ipinaliwanag niya na umakyat siya sa burol para masdan ang tanawin dahil ipinapaalala nito sa kanya ang Diyos at ang pagmamahal Niya sa kanya. Sinabi rin niya na handa na siyang bumalik sa China nang alukin siya ng trabaho sa Wales. Tinanggap niya ito, naniniwala na inilaan ng Diyos ang trabahong ito at hindi niya alam ang dahilan.
Di-nagtagal pagkatapos ng unang pagkikitang ito, sinimulan namin siyang turuan sa tahanan ng isang bagong miyembro at maraming espirituwal na sandali kaming pinagsaluhan. Isa sa mga ito ang pinakaespesyal sa akin. Binigyan namin siya ng isang kopya ng Aklat ni Mormon sa wikang Chinese na may nakasulat na mga patotoo namin sa harapan. Napakalakas ng presensya ng Espiritu kaya napaiyak siya.
Hindi nagtagal, inilipat ako sa ibang lugar. Nakakalungkot na hindi ako puwedeng bumalik sa lugar na iyon para sa binyag niya, pero lagi akong palalakasin ng alaala ng unang pagkikita namin sa tuktok ng burol.
Jurek Bäder, Germany
Magkakasama Magpakailanman
“Mag-anak ay magsasama-sama sa plano ng Ama” (“Mag-Anak ay Magsasamang Walang Hanggan,” Himno, blg. 188). Gustung-gusto ko ang awiting ito sa Primary, na nagtuturo na ang pamilya ay mabubuklod sa kawalang-hanggan. Nagdasal ako na magkatotoo ito sa aking pamilya, lalo na nang pumanaw ang tatay ko.
Kamakailan ay sinagot ng Panginoon ang panalangin ko. Ang nanay ko, dalawang kapatid kong lalaki, at ako ay nakabiyahe papuntang Manila Philippines Temple para mabuklod kami sa isa’t isa at sa aking ama. Ito ang unang pagkakataon naming magkasama-sama sa templo, at naaalala ko pa ang kaligayahang nakita ko sa mga mata ng nanay at mga kapatid ko. Malaking kagalakan ang nadama namin doon.
Alam ko na ang templo ay bahay ng Panginoon at may wastong awtoridad ang mga nasa loob ng templo na magsagawa ng mga sagradong ordenansa. Lubos akong nagpapasalamat na sa pamamagitan ng mga ordenansang ito, makakasamang muli ng pamilya ko ang tatay ko. Mula nang makapunta kami sa templo, sinisikap naming mas mapatatag ang aming pamilya at magawa ang lahat ng makakaya namin upang matupad ang aming mga tipan para magkasama-sama kami magpakailanman.
Crisanto Coloma, Philippines