Ang Simula ng Isang Bagong Buhay
Noong tag-init ng 2011, ang pamilya Wundram ay handa nang lumipat sa Estados Unidos mula sa Guatemala para maipagpatuloy ni Carlos Wundram, isang doktor, ang kanyang post-graduate studies.
“Nang handa na kaming umalis,” paggunita niya, “may pumigil sa akin.” Nadama rin iyon ng kanyang asawang si Adriana, kaya magkasama silang nagdasal at tumanggap ng patibay sa kanilang puso na hindi sila dapat umalis.
Kinansela nila ang kanilang mga plano—na iniisip kung ano ang plano ng Diyos para sa kanila. Apat na buwan pagkaraan nalaman nila ang dahilan.
Si Carlos ay miyembro ng Simbahan mula pa noong siya ay 14 na taong gulang pero tumigil sa pagsisimba nang mag-aral na siya sa unibersidad sa edad na 21.
Si Adriana, kahit hindi miyembro, ay matagal nang gustong makasal sa isang Banal sa mga Huling Araw. Isang mabuting kaibigan niya, na miyembro ng Simbahan, ang ikinasal sa isang returned missionary na magiliw, mapagmahal, at maasikaso. Gusto ni Adriana ang gayong klaseng asawa.
Nang magsimula silang magdeyt, hindi pinag-usapan nina Adriana at Carlos ang kanyang relihiyon, ngunit kinakitaan siya ng marami sa mga katangian ng asawa ng kaibigan ni Adriana. Hindi niya ipinakitang nakalalamang siya kay Adriana. Nang makasal sila at magkaroon ng mga anak, natuwa si Adriana na pinaliguan ni Carlos ang mga sanggol at pinalitan ng lampin!
Nang maglakihan na ang kanilang tatlong anak, “naisip namin na dapat kaming mas mapalapit sa Diyos,” sabi ni Carlos. Hindi nila nakita ang hinahanap nila sa simbahang Kristiyanong panandalian nilang dinaluhan, ngunit patuloy nilang nadama na kailangan nilang mapalapit sa Diyos.
Matapos kanselahin ang kanilang mga plano na lumipat sa Estados Unidos, nagpasiya ang mga Wundram na gumawa ng ilang pagbabago sa bahay nila, kabilang na ang pagbili ng mga bagong bintana. Agad nilang nakagaanan ng loob ang lalaking nagkabit ng mga bintana na si José Mena. Isang araw nagawi ang usapan nila sa relihiyon. Sinabi nito na miyembro siya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at sinabi ni Carlos na miyembro din siya pero matagal-tagal nang hindi nagsisimba.
Nang bumalik si Brother Mena para ikabit ang mga bintana, nagdala siya ng Aklat ni Mormon at ng isang kopya ng Liahona para sa bawat miyembro ng pamilya. Nang mabasa ang magasin, nagsimulang madama ni Carlos ang espirituwal na damdaming pamilyar sa kanya. Pagkatapos ay inanyayahan sila ni Brother Mena na pumunta sa Quetzaltenango Guatemala Temple open house.
Pagpasok nila sa templo, nagtanong ang mga batang Wundram, “Itay, ano po ang magagawa natin para maging miyembro ng Simbahang ito?” Nang papaalis na sila, nagpaiwan ang bunsong anak nilang si Rodrigo, edad 10, at, sa tulong ng kanyang ina, pinunan niya ang isang kard na humihiling na bisitahin sila ng mga missionary.
Pinuntahan ng mga missionary ang pamilya. “Ayaw kong piliting magpabinyag ang pamilya ko,” sabi ni Carlos. “Pero talagang nadama nila ang Espiritu sa kanilang sarili.”
Si Adriana at ang mga bata ay nabinyagan noong Disyembre 2011, ilang araw bago inilaan ang Quetzaltenango Temple. “Ang malaking pagpapalang ibinigay ng Diyos sa akin ay na ako ang nagbinyag sa kanila,” sabi ni Carlos. Mahigit isang taon kalaunan, ibinuklod ang pamilya sa templo, isang napakasayang okasyon para sa kanilang lahat.
Ang Pagkakataong Mabuklod
Si Ana Victoria Hernández, na hindi miyembro ng Simbahan, ay ikinasal kay Belbin Calderón, na isang miyembro ng Simbahan pero hindi nakakasimba dahil may trabaho siya tuwing Linggo. Sinabi ni Belbin na isang matinding damdamin ang nagpabalik sa kanya. Paggunita niya, “Nagbitiw ako sa trabaho ko dahil gusto kong bumalik sa simbahan.” Matapos maging aktibong muli, napansin ng kanyang asawa na naging mas mapagkumbaba siya, at nagkaroon ng higit na pagkakaisa sa kanilang tahanan.
Inasam ni Belbin na maging interesado ang kanyang asawa sa ebanghelyo, pero hindi niya tinangkang pilitin ito. Isang araw ng Linggo habang nagpupunas ng istante ng mga aklat, nakita ni Ana Victoria ang isa sa mga aklat ni Belbin tungkol sa kasaysayan ng Simbahan. Sa kagustuhang mag-usisa, sinimulan niyang basahin ito. Ang mga kuwento ng mga sakripisyo ng mga pioneer ay labis na umantig sa kanya.
Pagkaraan ng ilang linggo, dumating ang Liahona ng Oktubre 2011, isang espesyal na isyu tungkol sa Aklat ni Mormon. Dahil gusto pa ring mag-usisa, sinimulang basahin ni Ana Victoria ang Aklat ni Mormon. Hindi nagtagal natanto niya na hindi lamang isang kasaysayan ang nilalaman nito kundi pati na ang mga salita ng mga propeta. Sinimulan niyang dumalo sa sacrament meeting kasama ang kanyang asawa’t mga anak.
Pagkatapos ay pumunta sila ng kanyang pamilya sa Quetzaltenango Temple open house. Naantig si Ana Victoria nang malaman niya na maaaring mabuklod ang kanyang pamilya para sa kawalang-hanggan. “Malaki ang naging epekto niyon sa akin. Nadama ko na kailangan akong mabuklod sa kanila,” paggunita niya. Nagsimula siyang magpaturo sa mga missionary at nabinyagan noong Disyembre 7, 2011. Dumalo siya sa paglalaan ng templo makalipas ang apat na araw.
Sina Brother at Sister Calderón ay nabuklod sa templo kasama ang kanilang mga anak noong Disyembre 2012. Sinabi ni Ana Victoria na hindi niya maipaliwanag ang kanyang kaligayahan “dahil alam kong maaari kong makasama ang aking pamilya magpakailanman.” Tinawag ni Belbin ang kanilang pagbubuklod na “ang pinakamalaking pagpapalang maiisip ko.”
Naantig ng Templo ang Kanyang Espiritu
Ang pagtatayo ng templo sa Quetzaltenango, Guatemala, ay isang pangarap na natupad para kay Mónica Elena Fuentes Álvarez de Méndez. Siya ay anak ng isang pioneer sa Simbahan na nagkintal sa kanya ng pagmamahal sa ebanghelyo at sa lahat ng pagpapala nito. Ang kanyang inang si Magda Ester Álvarez ay nabinyagan noong 1953, anim na taon matapos dumating ang unang mga missionary na Banal sa mga Huling Araw sa Guatemala.
Si Mónica ay lumaki sa Simbahan at kalaunan ay ikinasal sa butihing lalaking si Enio Méndez, na hindi miyembro. Sinuportahan niya ang kanyang asawa at anak na babae sa mga aktibidad ng Simbahan at hinangaan ang mga miyembro nito, ngunit hindi siya interesadong magpabinyag. Magkagayunman, naalala ni Mónica ang sinabi ng kanyang ina na balang-araw ay magiging miyembro ang kanyang asawa. “Patuloy akong nanalig,” sabi niya, kahit wala siyang ideya kung ano ang magtutulak ditong magpabinyag.
Natamasa ng kanyang ina ang mga pagpapala ng regular na pagpunta sa templo sa Guatemala City at napuspos ito ng kagalakan noong 2006 nang ibalita ang pagtatayo ng templo sa Quetzaltenango. Ngunit nagkasakit nang malubha si Magda Álvarez at pumanaw noong 2008, bago naitayo ang templo sa Quetzaltenango.
Si Mónica at ang kanyang anak na si Mónica Esther Méndez Fuentes ay magkasamang naglingkod bilang gabay sa mga dumalo sa open house ng Quetzaltenango Temple. Sumama sa kanila si Enio sa pagpunta sa open house, at hindi nila alam na dalawang beses pa itong bumalik doon.
Nang sabay-sabay nilang lisanin ang templo sa huling araw ng open house, inisip ni Mónica at ng kanyang anak kung magkakatotoo ang sinabi ni Magda Álvarez tungkol kay Enio.
Noon pa man ay naniniwala na si Enio na ayos lang sa kanya na miyembro siya ng kanyang simbahan at ang kanyang asawa’t anak naman ay miyembro ng kanilang simbahan basta’t respetuhin lang nila ang mga paniniwala ng isa’t isa. Ngunit ang kanyang mga karanasan sa temple open house ay nagpaisip sa kanya nang husto. “Nagsimula akong mag-ayuno, na hindi bumabanggit ng anuman sa kanila, at manalangin,” paggunita niya. Nagpunta siya sa kabundukan, kung saan siya nagpupunta para magnilay-nilay. “Nagtanong ako sa Panginoon, ‘Ano po ang dapat kong gawin?’” Sa katunayan, alam na niya kung ano ang tama, ngunit kailangang malutas niya ang mga pag-aalinlangan.
Nabinyagan si Enio noong Abril 2012—isang lubhang nakaaantig na okasyon para sa kanyang asawa’t anak.
Ang pamilya Méndez ay ibinuklod sa Quetzaltenango Temple noong Oktubre 2013. Ipinahayag ni Sister Méndez ang kanilang kagalakan sa natupad na walang-hanggang mithiin at ang pag-asam nilang maging tapat hanggang magwakas ang kanilang buhay.