2014
Paggawa ng Gawaing Misyonero, Family History, at Gawain sa Templo
Oktubre 2014


Paggawa ng Gawaing Misyonero, Family History, at Gawain sa Templo

Mula sa isang mensaheng ibinigay sa seminar para sa mga bagong mission president noong Hunyo 25, 2013.

Two photos, one of a young man using a laptop computer, the other of a and a missionary teaching a man

Sa isang espirituwal na pagpupulong na idinaos sa Kirtland Temple noong Abril 6, 1837, sinabi ni Propetang Joseph Smith, “Matapos masabi ang lahat, ang pinakadakila at pinakamahalagang tungkulin ay ipangaral ang Ebanghelyo.”1

Halos pitong taon kalaunan, noong Abril 7, 1844, ipinahayag niya: “Ang pinakamalaking responsibilidad sa mundong ito na iniatang sa atin ng Diyos ay ang saliksikin at kilalanin ang ating mga patay. Sabi ng apostol, ‘Sila’y huwag maging sakdal ng bukod sa atin’ [tingnan sa Sa Mga Hebreo 11:40]; sapagkat mahalagang mapasaating kamay ang kapangyarihang magbuklod na magbubuklod sa ating mga anak at sa ating mga patay sa kaganapan ng dispensasyon ng panahon—isang dispensasyon upang matugunan ang mga pangakong ginawa ni Jesucristo bago pa ang pagkakatatag ng mundo para sa kaligtasan ng tao.”2

Maaaring isipin ng ilang tao kung paanong ang pangangaral ng ebanghelyo at pagsasaliksik tungkol sa ating pumanaw na mga ninuno ay magkakaugnay na pinakadakilang tungkulin at responsibilidad na ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga anak. Layon kong tukuyin na tampok sa mga turong ito ang pagkakaisa at pagiging isa ng gawain ng kaligtasan sa mga huling araw. Ang gawaing misyonero at gawain sa family history at sa templo ay magkakaugnay na mga aspeto ng isang dakilang gawain, na “[sa dispensasyon ng] kaganapan ng mga panahon [ay titipunin niya] ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nangasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa; [maging] sa kaniya” (Mga Taga Efeso 1:10).

Dalangin ko na tayo ay tulungan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo habang magkakasama nating iniisip na mabuti ang kagila-gilalas na gawain ng kaligtasan sa mga huling araw.

Mga Puso at mga Ordenansa ng Priesthood

Ang pangangaral ng ebanghelyo at pagsasaliksik tungkol sa pumanaw nating mga ninuno ay dalawang responsibilidad na itinalaga ng Diyos na may kaugnayan kapwa sa ating mga puso at sa mga ordenansa ng priesthood. Ang diwa ng gawain ng Panginoon ay nagpapabago, nagpapabaling, at nagpapadalisay ng mga puso sa pamamagitan ng mga tipan at ordenansang isinasagawa ng wastong awtoridad ng priesthood.

Ang salitang puso ay ginamit nang mahigit 1,000 beses sa mga banal na kasulatan at sumasagisag sa niloloob ng isang tao. Sa gayon, sa ating mga puso—na kabuuan ng ating mga hangarin, pagmamahal, layunin, motibo, at pag-uugali—makikita kung sino tayo at ano ang ating kahihinatnan.

Ang layunin ng Panginoon para sa gawaing misyonero ay anyayahan ang lahat na lumapit kay Cristo, tanggapin ang mga pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo, at magtiis hanggang wakas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo.3 Hindi tayo nagbabahagi ng ebanghelyo para lamang maragdagan ang bilang ng mga miyembro at lakas ng Simbahan sa mga huling araw. Sa halip, hangad nating gampanan ang responsibilidad na itinalaga ng Diyos para ipahayag ang katotohanan ng plano ng kaligayahan ng Ama, ang kabanalan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo, at ang bisa ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas. Ang pag-anyaya sa lahat na “lumapit kay Cristo” (tingnan sa Moroni 10:30–33), pagdanas ng “malaking pagbabago” ng puso (tingnan sa Alma 5:12–14), at pagbabahagi ng mga ordenansa ng kaligtasan sa mga tao sa buhay na ito na hindi pa nakipagtipan ang mga pangunahing layunin ng pangangaral ng ebanghelyo.

Ang pagsasakatuparan ng kadakilaan ng mga buhay at patay ang layunin ng Panginoon sa pagtatayo ng mga templo at pagsasagawa ng nakapagliligtas na mga ordenansa. Hindi tayo sumasamba sa mga banal na templo para magkaroon lamang tayo o ang ating pamilya ng di-malilimutang karanasan. Sa halip, hangad nating gampanan ang responsibilidad na itinalaga ng Diyos na ibahagi ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan sa buong sangkatauhan. Ang pagtatanim sa puso ng mga anak ng mga pangakong ginawa sa mga ama, maging kina Abraham, Isaac, at Jacob; pagbaling ng mga puso ng mga anak sa kanilang sariling ama; at pagsasaliksik ng family history at pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo ay mga gawaing nagpapala sa mga tao sa daigdig ng mga espiritu na hindi pa nakipagtipan.

Cordoba, Argentina Temple rendering.

Ang mga ordenansa ng priesthood ang landas tungo sa kapangyarihan ng kabanalan:

“At ang nakatataas na pagkasaserdoteng ito ang nangangasiwa ng ebanghelyo at humahawak ng susi ng mga hiwaga ng kaharian, maging ang susi ng kaalaman tungkol sa Diyos.

“Samakatwid, sa mga ordenansa nito, ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita.

“At kung wala ang mga ordenansa nito, at ang kapangyarihan ng pagkasaserdote, ang kapangyarihan ng kabanalan ay hindi makikita ng mga tao sa laman” (D at T 84:19–21).

Isipin ninyo ang malaking kahalagahan ng mga talatang ito. Ang isang tao ay kailangan munang magpabinyag at tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo—at pagkatapos ay patuloy na sumulong sa landas ng mga tipan at ordenansa patungo sa Tagapagligtas at sa mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala (2 Nephi 31). Ang mga ordenansa ng priesthood ay kailangan para lubos na “[makalapit] kay Cristo, at maging ganap sa kanya” (tingnan sa Moroni 10:30–33). Kung wala ang mga ordenansa, hindi matatanggap ng isang tao ang lahat ng pagpapalang ginawang posible sa pamamagitan ng walang-katapusan at walang-hanggang pagbabayad-sala ng Panginoon (tingnan sa Alma 34:10–14)—maging ang kapangyarihan ng kabanalan.

Ang gawain ng Panginoon ay kagila-gilalas na gawain na nakatuon sa mga puso, tipan at ordenansa ng priesthood.

Mga Implikasyon

Ang banal na doktrinang ito ay nagpapahiwatig ng dalawang mahalagang implikasyon sa ating gawain sa Simbahan.

Una, maaaring madalas ay labis nating binibigyang-diin ang magkakahiwalay na kategorya ng gawain ng kaligtasan at ang kaugnay na mga tuntunin at pamamaraan. Nangangamba ako na marami sa atin ang labis-labis na nakatuon sa partikular na mga aspeto ng gawain ng Panginoon kaya hindi natin natatamo ang lubos na kapangyarihan ng malawak na gawaing ito ng kaligtasan.

Habang hangad ng Panginoon na tipunin ang lahat ng bagay kay Cristo, maaaring madalas tayong nagbabaha-bahagi at nagpapakahusay sa mga paraang naglilimita sa ating pang-unawa at pananaw. Kapag sumobra ito, nauuna ang pangangasiwa sa mga programa at pagpapataas ng estadistika kaysa pag-anyaya sa mga tao na makipagtipan at marapat na tumanggap ng mga ordenansa. Ang gayong pamamaraan ay nakahahadlang sa pagpapadalisay, sa kagalakan, sa patuloy na pagbabalik-loob, at sa espirituwal na kapangyarihan at proteksyon na nagmumula sa “paghahandog ng [ating] mga puso sa Diyos” (Helaman 3:35). Ang pagganap at masunuring pagsasakatuparan ng lahat ng bagay sa mahaba nating listahan ng “mga gagawin” para sa ebanghelyo ay hindi katiyakan na matatanggap natin ang Kanyang larawan sa ating mukha o magkakaroon tayo ng malaking pagbabago ng puso (tingnan sa Alma 5:14).

Ikalawa, ang diwa ni Elijah ay sentro at mahalaga sa gawain ng pangangaral ng ebanghelyo. Marahil ay binibigyang-diin ng Panginoon ang katotohanang ito sa mismong pagkakasunud-sunod ng mga pangyayaring naganap nang ipanumbalik ang kabuuan ng ebanghelyo sa lupa sa mga huling araw na ito.

Sa Sagradong Kakahuyan, nakita at nakausap ni Joseph Smith ang Amang Walang Hanggan at si Jesucristo. Pinasimulan ng pangitaing ito ang “[dispensasyon ng] kaganapan ng panahon” (Mga Taga Efeso 1:10) at nalaman ni Joseph ang likas na katangian ng Panguluhang Diyos at ang tungkol sa patuloy na paghahayag.

Pagkaraan ng mga tatlong taon, bilang sagot sa taimtim na panalangin noong gabi ng Setyembre 21, 1823, napuno ng liwanag ang silid ni Joseph hanggang sa ito ay magliwanag nang “higit pa kaysa katanghaliang tapat” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:30). Isang katauhan ang lumitaw sa tabi ng kanyang higaan, tinawag ang bata sa kanyang pangalan, at nagsabing “siya’y isang sugo na nagbuhat sa kinaroroonan ng Diyos … na ang kanyang pangalan ay Moroni” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:33). Tinagubilinan niya si Joseph tungkol sa paglabas ng Aklat ni Mormon. At pagkatapos ay bumanggit si Moroni mula sa aklat ni Malakias sa Lumang Tipan, na may kaunting pagkakaiba sa wikang ginamit sa King James Version:

“Masdan, ihahayag ko sa inyo ang Pagkasaserdote, sa pamamagitan ng kamay ni Elijah, ang propeta, bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon. … At kanyang itatanim sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama, at ang mga puso ng mga anak ay babaling sa kanilang mga ama. Kung hindi magkagayon, ang buong mundo ay lubos na mawawasak sa kanyang pagparito” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:38–39).

Sa huli ang mga tagubilin ni Moroni sa batang propeta ay may dalawang pangunahing tema: (1) ang Aklat ni Mormon at (2) ang mga salita ni Malakias na nagbabadya ng gagampanan ni Elijah sa Panunumbalik “ng lahat ng mga bagay, na sinalita ng Dios sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta buhat pa nang una” (Ang Mga Gawa 3:21). Kaya nga ang mga panimulang pangyayari sa Panunumbalik ay naghayag ng tamang kaalaman tungkol sa Panguluhang Diyos, nagpatunay na totoo ang patuloy na paghahayag, nagbigay-diin sa kahalagahan ng Aklat ni Mormon, at inasam ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan para sa mga buhay at patay.

Mangyaring isipin ngayon ang papel ng Aklat ni Mormon sa pagbabago ng mga puso—at ng diwa ni Elijah sa pagbaling ng mga puso.

Ang Aklat ni Mormon na sinamahan ng Espiritu ng Panginoon “ang tanging pinakadakilang kasangkapang ibinigay ng Diyos sa atin para mapabalik-loob ang mundo.”4 Ang aklat na ito ng mga banal na kasulatan na ipinakilala sa Panunumbalik ng ebanghelyo ang saligang bato ng ating relihiyon at mahalaga sa pagdadala ng mga kaluluwa sa Tagapagligtas. Ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan ni Jesucristo—isang mahalaga at matibay na saksi sa kabanalan ng Manunubos sa isang mundong lalo pang nagiging makamundo at mapangutya. Ang mga puso ay nagbabago kapag binabasa at pinag-aaralan ng mga tao ang Aklat ni Mormon at nananalangin nang may tunay na layunin na malaman ang katotohanan ng aklat.

Ang diwa ni Elijah ay “manipestasyon ng Espiritu Santo na nagpapatotoo sa banal na katangian ng pamilya.”5 Ang kakaibang impluwensyang ito ng Espiritu Santo ay nagtataglay ng malakas na patotoo sa plano ng kaligayahan ng Ama at naghihikayat sa mga tao na saliksikin at mahalin ang kanilang mga ninuno at miyembro ng pamilya—noon at ngayon. Ang diwa ni Elijah ay may epekto sa mga tao sa loob at labas ng Simbahan at ito ang nagpapabaling ng mga puso sa mga ama.

NaN:NaN

Dumating na ang panahon para samantalahing mabuti ang pagkakaroon ng malaking pagbabago ng puso, na nangyari dahil sa espirituwal na kapangyarihan ng Aklat ni Mormon, at ng pagbaling ng mga puso sa mga ama, na naisakatuparan sa pamamagitan ng diwa ni Elijah. Ang matinding hangaring magkaroon ng kaugnayan sa ating nakaraan ay maghahanda sa isang tao na matanggap ang bisa ng salita ng Diyos at mapatatag ang kanyang pananampalataya. Ang pusong bumabaling sa mga ama ay nakatutulong sa tao na madaig ang impluwensya ng kaaway at nagpapatibay ng pananalig.

Panoorin ang pangalawang video upang matunghayan ang isang kuwentong nagpapamalas ng alituntuning ito.

0:51

Mga Alituntunin

Ngayo’y nais kong tukuyin ang apat na alituntunin tungkol sa espirituwal na kapangyarihang bunga ng pagbabago at pagbaling ng mga puso.

  1. Mga puso at pagbabalik-loob. Ang pagbaling sa mga ama ay nagpapasigla at naghahanda sa puso para sa malaking pagbabago. Sa gayon, ang diwa ni Elijah ay tumutulong sa pagbabalik-loob.

    Panoorin ang pangatlong video upang matunghayan ang isang kuwentong nagpapamalas ng alituntuning ito.

    4:33
  2. Mga puso at pagpapanatiling aktibo. Ang pagbaling sa mga ama ay sumusuporta at nagpapalakas sa mga pusong nakaranas ng malaking pagbabago. Sa gayon, ang diwa ni Elijah ay tumutulong na mapanatili ang mga bagong binyag.

    Panoorin ang pang-apat na video upang matunghayan ang isang kuwentong nagpapamalas ng alituntuning ito.

    1:58
  3. Mga puso at pagpapaaktibo. Ang pagbaling sa mga ama ay nagpapalambot sa pusong tumigas matapos dumanas ng malaking pagbabago. Sa gayon, diwa ni Elijah ang susi sa muling pagpapaaktibo.

    Panoorin ang panlimang video upang matunghayan ang isang kuwentong nagpapamalas ng alituntuning ito.

    3:59
  4. Mga puso at magigiting na missionary. Ang isang missionary na nakaranas kapwa ng malaking pagbabago at ng pagbaling ng puso ay lalo pang mananalig, mas magiging banal, at magiting na lingkod.

    Panoorin ang pang-anim na video upang matunghayan ang isang kuwentong nagpapamalas ng alituntuning ito.

    3:14

Sa mabilis na pagdami at mas handang bilang ng mga missionary, talagang hindi maaaring umasa lamang tayo sa tagumpay ng proselyting noon para sa gagawin nating pangangaral at mga paraan sa hinaharap. Nabigyang-inspirasyon ng Panginoon ang tao na gumawa ng mga teknolohiya at kasangkapan na dahilan upang makinabang tayo sa pagkakaugnay-ugnay ng gawaing misyonero at gawain sa templo at family history nang higit kaysa alinmang nakaraang panahon sa dispensasyong ito. At hindi lamang nagkataon na nangyari ang mga pagbabagong ito sa mismong panahon na kailangang-kailangan ang mga ito para isulong ang gawaing misyonero sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang gawain ng Panginoon ay kagila-gilalas na gawaing nakatuon sa mga pusong nagbabago at bumabaling sa mga sagradong tipan, at sa kapangyarihan ng kabanalang makikita sa mga ordenansa ng priesthood.

Buod at Patotoo

Sinabi ng Panginoon, “May kakayahan akong gawin ang aking sariling gawain” (2 Nephi 27:21), at “Aking mamadaliin ang aking gawain sa panahon nito” (D at T 88:73). Tayo ay mga saksi sa pagpapabilis Niya ng Kanyang gawain.

Namumuhay at naglilingkod tayo sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon. Ang pagkilala sa walang-hanggang kahalagahan ng katangi-tanging dispensasyon kung kailan tayo nabubuhay ay dapat makaimpluwensya sa lahat ng ating ginagawa at sinisikap na kahinatnan. Ang gawain ng kaligtasan na isasakatuparan sa mga huling araw na ito ay maringal, malawak, mahalaga, at agaran. Dapat ay lubos na magpasalamat ang bawat isa sa atin para sa mga pagpapala at responsibilidad na mabuhay sa partikular na panahong ito ng huling dispensasyon. Dapat tayong lubos na magpakumbaba dahil nalaman natin na “sa kanya na siyang binigyan ng marami ay marami ang hihingin” (D at T 82:3).

Ang pangangaral ng ebanghelyo at pagsasaliksik tungkol sa pumanaw nating mga ninuno ay magkakaugnay na mga bahagi ng isang dakilang gawain—isang gawain ng pagmamahal na nilayong baguhin, ibaling, at padalisayin ang puso ng matatapat na naghahanap ng katotohanan. Ang artipisyal na hangganan na napakadalas nating ipagitan sa gawaing misyonero at sa gawain sa templo at family history ay naalis na; ito ay dakilang gawain ng kaligtasan.6

Maaari ba nating simulang unawain ang papel na ginagampanan ng gawain sa templo at family history sa pagtulong sa investigator o di-gaanong aktibong miyembro na magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa plano ng kaligtasan? Nauunawaan ba natin na ang diwa ni Elijah ay isa sa pinakamalalaking impluwensya sa pagpapanatiling aktibo ng mga miyembro? Maaari bang mas lubos nating pahalagahan ang mga sandaling nagpapabaling ng puso dahil sa pagbabahagi ng mga kuwento tungkol sa pamilya bilang paraan ng paghahanap ng mga taong tuturuan kapwa ng mga miyembro at ng mga missionary? Maaari ba nating tulungan ang ating mga pinaglilingkuran na magamit nang mas madalas ang kapangyarihan ng kabanalan sa pamamagitan ng karapat-dapat na pakikibahagi sa mga ordenansa tulad ng sacrament at mga binyag at kumpirmasyon para sa mga patay?

Nawa’y inyong makita nang malinaw, marinig nang maliwanag, at matandaan palagi ang kahalagahan ng inyong paglilingkod sa gawain ng Panginoon na baguhin, ibaling, at padalisayin ang mga puso.

Mga Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 386.

  2. Mga Turo: Joseph Smith, 557–58.

  3. Tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 1.

  4. Ezra Taft Benson, “A New Witness for Christ,” Ensign, Nob. 1984, 7.

  5. Russell M. Nelson, “A New Harvest Time,” Ensign, Mayo 1998, 34.

  6. Tingnan sa Spencer W. Kimball, “The Things of Eternity—Stand We in Jeopardy?” Ensign, Ene. 1977, 3.