2014
Pagbabalik-loob at Pagbabago sa Chile
Oktubre 2014


Mga Pioneer sa Bawat Lupain

Pagbabalik-loob at Pagbabago sa Chile

Ang mga unang pagbibinyag ay nangyari noong 1956. Ngayon ang Simbahan ay mayroon nang 1 templo, 9 na mission, 74 na stake, at halos 600,000 miyembro sa Chile.

Día de Templo.  A woman and a young girl playing on a wall outside the Santiago Chile Temple.

Sa 58 taon ng kanilang kasaysayan, naipakita ng mga miyembro ng Simbahan sa Chile ang kakayahan nilang magbago ng landas, iayon ang kanilang buhay sa tagubilin ng mga propeta. Ang diwang ito ay nakatulong sa pambihirang paglago ng Simbahan doon sa nakalipas na kalahating siglo. Ngayon, ang Chile ay may halos 600,000 miyembro, kaya’t 1 sa bawat 30 Chilean ay miyembro ng Simbahan.1

Bumisita ang Isang Apostol sa Chile

Noong 1851, dumating si Elder Parley P. Pratt (1807–1857) ng Korum ng Labindalawang Apostol sa Valparaíso para itatag doon ang Simbahan. Gayunman, siya at ang kanyang mga kasama ay hindi marunong magsalita ng Espanyol, kakaunti ang pera nila, at walang kalayaan sa relihiyon ang bansa, kaya hindi nila naitatag ang Simbahan.

Iminungkahi ni Elder Pratt kay Pangulong Brigham Young (1801–77): “Ang Aklat ni Mormon at ilang karaniwang lathalain ay dapat isalin sa Espanyol at ilimbag, at pagkatapos ay ipangaral ang ebanghelyo sa mga bansang ito habang ang buhay na Priesthood ay may kasamang isa pang bagay na mababasa nila—maging yaong mga kasulatan na may mga pangako ng Diyos, mga panalangin at pananampalataya ng mga tao noong araw, at kapangyarihan at Espiritu ng Diyos na matutulungan silang ipanumbalik ang sambahayan ni Israel.”2

Ang Simbahan ay Naitatag

Sa kabila ng naunang pagtatangka ni Elder Pratt, mahigit 100 taon pa ang lumipas bago tuluyang naitatag ang Simbahan sa Chile. Noong 1956, sina Elder Joseph Bentley at Verle Allred ay ipinadala mula sa Argentina Mission para ipangaral ang ebanghelyo sa Chile, na ngayon ay nagtatamasa ng higit na kalayaan sa relihiyon. Sa Santiago, ang mga missionary na ito ay sinuportahan ng pamilya Fotheringham, mga miyembrong lumipat mula sa Panama at matagal nang inaasam ang pagdating ng mga missionary.

photo of first baptism in Chile in 1956 First missionaries in Chile, Joseph C. Bentley and Verle M. Allred.

Ang mga unang pagbibinyag ay isinagawa sa Chile noong Nobyembre 25, 1956, sa pool ng isang country club sa Santiago. Paggunita ni Elder Allred, “Nagpunta kami noon sa country club bago sumikat ang araw at nagkaroon ng serbisyo sa binyag na may panalangin at maiikling mensahe. Lumusong kami ni Brother Garcia sa tubig; siya ang una kong bininyagan, at pagkatapos ay sumunod ang walong iba pa. Napaka-espesyal na okasyon nito. Hindi namin malilimutan ang nadama naming lahat. … Ang mga miyembrong ito ang magiging mga pioneer ng Simbahan sa Chile at naniniwala ako na bawat isa sa kanila ay nanatiling tapat hanggang kamatayan: ang mga García, ang mga Saldaño, at si Sister Lanzarotti.”3

Pagtawag ng mga Lider

Noong Pebrero 1959, bumisita sa Chile si Spencer W. Kimball (1895–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol at binigyang-diin na kailangang magkaroon ng mga lokal na lider. Isa sa mga unang lokal na lider si Carlos Cifuentes, na counselor sa mission president na si Robert Burton. Ikinuwento ni Elder Julio Jaramillo, na kalaunan ay naging Area Seventy at temple president, ang karanasang ito: “Ang una kong impresyon kay Brother Cifuentes ay nang maanyayahan ako sa isang priesthood meeting matapos akong mabinyagan. Nang magsimula ang pulong, umakyat siya sa pulpito at ang tanging nakita ko ay ang marurumi at maiitim na kuko niya sa kamay. Naisip ko, ‘Paano nakakapangasiwa ang lalaking ito sa isang pulong na kasama ang mission president kung marumi ang mga kamay niya?’ Hindi ko na naisip iyon nang magsimula siyang magsalita at nalimutan ko ang lahat ng iba pa nang madama ko ang lakas ng kanyang espiritu. Sa mga simpleng salita nakapagbigay siya ng malalalim na konsepto sa amin. Isa siyang mekaniko ng malalaking makinarya at tuwing Sabado ay gabi na siyang natatapos sa trabaho, saka siya naghuhugas ng mga kamay, pero dahil kakaunti ang gamit niya sa talyer hindi niya matanggal ang lahat ng grasa. Nang sandaling iyon ay natutuhan kong huwag husgahan ang mga tao sa kanilang anyo sa halip ay pahalagahan sila ayon sa tunay nilang pagkatao.”4

Pagpapalakas sa Bagong Henerasyon

Noong 1960s at 1970s, ang Simbahan sa Chile ay napalakas hindi lamang ng mahuhusay na lokal na lider kundi maging ng bagong programa sa konstruksyon at edukasyon. Kabilang dito ang pagtatayo ng mga chapel kasabay ng pagtatatag ng mga paaralan, seminary, at institute ng Simbahan.

Noong Marso 1964, ang unang dalawang primary school na pinatatakbo ng Simbahan ay itinayo sa Chile. Kalaunan ilang paaralan ang binuksan, at mahigit 2,600 estudyante ang nag-enrol. Sa mga huling taon ng 1970s at mga unang taon ng 1980s, dumami ang mga pampublikong paaralan, at ibinalita ng Simbahan ang pagsasara ng mga paaralan sa Chile.

Nang magsalita tungkol sa programang pang-edukasyon, sinabi ni Elder Eduardo A. Lamartine, dating Area Seventy at kasalukuyang history adviser ng Simbahan sa Chile, “Ang mga paaralan sa Chile ay malaking impluwensya sa akademya at sa espirituwal na pagsasanay ng libu-libong kabataan, at nag-ambag sa paghahanda ng mga lider at missionary nang sumunod na mga taon.”5

Ang seminaries and institutes program ay nagsimula sa Chile noong 1972. Noong una, dumadalo ang mga estudyante sa isang home-study program na lingguhan ang mga klase. Kalaunan, nagkaroon ng madalas na mga klase. Ang mga programang ito ay nagpala sa mga kabataan ng bansa at nakatulong sa paghahanda nilang maglingkod bilang mga full-time missionary. Si Elder Eduardo Ayala, na dating miyembro ng Pitumpu, ay isa sa mga unang seminary teacher at kalaunan ay nagtrabaho para sa Church Educational System sa Chile. Sabi niya, “Pinili ng Panginoon ang mga kabataang naroon sa oras na iyon at marami sa kanila ay mga returned missionary at magagaling na lider na may mabubuting pamilya. … Para sa akin, ang seminary at institute ay isang paraan para maligtas sa mga panahon na labis ang kaguluhan sa aming bansa at nagpapasalamat ako na tinawag akong tumulong sa sistemang pang-edukasyon.”6

Group photo of fourth grade students at Church school in Santiago known as Colegio A. D. Palmer and Chilean teachers at school.  This photograph is one of a twenty-five-page photocopy of Flora Decker's photograph album containing snapshots she accumulated while serving in Chilean Mission during presidencies of Carl J. Beecroft and Robert H. Burton. Most images in album include some identifying information. Copies of twenty-seven images from album and index providing additional information about those items are also included

Ang Unang Stake

Noong Nobyembre 19, 1972, inorganisa ni Elder Gordon B. Hinckley (1910–2008), na noon ay nasa Korum ng Labindalawang Apostol, ang Santiago Chile Stake, at si Carlos Cifuentes ang tinawag na president.

Ang paghahanda para sa stake ay nagpakita ng pagkatao ng mga Banal sa Chile at ng kahandaan nilang sundin ang mga propeta. Dumating si Elder Hinckley sa Chile ilang buwan bago iyon para iorganisa ang stake. Ngunit matapos magdaos ng mga interbyu, ipinagpaliban ito. Noong panahong iyon, maraming taong may problema sa pera, at ang ilang miyembro ay nahihirapan sa pagsunod sa batas ng ikapu.

Ipinaliwanag ni Elder Hinckley, “Bumalik ako pagkaraan ng anim na buwan, at habang nag-iinterbyu ako, nakita ko ang paglakas ng pananampalataya; muli silang naging matapat sa harap ng Panginoon, naorganisa ang stake, at mula noon ay lumago na sila at dumami.”7

Mga Pioneer sa mga Hangganan

Ngayon ay may dalawang stake sa Arica, ang pinakahilagang lungsod sa Chile. Ang kuwento nina Gladys at Juan Benavidez, na mga unang nabinyagan sa Arica, ay halimbawa ng sigla ng mga pioneer at ng banal na impluwensya sa pagtatatag ng Simbahan sa Chile.

Nalaman ni Brother Benavidez ang tungkol sa Simbahan noong 1961 nang liparin sa hangin ang ilang papel papunta sa kanyang direksyon: “Mga pahina pala iyon ng Reader’s Digest Selections na may malawak na artikulo tungkol sa ‘Mga Mormon,’ na nagpapaliwanag sa kanilang buhay at mga paniniwala,” sabi niya.

Hindi nagtagal, nagkasakit siya nang malubha at kinailangan siyang gamutin sa Santiago. “Habang naroon, dinalaw ko ang kapatid kong babae at nalaman ko na miyembro na pala siya ng Simbahan,” sabi niya. “Niyaya niya ako sa isang espesyal na kumperensya. Habang nakikinig ako sa pambungad na panalangin at sinusundan ng isipan ko ang mga salita, nakadama ako ng malaking galak sa buong katawan ko at nakilala ko ang impluwensya ng Banal na Espiritu. Nang matapos ang kumperensya, isinama ako ng mga missionary para kamayan ang bumibisitang lider, si Elder Ezra Taft Benson (1899–1994), na noon ay nasa Korum ng Labindalawa.”

Nagbalik sa Arica si Brother Benavidez at ikinuwento ang kanyang mga karanasan sa kanyang kasintahang si Gladys Aguilar, na asawa na niya ngayon. Makaraan ang dalawang araw, nakita ni Gladys na dumaan ang dalawang missionary sa bahay niya. “Agad namin silang hinanap,” sabi ni Brother Benavidez. “Noong Hulyo 1, 1961, nabinyagan kami, pati na ang pamilya ng aking maybahay. Ngayo’y may mga anak at apo na kami sa Simbahan. Nagpapasalamat ako sa Panginoon sa pagbugsong iyon ng hangin na naglipad ng impormasyon tungkol sa Simbahan patungo sa aking mga kamay.”8

Isang Mahirap na Panahon

Sa halalan noong 1970, si Dr. Salvador Allende ang naging pangulo at nagtatag ng isang pamahalaang Marxist. Dumanas ng hirap ang mga miyembro ng Simbahan dahil sa kasalatan sa pagkain at gamot, madalas na panggigipit sa mga missionary, at masasamang balita sa media.

Noong 1973, nagkaroon ng krisis sa pananalapi at lipunan kaya nagkaroon ng military coup at diktadura na tumagal hanggang 1990. Bagama’t nag-iibayo ang lakas ng demokrasya sa Chile ngayon, ang dalawang dekadang iyon ay mahirap na panahon para sa mga miyembro. Sinalakay ng mga grupong kalaban ng diktadura ng militar ang mga chapel at mga miyembro dahil akala nila ay suportado ng Simbahan ang mga interes ng pamahalaan ng Estados Unidos. Sabi ni Elder Ayala, stake president noon, “Kinakausap namin ang mga General Authority, at sinasabi nila sa amin, ‘Hinihiling namin na gamitin ninyo ang inyong talino, manalangin palagi, gumawa ng tama, upang mapanatili ng mga miyembro ang kaayusan sa mga kongregasyon.’”9

Sa kabila ng pinansyal na problema ng bansa at ng alitan sa pulitika na nagpawatak-watak sa lipunan ng Chile noong mga unang taon ng 1980s, mabilis na lumago ang Simbahan. Sa pagitan ng 1970 at 1985, dumami ang mga miyembro sa Chile na mula 15,728 ay naging 169,361.

Ang Santiago Temple

The Santiago Chile Temple

Noong 1980, pinagpala ang mga Banal nang ibalita ang pagtatayo ng templo sa Santiago, Chile.

Nang ilaan ni Pangulong Spencer W. Kimball ang pagtatayuan ng templo, mahinang-mahina na siya; ngunit ang pagpunta niya roon ay nagpakita ng kanyang pagmamahal sa mga Banal ng South America, na nakasama niya sa gawain mula pa noong 1959. Sinabi ni Sister Adriana Guerra de Sepúlveda, na nag-interpret para kay Sister Kimball noon, “Nang makita ko ang propeta, isang maliit na tao na mukhang anghel, napaiyak ako at hindi ko alam ang sasabihin ko sa kanya. Iyon ang unang pagkakataon na nakatabi ko ang isang buhay na propeta. Ang makita ang tagapagsalita ng Panginoon dito sa lupa at sa aking bansa ay kagila-gilalas na bagay.”10

Ang templo ay inilaan noong 1983, ang pangalawang templo sa South America at una sa isang bansa na Espanyol ang salita.

Elder Jeffrey R. Holland sa Chile

Noong Agosto 2002, inatasan ng Unang Panguluhan ang dalawang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na mangulo sa dalawang area ng Simbahan: itinalaga si Elder Dallin H. Oaks sa Pilipinas, at Elder Jeffrey R. Holland sa Chile. Napakalaki ng paglilingkod at impluwensya ni Elder Holland sa Chile, at mananatili ang epekto nito sa maraming henerasyon.

Ang unang pinagtuunan ni Elder Holland ay magpakita ng halimbawa ng pamumuno ayon sa paraan ng Panginoon. Tumulong siya sa pagsasanay ng mga bagong lider at nangasiwa sa muling pag-oorganisa, pagsasara, at pagsasanib ng daan-daang ward at maraming stake. Kinailangan ang muling pag-oorganisa at pagsasanay na ito dahil sa mabilis na paglago ng Simbahan sa bansa. Ang kanyang pamumuno ay nakatulong para mapalakas ang mga unit at maihanda ang Simbahan sa Chile sa hinaharap.

Bukod pa rito, gumawa ng ilang mahahalagang pakikipag-ugnayan si Elder Holland sa Chile. Inilarawan ni Elder Carl B. Pratt ng Pitumpu, na counselor sa Area Presidency na iyon, ang ilan sa mahahalagang pakikipag-ugnayang ito: “Naging malapit si Elder Holland kay Ricardo Lagos [presidente ng Chile] at sa asawa nito; nagsagawa sila ng ilang humanitarian aid project. Nakilala ni Elder Holland ang Apostolic Nuncio [mataas na pinunong opisyal ng Katoliko] at iba pang mahahalagang tao sa Chile.”11

Magtiwala sa Hinaharap

Ang mga pagsisikap nina Elder Parley P. Pratt at Elder Jeffrey R. Holland, ang mga sakripisyo ng mga unang missionary na dumating sa Santiago, ang dedikasyon ng mga lider na gaya ni Carlos Cifuentes at iba pang naunang mga pioneer sa Chile, kasama ang pananalig at dedikasyon ng daan-daang libong sumapi sa Simbahan sa loob ng mahigit kalahating siglo ang nagtatag ng matibay na pundasyon para sa Simbahan sa Chile. Ngayon ang bansa ay may isang templo (at may isa pang ibinalitang itatayo), isang missionary training center, 9 na mission, at 74 na stake. Ang hinaharap ay walang limitasyon sa espirituwal na gawaing anyayahan ang lahat na lumapit kay Cristo.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Deseret News 2013 Church Almanac, 454.

  2. Autobiography of Parley P. Pratt, inedit nina Scot Facer Proctor at Maurine Jensen Proctor (2000), 504.

  3. Verle Allred, sa Néstor Curbelo, LDS in South America: Chile Sur, tomo 1 (2008), 6.

  4. Julio Jaramillo, sa Néstor Curbelo, LDS in South America: Chile, tomo 1 (2006), 4–5.

  5. Eduardo Adrian Lamartine Aguila, buod ng kasaysayan na ibinigay sa awtor, Nob. 2013.

  6. Eduardo Ayala, sa Néstor Curbelo, LDS in South America: Chile, tomo 1 (2006), 44, 45.

  7. Gordon B. Hinckley, sa Rodolfo Acevedo A., Alturas Sagradas: Templo de Santiago de Chile, 100.

  8. Néstor Curbelo, “Blossoming in the Desert,” Church News, Nob. 9, 1996, 8–9.

  9. Eduardo Ayala, sa Néstor Curbelo, LDS in South America: Chile, tomo 1 (2006), 33.

  10. Adriana Guerra de Sepúlveda, sa Néstor Curbelo, LDS in South America: Chile (2006), 16.

  11. Carl B. Pratt, sa Néstor Curbelo, Colombia: investigación histórica, tomo 1 (2010), 16.

  12. Jorge F. Zeballos, sa isang liham na ipinadala sa awtor, Ene. 2014.

Ang maraming larawan sa artikulong ito ay sa kagandahang-loob ni Néstor Curbelo; kaliwa, itaas: larawang kuha ng filipefrazao/iStock/Thinkstock; ibaba: larawang kuha ng kavram/iStock/Thinkstock

Mga guro at kanilang mga estudyante sa ikaapat na baitang sa paaralang itinataguyod ng Simbahan na Colegio A. D. Palmer, bandang 1966.

Ang institute of religion sa Temuco ay isa sa 50 gayong uri ng institute sa Chile.

Kaliwa: larawang kuha ni Flora Decker Donaldson; larawan ni Elder Melvin J. Ballard na kuha ni S. W. Ecker © IRI

Nagsasalita si Pangulong Gordon B. Hinckley sa 48,000 mga Banal sa mga Huling Araw sa Chile noong 1996 sa isang kumperensya sa Santiago.

Bilang tugon sa lindol noong 2010, ang mga kabataan at matatanda sa Chile, suot ang mga vest na Mormon Helping Hands, ay nag-impake ng mga hygiene kit.

graphic ni Marcelo Silva/iStock/Thinkstock