Lubhang Kaakit-akit na Lason
Alison L. Randall, Utah, USA
Paglabas ko sa pintuan sa harapan para kunin ang diyaryo, may nakita akong bagay na di kanais-nais. Isang mapulang punso ng mga hantik (fire ants) ang nabuo sa magdamag, mula sa bitak sa pagitan ng damuhan at ng bangketa.
Bagama’t hindi nagtagal ang pagtira naming mag-asawa sa Texas, USA, alam ko mula sa karanasan na ang masakit na kagat ng hantik, hindi ang kulay nila, ang dahilan kaya sila tinawag nang gayon. Tumuloy ako sa garahe, kung saan namin itinago ang pesticide. Pagkatapos ay binasa ko ang nakasaad sa label.
“[Ang pesticide na ito] ay lubhang kaakit-akit sa mga hantik,” sabi roon. “Dadalhin nila ito sa kanilang punso, ipapakain ito sa kanilang reyna, at mamamatay ang buong kolonya.” Ang bilin sa akin sa label ay magbudbod ako ng ilang butil sa punso at sa paligid nito. At lalapit na ang mga hantik dito.
Nag-alinlangan ako. Para sa akin ay matalino ang mga hantik dahil kaya nilang makagawa ng matataas na punso sa buong magdamag lang. Nagduda ako kung malilinlang sila ng lason, pero nagbudbod pa rin ako ng ilang butil.
Pagkaraan ng ilang saglit nakita ko na abala na sa loob ng punso. Nanatili ako sa malayo pero yumukod ako para masdan ang nangyayari. Ang saya-saya nila na para bang kabubuhos lang ng manna mula sa langit. Dala-dala nila ang mga puting butil sa maliliit nilang sipit at nagkakandarapa sila sa pagmamadaling maipasok ang lason sa kanilang punso.
Nasindak ako sa namasdan ko. Kusa nilang ipinapasok ang lason sa bahay nila. Mukhang hindi kalabisang gamitin ang mga salitang “lubhang kaakit-akit.” Kahit paano nagawa ng kumpanya ng pesticide ang isang masamang bagay—na nakamamatay pa nga—na magmukhang kaakit-akit.
Wala pa akong nakitang mas matinding halimbawa ng isang paraan na mapagmumukhang kaakit-akit ang masama. Naisip ko tuloy kung paano ginagawa ni Satanas ang gayon ding bagay. Napanatag akong matanto na kahit maibubudbod niya ang kanyang nakabalatkayong lason sa paligid ng aking tahanan, hindi niya maipapasok iyon—maliban kung papayagan ko siya. Kaya paano ko masisiguro na hindi ito makakapasok?
Naisip ko ang isa sa paborito kong mga talata sa banal na kasulatan: “Sapagkat masdan, ang Espiritu ni Cristo ay ipinagkakaloob sa bawat tao, upang malaman niya ang mabuti sa masama.” Sa Diwang iyan, ipinaliwanag ni Mormon, “malalaman [natin] nang may ganap na kaalaman” kung ang isang bagay ay sa Diyos o kay Satanas (Moroni 7:16).
Dahil sa nakitang tiyak na kapahamakan ng mga hantik na iyon, napuspos ako ng pasasalamat na siguradong masasabi at malalaman naming mag-asawa kung papapasukin namin o hindi ang isang bagay sa aming tahanan. Ang tungkulin natin ay turuan ang ating mga anak na sundin ang Espiritu ni Cristo para makilala rin nila ang lason kapag nakita nila ito.
Habang nakayukod ako roon, at minamasdang hakutin ng mga insektong iyon ang bawat huling butil papunta sa kanilang punso, isinumpa ko na gagawin ko ang lahat para hindi makapasok ang lason sa aking tahanan.