2014
Salamat, Brother Jay
Oktubre 2014


Paglilingkod sa Simbahan

Salamat, Brother Jay

Ang awtor ay naninirahan sa Nevada, USA.

Lubos akong nagpapasalamat para sa kasiglahan, katapatan, kahandaan, at pagmamahal ng napakaraming masigasig na lingkod sa buong Simbahan.

“Linggo na bukas,” sabi ko sa aking limang-taong-gulang na anak na babae habang nakakalong siya sa akin. Siya ay napangiti.

“Ay, masaya po ‘yan,” sabi niya. “Makikita ko po si Brother Jay.”

Napuspos ng pasasalamat ang puso ko. Lubos ang pasasalamat ko sa mapagmahal at mapagmalasakit na guro sa Primary na tumulong sa amin na maging komportable kami sa nilipatang bagong ward. Nahirapan ang aming buong pamilya, lalo na ang aming preschooler na si Season, sa pag-alis sa aming tahanan sa US Midwest at paglipat sa lugar na 1,350 milya (2,173 km) ang layo. Sadyang mahiyain, takot siya sa mga bagong sitwasyon at nag-alala siya sa pagsisimba noong unang linggo namin sa bagong ward.

Pinaghalo ni Brother Jay, na isang magiliw at tapat na lalaki, ang tamang pagbibiro at pagmamahal para makuha ang tiwala ni Season. Sa unang Linggong iyon yumuko siya, hinawakan niya ang kamay nito, tinitigan niya ito sa mga mata, at sinabing, “Halika, iha. Magiging masaya ka sa klase natin.”

Sa paglipas ng mga linggo, inasam ni Season ang pagsapit ng araw ng Linggo kaysa sa ibang araw ng linggo. Pagdating namin sa simbahan, hinahanap niya sa kongregasyon ang kanyang guro. Binabati niya kami nang nakangiti.

Sa bawat taon binibigyan ni Brother Jay ng mga munting regalo ang bawat estudyante sa tuwing may okasyon at kaarawan. Nang malapit na ang kaarawan ni Season, ang pinakaimportanteng bisitang nais niyang anyayahan sa party niya ay si Brother Jay.

Naisip kaya niya kung gaano kalaki ang impluwensya niya sa buhay ng aming munting anak? Alam kaya niya kung gaano nakaimpluwensya ang kanyang mga salita at kilos sa paniniwala ng mga batang limang-taong-gulang na estudyante niya sa Primary? Alam kaya niya kung gaano kahalaga sa akin, bilang ina, na naging bahagi siya ng buhay ng aking anak?

Kalaunan, nalipat na si Season sa klase ni Brother Edward, at nagpatuloy ang magandang karanasan niya sa Primary. Lubos akong nagpapasalamat sa lahat ng tapat, handa, at mapagpakumbabang kalalakihan at kababaihan na naging magandang espirituwal na impluwensya sa buhay ni Season.

Napagpala ang aming buong pamilya dahil sa matatapat na tao na naglingkod sa amin sa pagtahak namin sa landas tungo sa espirituwal na pag-unlad. Naaalala ko ang isang kahanga-hangang Scoutmaster, isang mapagpasensyang priests quorum adviser, isang matiyagang Seminary teacher, isang pambihirang Young Women presidency, at isang mapagmalasakit na bishop.

Alam kong hindi lang kami ng pamilya ko ang napagpala. Maraming katulad ni “Brother Jay,” sapagkat maraming matatapat na kalalakihan at kababaihan na ang paglilingkod ay nakaimpluwensya sa buhay ng mga pamilyang kagaya namin. Lubos kaming nagpapasalamat para sa kanilang kasiglahan, katapatan, kahandaan, at pagmamahal.

Salamat sa napakaraming masisigasig na lingkod sa buong Simbahan na tumulong sa aming pamilya.

Maligayang Kaarawan!

Larawang kuha ni Nikolai Sorokin/Hemera/Thinkstock