2014
Kalayaang Pumili o Moral na Kalayaan sa Pagpili?
Oktubre 2014


Kalayaang Pumili o Moral na Kalayaan sa Pagpili?

Ang matalinong paggamit ng kalayaang pumili ay nagbibigay sa atin ng sapat na panahong pumili at mas makapili nang tama.

composite of 2 photos of a young man in casual clothes and him in a suit.

Mga paglalarawan ni Bryan Beach

Naaalala ko pa kung gaano katindi ang pag-aalala ko habang naghahanda akong makausap ang bishop ko tungkol sa pagmimisyon. Inisip ko kung karapat-dapat ba ako. Tulad ni Propetang Joseph Smith, hindi ako “nagkasala ng anumang mabigat o lubhang mapaminsalang mga kasalanan” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:28), pero kabado pa rin ako.

Kinakabahan ako dahil hindi ko maiwasang isipin ang nangyari sa kaibigan kong si Danny (binago ang pangalan). Ilang buwan ding ikinukuwento ni Danny kung gaano siya kasabik na makapagmisyon. Pero nagbago iyon nang makausap niya ang bishop.

Dahil may nagawang hindi tama si Danny sa ilang kabataang babae, kalaunan ay sinabi niya sa akin na ginawa niyang hindi karapat-dapat ang kanyang sarili na magmisyon. Hindi na siya makakapili kung magmimisyon o hindi.

Si Danny, batay sa mga salita ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay natukso ni Satanas na “gamitin sa mali ang [kanyang] moral na kalayaan sa pagpili.”1

Ang tunay na kalayaan, ayon sa itinuturo sa Para sa Lakas ng mga Kabataan ay nakakamtan kapag ginamit natin ang ating kalayaan na piliing sumunod. Nawawala ang kalayaan, ayon sa natutuhan ni Danny, kapag pinili nating sumuway.

“Bagama’t malaya kayong piliin ang gusto ninyong gawin, wala kayong layang piliin ang mga resulta nito. Mabuti man o masama, kusang darating ang mga resulta ng mga pagpiling ginagawa ninyo.”2

Malayang Kumilos para sa Ating Sarili

Dahil itinuturo ng mga banal na kasulatan na tayo ay “malayang makapipili,” “malayang makakikilos,” at malayang gumawa ng mga bagay-bagay “sa [ating] sariling kalooban” (2 Nephi 2:27; 10:23; D at T 58:27; Helaman 14:30), madalas nating gamitin ang mga katagang “kalayaang pumili.”

Pero alam ba ninyo na ang mga katagang “kalayaang pumili” ay hindi makikita sa mga banal na kasulatan? Sa halip, itinuturo sa mga banal na kasulatan “[na] ang bawat tao ay makakilos sa doktrina at alituntunin … alinsunod sa moral na kalayaan sa pagpili na aking ibinigay sa kanya, upang ang bawat tao ay managot sa kanyang sariling mga kasalanan” (D at T 101:78; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang salitang kalayaan ay makikita [sa mga banal na kasulatan] nang nag-iisa o may panuring na moral. … Kapag ginamit natin ang mga katagang moral na kalayaan sa pagpili, angkop nating binibigyang-diin ang pananagutan na mahalagang bahagi ng banal na kaloob na kalayaang pumili. Tayo ay mga nilalang na may moralidad at malayang kumilos para sa ating sarili, malayang pumili ngunit may pananagutan din sa ating mga pagpili.”3

Idinagdag pa ni Pangulong Packer, “Ang kalayaan sa mga banal na kasulatan ay ‘moral na kalayaan,’ ibig sabihin makakapili tayo sa pagitan ng mabuti at masama.”4 Ang kaloob na ito ng Diyos ay nangangahulugang tayo “ay malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan ng lahat ng tao, o piliin ang pagkabihag at kamatayan, alinsunod sa pagkabihag at kapangyarihan ng diyablo” (2 Nephi 2:27).

Ang Paghadlang ni Satanas sa Kalayaang Pumili

Dahil ang moral na kalayaan sa pagpili ay may mahalagang papel sa plano ng kaligtasan, hinangad ni Satanas na wasakin ito sa premortal na daigdig. Siya ay itinaboy dahil sa kanyang paghihimagsik at ngayon ay hangad niyang “linlangin at bulagin ang mga tao, at akayin silang bihag sa kanyang kagustuhan” (Moises 4:3–4).

Gusto ni Satanas na piliin natin ang mga bagay na maglilimita sa ating kalayaan, hahantong sa masamang gawi at adiksyon, at iiwan tayong walang lakas na labanan ang kanyang mga panunukso. Ang maganda sa ebanghelyo ay ipinapaunawa nito sa atin ang ating mga pagpili at ang mga resulta ng mga pagpiling iyon. Ang matalinong paggamit ng kalayaang pumili ay nagbibigay sa atin ng sapat na panahong pumili at mas makapili nang tama.

Ang Halimbawa ng Tagapagligtas

Nang ilahad ang plano ng kaligtasan sa Malaking Kapulungan sa Langit, ipinakita sa atin ng Tagapagligtas kung paano gamitin nang tama ang ating moral na kalayaan sa pagpili. Sabi Niya, “Ama, masusunod ang inyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang hanggan” (Moises 4:2). Dahil handa Siyang gawin ang kalooban ng Ama noon at kalaunan sa Halamanan ng Getsemani at sa krus (tingnan sa Mateo 26:39; Lucas 22:42), pinagdusahan ni Jesus ang ating mga maling pagpili at naglaan Siya ng paraan para mapatawad tayo sa pamamagitan ng pagsisisi.

Kung susundin natin ang halimbawa ng Tagapagligtas, sa halip na sabihing, “Ginagawa ko ang gusto ko,” sasabihin nating, “Ginagawa ko ang ipinagagawa sa akin ng Ama.”5 Ang paggamit ng ating moral na kalayaan sa ganitong paraan ay magbibigay sa atin ng kalayaan at kaligayahan.

Nang mag-usap kami ng bishop ko para sa aking unang interbyu sa misyon, nagpapasalamat ako na mabuti ang mga pinili ko. Makalipas ang ilang buwan naglingkod na ako sa Panginoon sa Guatemala—na itinuturo sa iba ang plano ng kaligtasan at ang mahalagang papel na ginagampanan ng moral na kalayaan sa planong iyan.

Mga Tala

  1. Boyd K. Packer, “Alam Ko ang mga Bagay na Ito,” Liahona, Mayo 2013, 8.

  2. Para sa Lakas ng mga Kabataan, (2011), 2.

  3. D. Todd Christofferson, “Moral Agency,” Ensign, Hunyo 2009, 47.

  4. Boyd K. Packer, “Alam Ko ang mga Bagay na Ito,” 8.

  5. Tingnan sa Wolfgang H. Paul, “Ang Kaloob na Kalayaang Pumili,” Liahona, Mayo 2006, 35.