2014
Oposisyon sa Aking Misyon
Oktubre 2014


Oposisyon sa Aking Misyon

Ang awtor ay naninirahan sa Manaus, Brazil.

Matapos akong interbyuhin para sa misyon, sabi ng aking stake president, “May mga mangyayaring di-inaasahan sa buhay mo na pipilitin kang magbago ng isip.”

illustration of worried-looking young man

Paglalarawan ni Greg Newbold

Sumapi ako sa Simbahan sa edad na 15, at makalipas ang apat na taon ay isinumite ko ang aking aplikasyon sa misyon. Nang interbyuhin ako ng aking stake president, pinuri niya ako sa desisyon kong maglingkod sa Panginoon bilang full-time missionary. Pagkatapos ay may sinabi ang inspiradong lider na ito na nag-iwan ng malalim na impresyon sa akin: “Brother, mula ngayon, may mga mangyayaring di-inaasahan sa buhay mo na pipilitin kang magbago ng isip tungkol sa desisyon mong maglingkod sa Panginoon.”

Habang hinihintay ang mission call ko, nagtrabaho ako bilang trainee sa Xerox. Dahil sa trabahong ito nabili ko ang ilan sa mga bagay na kakailanganin ko sa misyon at natulungan ko pa ang nanay ko sa mga gastusin sa bahay. Maayos ang takbo ng lahat.

Ang malungkot, nagsimula ngang mangyari ang “mga di-inaasahan.” Una, may nambugbog sa nanay ko at halos mamatay siya sa natamo niyang mga sugat, ngunit mahimalang iniligtas ng isang mabait na Ama sa Langit ang kanyang buhay.

Noong panahong iyon, nakatira kami ng nanay ko at dalawang nakababatang kapatid ko sa isang paupahang bahay. Umaasa kami sa kita ko at sa maliit na benepisyong tinanggap ni Inay sa pagkamatay ni Itay ilang taon bago iyon.

May ilang tao, pati na mga miyembro ng Simbahan, ang nagtanong ng ganito, “May lakas ka ba ng loob na iwanan ang nanay mo sa ganitong kalagayan at magmisyon?” Dahil paulit-ulit kong narinig ang tanong na ito nagsimula akong mag-alinlangan.

Isang araw tinawag ako ng aking stake president at sinabi sa akin na dumating na ang aking mission call at pinapunta ako sa kanyang opisina noong gabing iyon para maibigay sa akin ang pinakahihintay na sobre mula sa headquarters ng Simbahan. Kinakabahan pero masaya ako sa balita.

Nang araw ding iyon, sinabi ng manager ko sa trabaho na kakausapin niya ako bago mananghalian. Pagpasok ko sa kanyang opisina, magiliw niya akong binati, at nagkuwentuhan kami nang ilang minuto tungkol sa training ko at sa mga natutuhan ko sa kumpanya. Pagkatapos, may sinabi ang taong iyon na mataas ang posisyon sa kumpanya na pangarap ng karamihan sa lungsod: “Mahusay ang ipinakita mong trabaho rito bilang trainee, at gusto naming gawin kang regular sa trabaho at manatili sa team namin. Ano sa palagay mo?”

Isa ito sa pinakamahihirap na desisyon sa buhay ko. Bawat segundo ay parang walang hanggan. Tila naririnig kong tinatanong ako ng mga tao kung pababayaan ko ang nanay ko nang hindi ko siya sinusuportahan ng pera at magpupunta sa misyon.

Gayunman, naalala ko ang mga natutuhan ko sa mga banal na kasulatan at sa mga lider ko sa Simbahan, at sa napakasagradong paraan, nalaman ko nang walang alinlangan na gusto ng Diyos na maglingkod ako bilang full-time missionary ng Kanyang Simbahan. Alam ko na pangangalagaan Niya ang pamilya ko, na mapagkakatiwalan ko Siya, at magiging maayos ang lahat.

Ipinaliwanag ko ang sitwasyon sa manager ko, at naririnig ko pa sa aking isipan ang kanyang sagot: “Akala ko pa naman matalino ka, pero heto ka’t pinalalagpas ang pagkakataong ito sa buhay mo.”

Pinasalamatan ko siya mula sa kaibuturan ng puso ko para sa kanyang alok, at makalipas ang 28 na araw ay nagreport na ako sa missionary training center sa São Paulo, Brazil.

Sa misyon ko, ibinigay ng Panginoon ang mga pangangailangan ng pamilya ko sa pamamagitan ng mga kaibigan sa Simbahan at sa mahimalang mga paraan. Bumalik ang kalusugan ng nanay ko at nagkaroon sila ng mga kapatid ko ng mga bagong pagkakataong makapagtrabaho.

Ang “mga di-inaasahang bagay” ay talagang nangyayari kapag ipinasiya natin maglingkod sa Panginoon. Subalit mapagpakumbaba kong idaragdag ang aking patotoo sa mga patotoo ng libu-libong naglingkod sa Diyos na ang paglilingkod bilang missionary ay nagkaroon ng malaking epekto sa buhay ko.