2014
Family History—Ginagawa Ko Ito
Oktubre 2014


—Family History—Ginagawa Ko Ito

Ang pagsisimula ay maaaring maging madali at masaya. Ang mga kabataan sa iba’t ibang panig ng mundo ay gumagawa ng family history at gumagawa ng kaibhan.

Two boys looking at family photo albums

Saan magsisimula? Siguro iniisip mo na nagawa na ng mga kamag-anak mo ang lahat ng dapat gawin. O marahil ay bago ka pa lang sa paggawa ng family history at parang napakahirap nito. Sinimulan mo man ito sa pagsulat ng sariling journal, paghahanda ng mga pangalan para sa templo, o pagkuha ng impormasyon mula sa mga buhay mong kamag-anak, maaari kang makibahagi sa family history sa masaya at makabuluhang mga paraan.

Pagsusulat sa Sariling Journal: Pag-alaala sa Ating mga Pagpapala

Ang pagsusulat sa journal ay hindi madali. Madalas nating sabihin sa ating sarili na masyado tayong abala o pagod o hindi masaya ang buhay natin para isulat. Natanto ko ilang taon na ang nakararaan na hindi naman mahirap magsulat sa journal at na magugustuhan ko rin ito.

Sinimulan ko ito sa pagsulat ng isang bagay bawat araw. Hindi mahalaga kung mahaba o masaya ito; basta isinulat ko lang ang anumang nasa isip ko o anumang nangyari sa akin sa araw na iyon. Napagpala na nito ang buhay ko.

Isang araw nagkaroon ng problema ang isang kapamilya ko at hindi ko tiyak kung ano ang sasabihin sa kanya, pero naisip kong basahin sa kanya ang isa sa mga isinulat ko sa journal. Naibahagi ko sa kanya ang ilang naranasan ko na isinulat ko sa itim na journal na iyon, at nakita ko kung paano nito pinagaan ang pakiramdam niya.

Tinitiyak ko sa iyo na kung magsisimula ka sa pagsulat ng isang bagay bawat araw, pagpapalain nito ang buhay mo. Gaano man kaliit o kalaki, matutulungan ka ng pagsulat ng mga biyaya sa buhay mo na maalala ang mga ito.

Gentry W., Utah, USA

Kagalakan sa Family History: Pagsasaliksik sa mga Ninuno

A young woman and elderly woman looking at family history papers.

Nang binyagan ako, marami akong narinig tungkol sa family history, pero hindi ko alam kung paano gawin o kung kaya kong gawin iyon. Ipinasiya kong ipagdasal ito, at nadama ko na dapat ko na itong simulan kaagad. Nadama ko na sabik na sabik na ang aking mga ninuno na simulan ko ito at na tutulungan nila akong mahanap ang impormasyong kailangan upang magawa ang mga ordenansa.

Nagsimula ako sa pagkuha ng family history course, at di-nagtagal ay natawag akong maging family history consultant. Kinabahan ako dahil wala akong gaanong alam tungkol dito, pero tinanggap ko ang tungkulin.

Isang araw dinalaw ko ang kapatid ng lola ko, na may mga dokumento tungkol sa aking lola-sa-tuhod. Ayaw niyang magbahagi ng maraming impormasyon dahil kaugalian nila na huwag pag-usapan ang mga yumaong kamag-anak. Sinabi niya na kinabukasan ay anibersaryo ng kamatayan ng aking lola-sa-tuhod, at susunugin na niya ang mga dokumento. Itinanong ko kung maaari muna akong makakuha ng ilang impormasyon mula roon, at pumayag naman siya. Alam ko na tutulungan ako ng Ama sa Langit na maipagpatuloy ang pagsasaliksik ko.

Nang maglingkod ako sa family history center malapit sa templo, patuloy kong natuklasan ang iba pa tungkol sa aking angkan. Nalaman ko na dalawa sa lolo’t lola ng aking lola-sa-tuhod ay Italyanong dayuhan na may bukiring malapit sa São Paulo, Brazil. Hindi na nakaugnayan ng pamilya ko ang kanilang mga kamag-anak na nasa bukirin, pero nahanap ko ang isang pinsan na nagsulat ng aklat tungkol sa genealogy ng aming pamilya. Ibinigay niya sa akin ang aklat, na siyam na taon niyang isinulat. Sinabi niya na hindi niya alam kung bakit dapat niya itong isulat pero nadama niya na matutulungan nito ang isang tao balang-araw. Alam ko na ang diwa ni Elias ang nagbigay ng inspirasyon sa kanya.

Natutuhan ko sa aking mga karanasan na gumagawa tayo ng isang sagradong gawain. Hinihintay ng ating mga ninuno ang tulong natin at tutulungan nila tayo.

Gabriel D., Brazil

Paggawa ng Gawain sa Templo: Mga Sagradong Ordenansa

Youth at the Preston England Temple.

Ako ay nabinyagan at nag-iisang miyembro ng Simbahan sa aking pamilya. Nalaman ko na isa sa mga sagradong ordenansa ay ang binyag para sa mga patay. Sumama ako sa isang temple tour, at habang nakikinig sa mensahe tungkol sa mga ordenansa, naramdaman ko na sinabi sa akin ng isang marahan at banayad na tinig na magpunta ako sa family history center para magsumite ng temple ordinance request para sa aking ina, na pumanaw na. Napakasaya ko nang kumpirmahin ng FamilySearch account kalaunan na nagawa na ang gawain sa templo para sa kanya. Pinalakas nito ang aking patotoo, at alam ko na ang isa sa mga dahilan kaya tayo narito sa daigdig ay para tulungan ang ating mga ninuno na matanggap ang tunay na ebanghelyo ni Jesucristo.

Marvin S., Philippines

Pagsunod sa Pahiwatig: Matuto mula sa Buhay na mga Kamag-anak

Family members together at a table looking at a photo album.

Nang makatapos ako sa hayskul, nadama ko na dapat kong bisitahin ang lahat ng apat na lolo’t lola ko. Nagkaroon ako ng libreng oras, at naisip ko na baka hindi na ako magkaroong muli ng ganitong pagkakataon, kaya lumagi ako nang isang linggo sa bawat pares ng mga lolo’t lola ko.

Naghalungkat ako sa mga lumang kahon, nagbasa ng mga lumang sulat, at tumingin sa mga lumang larawan. Itinala ko ang mga kuwento ng buhay ng mga lolo’t lola ko, naglakad-lakad ako sa mga sementeryo, at binisita ko ang mga tinirhan at pinagtrabahuhan ng mga lolo’t lola ko at kanilang mga kamag-anak. Napakasaya! Marami akong nalaman tungkol sa aking mga ninuno, lolo’t lola, magulang, at sa sarili ko. Natanto ko na hindi ko mararanasan ang buhay ko ngayon kung hindi dahil sa aking mga ninuno.

Pagkatapos ng biyahe ko, umuwi ako na may dalang 1,000 pangalan ng aking mga ninuno at nagawa ko ang gawain sa templo para sa marami sa kanila. Ang pagsunod sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo at pakikipag-usap ko sa mga lolo’t lola ko ang isa sa pinakamagagandang desisyong nagawa ko.

Shenley P., California, USA

Nadarama sa Tahanan: Pagdadala ng mga Pangalan sa Templo

Indexing, UK Army war records screen, Wales, UK

Nang humingi ako ng mga ideya sa tatay ko tungkol sa family history para makumpleto ang aking Pansariling Pag-unlad, sinabi niya na nakahanap siya ng ilang pangalan ng mga kamag-anak namin ilang taon na ang nakalipas pero hindi niya naihandang dalhin mismo ang mga pangalan sa templo dahil sa dami ng ginagawa niya. Maaari akong makatulong para matanggap ng mga kamag-anak kong ito ang mga pagpapala ng templo.

Nang sumunod na ilang buwan, ginugol ko ang mga Linggo ng hapon at gabi sa pagpasok ng mga pangalan sa computer at pakikinig sa mga kuwento ng tatay ko tungkol sa pamilya. Umorder pa kami ng microfiche para makahanap ng iba pang impormasyon. Kung minsan kapag mahirap basahin ang mga lumang film, tahimik akong nagdarasal at pagkatapos ay inilalabas ko ang papel para maaninag ko ang mga nakasulat doon. Mula sa pagkakatago, naglitawan ang mga pangalan.

Nakatipon ako ng maraming pangalan ng mga kamag-anak, at tumulong ang mga kabataan sa aming ward sa pagkumpleto ng mga pagbibinyag. Pagkatapos ay kinuha ng mga magulang ko at ng iba pang mga miyembro ng ward ang mga name card para kumpletuhin ang iba pang mga ordenansa sa templo.

Tila ang bilis ng panahon at naghahanda na akong pumasok sa templo para sa sarili kong endowment. Masaya ako pero kinakabahan din ako.

Habang papunta kami sa templo, sinabi ng tatay ko na nakita niya ang ilan sa mga name card ng pamilya na naihanda ko para sa aking proyekto sa Pansariling Pag-unlad. Ang ilan ay nawaglit na, kaya dinala niya ang mga name card para kumpletuhin nila ni Inay at ng nobyo ko. Sinabi niya sa akin ang mga pangalan nila, at naalala ko na naroon nga sila sa proyekto ko.

Nang gawin ko ang mga sagradong tipan sa templo, pakiramdam ko ay napaliligiran ako ng aking mga mahal sa buhay sa magkabilang panig ng tabing. Nakadama ako ng matinding kapayapaan batid na mabubuklod ako nang walang hanggan sa aking pamilya.

Holly P., Idaho, USA