2014
Ang Pananalangin nang May Pananampalataya
Oktubre 2014


Mensahe ng Unang Panguluhan

Ang Pananalangin nang MaY Pananampalataya

A young woman kneeling by her bed in prayer.  There is a copy of the Book of Mormon on the bed in front of her.

Ang panalangin ay hindi lamang mga salitang sinasambit natin sa Diyos. Ito ay pag-uusap sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga anak.

Kapag taimtim ang panalangin tulad ng nararapat, nasasabi natin ang niloloob ng ating puso sa simpleng mga salita. Karaniwan ay sumasagot ang Ama sa Langit sa pamamagitan ng paglalagay ng mga ideya sa ating isipan at ipinadarama rin ito sa ating puso. Lagi Niyang dinirinig ang taimtim nating panalangin kapag nagdarasal tayo na may tapat na pangakong susundin Siya, anuman at kailan man dumating ang Kanyang sagot.

Ito ang ipinangako ng Panginoon sa lahat ng nagbabasa at nagdarasal tungkol sa Aklat ni Mormon:

“At kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito, ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

“At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:4–5).

Ang pangakong iyan ay tiyak na matutupad. Nasubukan at napatunayan na ng milyun-milyong tao ang napakagandang pangakong iyan tungkol sa panalangin nang makatanggap sila ng pagpapala na pumuspos sa kanilang buhay ng kagalakan at walang-hanggang kaligayahan. Ang pangakong iyan ay para sa lahat ng dasal natin upang malaman ang kaisipan at kalooban ng Diyos para sa atin. Maaari tayong magdasal sa tuwing pinapayuhan tayo ng lingkod ng Diyos na may awtoridad na magbigay sa atin ng patnubay. Halimbawa, maaasahan natin ito kapag nakinig tayo sa mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Angkop din ito kapag tinuturuan tayo ng mababait na missionary na tinawag ng Diyos sa pamamagitan ng buhay na propeta. Akma din ito sa payo sa atin ng ating bishop o branch president.

Upang makatulong ang panalangin sa ating buhay, simple lang ang mga tuntunin. Dapat tayong magtanong kung ano ang totoo sa pamamagitan ng pagdarasal sa Ama sa pangalan ni Jesucristo. Dapat tayong magtanong nang may matapat na puso, ibig sabihin dapat ay may tunay tayong layunin na gawin ang anumang isasagot ng Diyos sa atin. At ang ating tunay na layunin ay kailangang magmula sa ating pananampalataya kay Jesucristo.

Ang investigator na nagbabasa ng Aklat ni Mormon bago mabinyagan at makumpirma ay maaaring tumanggap kapwa ng katiyakan na ang aklat ay totoo at ng patunay na isinalin ito ni Joseph Smith sa kapangyarihan ng Diyos. Pagkatapos makumpirmang miyembro ng Simbahan, maaari nating makasama ang Espiritu Santo para pagtibayin ang iba pang mga katotohanan. Pagkatapos, kapag nanalangin tayo nang may pananampalataya, maaasahan natin na patototohanan sa atin ng Espiritu Santo na si Jesus ang Cristo, na ang Diyos Ama ay buhay, at na mahal Nila tayo at ang lahat ng anak ng Ama sa Langit.

Iyan ang isang dahilan kaya may pangako sa Aklat ni Mormon na magkakaroon tayo ng pag-ibig sa ating puso para sa ating kapwa kapag pinatotohanan sa atin ng Espiritu Santo na si Jesus ang Cristo: “Kung ang isang tao ay maamo at may mapagpakumbabang puso, at kinikilala sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na si Jesus ang Cristo, kailangang magkaroon siya ng pag-ibig sa kapwa-tao” (Moroni 7:44).

May malaking pagkakataon na maging mas espirituwal tuwing Linggo ng ayuno. Matutulungan tayo ng Linggo ng ayuno na maranasan ang naranasan ni Alma at ng mga anak ni Mosias, na nanalangin at nag-ayuno para malaman ang walang-hanggang katotohanan upang maturuan nila ang mga Lamanita nang may kapangyarihan, awtoridad, at pagmamahal (tingnan sa Alma 17:3, 9).

Sa Linggo ng ayuno pinagsasabay natin ang panalangin at pag-aayuno. Para mabiyayaan ang mga maralita, nagbibigay tayo ng malaking handog-ayuno sa bishop o branch president na katumbas man lang ng halaga ng dalawang kainan na hindi natin kinain. Ang ating mga pag-iisip at panalangin ay nakatuon sa Tagapagligtas at sa mga taong gusto Niyang paglingkuran natin sa pamamagitan ng pagtugon sa kanilang espirituwal at temporal na mga pangangailangan.

Ang ating mga panalangin at hangarin kung gayon ay nagiging mas katulad ng mga panalangin at hangarin ng Tagapagligtas kapag nag-ayuno tayo para maging mas maamo, madaling turuan, at mapagmahal. At tulad Niya, ipinagdarasal nating malaman ang kalooban ng Ama para sa atin at gawin ito.