2014
Jeremias
Oktubre 2014


Mga Propeta sa Lumang Tipan

Jeremias

“Nabuhay si Jeremias sa panahon at lugar na puno ng hirap, ngunit tinulutan siya ng Panginoon na makinita ‘ang isang panahon ng pag-asa sa pagtitipon ng Israel sa mga huling araw.’”1 —Linda K. Burton, Relief Society general president

Composite photo's of a scroll on fire, colored paper, and a illustration of Jeremiah of the Old Testament.

Larawan ng balumbon ng papel na kuha ng dimdimich/iStock/Thinkstock; Jeremias, ni Walter Rane © IRI

Ako ang anak ni Hilcias, isang saserdote sa Anathoth, malapit sa Jerusalem. Noong kabataan ko, “ang salita nga ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

“Bago kita inanyuan sa tiyan ay nakilala kita; at bago ka lumabas sa bahay-bata ay pinapaging banal kita; inihalal kitang propeta sa mga bansa.”

Nadama kong hindi ako handa para sa tungkuling ito, at sumagot ako, “Narito, hindi ako marunong magsalita: sapagka’t ako’y bata.”

Sinabi ng Panginoon, “Huwag mong sabihin, Ako’y bata: sapagka’t saan man kita susuguin ay paroroon ka, at anomang iutos ko sa iyo ay sasalitain mo.

“Huwag kang matakot dahil sa kanila; sapagka’t ako’y sumasaiyo upang iligtas ka.” Pagkatapos ay “hinipo [ng Panginoon] ang aking bibig” at ibinigay ang sasabihin ko.2

Nagpropesiya ako sa Jerusalem sa loob ng 40 taon, mula 626 hanggang 586 b.c., sa panahon ng paghahari nina Josias, Joacim, at Sedecias.3 Kapanahon ko ang propetang si Lehi sa Aklat ni Mormon. Kapwa namin tinuligsa ang kasamaan ng mga tao sa Jerusalem at ipinropesiya ang pagkalipol ng dakilang lungsod na iyon.4

Inutusan ako ng Panginoon na itala ko ang aking mga propesiya sa “isang balumbon [na aklat].”5 Nang marinig ni Haring Joacim ang mga propesiya, sinunog niya ang balumbon. Inutusan ako ng Panginoon na muling isulat ang mga propesiya at dagdagan pa ito ng marami.6

Nakaranas ako ng patuloy na oposisyon nang ipangaral ko ang salita ng Panginoon. Sinaktan ako ni Pashur, ang anak ng punong gobernador, at inilagay ako sa pangawan. Nais akong patayin ng mga mandurumog dahil sa pangangaral ko. Ako ay isang propetang kinamuhian, na madalas itapon sa mga bartolina at bilangguan. Nabuhay ako sa panahon na talagang labis ang kasamaan.7

Ngunit sa kabila ng pamumuhay sa gitna ng kapighatian, tinulutan ng Panginoon na makinita ko na titipunin ang mga Israelita sa huling araw, na isusulat ng Panginoon ang Kanyang batas “sa kanilang mga puso,” at dadalhin Niya ang “isa sa isang bayan, at dalawa sa isang angkan” sa Sion.8

Nang patuloy kong ipangaral ang salita ng Panginoon—kahit mahirap—nalaman ko na ang katapatan sa ebanghelyo ay humahantong sa kapayapaan. Kapag nagkaroon tayo ng personal na pakikipag-ugnayan sa Panginoon, mararanasan nating lahat ang pag-asa sa gitna ng mga pagsubok at kapighatian.