Mga Tanong at mga Sagot
Mahirap pigilin ang isipan mo, pero ito ay posible at naghahatid ng mga pagpapala: “Habang natututuhan ninyong pigilin ang inyong mga kaisipan, mapagtatagumpayan ninyo ang mga ugali, kahit na ang mga pag-uugaling nakapagpapababa ng pagkatao. Magkakaroon kayo ng tapang, malulupig ang takot, at magiging maligaya ang inyong buhay.”1
Isipin din ang mga pagpapalang ito:
-
Tutulungan ka ng malinis na kaisipan na ang iyong “pagtitiwala ay [lumakas] sa harapan ng Diyos,” at “ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina” (D at T 121:45–46).
-
Tutulungan ka ng malinis na kaisipan na madama ang inspirasyon, dahil ang Espiritu Santo ay mangungusap sa iyong puso at isipan (tingnan sa D at T 8:2–3).
-
Tutulungan ka ng malinis na kaisipan na sundin ang unang dakilang utos na: [ibigin] ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo (tingnan sa Mateo 22:37).
Marami kang magagawa para magkaroon ng mas malinis na kaisipan, tulad ng makikita mo sa mga ideyang nasa mga pahinang ito. Ngunit ang isa sa mga pangunahing bagay na magagawa mo—at ito’y unti-unting proseso—ay ang daigin ang “likas na tao.” Gusto ng likas na lalaki o babae ang maruruming kaisipan. Narito ang paraan para madaig ito: “Ang likas na tao ay kaaway ng Diyos … at magiging gayon, magpakailanman at walang katapusan, maliban kung kanyang bigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu, at hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon, at maging tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig” (Mosias 3:19).
Ano ang isang bagay na magagawa mo ngayon para magdulot ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ng ganitong pagbabago sa buhay mo?
Media at mga Kaibigan
Magandang simulan ito sa pagpili ng mga pelikula, musika, at literatura na nagbibigay-inspirasyon. Pumili ng mga kaibigan na makakausap mo nang makabuluhan at makakasama mo sa mabubuting aktibidad. Kapag mas marami kang naiisip na mabubuting bagay, unti-unting magiging mas madali para sa iyo na iwaksi ang masasamang kaisipan, at bihira mo na itong maiisip.
Amber S., edad 18, British Columbia, Canada
Panalangin
Mas inilalapit ako ng panalangin sa ating Ama sa Langit at tinutulungan akong magtuon sa mabubuting kaisipan. Ang araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan ay nagpapalakas ng tiwala ko sa sarili na malalabanan ko ang mga tukso; sa mga banal na kasulatan nababasa ko ang mga halimbawa ng matatapat na disipulo ni Cristo. Ang pagpapatotoo ay tumutulong din para mapanatili kong malinis ang aking isipan.
Dasha M., edad 17, Kyiv, Ukraine
Mga Banal na Kasulatan
Nakakatulong ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan tuwing umaga bago pumasok sa paaralan. Kapag nakakaisip ako ng masama, agad ko itong pinapalitan ng mas mabuting bagay. Sa halip na sabihin lang na, “Huwag mong isipin iyan” (na magandang gawin), palitan ito ng mabuting kaisipan. Tandaan mo, ikaw ang kumokontrol sa isipan mo, hindi si Satanas. Tayo ay magigiting na anak na lalaki at anak na babae ng Ama sa Langit at misyon nating patuloy na magpakabuti.
Nick C., edad 16, Arkansas, USA
Mabuti o Tama?
Hindi mo laging makokontrol ang mga pumapasok sa isip mo, pero makokontrol mo ang pananatili nito sa isipan mo. Maitatanong mo: Makakabuti ba sa akin ang kaisipang ito? Matutulungan ba ako nitong pumunta sa tamang direksyon? Kapag may naisip kang bagay na nakatutukso, kumanta ng mabuting awitin, mag-isip ng magandang alaala, o manalangin. Palitan mo lang ng mabubuting bagay ang masasamang bagay na naiisip mo.
Lisa P., edad 17, Denmark
Halimbawa ni Lehi
Sa 1 Nephi 15:27, sinabi ni Nephi sa kanyang mga kapatid na ang kanilang ama, sa pangitain nito tungkol sa punungkahoy ng buhay, ay napapaligiran ng karumihan. Ngunit hindi napansin ni Lehi ang karumihan dahil “sa dami ng mga iba pang bagay na nasa kanyang isipan.” Nangyayari ito sa atin ngayon. Kung gusto nating mapuspos ng kabutihan, ipagdasal natin ito, at pagtuunan ang mabubuting bagay, sa gayon ay lubos na mapupuspos ng kabutihan at kabanalan ang ating isipan at hindi na mananatili pa ang maruruming kaisipan.
Hattie W., edad 16, Arizona, USA
Mga Himno
Matutulungan tayo ng mga himno na magkaroon ng mas malilinis na kaisipan. Nagpapasigla ang mabuting musika. Kapag nakakarinig ako ng mga himno, lagi akong iniaangat nito sa mas payapa at makalangit na lugar. Nagpapaalala ito sa akin na mahal ng Ama sa Langit ang bawat isa sa atin, at nagiging mas madaling iwasan ang tukso.
Amanda A., edad 18, Amazonas, Brazil
Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya
Kapag may naiisip akong hindi maganda, sinisikap kong alalahanin ang mga talata sa banal na kasulatan na nabasa ng pamilya namin sa umaga. Tuwing alas-6:00 ng umaga, sama-samang nagbabasa ng mga banal na kasulatan ang pamilya namin. Maaga iyon, pero nakatutulong at mas nagpapalakas ito sa akin sa maghapon.
Elena W., edad 16, Switzerland
Sakramento
Sinasabi sa panalangin sa sakramento na kung tataglayin natin sa ating sarili ang pangalan ni Cristo, susundin ang Kanyang mga kautusan, at lagi Siyang aalalahanin, laging mapapasaatin ang Kanyang Espiritu. Sa pag-alaala sa Kanya, nagsisikap tayong alisin sa isipan natin ang mga temporal na bagay at magtuon sa mga bagay na ukol sa kawalang-hanggan. Kapag inaalala natin Siya palagi, ang ating mga iniisip, ninanais, at ginagawa ay magiging mas mabuti.
McKay M., edad 18, Utah, USA