Alamin Pa Kung Ano ang Maaasahan Ninyo sa Misyon
Ang mga kabataan sa Oslo, Norway, ay gumugol ng isang araw sa paghahanda para sa magiging buhay nila bilang full-time missionary.
Simula nang ipaalam ni Pangulong Thomas S. Monson ang pagbabago sa edad ng pagmimisyon, sabik na tumugon ang mga kabataan sa buong Simbahan hindi lamang sa paanyayang maglingkod kundi maging sa paanyaya na maghandang maglingkod. At ang isang paraan para makapaghanda ay ang alamin ang iba pang maaasahan kapag naging full-time missionary kayo.
Iyon mismo ang ginawa ng ilang kabataan sa Norway sa maghapong “Buhay-Misyonero” na pinangasiwaan ng Fredrikstad Ward ng Oslo Norway Stake.
Pagpasok sa “MTC”
Nagtipon ang mga kabataan sa isang silid sa meetinghouse na nagsilbing missionary training center. “Binigyan kami ng assignment na pag-aralan ang isang bansa,” sabi ni Jakob R. ng Moss Ward. “Ipinaranas sa amin nito kung ano ang pakiramdam ng makatanggap ng mission call at malaman na matatawag ka sa isang lugar na kaiba sa nakasanayan mo.”
Pakikipagkita sa “Mission President”
“Pagkatapos ay nagpunta kami sa kasunod na pinto para makilala ang isang returned missionary na gumaganap sa papel na mission president,” sabi ni Simon W. ng Oslo Ward. Nagsalita ang returned missionary at ang iba pang mga returned missionary tungkol sa mga maaasahan habang nasa misyon. “Naisip ko na talagang magandang malaman mula sa mga returned missionary ang maaasahan habang nasa full-time mission,” sabi ni Simon. Ang mga nakibahagi ay nakatanggap din ng name badge, binigyan ng companion, at pinagbilinan na manatiling kasama ang kanilang companion sa lahat ng oras.
Pagkakaroon ng mga Kasanayan
Itinuro sa mga workshop ng mga kabataan kung paano maging espirituwal pati na ang pamamahala sa mga temporal na pangangailangan tulad ng paglalaba, pagsunod sa badyet, at pananatiling malusog at malakas.
“Natuwa ako sa mga natutuhan ko sa workshop lalo na tungkol sa kung paano sisimulang pag-usapan ang ebanghelyo,” sabi ni Inger Sofie J. ng Oslo Ward. “Isang bagay iyan na masisimulan kong gawin ngayon mismo.”
“Natuwa akong talakayin kung paano gamitin ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo,” sabi ni Karl Frederik O. ng Fredrikstad Ward. “Alam ko na noon pa man na may sariling listahan ng mga talata sa banal na kasulatan na pag-aaralan ang mga missionary, pero nalaman ko na ang mga ginagawa ko pala sa seminary ay tutulong sa akin bilang missionary gayon din ang pinag-aaralan ko sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo.”
Maraming kabataang lalaki ang nagsabing isa sa mga workshop na hindi nila malilimutan ay ang mismong pagpaplantsa nila ng puting polo. “Ipinaalala nito sa akin na maraming praktikal na gawain ang maaari kong matutuhan para maging handa sa full-time mission,” sabi ni Jakob.
“Natutuhan ko na napakarami kong maaari nang gawin ngayon kasama ang mga full-time missionary na naglilingkod dito para maging bahagi kaming lahat ng iisang team,” sabi ni Sara R. ng Sandvika Ward. “Ang mga miyembro ay mga missionary din.”
Bilang paalala na naglilingkod sa iba’t ibang panig ng mundo ang mga missionary, naghain sila ng mga luto sa iba’t ibang bansa. “Ipinaalala niyan sa akin na dapat kong tikman ang mga bagong pagkain ngayon para masanay na akong kumain ng mga lutong hindi ko laging kinakain. Tutulungan ako niyan na makibagay kaagad kung matatawag ako sa isang lugar kung saan kumakain sila ng mga pagkaing hindi ko nakasanayang kainin,” sabi ni Simon.
Paghahanda
“Sa pagtatapos ng araw, matapos naming marinig ang mga patotoo ng dalawa sa mga kabataan at dalawang bagong returned missionary, kinanta namin ang himnong ‘Tinawag Upang sa Diyos Maglingkod,’” sabi ni Liss Andrea O. ng Fredrikstad Ward. “Nadama ko na kung lagi kong kakantahin ang himnong ito, lagi kong maaalala na kapag tayo ay mga missionary, pinaglilingkuran natin ang Ama sa Langit at pagpapalain Niya tayo.”
Sa pagtatapos ng araw, naunawaan ng mga kabataan sa stake na hindi lamang sila naghahanda para maging full-time missionary kundi maaari silang maging mga missionary ngayon mismo at habambuhay.