Lakas-ng-Loob na Piliing Maging Disente
Mula sa mensaheng ibinigay noong Mayo 2, 2013, sa Women’s Conference sa Brigham Young University.
Ano ang maituturo natin sa ating mga anak para matulungan silang magkaroon ng lakas-ng-loob na piliing maging disente sa isang mundo na kukutyain sila sa kanilang mabubuting pasiya?
Bakit napakahalaga ng kadisentehan? Bakit mahalaga ang haba ng damit, neckline, o T-shirt sa Panginoon? Ako ay may limang anak na babae at dalawang anak na lalaki, at tulad ng inaasahan ninyo, ang paksa tungkol sa kadisentehan ay napag-uusapan sa aming tahanan paminsan-minsan. Ngunit sa paglipas ng mga taon, nalaman ko na ang kadisentehan ay higit na naituturo sa pamamagitan ng pagtuturo ng doktrina at pagpapakita ng mabuting halimbawa. Ang doktrina ay tutulong sa ating mga anak na maunawaan kung bakit napakahalaga ng kadisentehan, at ipapakita ng ating halimbawa ang mga pagpapala ng kadisentehan sa masasayang paraan.
Ano ang Kadisentehan?
Ang kadisentehan ay alituntuning bigay ng Diyos na makatutulong sa atin na matutong gamitin ang ating katawan nang angkop sa buhay na ito. Ang kahulugan ng kadisentehan sa Tapat sa Pananampalataya ay “Pagiging simple at disente sa pananamit, pag-aayos, pagsasalita, at pag-uugali.”1 Ang kadisentehan ay hindi pagpapasikat o pagyayabang. Hindi ginagamit ng mga disenteng tao ang kanilang katawan o pag-uugali para tanggapin ng mundo o mapansin ang sarili nilang tunay o inakalang mga nagawa o kanais-nais na mga katangian.
Alalahanin sana na ang mga alituntunin ng kadisentehan na tinatalakay rito ay angkop kapwa sa kalalakihan at kababaihan, mga anak na lalaki at babae, at alalahanin na kahit itinuturo at ipinakikita natin ang halimbawa ng kadisentehan, hindi natin kailanman hinuhusgahan ang mga taong pinipili ang maiikling palda o “makukulay na buhok at sari-saring hikaw.”2 Lagi tayong nagpapakita ng habag at pagmamahal na katulad ni Cristo para sa mga tao habang nananatili tayong tapat sa mga pamantayang itinakda ng Panginoon.
Pinatototohanan ko na ang mga pagpiling ginagawa natin para magmukha at kumilos nang disente ay naghahatid ng napakagandang mensahe na nauunawaan natin ang ating pagkatao bilang mga anak na lalaki at babae ng Diyos at na pinipili nating tumayo sa mga banal na lugar.
Gustung-gusto ko ang banal na kasulatang ito: “Hindi baga ninyo nalalaman na kayo’y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo? … Ang templo ng Dios ay banal, na ang templong ito ay kayo” (I Mga Taga Corinto 3:16–17). Ang ating katawan ang templo ng ating espiritu. Sa katawang templong ito natin inaanyayahang makasama ang Espiritu Santo. Naniniwala ako na kapag pinili nating magsuot ng disenteng damit at kumilos nang simple, ipinapakita at ipinamumuhay natin ang ating patotoo tungkol sa Diyos Amang Walang Hanggan at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Pinatototohanan natin sa ating pisikal na kaanyuan na tayo ay mga disipulo ni Cristo at na ipinamumuhay natin ang Kanyang ebanghelyo.
Bakit Mahalaga ang Kadisentehan?
Nabubuhay tayo sa isang mundong puno ng kabutihan at kasamaan, at ang pisikal na katawan ay magagamit para sa mabubuti man o sa masasamang layunin. Ngunit alam natin na ang ating katangi-tanging katawan ay kaloob ng Diyos sa bawat isa sa atin. Banal ang mga ito. Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Sa mga nakaaalam at nakauunawa sa plano ng kaligtasan, anumang maling paggamit ng katawan ay anyo ng paghihimagsik [tingnan sa Mosias 2:36–37] at pagtatatwa sa tunay nating pagkatao bilang mga anak ng Diyos.”3 Pinipili nating pangalagaan at protektahan ang ating katawan upang tayo ay maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos sa pagsasagawa ng Kanyang maluluwalhating layunin (tingnan sa Alma 26:3). Kung hangad nating katawanin ang Tagapagligtas at gawin ang Kanyang gawain, kailangan nating itanong sa ating sarili, Kung katabi natin ang Tagapagligtas, komportable kaya tayo sa suot nating damit?
Ang kadisentehan sa pananamit, kaanyuan, pag-iisip, at pag-uugali ay katibayan na nauunawaan natin ang mga tipang ginawa natin na magpapala, poprotekta at magbibigay-kakayahan sa atin sa paghahandang makabalik sa Kanyang piling. Nang binyagan tayo, humakbang tayo palabas ng mundo at pumasok sa kaharian ng Diyos. Lahat ay kailangang maging iba para sa atin. Itinuro ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa pamamagitan ng pagpili na mapunta sa Kanyang kaharian, inihihiwalay natin—hindi inilalayo—ang ating sarili mula sa daigdig. Ang mga damit natin ay magiging disente, dalisay ang ating isip, malinis ang ating pananalita.”4
Ang kadisentehan ay isang alituntunin na tutulong sa atin na manatili sa landas ng tipan habang patungo tayo sa kinaroroonan ng Diyos. Ang kadisentehan sa pananamit at kaanyuan at sa pag-iisip at pag-uugali ay tutulong sa atin na maghanda sa paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan sa templo. Para mabiyayaan at maprotektahan sina Eva at Adan, binigyan sila ng Diyos ng mga kasuotang balat para madamitan sila bago itaboy palabas ng halamanan. Sa gayon ding paraan, binigyan tayo ng Diyos ng mga tipan sa mortalidad, na isinasagisag ng ating sagradong mga temple garment.
Ano ang mga Pagpapala ng Kadisentehan?
Ano ang maituturo natin sa ating mga anak para matulungan silang magkaroon ng lakas-ng-loob na piliing maging disente sa isang mundo na kukutya at manlilibak sa kanila dahil sa kanilang dalisay at mabubuting pasiya? Nakikita ba nila na ginagamit natin ang ating katawan para mapansin tayo o para luwalhatiin ang Diyos?
Ang kadisentehan sa pag-iisip, salita, kaanyuan, at pag-uugali ay tumutulong sa atin na matamo ang tatlong nagpapalakas at nagpapadakilang mga pagpapala.
1. Ang kadisentehan ay nag-aanyaya ng palagiang pagsama ng Espiritu Santo. Itinuro ni Elder Hales, “Ang kadisentihan ay mahalaga sa pagiging marapat sa Espiritu.”5
Tulungan natin ang ating mga anak na maunawaan na hindi nila nanaising gumawa ng anumang bagay na magkakait sa kanilang sarili “ng hindi masambit na kaloob na Espiritu Santo” (D at T 121:26). Tulungan silang malaman na ang napakahalaga at napakagandang espirituwal na mga kaloob ay naroroon sa Kanyang banal na patnubay. Nangako ang Diyos, “Ipagkakaloob ko sa iyo ang aking Espiritu, na siyang magbibigay-liwanag sa iyong isipan, na siyang magpupuspos sa iyong kaluluwa ng kagalakan; … Sa pamamagitan nito ay iyong malalaman, ang lahat ng bagay anuman ang naisin mo sa akin, na nauukol sa mga bagay ng kabutihan, nang may pananampalataya na naniniwala sa akin na ikaw ay makatatanggap” (D at T 11:13–14). Kaalaman, karunungan, at patotoo; kagalakan, kapayapaan, at kaligayahan—ito ang ilan sa mga dakilang pagpapalang maipapangako natin sa ating mga anak kapag hinikayat natin silang mamuhay nang disente at maging marapat sa Espiritu Santo.
Ang isa sa mga hamon ng disenteng pananamit ay ang pabagu-bagong mga uso at pag-uugaling tanggap ng lipunan. Ang mga pamantayan ng Panginoon ay hindi nagbabago kailanman. Ituro sa mga kabataang lalaki at babae na maging sensitibo sa Espiritu sa pagpili nila ng isusuot, sasabihin, at gagawin. Sa pamumuhay nila nang malapit sa Espiritu, hindi nila kailangang tularan ang mundo.
Natanggap na ng ating mga anak ang kaloob na Espiritu Santo, at sila ay naglalakbay sa landas ng tipan tungo sa templo at ibabalik sila nito sa piling ng Diyos. Kailangang tiyakin natin sa kanila at ipakita ang halimbawa sa kanila na sila ay gagabayan, poprotektahan, aaliwin, at padadalisayin kapag namuhay sila nang marapat sa Espiritu Santo.
2. Maaari nating ituro sa ating mga anak na ang disenteng kaanyuan at pag-uugali ay tumutulong para maprotektahan tayo mula sa mapanirang mga impluwensya ng mundo. Ang isa sa lubhang mapanlinlang na mga paraang ginagamit laban sa ating lahat ay ang tanggap na ng lipunan na hindi na uso ang moralidad. Ang kadisentehan ay isang depensa laban sa masasamang impluwensyang iyon at proteksyon sa kalinisang-puri at kabanalan. Makinig sa mga salitang ito na nasa Para sa Lakas ng mga Kabataan: “Bago ikasal, … huwag gumawa ng anupamang pupukaw sa damdaming seksuwal.”6 Ang mahalay na kaanyuan at pag-uugali ay pupukaw kadalasan sa damdaming seksuwal at aalisin ang mga hadlang at patitindihin ang tuksong labagin ang batas ng kalinisang-puri.
Itinuro ni Elder Hales: “Ang kadisentihan ang pangunahing paraan ng pagiging dalisay at malinis, kapwa sa isip at sa gawa. At dahil ginagabayan at naiimpluwensyahan nito ang ating iniisip, kilos, at mga desisyon, ang kadisentihan ang pinakasentro ng ating pag-uugali.”7 Ituro at ipakita ang halimbawa ng kadisentehan upang matulungan ang ating mga kabataang lalaki at babae na maging handang ipagtanggol at protektahan ang kapangyarihan nilang magkaanak. Tulungan silang ituring na sagrado ang pisikal na pagpapakita ng pagmamahal at gawin lamang ito kapag mag-asawa na.
3. Ang kadisentehan ay nagbibigay sa atin ng kakayahang “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon” (Mosias 18:9). Itinuro ng Tagapagligtas: “Itaas ninyo ang inyong ilawan upang ito ay magliwanag sa sanlibutan. Masdan, ako ang ilaw na inyong itataas” (3 Nephi 18:24). May banal na utos sa atin na maging tanglaw sa mundo, ipakita ang galak ng pamumuhay sa ebanghelyo, magturo ng kabutihan, at itayo ang kaharian ng Diyos sa lupa. Nababanaag sa bawat isa sa atin ang Liwanag ni Cristo kapag tayo ay disente at dalisay at sumusunod sa mga kautusan. Ang kadisentehan ay pagpapatunay sa ating patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Kayganda at napakapalad nila na ginagabayan ng Espiritu Santo, na pinoprotektahan ang kanilang sarili mula sa kamunduhan, at tumatayo bilang mga saksi ng Diyos sa mundo. At pinagpala sila na mga halimbawa at nagtuturo ng doktrina ng kadisentehan sa lahat ng anak na lalaki at at anak na babae ng Sion.
Kapag nakipagtipan tayong sundin ang Tagapagligtas at nagnais na matanggap ang kabuuan ng mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala sa ating buhay, isa lang talaga ang mahalagang isuot natin. Isinulat ni Moroni, “Gumising, at bumangon mula sa alabok, … oo, at isuot mo ang iyong magagandang kasuotan, O anak na babae ng Sion; … upang ang mga tipan ng Amang Walang Hanggan … ay matupad” (Moroni 10:31; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang magagandang kasuotan ay ang mga balabal ng kabutihan, na suot ng mga taong tumupad ng kanilang mga tipan. Inihahanda ba natin ang ating mga anak na isuot ang magagandang kasuotang ito?
Pinatototohanan ko na ang kaligtasan ay na kay Cristo at ang mga nakatupad ng kanilang mga tipan ay “magkakaroon ng ganap na kaalaman ng kanilang kasiyahan, at ng kanilang kabutihan, na nabibihisan ng kadalisayan, oo, maging ng bata ng kabutihan” (2 Nephi 9:14).