Tumingala
Mula sa “Tumingala,” Liahona, Nob. 2013, 102.
“Datapuwa’t mangagpuyat kayo sa bawa’t panahon, na mangagsidaing” (Lucas 21:36).
Noong walong taong gulang ako, kami ng dalawang pinsan ko ay pinapunta sa kalapit na bayan para mamili ng groseri. Kapag naaalala ko ito, labis akong nagtataka sa napakalaking tiwala ng lola at tita at tito ko sa amin. Maliwanag at maaliwalas ang kalangitan sa umaga nang umalis kami sakay ng aming maliit na caravan na may tatlong kabayo.
Sa gitna ng parang, naisip namin na magandang ideya na bumaba kami sa caravan at maglaro ng holen. Nawili kami sa paglalaro kaya hindi kami tumingala para makita na natakpan na ng maiitim na ulap ang kalangitan. Nang matanto namin na may bagyong darating, ni wala na kaming oras para sumakay sa aming mga kabayo. Hinagupit kami ng malakas na ulan at maliliit na yelo kaya’t wala kaming ibang naisip kundi ang alisin ang siya [saddle] sa mga kabayo at gamiting panangga ang mga saddle blanket o sapin sa kabayo. Pagkatapos ay nagtakbuhan ang aming mga kabayo.
Walang kabayo, basa, at giniginaw, nagsimula kaming maglakad nang mabilis hangga’t kaya namin patungo sa kalapit na bayan. Hatinggabi na nang makakita kami ng bahay at kumatok kami sa pintuan. Binigyan kami ng malinis na damit ng mabait na pamilyang iyon, pinakain ng masarap na bean burritos, at pinahiga sa kama sa isang silid na lupa ang sahig.
Kinaumagahan nagising kami ng mga pinsan ko sa masikat na araw at maaliwalas na kalangitan. Kumatok sa pintuan ang isang lalaking naghahanap sa tatlong nawawalang bata. Hinding-hindi ko malilimutan ang nakita namin sa daan pauwi—ang napakaraming tao na naghanap sa amin buong magdamag. Sa unahan nilang lahat ay naroon ang mapagmahal kong lola at aking tiyo at tiya. Niyakap nila kami at napaiyak sila, tuwang-tuwang natagpuan na nila ang nawawala nilang mga anak.
Inaalala tayo ng ating mapagmahal na Ama sa Langit. Sabik Siyang naghihintay sa ating pag-uwi. May mga palatandaan ng namumuong unos sa paligid natin. Tumingala tayo at ihanda natin ang ating sarili sa pamamagitan ng malakas na patotoo araw-araw.