Paano Matatamo ang Lakas at Tagumpay
Mula sa isang fireside sa Brigham Young University na ibinigay noong Marso 2, 1997.
Alam ng ilan sa inyo kung ano ang gusto ninyong marating at gawin sa inyong buhay, at ang ilan naman ay hindi alam ang gagawin sa buhay. Ang ilan sa inyo ay tila napakaraming biyaya at magagandang pagpipiliang naghihintay sa inyo. Nadarama naman ng iba sa inyo, kung minsan at sa anupamang dahilan, na hindi kayo gaanong mapalad at kakaunti ang magagandang oportunidad na naghihintay sa inyo.
Ngunit sinuman kayo at saanman ninyo matagpuan ang inyong sarili sa pagtahak sa landas ng buhay, iniaalay ko sa inyo “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6). Saanman ninyo iniisip na makapunta, hinihiling ko sa inyo na “[magsiparoon sa Kanya]” (tingnan sa Mateo 11:28–30) bilang unang mahalagang hakbang para makarating doon, sa paghahanap ng sarili ninyong kaligayahan at lakas at tagumpay.
Nang unang marinig nina Andres at Felipe na magsalita si Jesus, sila ay lubos na naantig, lubos na nahikayat kaya sila sumunod sa Kanya nang lisanin Niya ang mga tao. Nang maramdaman Niyang sinusundan Siya, lumingon si Cristo at tinanong ang dalawang lalaki, “Ano ang inyong hinahanap?” (Juan 1:38). Isinalin iyan ng iba sa simpleng mga salitang, “Ano ang gusto ninyo?”
Sumagot sila, “Saan ka tumitira?” o “Saan ka nakatira?”
At sinabi ni Cristo, “Magsiparito kayo, at inyong makikita.” Di-nagtagal pormal Niyang tinawag si Pedro at ang iba pa sa mga bagong Apostol sa gayunding pag-anyaya, “Magsisunod kayo sa hulihan ko” (tingnan sa Mateo 4:19).
Para sa akin ang kahulugan ng ating buhay ay nakabuod sa dalawang maiikling elemento sa mga unang yugtong ito ng ministeryo ng Tagapagligtas sa mundo. Ang isang elemento ay ang tanong, sa bawat isa sa atin, “Ano ang inyong hinahanap? Ano ang gusto ninyo?” Ang pangalawa ay ang Kanyang sagot kung paano natin matatamo iyon. Sino man tayo, at anuman ang mga problema natin, iisa ang Kanyang laging sagot, magpakailanman: “Magsisunod kayo sa hulihan ko.” Halikayo at tingnan ninyo kung ano ang ginagawa ko at paano ko ginugugol ang aking panahon. Kilalanin ako, tularan ako, at sa paggawa niyan ay sasagutin ko ang inyong mga panalangin at pagpapahingahin ko ang inyong kaluluwa.
Mahal kong mga batang kaibigan, wala akong alam na ibang paraan para kayo magtagumpay o maging masaya o maging ligtas. Wala akong alam na ibang paraan para makayanan ninyo ang inyong mga pasanin o matagpuan ang tinawag ni Jacob na “yaong kaligayahang inihanda para sa mga banal” (2 Nephi 9:43). Kaya nga tayo gumagawa ng mga sagradong tipan ayon sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Cristo, at kaya nga natin tinataglay sa ating sarili ang Kanyang pangalan.
Si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay. Ito ang Kanyang tunay at buhay na Simbahan. Nais Niya tayong lumapit sa Kanya, sumunod sa Kanya, upang mapanatag Niya tayo. Pagkatapos ay nais Niyang panatagin natin ang iba. Nawa’y magkaroon tayo ng sapat na pananampalataya na tanggapin ang kabutihan ng Diyos at ang awa ng Kanyang Bugtong na Anak. Nawa’y lumapit tayo sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo at mapagaling.