2014
Paninindigan sa Ating Pinaniniwalaan
Oktubre 2014


Paninindigan sa Ating Pinaniniwalaan

Nabubuhay tayo sa isang mundo kung saan ang tingin ng marami sa masama ay mabuti at sa mabuti ay masama, at kailangan nating manindigan para sa kabutihan. Narito ang mga patotoo mula sa mga young adult na nanindigan sa kanilang pinaniniwalaan. Hindi sila nakipagtalo o nagalit o nagsungit. Nagpakita sila “kapwa ng tapang at paggalang”1 at, dahil dito, napalakas ang iba (tingnan sa 3 Nephi 12:44–45).

Tumangging Uminom ng Champagne ang Kapatid Ko

Amber liquid in three of 4 wine glasses.  All four glasses have red roses in them.

Sa France, obligasyon ang magsilbi sa militar. Ipinasiya ng 20-taong-gulang na nakababata kong kapatid na si Loïc na magpunta sa reserve officers’ school para maging tinyente. Sa pagtatapos ng kanyang pag-aaral, manunumpa sa seremonya ang mga bagong pinuno. Isa-isa nilang bibigkasin ang regimental slogan. Pagkatapos ay iinom siya ng isang basong champagne na may rosas—at uubusin ito pareho. Ang tradisyong ito ay nagsimula kay Napoléon Bonaparte, at walang opisyal simula noon na hindi nakibahagi.

Sinabi ni Loïc sa koronel na ipinagbabawal sa kanyang relihiyon ang uminom ng alak. Isang nakabibinging katahimikan ang sumunod sa paghiling ni Loïc na ipuwera siya. Tumayo ang koronel. Sa halip na pilitin si Loïc na inumin ang champagne, kinamayan siya nito sa pagsunod sa kanyang mga prinsipyo sa kabila ng pamimilit, na sinasabing ipinagmamalaki niyang makasama ang lalaking ito na may integridad sa kanyang regiment. Pinalitan nila ang champagne, at lumahok si Loïc sa seremonya ng panunumpa.

Pierre Anthian, France

Inanyayahan Ako sa Isang Wild Party

Asian woman sitting at a desk looking very sad and emotional.  She looks like she is ready to cry.

Pagkatapos ko sa kolehiyo nagtrabaho kami ng kapatid kong si Grace sa isang kumpanya na may iba pang mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mga amo namin ay hindi mga miyembro ng Simbahan. Nang malapit nang ikasal ang kapatid ko, nagplano ang amo namin ng isang sorpresang bridal shower para sa kanya. Umasa ako na igagalang niya ang aming mga pamantayan, ngunit sa halip ay umorder siya ng alak, isang lalaking mananayaw, at isang mahalay na video.

Bago ang bridal shower, nadama ko ang bulong ng Espiritu Santo sa aking isipan na hinihikayat akong ipaalala sa boss ko ang aming mga pamantayan. Hinawakan ko ang aking Young Women medallion at inisip ko ang lahat ng pagsisikap at sakripisyong nagawa ko noong nasa Young Women ako para kumpletuhin ang aking pansariling pag-unlad. Nanalangin ako na magabayan na manindigan sa oras na ito. Nag-text ako sa amo ko at sinabi ang mga alalahanin ko, na iniisip na baka magdamdam siya. Gayunpaman, ang pinakadakilang hangarin ko ay malugod ang Ama sa Langit.

Nang magsimula ang party, hindi ako kinausap ni nginitian ng boss ko. Gayunman, hindi nga niya itinuloy ang mananayaw at ang video.

Sa mga araw kasunod ng party, hindi nakipag-usap at nakipagtawanan sa akin ang boss ko na tulad ng ginagawa niya bago ang party. Gayunman, panatag ako dahil alam ko na nalugod ang Diyos sa ginawa ko. Makaraan ang mga isang linggo, bumalik na sa normal ang pakikitungo ng boss ko sa akin. Alam kong pinalambot ng Diyos ang puso niya at tinulungan siyang maunawaan na ipinamumuhay ko ang pinaniniwalaan ko.

Lemy Labitag, Cagayan Valley, Philippines

Nakarinig Ako ng Pagmumura sa Klase

High school sewing class full of young women.

Noong mga 18 anyos ako, nag-aral ako ng pananahi. Isang araw tatlong babae na ilang talampakan ang layo sa akin ang nagsimulang magmura. Hindi ko alam kung hindi ko sila dapat pansinin para walang away o kung dapat akong manindigan para sa aking mga pamantayan at pakiusapan silang tumigil. Kalaunan, sinabi ko nang napakahinahon, “Pasensya na, pero puwede bang huwag kayong magmura?”

Pinandilatan ako ng pinakamalaki sa mga babae at sinabing, “Sasabihin namin ang gusto naming sabihin.”

Sabi ko, “Pero kailangan ba ninyo talagang magmura? Masakit talagang pakinggan.”

Sabi niya, “Eh, di huwag kang makinig.”

Malapit na akong mainis at sinabi ko, “Hindi maaaring hindi ko marinig kasi napakalakas ninyong magsalita.”

Sabi niya, “Masanay ka na.”

Suko na ako. Nainis ako sa mga babae, pero mas inis ako sa sarili ko. Hindi ako makapaniwala na hinayaan kong maging palaban ang tono ng boses ko. Nagmumura pa rin ang mga babae, at ngayon ay galit na kaming lahat.

Matapos akong huminahon, nakita ko na nagkaproblema ang mga babae sa makina nila. Alam ko kung ano ang sira dahil naging problema ko na rin iyon dati. Kaya ipinakita ko sa kanila kung paano ayusin iyon. Nakita ko ang pagbabago sa mukha ng pinakamalaking babae. “Uy,” sabi nito, “sorry ha.” Hindi ako makapaniwala—na humingi siya ng paumanhin. “Sorry din,” sabi ko sa kanya. “Hindi ako dapat nagalit nang ganoon.”

Bumalik ako sa aking makina at wala na akong narinig na pagmumura. Natutuhan ko sa karanasang iyon na maaaring hindi baguhin ng ating mga salita ang pag-uugali ng iba, ngunit madalas ay nagagawa iyon ng kabaitan at paglilingkod.

Katie Pike, Utah, USA

Ipinagtanggol Ko ang Pagmimisyon

Sumapi ako sa Simbahan noong 19 anyos ako, pangalawa ako sa tatlong anak na lalaki at ako lang ang Banal sa mga Huling Araw sa aking pamilya. Hindi nagtagal matapos akong mabinyagan, nakadama ako ng hangarin na magmisyon. Pagkaraan ng isang taon, sinabi ng Espiritu sa akin na dapat akong humayo. Kinausap ko ang aking ina, na nadama na hindi makabubuting magmisyon ako. Nagpaliban ako nang isang taon, ngunit hindi kailanman nawala sa akin ang hangarin kong magmisyon. Noong taong iyon, pinag-aralan ko ang mga banal na kasulatan, nag-ipon ako ng pera, inihanda ko ang aking papeles, nagpa-medical exam, at—nang makumpleto ko ang lahat—hinintay ko ang Panginoon. Hindi nagtagal, natanggap ko ang tawag na maglingkod sa Brazil Campinas Mission.

Ayaw pa rin akong payagan ng mga magulang ko. Nag-ayuno ako at nanalangin, na sinasabi sa Ama sa Langit ang lahat ng pangamba ko. Pinakiusapan ko Siya na antigin ang puso ng tatay ko. Ginawa nga Niya iyon. Nagulat ako nang dumalo si Itay sa farewell party na inihanda para sa akin ng mga kaibigan ko noong araw ng Sabado bago ako umalis. At pagsapit ng Lunes, inihatid ako ni Itay sa airport.

Sa aking misyon, nadama ko ang pagmamahal ng Diyos sa pangangaral ko ng ebanghelyo. Hindi tumigil sa pagiging ina ang nanay ko, at nang makauwi ako, siya ang unang yumakap sa akin.

Nalaman ko na ang pagmimisyon ay higit pa sa tungkulin; ito’y isang pribilehiyo at kagila-gilalas na panahon ng paglago at pagkatuto.

Cleison Wellington Amorim Brito, Paraíba, Brazil

Nagpatotoo Ako Tungkol sa Diyos

High school classroom. Oriental students

Bilang freshman sa pinakamahusay na unibersidad sa aming bansa, nadama ko na kailangan kong gawin ang lahat ng makakaya ko. Nakaranas ako ng pang-uusig, at nagsimula akong magduda sa paniniwala ko sa ebanghelyo dahil marami sa mga propesor ko ang nagpaliwanag na ang ipinahahayag nila ang siyang “katotohanan.” Marami sa mga kaklase ko ang naapektuhan. Nahirapan akong manatiling Kristiyano sa kapaligirang ito. Naisip kong tumigil pero ipinasiya ko na mas mabuting manatili. Ikinatwiran ko na kung kakaunti lang ang kwalipikadong nakapasok sa unibersidad na ito, at kasama sa kakaunting iyon ang ilang Banal sa mga Huling Araw, dapat akong manatili at manindigan sa katotohanan.

Ang biology professor ko, na isang ateista, ay nagtuturo ng tungkol sa siyensya nang hindi naniniwala sa Kataas-taasang Lumikha. Subalit sa mga naririnig ko pa, lalo pa nitong pinagtibay sa akin na may isang Kataas-taasang Katauhan—ang ating Diyos Ama—na lumikha sa lahat ng bagay. Nakipagtalo ang iba na walang katuturan ang ideyang ito. Lalong tumindi ang mga talakayan namin. Gustung-gusto ko nang magtaas ng kamay at magpaliwanag na naniniwala ako sa Diyos na Lumikha.

Dumating na ang oras para magbigay ng komento o puna. Sa paaralan ko, normal sa mga tao ang palakpakan, sigawan, o kantiyawan ang mga taong naglalahad ng kanilang mga ideya. Buong tapang akong tumayo at sinabi ko nang malinaw sa mga kumokontra: “Maaaring walang katuturan sa inyo ang maniwala sa Diyos sa sandaling ito, ngunit darating ang araw na lahat ng ito ay magkakaroon ng katuturan sa inyo nang kasinglinaw ng nangyayari sa akin ngayon.”

Magmula noon, wala nang nangantiyaw sa akin kapag naninindigan ako para sa aking mga paniniwala. Magmula sa oras na iyon, humusay ako sa pag-aaral, mas natutong makihalubilo, at umunlad sa espirituwal. Nagsimula akong maging aktibo sa mga aktibidad ng mga estudyante, at nahalal ako sa iba’t ibang katungkulan sa paaralan.

Nalaman ko na ang paninindigan sa katotohanan kahit minsan lang ay may malaking epekto sa ating mga desisyon sa hinaharap.

Vince A. Molejan Jr., Mindanao, Philippines

Tala

  1. Tingnan sa Jeffrey R. Holland, “Ang Halaga—at mga Pagpapala—ng Pagkadisipulo,” Liahona, Mayo 2014, 6.