2014
Tahanan: Ang Sentro ng Pagkatuto
Oktubre 2014


Tahanan:: Ang Sentro ng Pagkatuto

Kapag ang natututuhan sa simbahan ay nauugnay at sumusuporta sa natututuhan sa tahanan, makabubuo kayo ng matibay na pundasyon ng pamumuhay ng ebanghelyo.

“Tiyaking pag-aralan ang itinakdang babasahin para sa aralin sa susunod na linggo.” Pamilyar ba ang mga salitang ito? Madalas itong hilingin ng isang guro pagkatapos ng isang klase sa Simbahan.

At bagama’t talagang mahalagang maging handa para sa iyong mga aralin sa araw ng Linggo, kung minsan ba pakiramdam mo ang pangunahing mithiin mo sa pag-aaral at pagninilay ay ang lubos kang maging handa para sa Linggo?

Ang totoo, hindi dapat ganito.

Lahat ng “pagtuturo, programa, at aktibidad [sa Simbahan ay] nakasentro sa tahanan at suportado ng Simbahan.”1 Ibig sabihin ang mga miting natin sa Simbahan ay talagang nilayong suportahan ang pagkatuto ng indibiduwal at pamilya. Tulad ng itinuro ng Presiding Bishop na si Gary E. Stevenson, “Ang pangunahing lugar sa pagtuturo at pagkatuto ay ang tahanan.”2 Kapag ang pagkatuto at pagtuturo ay itinuon sa tahanan, taglay nito ang kapangyarihan na maaaring humantong sa lubusang pagbabago.

“Walang sinuman sa atin ang nagbabalewala sa pagtuturo sa loob ng chapel, sa loob ng meetinghouse,” sabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Buong buhay na nating ginagawa ang lahat ng iyan, ngunit gusto namin itong maging 24/7 sa ating pamumuhay.”3 Kapag isinama mo ang 24/7 na pagkatuto sa araw-araw na buhay ng iyong pamilya, magkakaroon ka ng matatag na pundasyon para sa isang “bahay ng pagkakatuto” (D at T 88:119) na magbibigay ng espirituwal na kanlungan at proteksyon sa iyo at sa iyong pamilya.

Pagkatuto sa Tahanan

Maaaring hindi mo palaging makikita kaagad ang mga resulta, ngunit kapag sinamantala mo ang mga simpleng sandali para matuto at makapagturo sa araw-araw mong gawain, maaari itong magkaroon ng malaking epekto. Narito ang mga paraan kung paano napansin ng ilang pamilya ang epektong iyan sa kanilang buhay.

Mga Simpleng Sandali

A father and son carrying skateboards as they walk down a wet road.

“May mga pagkakataon na naaasiwa tayo na pormal na pag-usapan ang tungkol sa ilang paksa ng ebanghelyo. Natulungan kami ng di-pormal na mga sandali ng pagtuturo para maituro ang mahahalagang aral sa aming mga anak. Gayon din, mas maraming di-pormal na pagtuturo sa maghapon kaysa sa pormal na pagtuturo, kaya talagang sinasamantala namin ang mga pagkakataong ito na ituro sa aming mga anak ang mahahalagang alituntunin. Halimbawa, nagtuturo ako ng katapatan habang bumibili sa groseri. Mas madaling natututuhan ng mga anak ko ang mga alituntunin kapag nakikita nila kung paano susundin ang mga ito.”

Mona Villanueva, Philippines

Mga Biyahe at Pag-uusap

A mother and her young daughters sitting together on a sofa.  They are looking at a magazine.

“Inihahatid ko ang mga anak kong babae sa paaralan sakay ng bus tuwing umaga, kaya marami kaming pagkakataong mag-usap. Kailan lang, napansin namin ang isang mag-asawa na nagtatalo. Agad bumaling sa akin ang mga anak ko at naghintay sa sasabihin ko. Sa halip ay tinanong ko sila kung ano ang nadama nila sa nangyari. Ang alam daw nila ay hindi dapat ganoon magsalita ang isang lalaki sa kanyang asawa. Pagkatapos niyon, nag-usap-usap kami tungkol sa pag-aasawa at mga ugnayan. Natapos ang 30-minutong biyahe namin sa bus na napakasigla at napakasaya.”

Mario Lorenz, Guatemala

Pag-uusap sa Oras ng Meryenda

Mother and children making cookies.

“Ang di-pormal na mga sandali ng pagtuturo ay nakatulong sa akin na magkaroon ng mas magandang pakikipag-ugnayan sa aking mga anak. Habang nakaupo kami sa mesa sa kusina at nagmemeryenda pag-uwi namin mula sa paaralan, pinag-uusapan namin ang nangyari sa paaralan sa araw na iyon. Madalas sabihin ng isa sa kanila ang isang bagay na sinabi ng isang kaibigan o kung ano ang nadama niya sa sinabi o ginawa ng isang tao. Sa gayon ay nakakapagbahagi ako ng personal na patotoo at natatalakay ko ang nadama ng anak ko tungkol sa sitwasyon. Sa palagay ko sa pakikipag-usap natin sa mga bata kapag sila ay komportable, mas handa silang pag-usapan ang mga bagay na mahalaga kapag kinakailangan dahil nagtitiwala sila, batid na makikinig ang kanilang mga magulang.”

Alyson Frost, Greece

Mapagmalasakit na Samahan

Young family in New Zealand.  The parents are holding their two boys.

“Nauunawaan naming mag-asawa na kami ang dapat na unang magturo sa aming mga anak at hindi ang mga lider, pero nagpapasalamat kami sa ginagawa nila at tumutulong kami sa abot ng aming makakaya. Ang aming ward ay may magagaling na lider na talagang nakatuon sa mga kabataan at mga bata at ginagawa ang kanilang makakaya upang tulungan silang maabot ang kanilang potensyal batay sa naituro na ng mga magulang. Ilang beses ko nang nakausap ang bishop, at nakakapag-usap kaming mabuti ng mga lider ng mga kabataan at madalas kong kumustahin sa kanila ang mga anak ko at ang kanilang pag-unlad. Ang madalas naming pag-uusap tungkol sa pag-unlad ng aming mga anak ay tumutulong sa aming lahat na maunawaan kung paano tutulungan ang bawat isa sa kanila.”

Jesse N. Arumugam, South Africa

Lakas sa mga Banal na Kasulatan

Man studying the scriptures.

“Ang pag-aaral ng banal na kasulatan ay tumutulong sa akin na malaman ang tungkol kay Cristo at Kanyang mga katangian upang matularan ko Siya. Dahil dito ay mas nadarama ko rin ang Espiritu, na gumagabay at nagtuturo sa akin kung paano ko maipamumuhay ang mga bagay na natutuhan ko upang maging handa akong harapin ang mga hamon ng buhay at ang mga panunukso sa akin ni Satanas. Kung wala ang pagpapalang ito sa buhay ko alam ko na hindi ko maaabot ang aking potensyal bilang anak ng Diyos.”

Nathan Woodward, England

Pagkatuto sa Simbahan: 10 Alituntuning Dapat Malaman ng Bawat Guro

Bukod sa pagpapalakas ng bisa ng pagkatuto at pagtuturo sa tahanan, mapapalakas din natin ang pagkatuto at pagtuturo sa klase sa simbahan. Sa pagsunod ng mga guro sa 10 alituntuning ito, mahihikayat nilang patuloy na magbago ang mga tinuturuan nila.

  1. Kausapin ang mga magulang, na ang pangunahing tungkulin ay bilang mga guro, para malaman ang mga pangangailangan ng mga miyembro ng klase, at pagkatapos ay magturo ayon sa mga pangangailangang iyon.

  2. Maghanda at magturo sa pamamagitan ng Espiritu. Tukuyin ang mga tanong at mga aktibidad sa pagkatuto na hahantong sa mga talakayan na may patnubay ng Espiritu at magpapalakas sa espirituwalidad ng mga miyembro ng klase.

  3. Turuan ang mga tao, huwag basta magturo lamang ng mga aralin.

  4. Pagtuunan ng pansin ang mga pangunahing doktrina ng ebanghelyo.

  5. Iturong mabuti ang isa o dalawang pangunahing alituntunin sa halip na piliting talakayin ang lahat ng materyal ng aralin.

  6. Anyayahan ang Espiritu sa pamamagitan ng pagtutulot sa lahat na makibahagi sa talakayan (tingnan sa D at T 88:122).

  7. Isama ang isang matinding paanyaya na kumilos—hindi lang ang isang bagay na pag-aaralan at babasahin sa pag-uwi kundi isang bagay na natutuhan na madadala sa tahanan at maipamumuhay.

  8. Magpatotoo tungkol sa doktrina—sa pagtatapos ng klase at kapag hinikayat kayo ng Espiritu.

  9. Ipamuhay ang ebanghelyo, at “isaayos” ang inyong sariling tahanan (tingnan sa D at T 93:43–44, 50).

  10. Humanap ng mga paraan para maipagpatuloy ang pagtuturo sa pamamagitan ng di-pormal na mga sandali ng pagtuturo sa araw-araw na buhay.

Mga Tala

  1. Handbook 2: Administering the Church (2010), 1.4.

  2. Gary E. Stevenson, sa “The Ward Council—We’re All in This Together” (2014 auxiliary training video), annualtraining.lds.org.

  3. Jeffrey R. Holland, sa “Learning and Teaching in the Home and the Church—the Home” (2014 auxiliary training video), annualtraining.lds.org.