2014
Ang Jade Cabbage
Oktubre 2014


Nangungusap Tayo Tungkol kay Cristo

Ang Jadeite Cabbage

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

A cabbage sculpted out of jade.

Sa misyon ko sa Taiwan, gumugol kaming magkompanyon ng kaunting oras sa isang mission preparation day namin sa National Palace Museum sa Taipei. Ang pinaka-dinadayo roon ay isang obrang tinatawag na Jadeite Cabbage. Napakaraming taong humahanga rito, ngunit ang tanging nakikita ko ay isang Chinese cabbage o pechay na inukit sa jade. Maganda iyon, walang alinlangan, pero may bagay siguro akong hindi napapansin dito.

Nang matapos kami sa museo, tinanong ko ang kompanyon ko, “Ano ang masasabi mo sa Jadeite Cabbage?”

“Gustung-gusto ko ang obrang iyon!”

“Bakit?” tanong ko. “Pechay lang iyon.”

“Nagbibiro ka ba? Ang Jadeite Cabbage ay isang talinghaga para sa buhay ko!” bulalas niya.

“Ang pechay?”

“Oo! Hindi mo ba alam ang kuwento?”

“Parang ganoon na nga.”

Ikinuwento niya iyon sa akin. At tama siya. Naging talinghaga iyon para sa misyon at buhay ko.

Para magkaroon ng malaking halaga ang isang lilok sa jade, kailangang may isang solidong kulay ang jade. Maibebenta sa malaking halaga ang mga lilok sa perpektong jade dahil halos imposibleng makakita ng perpektong jade. Ang Jadeite Cabbage ay berde sa isang dulo at puti sa kabilang dulo, at may mga bitak at pakurba-kurba ang hugis nito. Walang mahusay na manlililok na magsasayang ng oras sa gayong uri ng jade, hanggang sa dumating ang isang tao na tinatawag ng mga Chinese na dalubhasang manlililok.

Kung makapagsasalita lang ang jade na ito, mawawari ko ang pakikipag-usap nito sa bagong manlililok na ito. Nakikinita ko ang pagdampot ng manlililok sa jade na ito.

“Ano ang gusto mo?” itatanong ng jade.

“Naghahanap ako ng jade na malililok,” sasabihin ng manlililok.

“Kung gayo’y humanap ka ng ibang jade. Wala akong halaga. Magkahalo ang dalawang magkaibang kulay ko na hindi mo mapaghihiwalay kailanman. May mga bitak ako at pakurba-kurba ang hugis ko. Hindi ako magkakaroon ng halaga kailanman. Huwag mong sayangin ang panahon mo.”

“Ah, hangal ka, jade. Magtiwala ka sa akin. Dalubhasa akong manlililok. Gagawin kitang obra maestra.”

Kamangha-mangha ang Jadeite Cabbage na ito dahil ginamit ng di-kilalang dalubhasang manlililok na ito ang mga kahinaan ng jade—ang dalawang kulay, mga bitak, at pakurba-kurbadang hugis—para mas magmukhang totoong Chinese cabbage o pechay. Ang puting bahagi ay naging tangkay ng pechay, at ang mga bitak at pakurba-kurbang hugis ay naging parang totoong mga dahon. Kung hindi sa “mga kahinaan” ng jade na ito, hindi ito magmumukhang totoong-totoo.

Dahil sa kagandahan ng obrang ito, iniregalo ito sa isa sa mga maharlika sa China at ginawang palamuti sa mga bulwagan ng magagandang palasyo sa Asia hanggang sa mapunta ito sa museo sa Taiwan.

Ipinapaalala nito sa akin ang nakasaad sa Eter 12:27: “Kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. … Ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila.”

Nang makita ko ang Jadeite Cabbage, nagkaroon ng bagong kahulugan ang talatang ito. Lahat tayo ay katulad ng pirasong ito ng jade, kaya lang ay nilililok pa rin tayo. Kailangan nating magtiwala sa dalubhasang manlililok, si Jesucristo, na gagawing kalakasan ang ating mga kahinaan. Tayo, dahil hindi perpekto ang ating pag-unawa, ay nakatuon kung minsan sa ating mga kahinaan at nawawalan tayo ng pag-asa dahil iniisip natin na hindi tayo magiging karapat-dapat kailanman. Ngunit nakikita ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo ang maaari nating maabot. Kapag tinulutan nating makaimpluwensya ang Kanyang Pagbabayad-sala sa ating buhay, gagawin Niya tayong mga obra-maestra na mamumuhay balang-araw kapiling ang Hari ng mga hari.