2014
Paano Magtanong ng mga Bagay na Mahalaga
Oktubre 2014


Paano Magtanong ng mga Bagay na Mahalaga

Ang pagtatanong nang tama ay makatutulong para magkaroon ang mga tao ng patotoo sa katotohanan.

Head with gears.

May mga pagkakataon kayong turuan ang nasa paligid ninyo, ito man ay sa maikling pakikipag-usap habang nasa bus, sa isang araling itinuturo sa simbahan, sa mga online comment, o sa seryosong pakikipag-usap sa isang kaibigan.

Kaya narito ang isang tip para sa epektibong pagtuturo sa anumang sitwasyon: magtanong.

Ang magagandang tanong ay nauuwi sa mabuting pagkatuto, at buti na lang, ang magandang pagtatanong ay isang bagay na mapag-aaralan, mapapraktis, at matututuhan ninyong gawing mabuti. Narito ang paraan.

Magtanong ng mga Bagay na Mahalaga

Ang mahahalagang tanong ay yaong nagpapaisip at umaantig sa inyo, mga tanong na aakay sa inyo sa katotohanan, patotoo, at pagbabago. Maaari itong kapalooban ng maraming paksa, pero karaniwan ay kakaunti ang pagkakatulad ng mga ito: (1) hindi ito mababaw o batay lang sa katotohanan (bagama’t maaari itong itanong kasunod ng mga tanong na batay sa katotohanan), (2) may ilang kaugnayan ito sa ating pang-araw-araw na buhay, at (3) hinihikayat tayo nitong magbigay ng sagot na talagang pinag-isipan.

Alalahanin Kung Bakit Tayo Nagtatanong

Ang mga tanong ay naghihikayat sa atin na hanapan ng sagot ang mga tanong na nasa ating isipan. Ang pagtatanong, lalo na ng mga bagay na naghihikayat na magmuni-muni ang taong tinatanong ay maaaring magbunga ng ganito:

  1. Nagiging interesado ang mga tao sa sinasabi ninyo.

  2. Ginagamit nila ang kanilang kalayaang pag-isipan at ipahayag ang sagot.

  3. Ang paggamit ng kalayaang ito ay nagtutulot sa Espiritu Santo na patunayan sa kanila ang katotohanan.1

Dahil alam na ninyo ang paraan, magkakaroon na kayo ng ideya kung ano ang mga itatanong at alin ang mga iiwasang itanong.

Tandaan na Nagtuturo Kayo sa mga Tao, Hindi Lamang ng mga Aralin

Kung kilala ninyo ang mga taong tinuturuan ninyo at iniisip ang kanilang mga pangangailangan, pipili kayo ng mga tanong na makatutulong sa kanila, hindi lamang kayo basta magtuturo ng ilang ideya.

Mag-aral at Mag-isip nang Malalim

Para maging handang magturo ng ebanghelyo, pag-aralan ang mga banal na kasulatan at ang mga turo ng mga makabagong propeta at apostol, at manalangin upang mapasainyo at sa mga tinuturuan ninyo ang Banal na Espiritu (tingnan sa D at T 42:14; 50:21–22).

Gayon din, kung gusto ninyong tanungin ang mga tao ng mga bagay na magpapaisip sa kanila, dapat ay kayo rin mismo ang mapapaisip sa tanong ninyo. Pag-isipang mabuti ang pinag-aaralan ninyo. Makikita ninyo na ang nagpapaisip sa inyo nang napakalalim ay ang mga bagay na matagal na pala ninyong itinatanong sa inyong sarili. Pag-ukulan ng pansin ang uri ng mga tanong na talagang nagpapaisip sa inyo. Ito ang mga tanong na nagbubunga ng mas malawak na kaalaman at patotoo, mga tanong na maaaring itanong din ninyo kapag tinutulungan ninyo ang iba na matutuhan ang ebanghelyo.

Unti-unting Magpunta sa Mas Mahihirap na Tanong

Kung minsan pinakamainam na bago magpunta sa mahihirap na tanong ay magsimula muna kayo sa simpleng tanong na madaling sagutin at pagkatapos ay sundan ito ng isa o dalawang tanong na kakailanganin ang mas pinag-isipang sagot. Narito ang ilang simpleng halimbawa:

Panimulang Tanong

Follow-up na Tanong

Ilang taon si Joseph Smith nang pumunta siya sa Sagradong Kakahuyan?

Kailan kayo nanalangin sa Ama sa Langit nang may taimtim na hangaring katulad ng kay Joseph?

Naniniwala ba kayo sa Diyos?

Ano ang papel ng Diyos sa buhay ninyo?

Ano ang nagawa ninyo para mapaglingkuran ang iba kamakailan?

Paano nabago ang pananaw ninyo sa paglilingkod dahil nalaman ninyo na lahat tayo ay mga anak ng Diyos?

Kung hihingin ninyo ang patnubay ng Espiritu Santo kapag nagtatanong kayo, mas malamang na tama ang maitanong ninyo sa tamang oras. Hindi kayo nakatitiyak sa mangyayari. Baka mabago nito ang buhay ng isang tao.

Tala

  1. “Dapat ninyong gamitin ang inyong kalayaang tulutan ang Espiritu na turuan kayo” (Richard G. Scott, “Upang Magtamo ng Espirituwal na Patnubay,” Liahona, Nob. 2009, 8).

Mga Araling Pang-Linggo

Ang Paksa sa Buwang ito: Pagiging Higit na Katulad ni Cristo

Paglalarawan ng mga enggranahe (gears) ng Sergey Markov/Hemera/Thinkstock; paglalarawan ng ulo ng johavel/iStock/Thinkstock

Paglalarawan ng mga kamay ng ilyast/iStock/Thinkstock