2010–2019
Nasaan ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood?
Abril 2016


14:6

Nasaan ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood?

Ang awtoridad at mga susi ng priesthood ang nagbibigay ng kapangyarihan, nagbubukas sa mga pinto ng kalangitan, nagbibigay-daan sa kapangyarihan ng langit, at nagtuturo sa landas ng tipan pabalik sa ating Ama sa Langit.

Isang hapon ng taglamig, habang papalubog ang araw sa likod ng malawak na burol na natatabunan ng snow, ang nagyeyelo sa lamig na hangin ay dumampi nang mahapdi sa aming mga pisngi at ilong, at tila itinutulak kami para hanapin agad ang aming mga kotse at truck sa ski resort parking lot. Doon sa aming komportableng mga sasakyan ay paiinitin ng mga heater ang nanlalamig naming mga daliri. Ang malutong na tunog ng snow sa bawat hakbang namin ay patunay na sobrang lamig nito.

Tuwang-tuwa ang aming pamilya sa masayang araw namin sa ski slopes, na ngayon ay nagyeyelo na sa lamig. Nang bubuksan ko na ang kotse, kinapa ko sa bulsa ng coat ko ang susi at sa isa pang bulsa at sa isa pa. “Nasaan ang mga susi?” Lahat ay balisang naghihintay na makita ang mga susi! May karga ang baterya ng kotse, at lahat ng system—pati ang heater—ay ayos naman, pero wala ang susi, naka-lock ang mga pinto; kung walang susi hindi mapapaandar ng makina ang sasakyan.

Sa sandaling iyon, ang tuon namin ay kung paano kami makakapasok sa kotse para mainitan, at naisip ko—nang sandaling iyon—na may mapupulot kaming aral sa situwasyon. Kung walang mga susi, ang kahanga-hangang sasakyang ito ay para lamang isang bagay na gawa sa plastik at metal. Kahit maraming nagagawa ang sasakyan, kung walang susi, hindi nito magagawa ang dapat gawin nito.

Habang lalo kong iniisip ang karanasang ito, lalong lumalalim ang analohiyang ito para sa akin. Namamangha ako sa pagmamahal ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Nanggigilalas ako sa makalangit na pagbisita at sa dakilang pangitain ng kawalang-hanggan na ipinagkaloob ng Diyos kay Joseph Smith. At lalo na, nag-uumapaw ang puso ko sa pasasalamat sa panunumbalik ng awtoridad at mga susi ng priesthood. Kung wala ang panunumbalik na ito, hindi tayo makakapasok sa sasakyan na maghahatid sa atin pauwi sa mapagmahal nating mga magulang sa langit. Ang pagsasagawa ng bawat ordenansa ng kaligtasan na bumubuo sa ating landas ng tipan pabalik sa piling ng ating Ama sa Langit ay nangangailangan ng wastong pamamahala sa pamamagitan ng mga susi ng priesthood.

Noong Mayo ng 1829, si Juan Bautista ay nagpakita kina Joseph Smith at Oliver Cowdery, iginawad sa kanila ang Aaronic Priesthood, at ipinagkaloob sa kanila ang mga susing kaakibat ng priesthood na iyon. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, iginawad nina Pedro, Santiago, at Juan ang mga susi ng Melchizedek Priesthood.1

Makalipas ang halos pitong taon, isang araw ng Linggo sa Kirtland Temple, isang linggo matapos itong mailaan, “ang Panginoong Jehova ay nagpakita sa kaluwalhatian” kina Joseph at Oliver, na sinundan ng pagpapakita nina Moises, Elias, at Elijah, at ipinagkatiwala ang “kanilang mga susi at dispensasyon.”2 Ang ipinanumbalik na awtoridad ng priesthood at mga susing ito ay nawala nang ilang siglo. Katulad noong hindi makapasok ang pamilya namin sa kotse dahil sa nawalang mga susi, ganoon din na hindi makakamit ng mga anak ng Ama sa Langit ang nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo—hangga’t walang banal na pagpapanumbalik na isinagawa ng makalangit na mga sugong ito. Hindi na tayo magtatanong pa ng, “Nasaan ang mga susi?”

Priesthood restoration site
Susquehanna River

Isang maaliwalas na araw ng taglagas noong isang taon, binisita ko ang tahimik na kagubatan sa hilagang-silangan ng Pennsylvania na kilala sa banal na kasulatan bilang Harmony, kung saan nagpakita si Juan Bautista kina Joseph Smith at Oliver Cowdery at ipinanumbalik ang Aaronic Priesthood. Tumayo din ako sa pampang ng Susquehanna River kung saan sina Joseph at Oliver, na pinagkalooban ng awtoridad at mga susi, ay nabinyagan. Malapit sa ilog ding ito, sina Pedro, Santiago, at Juan ay nagpakita at ipinanumbalik ang Melchizedek Priesthood at mga susi nito.3

Bahay nina Joseph at Emma Smith
Priesthood restoration site visitors’ center interior
Priesthood restoration site visitors’ center exterior

Ang mga site na ito, at ang muling itinayong unang tahanan nina Joseph at Emma, kung saan isinalin ang malaking bahagi ng Aklat ni Mormon; ang kalapit na tahanan ng mga magulang ni Emma; at isang visitors’ center, na isinama sa isang bagong meetinghouse ang bumubuo ng bagong Priesthood Restoration Site, na inilaan ni Pangulong Russell M. Nelson noong nakaraang Setyembre. Doon ay nadama ko ang kapangyarihan at katunayan ng makalangit na mga pangyayaring naganap sa sagradong lugar na iyon. Ang karanasang iyon ang nagtulak para pagnilayan, pag-aralan, at ipagdasal ko ang tungkol sa awtoridad at mga susi ng priesthood, na nagpadama sa akin ng hangaring ibahagi sa mga kabataan ng Simbahan kung paano sila mapagpapala ng awtoridad at ipinanumbalik na mga susi ng priesthood.

Una, ang pagkaunawa sa mga ito ay malaking tulong. Ang priesthood o awtoridad ng priesthood ay “ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos”4 at “ang pinakamataas na kapangyarihan dito sa lupa.”5 Ang mga susi ng priesthood ay inilarawan para maunawaan din natin: “Ang mga susi ng priesthood ay ang awtoridad na ibinigay ng Diyos sa mga lider ng priesthood para pamahalaan, pangasiwaan, at pamunuan ang paggamit ng Kanyang priesthood sa lupa.”6 Ang mga susi ng priesthood ang nangangasiwa sa paggamit ng awtoridad ng priesthood. Ang mga ordenansa na itinatala sa Simbahan ay nangangailangan ng mga susi at hindi maisasagawa nang walang pahintulot. Itinuro ni Elder Oaks na “sa huli, ang lahat ng susi ng priesthood ay hawak ng Panginoong Jesucristo, na Siyang may-ari ng priesthood. Siya ang nagpapasiya kung anong mga susi ang itatalaga sa mga tao sa mundo at kung paano gagamitin ang mga susing iyon.”7

Ngayon, para sa inyong mga kabataan, may naisip akong tatlong paraan na “mahahanap ninyo ang mga susi” o magagamit ang mga susi at awtoridad ng priesthood para pagpalain ang inyong buhay at ang buhay ng iba.

Ang Una ay Maghanda para sa Paglilingkod Bilang Missionary

Mga bata kong kapatid, maaaring hindi ninyo natatanto, ngunit ang mga susi ng pagtitipon ng Israel na ipinanumbalik ni Moises ang nagbibigay-daan sa gawaing misyonero sa ating dispensasyon. Isipin ang puwersa ng mga full-time missionary na tinatayang 75,000 na nasa mission field sa ilalim ng patnubay ng mga susing ito. Habang iniisip ito, alalahanin na hindi na napakaaga para paghandaan ninyo ang paglilingkod sa misyon. Sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, mababasa natin, “Mga kabataang lalaki ng Aaronic Priesthood, … masigasig na magtrabaho upang ihanda ang sarili na maging kinatawan ng Panginoon bilang misyonero.”8 Maaari ding maghanda ang mga kabataang babae, ngunit “hindi mahigpit ang utos sa [inyong] maglingkod.”9 Lahat ng inyong paghahanda, gayunman, para maglingkod bilang full-time missionary o hindi, ay malaking kapakinabangan sa inyo habambuhay bilang miyembrong missionary.

Ang Pangalawang Paraan para “Mahanap ang mga Susi” ay sa Pagdalo sa Templo

Sa pamamagitan ng mga susi ng pagbubuklod na ipinanumbalik ng propeta ng Lumang Tipan na si Elijah ay naisasagawa ang mga ordenansa sa mga banal na templo. Ang mga ordenansang isinasagawa sa mga templong ito ang daan para ang mga tao at pamilya ay makabalik sa piling ng ating mga magulang sa langit.

Hinihikayat namin kayong mga kabataang lalaki at babae na saliksikin at hanapin ang mga pangalan ng inyong mga ninuno at isagawa ang mga proxy baptism para sa kanila sa loob ng templo. Napapansin namin na marami na ngayong nangyayaring ganito sa iba’t ibang panig ng mundo! Ang mga baptistry sa maraming templo ay puno ng mga kabataan sa umaga at hanggang sa gabi. Ipinipihit ang mga susi na nagtutulot sa mga pamilya na mabuklod habang isinasagawa ang mga sagradong ordenansa sa mga templong ito.

Nakikita ba ninyo ang kaugnayan sa pagitan ng pagpapanumbalik ng mga susi ng priesthood at mga pagpapala nito? Sa paggawa ninyo ng gawaing ito, palagay ko makikita ninyo ang patnubay ng Panginoon sa mga detalye nito. Isang karanasan ang naglalarawan dito. Nalaman ko kamakailan ang tungkol sa isang ina na regular na sinasamahan ang kanyang mga anak sa templo para magsagawa ng mga proxy baptism. Sa partikular na araw na ito, nang matapos na ng pamilya ang kanilang mga pagbibinyag at paalis na sa templo, may isang lalaking pumasok sa baptistry area na may dalang napakaraming pangalan ng kanyang sariling pamilya. Naisip na wala nang naiwan sa baptistry para tumulong sa mga pangalang ito, nakita ng temple worker ang paalis na pamilya at tinanong ang mga bata kung gugustuhin ba nilang pumasok muli at magpalit ng damit para tumulong sa mga pagbibinyag na ito. Pumayag sila at muling pumasok. Habang nagsasagawa ng mga binyag ang mga bata, ang kanilang ina, na nakikinig, ay nakilala ang mga pangalan, na ikinagulat ng lahat, at di nagtagal ay natanto niya na ang mga pangalang dala ng lalaki ay mga namatay na ninuno rin ng kanyang pamilya. Mapagmahal at magiliw na awa para sa kanila.

Dalawang linggo na ang nakalipas ang Provo City Center Temple ay inilaan bilang ika-150 magagamit na templo ng Simbahan sa buong mundo. Nalaman natin na nang sang-ayunan si Pangulong Monson bilang Apostol noong 1963, mayroon na noong 12 nagagamit na templo sa Simbahan. Palapit na nang palapit sa inyo ang mga templo. Gayunman, sa inyo na medyo malayo o hindi regular na makadalo sa templo, dapat panatilihin ninyong karapat-dapat ang inyong sarili na dumalo. Maaari kayong gumawa ng mahalagang gawain sa labas ng mga templo kapag sinaliksik at isinumite ninyo ang mga pangalan ng inyong mga kaanak.

Ang Huli, ang Pangatlo: Sumulong nang may Pananampalataya

Ang propeta ng Lumang Tipan na si Abraham ay tumanggap ng malaking pagpapala mula sa Panginoon sa kanyang dispensasyon, na tinatawag minsan na tipan ni Abraham. Makalipas ang libu-libong taon, ang mga pagpapala ng dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham ay ipinanumbalik. Nangyari ito nang magpakita si propetang Elias kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple.

Dahil sa pagpapanumbalik na ito, natatanggap ng bawat isa sa inyo ang mga dakilang pagpapalang ipinangako kay Abraham. Ang mga pagpapalang ito ay mapapasainyo kung mananatili kayong tapat at mamumuhay nang karapat-dapat. Sa polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan, binigyan kayo ng ilang praktikal na tagubilin tungkol sa kung paano “sumulong nang may pananampalataya.” Ibubuod ko ang ilan sa payong iyon: “Upang tulungan kayong marating ang nais ng Panginoon na kahinatnan ninyo, lumuhod tuwing umaga at gabi at manalangin sa inyong Ama sa Langit. … Pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw at ipamuhay ang mga nababasa ninyo. … Sikaping maging masunurin araw-araw. … Sa lahat ng sitwasyon, sundin ang mga turo ng mga propeta. … Maging mapagpakumbaba at handang makinig sa Espiritu Santo.”

Ang payong ito ay sinundan ng pangako na humahantong sa mga pangakong dulot ng mga pagpapala ni Abraham: “Kapag ginawa ninyo ang mga bagay na ito, mas gagawing makabuluhan ng Panginoon ang buhay ninyo kaysa magagawa ninyo kung kayo lang mag-isa. Dadagdagan Niya ang inyong mga oportunidad, palalawakin ang inyong pananaw, at palalakasin kayo. Ibibigay Niya ang tulong na kailangan ninyo upang makayanan ang mga pagsubok at hamon sa buhay. Lalong lalakas ang inyong patotoo at matatagpuan ang tunay na kaligayahan kapag nakilala ninyo ang inyong Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, at madarama ang pagmamahal Nila sa inyo.”10

Bilang pagbubuod: maghandang maglingkod sa misyon, dumalo sa templo, at sumulong nang may pananampalataya.

Konklusyon

Magtatapos na tayo kung saan tayo nagsimula, nasa nagyeyelong parking lot na nagtatanong, “Nasaan ang mga susi?” Siyanga pala, kalaunan nang gabing iyon himalang nahanap ko ang susi na nahulog mula sa bulsa ko sa bundok. Ipinakita sa amin ng Panginoon na hindi Niya kami iiwang nakatayo sa gitna ng matinding lamig nang wala ang mga susi o awtoridad na ligtas na aakay sa amin pabalik sa Kanya.

Kung katulad ko kayo, maaaring madalas ninyong itanong sa sarili ninyo, “Nasaan ang mga susi” sa kotse, sa opisina, sa bahay o apartment? Kapag nangyayari ito sa akin, napapangiti na lang ako sa loob-loob ko, dahil habang hinahanap ko ang susi, naaalala ko ang ipinanumbalik na mga susi ng priesthood at si Pangulong Thomas S. Monson, na ating sinasang-ayunan “bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag”11 at ang nag-iisang tao sa lupa na nagtataglay at pinahintulutang gamitin ang lahat ng mga susi ng priesthood. Oo, ang mga susi ay ligtas at hawak ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Ang mga ito ay iginagawad, ipinagkakatiwala, at itinatalaga sa iba pa ayon sa kalooban ng Panginoon, sa patnubay ng Pangulo ng Simbahan.

Pinatototohanan ko na ang awtoridad at mga susi ng priesthood ang nagbibigay ng kapangyarihan, nagbubukas sa mga pinto ng langit, nagbibigay-daan sa kapangyarihan ng langit, at nagtuturo sa landas ng tipan pabalik sa ating mapagmahal na Ama sa Langit.

Dalangin ko na kayo, na bagong henerasyon ng mga kabataang lalaki at babae, ay “sumulong nang may pananampalataya kay Cristo,”12 na maunawaan ninyo na sagradong pribilehiyo ninyo ang kumilos ayon sa patnubay ng mga mayhawak ng susi ng priesthood na magbibigay-daan para matanggap ninyo ang mga pagpapala, kaloob, at kapangyarihan ng kalangitan.

Nagpapatotoo ako sa Diyos Ama, sa ating Tagapagligtas at Manunubos na si Jesucristo, sa Espiritu Santo, at sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw na ito, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:68–72.

  2. Doktrina at mga Tipan 110 section summary.

  3. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 128:20.

  4. Handbook 2: Administering the Church (2010), pahina 8.

  5. Boyd K. Packer, “Priesthood Power in the Home” (pandaigdigang pulong sa pagsasanay sa pamumuno, Peb. 2012), lds.org/broadcasts; tingnan din sa James E. Faust, “Power of the Priesthood,” Ensign, Mayo 1997, 41–43.

  6. Handbook 2, 2.1.1.

  7. Dallin H. Oaks, “Ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2014, 50.

  8. Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2011), 43.

  9. Thomas S. Monson, “Pagbati sa Kumperensya,” Liahona, Nob. 2012, 5.

  10. Para sa Lakas ng mga Kabataan, 42–43.

  11. Tingnan sa Officers Sustained forms na binabasa sa taunang mga kumperensya ng ward at stake.

  12. 2 Nephi 31:20.