Magtiwala sa Espiritung Yaon na Nag-aakay na Gumawa ng Kabutihan
Mas napapalapit tayo sa Tagapagligtas kapag, dahil sa dalisay na pagmamahal, ay pinaglingkuran natin ang iba para sa Kanya.
Nagpapasalamat ako na makasama kayo sa gabing ito ng pagsamba, pagninilay, at pag-aalay. Magkakasama tayong nagdasal. Narinig tayo ng mapagmahal nating Ama sa Langit. Naalala natin ang ating Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo, nang maantig tayo ng mga himno ng papuri sa Kanya. Nabigyan tayo ng inspirasyon na gumawa pa upang tulungan ang ating Panginoon sa Kanyang mga gawain na tulungan at aliwin ang mga anak ng ating Ama sa Langit.
Ang hangarin nating paglingkuran ang iba ay pinag-iibayo ng ating pasasalamat sa nagawa ng Tagapagligtas para sa atin. Kaya nga napupuspos ang ating puso kapag naririnig natin ang mga salitang kinanta na “Dahil biyaya sa akin ay kayrami, sa aking kapwa’y dapat lang magbahagi.”1 Ipinangako ni Haring Benjamin, sa kanyang dakilang sermon na nasa Aklat ni Mormon, na madarama natin ang pasasalamat na iyon (tingnan sa Mosias 2:17–19).
Kapag inakay tayo ng ating pananampalataya kay Jesucristo upang maging marapat tayong magalak sa Kanyang pagpapatawad, hinahangad nating paglingkuran ang iba para sa Kanya. Itinuro ni Haring Benjamin na ang kapatawaran ay hindi nakakamtan nang biglaan.
Ganito ang sabi Niya: “At ngayon, alang-alang sa mga bagay na ito na aking sinabi sa inyo—na, alang-alang sa pananatili ng kapatawaran ng inyong mga kasalanan sa araw-araw, upang kayo ay makalakad nang walang kasalanan sa harapan ng Diyos—nais kong ibahagi ninyo ang inyong kabuhayan sa mga maralita, bawat tao alinsunod sa kung ano ang mayroon siya, gaya ng pagpapakain sa nagugutom, pagpapanamit sa hubad, pagdalaw sa may karamdaman, at pangangasiwa sa kanilang ikagiginhawa, kapwa espirituwal at temporal, alinsunod sa kanilang mga pangangailangan” (Mosias 4:26).
Itinuro din ng kasama ni Alma, si Amulek, ang katotohanan na kailangang patuloy tayong maglingkod sa Kanya upang mapanatili ang kapatawaran ng kasalanan: “At ngayon masdan, mga minamahal kong kapatid, sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong akalain na ito na ang lahat; sapagkat matapos ninyong magawa ang lahat ng bagay na ito, kung inyong tatalikuran ang mga nangangailangan, at ang hubad, at hindi ninyo dinadalaw ang may karamdaman at naghihirap, at ibahagi ang inyong kabuhayan, kung kayo ay mayroon, sa mga yaong nangangailangan—sinasabi ko sa inyo, kung hindi ninyo gagawin ang alinman sa mga bagay na ito, masdan, ang inyong mga panalangin ay walang kabuluhan, at wala kayong pakikinabangan, at kayo ay kagaya ng mga mapagkunwari na itinatatwa ang relihiyon” (Alma 34:28).
Naisip ko ngayong gabi ang mga babae sa buhay ko. May 31 babae sa aming pamilya, simula sa asawa ko hanggang sa tatlo naming pinakabagong kaapu-apuhan. Kasama natin ang ilan ngayong gabi. Lima ang wala pang dose anyos. Maaaring ito ang unang pulong na dinaluhan nila sa Conference Center kasama ang mga kapatid nila sa Simbahan ng Tagapagligtas. Bawat isa ay magkakaroon ng mga alaala at gagawa ng sarili niyang mga pangako mula sa karanasang ito ngayong gabi.
May tatlong alaala at tatlong pangako na sana’y manatili sa kanilang isipan habambuhay at sa kabilang-buhay. Ang mga aalalang ito ay ukol sa damdamin. At ang mga pangako ay mga bagay na gagawin.
Ang pinakamahalagang damdamin ay pagmamahal. Nadama ninyo ang pagmamahal ng mahuhusay na babaeng lider na nagsalita. At nadama ninyo sa pamamagitan ng Espiritu na mahal nila kayo kahit hindi nila kayo kilala dahil nadama nila ang pagmamahal sa inyo ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas. Kaya nga gustung-gusto nilang paglingkuran kayo at matanggap ninyo ang mga biyayang nais ng Diyos para sa inyo.
Nakadama na kayo ng pagmamahal sa iba ngayong gabi—para sa mga kaibigan, kaeskuwela, kapitbahay, at maging sa tao na ngayon lang ninyo nakilala, isang estranghero. Ang pagmamahal na iyon ay kaloob ng Diyos. Ang tawag dito sa mga banal na kasulatan ay “pag-ibig sa kapwa” at “ang dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47). Nadama ninyo ang pagmamahal na ito ngayong gabi, at matatanggap ninyo ito nang madalas kung hahangarin ninyo ito.
Ang pangalawang nadama ninyo ngayong gabi ay ang impluwensya ng Espiritu Santo. Nangako sa inyo ang mga kapatid ngayong gabi na gagabayan kayo ng Espiritu Santo na mahanap ang paglilingkod na gusto ng Panginoon na ibigay ninyo sa iba para sa Kanya. Nadama ninyo sa pamamagitan ng Espiritu na ang kanilang pangako ay nagmula sa Panginoon at na ito ay totoo.
Sinabi ng Panginoon, “At ngayon, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, magtiwala ka sa Espiritung yaon na nag-aakay sa paggawa ng mabuti—oo, ang gumawa ng makatarungan, lumakad nang may pagpapakumbaba, maghatol nang matwid; at ito ang aking Espiritu” (D at T 11:12).
Maaaring natanggap ninyo ang pagpapalang iyan ngayong gabi. Halimbawa, maaaring naalala ninyo ang pangalan o mukha ng isang taong nangangailangan ng tulong. Maaaring sandali lang itong pumasok sa inyong isipan, ngunit dahil sa narinig ninyo ngayong gabi, ipagdarasal ninyo ito, nagtitiwala na aakayin kayo ng Diyos na gawin ang kabutihang nais Niya para sa kanila. Kapag nakaugalian ninyo ang gayong mga panalangin sa buhay ninyo, magiging mas mabuti kayo at ang iba.
Ang pangatlong nadama ninyo ngayong gabi ay nais ninyong mas mapalapit sa Tagapagligtas. Kahit ang pinakabatang babae rito ay nadama ang katotohanan ng paanyaya sa awiting: “‘Magsisunod kayo sa ‛kin,’ ang wika ni Cristo sa ‛tin.”2
Kaya, taglay ang damdaming iyon, ang unang kailangan ninyong ipangakong gawin ay humayo at maglingkod batid na hindi kayo hahayong mag-isa. Kapag pumaroon kayo para aliwin at paglingkuran ang sinuman para sa Tagapagligtas, inihahanda Niya ang daan para sa inyo. Tulad ng sasabihin sa inyo ng mga returned missionary na narito ngayong gabi, hindi ibig sabihin niyan na bawat tao sa likod ng pintuan ay handa kayong tanggapin o bawat taong susubukan ninyong paglingkuran ay magpapasalamat sa inyo. Ngunit mangunguna ang Panginoon sa inyo upang ihanda ang daan.
Paulit-ulit na sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson na alam niya ang katunayan ng mga pangako ng Panginoon: “At sinuman ang tatanggap sa inyo, naroroon din ako, sapagkat ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (D at T 84:88).
Ang isa sa mga paraan na nangunguna Siya sa inyo ay inihahanda Niya ang puso ng isang tao na gusto Niyang paglingkuran ninyo. Ihahanda rin Niya ang puso ninyo.
At malalaman din ninyo na naglalagay ng mga tulong ang Panginoon sa inyong tabi—sa inyong kanan, sa inyong kaliwa, at sa buong paligid ninyo. Hindi kayo humahayong mag-isa sa paglilingkod sa iba para sa Kanya.
Ginawa Niya iyan para sa akin ngayong gabi. Naghanda ang Panginoon ng “makapal na bilang ng mga saksi” (Sa Mga Hebreo 12:1), kapwa sa mga salita at musika, upang pagsamahin at pag-ibayuhin ang bisa ng nais Niyang sabihin ko. Kailangan ko lang tiyakin na aakma ako sa nais Niyang ibahagi. Hinihiling at ipinagdarasal ko na magpasalamat at magalak kayo dahil isinama kayo ng Panginoon sa iba upang maglingkod para sa Kanya.
Kapag madalas ninyong maranasan iyan, at talagang mararanasan ninyo iyan, mapapangiti kayo nang may pag-unawa, katulad ko, tuwing aawitin natin ang, “O kaylugod na gawain.”3
Mapapangiti rin kayo kapag naalala ninyo ang talatang ito: “At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa” (Mateo 25:40).
Ang ikalawang kailangan ninyong gawin ay alalahanin ang Panginoon kapag humayo kayo upang maglingkod para sa Kanya. Hindi lamang nangunguna sa atin ang Panginoon at nagpapadala ng mga anghel upang paglingkuran tayo, kundi nadarama rin Niya ang pag-aliw natin sa iba na para bang sa Kanya natin ito ibinigay.
Bawat anak na babae ng Diyos na nakakarinig at naniniwala sa mga mensahe sa pulong na ito ay magtatanong, “Ano ang nais ipagawa sa akin ng Panginoon upang matulungan ko Siyang tulungan ang mga taong nangangailangan?” Ang sitwasyon ng bawat babae ay kakaiba. Totoo ito sa aking mga anak na babae, manugang, apo, at kaapu-apuhan. Sa kanila, at sa lahat ng anak na babae ng Ama sa Langit, inuulit ko ang matalinong payo ni Sister Linda K. Burton.
Hinilingan niya kayong manalangin nang may pananampalataya upang malaman kung ano ang nais ipagawa sa inyo ng Panginoon sa inyong sitwasyon. At tapos ay pinangakuan niya kayo ng magiliw na kapanatagang ibinigay ng Panginoon mismo sa babaeng pinulaan dahil pinahiran nito ng mamahaling langis ang Kanyang ulo samantalang maaari niya itong ipagbili upang makatulong sa mga dukha.
“Datapuwa’t sinabi ni Jesus, Pabayaan ninyo siya; bakit ninyo siya binabagabag? mabuting gawa ang ginawa niya sa akin.
“Sapagka’t laging nasa inyo ang mga dukha, at kung kailan man ibigin ninyo ay mangyayaring magawan ninyo sila ng magaling: datapuwa’t ako’y hindi laging nasa inyo.
“Ginawa niya ang kaniyang nakaya; nagpauna na siya na pahiran ang katawan ko sa paglilibing sa akin.
“At katotohanang sinasabi ko sa inyo, Saan man ipangaral ang evangelio sa buong sanglibutan, ay sasaysayin din ang ginawa ng babaing ito sa pagaalaala sa kaniya” (Marcos 14:6–9).
Ang maikling talatang iyan ay magiliw at matalinong payo para sa matatapat na kababaihan sa kaharian ng Panginoon sa napakagulong panahon. Ipagdarasal ninyong malaman kung sino ang nais ng Ama na paglingkuran ninyo dahil sa inyong pagmamahal sa Kanya at sa ating Tagapagligtas. At huwag asamin ang papuri ng mga tao, sa pagtulad sa halimbawa ng babae sa kuwento ni Marcos sa banal na kasulatan, na ang banal na gawang parangalan ang Tagapagligtas ng mundo ay naaalala ngunit hindi ang kanyang pangalan.
Sana nga’y gawin ng mga babae sa ating pamilya ang lahat ng makakaya nila dahil sa pagmamahal sa Diyos upang paglingkuran ang mga taong nangangailangan. At ang ikatlong bagay na sana’y gawin nila ay ang maging mapagpakumbaba sa kanilang mabubuting gawa. Dalangin ko na tanggapin nila ang payo ng Panginoon, nang sabihin Niya—na tiwala akong kailangan nating lahat na marinig:
“Mangagingat kayo na huwag magsigawa ng katuwiran sa harap ng mga tao, upang kanilang makita: sa ibang paraan ay wala kayong ganti ng inyong Ama na nasa langit.”
At sinabi pa Niya:
“Datapuwa’t pagka ikaw ay naglilimos, ay huwag maalaman ng iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay:
“Upang ang iyong paglilimos ay malihim: at ang iyong Ama na nakakikita sa lihim ay gagantihin ka” (Mateo 6:1, 3–4).
Ang dalangin ko para sa mga babae sa kaharian, saan man sila naroon o anuman ang kanilang sitwasyon, ay na akayin sila ng kanilang pananampalataya sa Tagapagligtas at pasasalamat para sa Kanyang Pagbabayad-sala na gawin ang lahat sa abot-kaya nila para sa mga taong iniuutos ng Diyos na paglingkuran nila. Kapag ginawa nila ito, ipinapangako ko na susulong sila sa kanilang landas upang maging mga banal na babae na malugod na tatanggapin at hayagang gagantimpalaan ng Tagapagligtas at ng ating Ama sa Langit.
Pinatototohanan ko na ito ang Simbahan ng nabuhay na mag-uling si Jesucristo. Siya ay nagbangon. Binayaran Niya ang lahat ng ating kasalanan. Alam ko na dahil sa Kanya tayo ay mabubuhay na mag-uli at magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Si Thomas S. Monson ang Kanyang buhay na propeta. Naririnig at sinasagot ng Ama sa Langit ang ating mga dalangin. Pinatototohanan ko na mas napapalapit tayo sa Tagapagligtas kapag, dahil sa dalisay na pagmamahal, ay pinaglingkuran natin ang iba para sa Kanya. Iniiwan ko sa inyo ang tiyak na patotoong ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.