2010–2019
Isang Sagradong Pagtitiwala
Abril 2016


3:56

Isang Sagradong Pagtitiwala

Ang mahalagang kaloob na ito na kapangyarihan ng priesthood ay hindi lang mga banal na responsibilidad ang hatid kundi natatanging mga pagpapala rin para sa ating sarili at sa iba.

Mahal kong mga kapatid, dalangin ko na patnubayan ako ng Espiritu sa aking mensahe ngayong gabi. May isang bagay na karaniwan sa ating lahat. Tayo ay pinagkatiwalaang taglayin ang priesthood ng Diyos at kumilos sa Kanyang pangalan. Tumanggap tayo ng isang sagradong pagtitiwala. Malaki ang inaasahan sa atin.

Mababasa natin sa Doktrina at mga Tipan, bahagi 121, talata 36, “Ang mga karapatan ng pagkasaserdote ay may di mapaghihiwalay na kaugnayan sa mga kapangyarihan ng langit.” Lubhang kahanga-hanga ang kaloob na naibigay sa atin. Responsibilidad nating bantayan at protektahan ang priesthood at maging karapat-dapat sa lahat ng maluwalhating pagpapalang laan sa atin ng ating Ama sa Langit—at sa iba sa pamamagitan natin.

Saanman kayo magpunta, taglay ninyo ang inyong priesthood. Nakatayo ba kayo sa mga banal na lugar? Bago ninyo ilagay sa peligro ang inyong sarili at inyong priesthood sa pagpunta sa mga lugar o paglahok sa mga gawaing hindi nararapat sa inyo o sa inyong priesthood, tumigil sandali at isipin ang ibubunga nito. Alalahanin kung sino kayo at kung ano ang inaasahan ng Diyos na kahinatnan ninyo. Kayo ay may kinabukasan. Kayo ay may kakayahan. Kayo ay anak ng Diyos.

Ang mahalagang kaloob na ito na kapangyarihan ng priesthood ay hindi lang mga banal na responsibilidad ang hatid kundi natatanging mga pagpapala rin para sa ating sarili at sa iba. Nawa, saan man tayo mapunta, ay lagi tayong maging karapat-dapat na gamitin ang kapangyarihan nito, dahil hindi natin alam kung kailan darating ang ating pangangailangan at oportunidad na gawin ito.

Noong World War II, naglilingkod ang isang kaibigan ko sa South Pacific nang pabagsakin ng kaaway ang kanyang eroplano sa karagatan. Siya at ang iba pang mga crew ay matagumpay na nag-parachute mula sa nasusunog na eroplano, nilagyan ng hangin ang kanilang mga balsa, at kumapit nang mahigpit sa mga balsang iyon nang tatlong araw.

Sa ikatlong araw nakita nila ang alam nilang isang barkong sasagip. Nilagpasan sila nito. Kinaumagahan nilagpasan sila nitong muli. Nagsimula silang manlumo nang mapagtanto nila na iyon na ang huling araw na nasa lugar na iyon ang barkong sasagip.

Pagkatapos ay nangusap ang Banal na Espiritu sa kaibigan ko: “Taglay mo ang priesthood. Utusan mo ang mga sumasagip na sunduin kayo.”

Sinunod niya ang pahiwatig: “Sa ngalan ni Jesucristo at sa kapangyarihan ng priesthood, bumalik kayo at sunduin ninyo kami.”

Sa loob ng ilang minuto katabi na nila ang barko, at tinulungan silang sumakay rito. Ang isang matapat at marapat na maytaglay ng priesthood, sa oras ng kanyang pangangailangan, ay ginamit ang priesthood na iyon, at pinagpala ang buhay niya at ng iba.

Nawa’y magpasiya tayo, ngayon mismo, na laging maging handa para sa oras ng ating pangangailangan, paglilingkod, at pagpapala.

Sa pagtatapos ngayon ng ating pangkalahatang sesyon ng priesthood, sinasabi ko sa inyo na kayo ay “isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote” (I Ni Pedro 2:9). Nawa’y lagi tayong maging marapat sa mga banal na papuring ito, ang buong-puso kong dalangin sa ngalan ni Jesucristo, na ating Tagapagligtas, amen.