2010–2019
Kanlungan Mula sa Bagyo
Abril 2016


12:41

Kanlungan Mula sa Bagyo

Ang sandaling ito ay hindi naglalarawan sa buong pagkatao ng mga refugee, ngunit ang pagtugon natin ay maglalarawan sa ating buong pagkatao.

“Sapagkaʼt akoʼy nagutom, at akoʼy inyong pinakain: “Akoʼy nauhaw, at akoʼy inyong pinainom: Akoʼy naging taga ibang bayan, at inyo akong pinatuloy;

“Naging hubad, at inyo akong pinaramtan. …

“… Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.”1

May tinatayang 60 milyong refugee sa buong mundo ngayon, na ibig sabihin ay “1 sa bawat 122 tao … ang sapilitang pinaalis sa kanilang mga tahanan,”2 at kalahati nito ay mga bata.3 Nakabibiglang isipin ang laki ng bilang at ang kahulugan nito sa buhay ng bawat tao. Ang kasalukuyan kong tungkulin ay sa Europe, kung saan 1,250,000 ng mga refugee na ito ang nagdatingan noong isang taon mula sa mga lugar na winasak ng digmaan sa Middle East at Africa.4 Nakikita namin ang marami sa kanila na ang tanging dala ay ang suot nilang damit at ang anumang mailalagay nila sa isang maliit na bag. Marami sa kanila ang edukado, at lahat ay napilitang iwanan ang kanilang tahanan, paaralan, at trabaho.

Sa ilalim ng pamamahala ng Unang Panguluhan, nakipagtulungan ang Simbahan sa 75 organisasyon sa 17 bansa sa Europe. Kabilang sa mga organisasyong ito ang malalaking institusyon sa ibaʼt ibang bansa, maliliit na komunidad, mga ahensya ng gobyerno, at mga kawanggawa ng ibang simbahan at samahan. Mapalad tayo na katuwang natin ang iba na maraming taon nang tumutulong sa mga refugee sa buong mundo at natututo tayo mula sa kanila.

Bilang mga miyembro ng Simbahan, bilang mga tao, hindi na natin kailangan pang gunitain ang ating kasaysayan upang mapagmuni-muni ang mga panahon na tayo ay mga refugee, na marahas na pinalayas sa ating tahanan at bukid nang paulit-ulit. Nitong nakaraang Sabado sa pagsasalita tungkol sa mga refugee, hiniling ni Sister Linda Burton sa kababaihan ng Simbahan na isiping, “Paano kung katulad ng kuwento nila ang kuwento ng buhay ko?”5 Ang kuwento ng buhay nila ay kuwento natin, ilang taon pa lang ang nakararaan.

May matitinding pagtatalo sa mga gobyerno at sa iba’t ibang lipunan tungkol sa kahulugan ng refugee at kung ano ang dapat gawin upang matulungan sila. Ang mensahe ko ay hindi nilayon sa anumang paraan na makibahagi sa mainitang talakayang iyon, ni magkomento tungkol sa immigration policy, kundi magtuon sa mga tao na pinalayas sa kanilang tahanan at bansa dahil sa mga digmaang hindi sila ang nagpasimula.

Batid ng Tagapagligtas kung ano ang pakiramdam ng maging isang refugee—naging refugee Siya noon. Noong bata pa Siya, nagtungo si Jesus at ang Kanyang pamilya sa Egipto upang takasan ang mga espada ng kamatayan ni Herodes. At sa maraming pagkakataon sa Kanyang ministeryo, pinagbantaan at nanganib ang buhay ni Jesus, at sa huli ay sumuko na sa masasamang taong nagbalak na patayin Siya. Marahil, noon, mas kamangha-mangha sa atin na paulit-ulit Niyang itinuro sa atin na magmahalan, magmahal na tulad ng Kanyang pagmamahal, na mahalin ang ating kapwa tulad sa ating sarili. Tunay ngang ang “dalisay na relihion at walang dungis sa harapan ng ating Dios at Ama ay ito, dalawin ang mga ulila at mga babaing bao sa kanilang kapighatian”6 at “titingin sa mga maralita at sa nangangailangan, at magbibigay ng tulong sa kanila upang hindi sila maghirap.”7

Nakasisiglang masaksihan ang napakaraming iniambag ng mga miyembro ng Simbahan mula sa iba’t ibang panig ng mundo upang tulungan ang mga tao at pamilyang ito na nawalan ng halos lahat. Lalo na sa ibaʼt ibang dako ng Europe, nakita ko na ang maraming miyembro ng Simbahan na nagalak at sumigla ang kaluluwa nang tumugon sila sa malalim at likas na hangaring iyon na tumulong at maglingkod sa mga taong may matinding pangangailangan na nasa paligid nila. Ang Simbahan ay naglaan ng tirahan at pangangalagang medikal. Ang mga stake at mga mission ay bumuo ng libu-libong hygiene kit. Ang iba pang mga stake ay nagbigay ng pagkain at tubig, mga damit, waterproof coat, bisikleta, aklat, backpack, salamin sa mata, at marami pang iba.

Ang mga tao mula Scotland hanggang Sicily ay tumulong sa lahat ng gawain. Ang mga doktor at nars ay nagboluntaryong tumulong nang dumaong ang mga refugee na basang-basa, ginaw na ginaw, at kadalasa’y may trauma sa pagtawid sa karagatan. Nang patirahin na ang mga refugee sa lugar, tinulungan sila ng mga miyembro doon na matutuhan ang wika ng bansang kumupkop sa kanila, samantalang ang iba naman ay pinasigla kapwa ang mga bata at mga magulang sa pagbibigay ng mga laruan, art supplies, musika, at paglalaro. Nagdala ang ilan ng mga donasyong yarn, knitting needle, at crochet hook at itinuro ang mga kasanayang ito sa matatanda at mga batang refugee.

Pinatunayan ng matatagal nang miyembro ng Simbahan na maraming taon nang nakapaglingkod at namuno na ang agarang pagtulong sa mga taong ito na nangangailangan ang pinakamasaya at pinaka-nakalulugod na karanasan sa lahat ng paglilingkod nila.

Ang katunayan ng mga sitwasyong ito ay kailangang makita upang mapaniwalaan. Noong taglamig nakilala ko, bukod sa marami pang iba, ang isang buntis na babae mula sa Syria sa isang refugee transit camp na gustong makatiyak na hindi niya isisilang ang kanyang anak sa malamig na sahig ng malaking bulwagang pansamantala niyang tinitirhan. Doon sa Syria ay propesor siya sa isang unibersidad. At sa Greece nakausap ko ang isang pamilyang basang-basa pa, ginaw na ginaw, at takot na takot sa pagtawid nila sa karagatan sakay ng maliit na rubber boat mula sa Turkey. Nang titigan ko ang kanilang mga mata at marinig ang mga kuwento nila, tungkol sa takot sa pagtakas nila at sa mapanganib na paglalakbay sa paghahanap ng makakanlungan, hindi na ako magiging katulad ng dati.

Maraming masigasig na relief worker ang nagmalasakit at tumulong, at marami sa kanila ay boluntaryo. Nakita ko ang ginawa ng isang miyembro ng Simbahan na nagtrabaho, sa loob ng maraming buwan, hanggang gabi, sa paglalaan ng pinakaagarang mga pangangailangan ng mga taong dumating sa Greece mula sa Turkey. Kabilang sa maraming iba pa niyang ginawa, nagbigay siya ng first aid sa mga taong lubhang nangailangan ng panggagamot; tiniyak niya na naaasikaso ang kababaihan at mga batang naglakbay na mag-isa; niyakap niya ang mga namatayan ng mahal sa buhay habang naglalakbay at ginawa niya ang lahat para mapagkasya ang limitadong resources sa napakaraming nangangailangan. Siya, gaya ng napakaraming katulad niya, ay literal na isang naglilingkod na anghel, na ang mga ginawa ay hindi malilimutan ng mga taong kanyang inalagaan, ni ng Panginoon, na kanyang pinaglingkuran.

Lahat ng nagbigay ng kanilang sarili upang maibsan ang pagdurusa ng mga nakapaligid sa kanila ay tulad ng mga tao ni Alma: “At sa gayon, sa kanilang maunlad na kalagayan, hindi nila itinaboy ang sino mang mga hubad, o mga gutom, o mga uhaw, o mga may karamdaman, o mga hindi nakandili; … sila ay naging mapagbigay sa lahat, kapwa matanda at bata, kapwa alipin at malaya, kapwa lalaki at babae, maging sa labas ng simbahan o sa loob ng simbahan, walang itinatangi sa mga tao hinggil sa mga yaong nangangailangan.”8

Pakaingatan natin na hindi maging pangkaraniwan lamang ang balita tungkol sa sitwasyon ng mga refugee kapag napawi na ang naunang pagkabigla gayong patuloy pa rin ang mga digmaan at patuloy na dumarating ang mga pamilya. Milyun-milyong refugee na laganap sa buong mundo, na ang mga kuwento ay hindi na naibabalita, ang nangangailangan pa rin ng tulong.

Kung itatanong ninyo, “Ano ang magagawa ko?” alalahanin muna natin na hindi tayo dapat maglingkod na kinalilimutan ang ating pamilya at iba pang mga responsibilidad,9 ni hindi natin dapat asahan ang ating mga lider na mag-organisa ng mga proyekto para sa atin. Ngunit bilang mga kabataan, kalalakihan, kababaihan, at mga pamilya, maaari tayong makibahagi sa dakilang pagkakawanggawang ito.

Bilang tugon sa paanyaya ng Unang Panguluhan na makibahagi sa paglilingkod na tulad ng kay Cristo sa mga refugee sa buong mundo,10 ang mga general presidency ng Relief Society, Young Women, at Primary ay nag-organisa ng isang relief effort na tinaguriang “I Was a Stranger.” Ipinaalam ito ni Sister Burton sa kababaihan ng Simbahan nitong nakaraang linggo sa pangkalahatang sesyon ng kababaihan. Maraming makakatulong na ideya, resources, at mungkahi para sa paglilingkod sa IWasAStranger.lds.org.

Magsimulang lumuhod sa panalangin. Pagkatapos ay mag-isip ng mga bagay na gagawin na malapit sa bahay ninyo, sa sarili ninyong komunidad, kung saan kayo makakakita ng mga taong nangangailangan ng tulong na makagamay sa bago nilang sitwasyon. Ang pangunahing layunin ay matulungan silang maging masipag at makaasa sa kanilang sarili.

Ang mga posibilidad na makatulong tayo at maging kaibigan ay walang katapusan. Maaari ninyong tulungan ang mga refugee na matutuhan ang wika ng bansang kumupkop sa kanila, mapahusay ang kanilang mga kasanayan sa trabaho, o magpraktis sa job interview. Maaari kayong mag-alok na turuan ang isang pamilya o single mother na makagamay sa bagong kultura, kahit sa simpleng pagsama lang sa kanila sa grocery o sa eskuwela. Ang ilang ward at stake ay mayroon nang mapagkakatiwalaang mga organisasyon na makakatuwang. At, depende sa inyong kalagayan, maaari kayong magbigay ng donasyon sa pambihirang pangkakawanggawa ng Simbahan.

Bukod pa rito, mapag-iibayo ng bawat isa sa atin ang ating kamalayan sa mga kaganapan sa mundo na nagtutulak sa mga pamilyang ito na lisanin ang kanilang tahanan. Kailangan tayong manindigan laban sa paghihigpit at itaguyod natin ang paggalang at pag-uunawaan sa magkakaibang kultura at tradisyon. Kapag nakausap ninyo ang mga pamilyang ito at narinig mismo ang mga kuwento ng buhay nila, at hindi mula sa telebisyon o pahayagan, babaguhin kayo nito. Ang mga tunay na pagkakaibigan ay mabubuo at magpapadama ng pagkahabag at tagumpay na pagsasama.

Iniutos sa atin ng Panginoon na ang mga stake ng Sion ay magiging “isang tanggulan” at “isang kanlungan mula sa bagyo”11 Nakahanap na tayo ng kanlungan. Lumabas tayo mula sa ating ligtas na lugar at bahaginan natin sila, mula sa ating kasaganaan, pag-asa sa mas magandang kinabukasan, pananampalataya sa Diyos at sa ating kapwa-tao, at pagmamahal sa kabila ng pagkakaiba sa kultura at ideolohiya sa maluwalhating katotohanan na lahat tayo ay anak ng ating Ama sa Langit.

“Sapagka’t hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan; kundi ng kapangyarihan at ng pagibig.”12

Ang pagiging refugee ay maaaring magpabago sa buhay ng mga refugee, ngunit ang pagiging refugee ay hindi naglalarawan sa buong pagkatao nila. Tulad ng napakaraming nauna sa kanila, ito ay isang panahon—sana’y isang maikling panahon lamang—sa kanilang buhay. Ang ilan sa kanila ay magpapatuloy sa buhay at magiging mga Nobel Prize laureate, kawani ng gobyerno, doktor, siyentipiko, musikero, artist, pinuno ng relihiyon, at tagapag-ambag sa iba pang mga larangan. Tunay ngang marami sa kanila ang ganito na bago nawala ang lahat sa kanila. Ang sandaling ito ay hindi naglalarawan sa buong pagkatao nila, ngunit ang pagtugon natin ay maglalarawan sa ating buong pagkatao.

“Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.”13 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Para sa iba pang reperensya, tingnan sa IWasAStranger.lds.org at mormonchannel.org/blog/post/40-ways-to-help-refugees-in-your-community.