Mga Ama
Pagtutuunan ko ngayon ang kabutihang magagawa ng kalalakihan sa pinakamataas na tungkulin ng lalaki—ang pagiging asawa at ama.
Magsasalita ako ngayon tungkol sa mga ama. Ang mga ama ay mahalaga sa banal na plano ng kaligayahan, at nais kong hikayatin yaong mga nagsisikap na gampanang mabuti ang tungkuling iyan. Ang purihin at hikayatin ang pagiging ama at ang mga ama ay hindi pagpapahiya o pagbabalewala sa sinuman. Pagtutuunan ko lang ngayon ang kabutihang magagawa ng kalalakihan sa pinakamataas na tungkulin ng lalaki—ang pagiging asawa at ama.
Naobserbahan ni David Blankenhorn, awtor ng Fatherless America: “Ngayon, ang lipunan ng Amerika ay nahahati at magkaiba ang pananaw tungkol sa pagiging ama. Ni hindi ito natatandaan ng ilang tao. Ang ilan ay nayayamot dito. Ang iba naman, pati na ang ilang nagsusulat tungkol sa pamilya, ay binabalewala o binabatikos pa ito. Ang maraming iba pa ay hindi gaanong kontra dito, ni hindi rin gaanong seryoso tungkol dito. Nais ng maraming tao na solusyunan natin ito, ngunit naniniwala sila na hindi na talaga magagawa o ayaw nang gawin ito ng ating lipunan.1
Bilang Simbahan, naniniwala tayo sa mga ama. Naniniwala tayo sa “ulirang ama na inuuna ang kanyang pamilya.”2 Naniniwala tayo na “sa plano ng Diyos, ang mga ama ang mangungulo sa kanilang mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan at ang may tungkuling maglaan para sa mga pangangailangan sa buhay at kaligtasan ng kanilang mga mag-anak.”3 Naniniwala tayo na sa magkatugmang mga tungkulin nila sa pamilya, “ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan.”4 Naniniwala tayo na bukod sa mahalaga, ang mga ama ay kakaiba at walang makakapalit.
Tinitingnan ng ilan ang buti ng pagiging ama ayon sa konsepto ng lipunan, bilang isang obligasyon ng mga lalaki sa kanilang supling, kaya napipilitan silang maging mabubuting mamamayan at isipin ang mga pangangailangan ng iba, na nagpapaigting sa ideya na “hindi lamang responsibilidad ng ina ang pangangalaga sa mga anak. … Sa madaling salita, mahalaga sa kalalakihan ang maging ama. Mahalaga sa mga anak ang magkaroon ng ama. Mahalaga sa lipunan ang lumikha ng mga ama.”5 Bagama’t walang alinlangan na totoo at mahalaga ang mga bagay na ito, alam natin na ang pagiging ama ay hindi lang isang konsepto ng lipunan o resulta ng ebolusyon. Ang papel ng ama ay may banal na pinagmulan, simula sa isang Ama sa Langit at, sa mundong ito, kay Amang Adan.
Ang nagpakita ng sakdal at banal na pagkaama ay ang ating Ama sa Langit. Kasama sa Kanyang pag-uugali at mga katangian ang saganang kabutihan at sakdal na pagmamahal. Ang kanyang gawain at kaluwalhatian ay ang pag-unlad, kaligayahan, at buhay na walang hanggan ng Kanyang mga anak.6 Ang mga ama sa makasalanang mundong ito ay hindi maikukumpara sa Kamahalang nasa Kalangitan, ngunit sa abot ng kanilang makakaya, pinagsisikapan nilang tularan Siya, at tunay ngang masigasig sila sa Kanyang gawain. Sila ay pinagkalooban ng pambihira at mahinahong pagtitiwala.
Para sa kalalakihan, ang pagiging ama ay inilalantad tayo sa sarili nating mga kahinaan at sa pangangailangan nating magpakabuti. Ang pagiging ama ay nangangailangan ng sakripisyo, ngunit pinagmumulan ito ng walang-kapantay na kasiyahan, maging ng kagalakan. Muli, ang pinakadakilang huwaran ay ang ating Ama sa Langit, na lubos tayong minahal, na Kanyang mga espiritung anak, kaya’t ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak para sa ating kaligtasan at kadakilaan.7 Sinabi ni Jesus, “Walang may lalong dakilang pagibig kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan.”8 Ipinapakita ng mga ama ang pagmamahal na iyon kapag iniukol nila ang kanilang buhay araw-araw, sa paglilingkod at pagsuporta sa kanilang pamilya.
Marahil ang pinakamahalaga sa gawain ng isang ama ay ang ibaling ang puso ng kanyang mga anak sa kanilang Ama sa Langit. Kung sa pamamagitan ng kanyang halimbawa at maging sa kanyang mga salita ay maipamalas ng isang ama ang kanyang katapatan sa Diyos sa araw-araw na pamumuhay, naibigay na ng amang iyon ang susi ng kapayapaan sa buhay na ito at ng buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.9 Ang isang ama na binabasahan at sinasamahan sa pagbasa ng banal na kasulatan ang kanyang mga anak ay ipinababatid sa kanila ang tinig ng Panginoon.10
Matatagpuan natin sa mga banal na kasulatan ang paulit-ulit na pagbibigay-diin sa obligasyon ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak:
“At muli, yayamang ang mga magulang ay may mga anak sa Sion, o sa alinman sa kanyang mga istaka na naitatag, na hindi nagtuturo sa kanila na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang Anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, pagsapit ng walong taong gulang, ang kasalanan ay nasa ulo ng mga magulang. …
“At tuturuan din nila ang kanilang mga anak na manalangin, at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon.”11
Noong 1833, pinagsabihan ng Panginoon ang mga miyembro ng Unang Panguluhan sa di-sapat na pag-uukol ng pansin sa tungkuling turuan ang kanilang mga anak. Sa isa ay tuwiran Niyang sinabi, “Hindi mo tinuruan ang iyong mga anak ng liwanag at katotohanan, alinsunod sa mga kautusan; at yaong masama ay may kapangyarihan, sa ngayon, sa iyo, at ito ang dahilan ng iyong pagdurusa.”12
Dapat iturong muli ng mga ama ang batas at mga gawa ng Diyos sa bawat henerasyon. Tulad ng ipinahayag ng Mang-aawit:
“Sapagka’t siya’y nagtatag ng patotoo sa Jacob, at nagtakda ng kautusan sa Israel, na kaniyang iniutos sa aming mga magulang, na kanilang ipabatid sa kanilang mga anak:
“Upang maalaman ng lahing darating, sa makatuwid baga’y ng mga anak na ipanganganak; na siyang magsisibangon, at mangagsasaysay sa kanilang mga anak:
“Upang kanilang mailagak ang kanilang pagasa sa Dios, at huwag kalimutan ang mga gawa ng Dios.”13
Tiyak na ang pagtuturo ng ebanghelyo ay kapwa tungkulin ng mga ama at ina, ngunit nilinaw ng Panginoon na inaasahan Niya na ang mga ama ang manguna sa pagbibigay rito ng mataas na prayoridad. (At tandaan natin na ang di-pormal na mga pag-uusap, sama-samang pagtatrabaho at paglalaro, at pakikinig ay mahahalagang elemento ng pagtuturo.) Inaasahan ng Panginoon na ang mga ama ang huhubog sa kanilang mga anak, at gusto at kailangan ng mga anak ng isang huwaran.
Ako mismo ay nabiyayaan ng isang ulirang ama. Naaalala ko na noong mga 12 anyos ako, kumandidato ang aking ama sa city council sa aming maliit na komunidad. Hindi siya gaanong nangampanya—ang natatandaan ko lang ay na inutusan kaming magkakapatid ni Itay na mamahagi ng mga flyer sa bahay-bahay, at himukin ang mga tao na iboto si Paul Christofferson. May ilang nakatatanda akong inabutan ng flyer na nagsabing si Paul ay isang mabuti at tapat na tao kaya siguradong iboboto nila siya. Tumaba ang batang puso ko sa pagmamalaki para sa aking ama. Binigyan ako nito ng tiwala at hangaring sundan ang kanyang mga yapak. Hindi siya perpekto—wala namang perpekto—ngunit siya ay matwid at mabuti at isang halimbawang nais tularan ng isang anak.
Ang disiplina at pagwawasto ay bahagi ng pagtuturo. Tulad ng sabi ni Pablo, “Sapagka’t pinaparusahan ng Panginoon ang kaniyang iniibig.”14 Ngunit sa pagdidisiplina dapat mag-ingat nang husto ang isang ama, upang hindi siya umabuso, isang bagay na hindi kailanman mapangangatwiranan. Kapag nagdidisiplina ang isang ama, kailangan niyang gawin iyon nang may pagmamahal at patnubay ng Espiritu Santo:
“Pagsabihan sa tamang pagkakataon nang may kataliman, kapag pinakikilos ng Espiritu Santo; at pagkatapos ay magpakita ng ibayong pagmamahal sa kanya na iyong pinagsabihan, at baka ka niya ituring na kaaway;
“Upang kanyang malaman na ang iyong katapatan ay higit na matibay kaysa sa mga gapos ng kamatayan.”15
Ang makadiyos na pagdidisiplina ay hindi pagpaparusa kundi pagtulong sa isang mahal sa buhay na magkaroon ng pagpipigil sa sarili.
Sinabi ng Panginoon na “lahat ng anak ay may karapatan sa kanilang mga magulang para sa kanilang ikabubuhay hanggang sa sila ay sumapit sa hustong gulang.”16 Ang pagtatatrabaho para sa pamilya ay isang sagradong gawain. Ang pagtataguyod sa pamilya, bagama’t karaniwa’y nangangailangan ng oras na malayo sa pamilya, ay hindi kontra sa pagiging ama—ito ang kahulugan ng pagiging isang mabuting ama. “Ang trabaho at pamilya ay magkaugnay na mga responsibilidad.”17 Ito, mangyari pa, ay hindi mapangangatwiranan ang pagpapabaya ng isang lalaki sa kanyang pamilya dahil sa trabaho, o kaya naman, ang kawalan ng sikap at pagpasa ng kanyang responsibilidad sa iba. Sa mga salita ni Haring Benjamin:
“Hindi ninyo pahihintulutan ang inyong mga anak na sila ay magutom, o maging hubad; ni hindi ninyo ipahihintulot na sila ay lumabag sa mga batas ng Diyos, at makipaglaban at makipag-away sa isa’t isa. …
“Kundi tuturuan ninyo silang lumakad sa mga daan ng katotohanan at kahinahunan; tuturuan ninyo silang mahalin ang isa’t isa, at paglingkuran ang isa’t isa.”18
Batid natin ang pagdurusa ng kalalakihang hindi makakita ng mga paraan para sapat na maitaguyod ang kanilang pamilya. Walang dapat ikahiya ang mga yaon na, sa anumang sandali, sa kabila ng lahat ng kanilang pagsisikap, ay hindi magampanan ang lahat ng tungkulin at gawain ng mga ama. “Ang pagkakaroon ng kapansanan, ang kamatayan, o iba pang kalagayan ay maaaring magpabago sa mga takdang tungkulin ng bawat isa. Ang mga kamag-anak ay dapat magbigay ng tulong kung kinakailangan.”19
Ang mahalin ang ina ng kanyang mga anak—at ipakita ang pagmamahal na iyon—ay dalawa sa pinakamabubuting bagay na magagawa ng isang ama para sa kanyang mga anak. Pinagtitibay at pinatatatag nito ang pagsasama ng mag-asawa na siyang pundasyon ng kanilang buhay-pamilya at seguridad.
Ang ilang lalaki ay mga amang walang asawa, ama-amahan, o amain. Marami sa kanila ang nagsisikap nang husto at ginagawa ang lahat sa isang kadalasa’y mahirap na tungkulin. Iginagalang natin ang mga taong ginagawa ang lahat nang may pagmamahal, tiyaga, at sakripisyo para matugunan ang mga pangangailangan nila at ng kanilang pamilya. Dapat alalahanin na ipinagkatiwala ng Diyos mismo ang Kanyang Bugtong na Anak sa isang ama-amahan. Tiyak na dapat ding papurihan si Jose dahil nang lumaki si Jesus, Siya ay “lumaki sa karunungan at pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Diyos at tao.”20
Ang malungkot, dahil sa kamatayan, pag-abandona, o diborsyo, hindi kapiling ng ilang anak ang kanilang ama. Ang ilan ay maaaring may ama na pisikal na nariyan ngunit malayo ang loob sa mga anak at sa iba pang mga paraan ay hindi sila pinag-uukulan ng pansin o sinusuportahan. Nananawagan kami sa lahat ng ama na magpakabuti at maging mas mabuti. Nananawagan kami sa media at mga entertainment outlet na magpakita ng mga ama na tapat at may kakayahang tunay na mahalin ang kanilang asawa at ginagabayan nang may katalinuhan ang kanilang mga anak, sa halip na mga lalaking walang masabing matino o “pinagmumulan ng problema,” na siyang napakadalas na paglalarawan sa mga ama.
Sa mga anak na may problema sa pamilya, sinasabi namin, hindi nababawasan ang inyong pagkatao dahil dito. Ang mga hamon kung minsan ay pahiwatig ng pagtitiwala ng Panginoon sa inyo. Matutulungan Niya kayo, nang tuwiran at sa pamamagitan ng iba, na harapin ang mga dinaranas ninyo. Maaaring kayo ang maging henerasyon, marahil ang una sa inyong pamilya, kung saan tunay na nahuhubog ang mga banal na huwarang inorden ng Diyos para sa pamilya at pinagpapala ang lahat ng henerasyong susunod sa inyo.
Sa mga kabataang lalaki, batid ang magiging tungkulin ninyo bilang tagapagtaguyod at tagapagprotekta, sinasabi namin, maghanda na kayo ngayon sa pamamagitan ng masigasig na pag-aaral at pagpaplano para sa kolehiyo. Ang pag-aaral, sa unibersidad man, sa technical school, sa apprenticeship, o sa kahalintulad na programa, ay mahalaga upang magtamo kayo ng mga kasanayan at kakayahang kakailanganin ninyo. Samantalahin ang mga pagkakataong makisalamuha sa mga taong iba’t iba ang edad, pati na sa mga bata, at matutong makisama at makipagkaibigan sa kanila. Ibig sabihin ay makipag-usap nang harap-harapan sa mga tao at samahan sila sa paggawa ng mga bagay-bagay kung minsan, huwag lang basta magpakahusay sa pagtetext. Mamuhay sa paraan na bilang isang lalaki ay makapaghatid kayo ng kadalisayan sa pagsasama ninyong mag-asawa at sa inyong mga anak.
Sa lahat ng bagong henerasyon, sinasabi namin, sabihin man ninyo na ang inyong ama ay mabuti, mas mabuti, o pinakamabuti (at palagay ko tataas pa ang antas na iyan habang nagkakaedad at mas tumatalino kayo), magpasiyang bigyang-dangal siya at ang inyong ina sa sarili ninyong buhay. Alalahanin ang pag-asam ng isang ama ayon sa pahayag ni Juan: “Wala nang dakilang kagalakan sa ganang akin na gaya nito, na marinig na ang aking mga anak ay nagsisilakad sa katotohanan.”21 Ang inyong kabutihan ang pinakamalaking karangalang matatanggap ng sinumang ama.
Sa aking mga kapatid, ang mga ama sa Simbahang ito, sinasabi ko, alam ko na nais ninyong maging mas perpektong ama. Iyan din ang nais ko. Magkagayunman, sa kabila ng ating mga limitasyon, magpatuloy tayo. Huwag tayong maging makasarili at mapagpalayaw sa sarili na talamak sa ating kultura at isipin muna natin ang kaligayahan at kapakanan ng iba. Alam ko, na sa kabila ng ating mga kakulangan, pararangalan tayo ng Ama sa Langit at pagbubungahin ang mga pagsisikap natin. Lumakas ang loob ko sa isang kuwentong inilathala sa New Era ilang taon na ang nakakaraan. Isinalaysay ng awtor ang sumusunod:
“Noong bata pa ako, nakatira ang maliit na pamilya namin sa isang apartment na may isang kuwarto sa ikalawang palapag. Sa sopa sa salas ako natutulog. …
“Ang tatay ko, na isang steelworker, ay umaalis ng bahay nang napakaaga araw-araw para magtrabaho. Tuwing umaga … kinukumutan niya ako at tumitigil siya sandali. Naaalimpungatan ako kapag nararamdaman kong nakatayo sa tabi ko ang tatay ko, at nakatingin sa akin. Nang gumising ako nang dahan-dahan, nahiya akong makita siya roon. Sinubukan kong magkunwari na tulog pa ako. … Naramdaman ko na habang nakatayo siya sa tabi ng higaan ko ay nagdarasal siya nang buong taimtim at sigasig at pagtutuon—para sa akin.
“Tuwing umaga’y ipinagdasal ako ng tatay ko. Ipinagdasal niya na maging maganda ang araw ko, na maging ligtas ako, na matuto ako at maghanda para sa hinaharap. At dahil hindi ko siya makakasama hanggang gabi, ipinagdasal niya ang mga guro at kaibigang makakasama ko sa araw na iyon. …
“Noong una, hindi ko talaga naunawaan ang ginagawa ng tatay ko sa mga umagang iyon na ipinagdasal niya ako. Ngunit nang magkaedad na ako, mas nadama ko ang kanyang pagmamahal at pagmamalasakit sa akin at sa lahat ng ginagawa ko. Isa iyon sa mga paborito kong alaala. Ilang taon kalaunan, nang mag-asawa na ako, at magkaroon ng sarili kong mga anak, at pumupunta ako sa kanilang mga silid habang tulog sila at ipinagdarasal ko sila, noon ko lang lubos na naunawaan ang nadama ng aking ama noon para sa akin.”22
Nagpatotoo si Alma sa kanyang anak:
“Masdan, sinasabi ko sa iyo, na [si Cristo] ang yaong tiyak na paparito … ; oo, siya ay paparito upang ipahayag ang masayang balita ng kaligtasan sa kanyang mga tao.
“At ngayon, anak ko, ito ang ministeryo kung saan ka tinawag, ang ipahayag ang masasayang balitang ito sa mga taong ito, upang ihanda ang kanilang mga isipan; o sa lalong maliwanag … upang kanilang maihanda ang mga isipan ng kanilang mga anak na pakinggan ang salita sa panahon ng kanyang pagparito.”23
Iyan ang ministeryo ng mga ama ngayon. Pagpalain nawa sila ng Diyos at bigyan sila ng kakayahang gawin iyon, sa pangalan ni Jesucristo, amen.