2010–2019
Ang Pinakadakilang mga Pinuno ay ang Pinakadakilang mga Alagad
Abril 2016


11:10

Ang Pinakadakilang mga Pinuno ay ang Pinakadakilang mga Alagad

Magkakaroon ng mga pagkakataon na ang daang tatahakin ay tila madilim, ngunit patuloy na sundan ang Tagapagligtas. Alam Niya ang daan; katunayan, Siya ang daan.

Noong 12 anyos ako, isinama ako ni Itay na mangaso sa kabundukan. Gumising kami nang alas-3:00 ng umaga, naglagay ng sintadera sa aming mga kabayo, at nagsimulang maglakbay sa mapunong gilid ng bundok sa dilim. Kahit mahilig akong mangaso na kasama si Itay, medyo kabado ako sa sandaling iyon. Hindi pa ako nakarating sa kabundukang ito kahit kailan, at hindi ko makita ang daan—o anupamang ibang bagay! Ang tanging nakikita ko ay ang maliit na flashlight na dala ni Itay na bahagyang iniilawan ang mga puno ng pino sa aming daanan. Paano kung madulas at mahulog ang kabayo ko—nakikita man lang kaya niya kung saan siya papunta? Pero napanatag ako sa ideyang ito: “Alam ni Itay kung saan siya papunta. Kung susundan ko siya, magiging maayos ang lahat.”

At naging maayos nga ang lahat. Kalaunan ay umaraw na, at naging masaya ang pagsasama namin. Nang papauwi na kami, itinuro ni Itay ang isang maringal at nakakiling na ituktok na namumukod-tangi sa iba. “Iyan ang Windy Ridge,” sabi niya. “Doon magandang mangaso.” Agad kong nabatid na gusto kong bumalik at umakyat sa Windy Ridge balang araw.

Sa sumunod na mga taon, madalas kong marinig na magkuwento si Itay tungkol sa Windy Ridge, pero hindi na kami bumalik doon kahit kailan—hanggang isang araw, pagkaraan ng 20 taon, tinawagan ko si Itay at sinabi kong, “Pumunta tayo sa Windy.” Muli kaming naglagay ng sintadera sa aming mga kabayo at nagsimulang umakyat sa gilid ng bundok. Ngayo’y bihasa na akong mangabayo sa edad na mahigit 30, subalit nagulat ako na kabado pa rin ako tulad noong 12 anyos ako. Pero alam ni Itay ang daan, at sinundan ko siya.

Sa wakas ay nakarating kami sa tuktok ng Windy. Nakasisigla ang tanawin, at labis kong nadama na gusto kong bumalik—hindi para sa akin sa pagkakataong ito kundi para sa asawa’t mga anak ko. Gusto kong maranasan nila ang naranasan ko.

Sa paglipas ng mga taon, nagkaroon na ako ng maraming pagkakataon na pamunuan ang aking mga anak na lalaki at iba pang mga kabataang lalaki sa mga tuktok ng bundok, tulad ng pamumuno sa akin ni Itay. Nahikayat ako ng mga karanasang ito na pagnilayan ang ibig sabihin ng mamuno—at ang ibig sabihin ng sumunod.

Si Jesucristo, ang Pinakadakilang Pinuno at ang Pinakadakilang Alagad

Kung tatanungin ko kayo, “Sino ang pinakadakilang pinuno na nabuhay?”—ano ang isasagot ninyo? Ang sagot, siyempre, ay si Jesucristo. Nagpakita Siya ng perpektong halimbawa ng lahat ng maiisip na katangian ng isang pinuno.

Pero paano kung itanong ko sa inyo, “Sino ang pinakadakilang alagad na nabuhay?”—hindi ba ang sagot ulit ay si Jesucristo? Siya ang pinakadakilang pinuno dahil Siya ang pinakadakilang alagad—sinusunod Niya nang lubusan ang Kanyang Ama, sa lahat ng bagay.

Itinuturo ng mundo na kailangang maging makapangyarihan ang mga pinuno; itinuturo ng Panginoon na kailangan ay mapagpakumbaba sila. Ang mga makamundong pinuno ay nagtatamo ng kapangyarihan at impluwensya sa pamamagitan ng kanilang talento, kasanayan, at yaman. Ang mga pinunong katulad ni Cristo ay nagtatamo ng kapangyarihan at impluwensya “sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig.”1

Sa mga mata ng Diyos, ang pinakadakilang mga pinuno noon pa man ay ang pinakadakilang mga alagad.

Magbabahagi ako ng dalawang karanasan mula sa mga pakikisalamuha ko kailan lang sa mga kabataang lalaki ng Simbahan na nagturo sa akin tungkol sa pamumuno at pagsunod.

Tayong Lahat ay mga Pinuno

Kamakailan ay dumalo kaming mag-asawa sa isang sacrament meeting na malayo sa aming home ward. Bago nagsimula ang miting, lumapit sa akin ang isang kabataang lalaki at nagtanong kung gusto kong tumulong sa pagpasa ng sakramento. Sabi ko, “Matutuwa akong gawin iyan.”

Umupo ako sa tabi ng iba pang mga deacon at tinanong ko ang katabi ko, “Ano ang assignment ko?” Sabi niya, magsisimula raw akong magpasa sa likuran ng chapel sa bandang gitna at tatapatan niya ako sa kabila, at unti-unti kaming uusad sa unahan.

Sabi ko, “Matagal ko nang hindi nagagawa ito.”

Sagot niya, “OK lang iyan. Kaya mo iyan. Ganyan din ang pakiramdam ko nang magsimula ako.”

Kalaunan ang pinakabatang deacon sa korum, na ilang linggo pa lang naorden, ay nagbigay ng mensahe sa sacrament meeting. Pagkatapos ng miting, pinalibutan siya ng ibang mga deacon at sinabi sa kanya kung gaano nila ipinagmamalaki ang kamiyembro nila sa korum.

Nang bisitahin ko sila noong araw na iyon, nalaman ko na binibisita ng mga miyembro ng mga Aaronic Priesthood quorum sa ward na iyon ang iba pang mga kabataang lalaki linggu-linggo at inaanyayahan silang makibahagi sa kanilang mga korum.

Lahat ng kabataang lalaking ito ay dakilang mga pinuno. At malinaw na may magagaling silang mayhawak ng Melchizedek Priesthood, magulang, at iba pa na nagturo sa kanila ng kanilang mga tungkulin. Nakikita ng mapagmahal na mga adult na ito ang mga kabataang lalaki hindi lamang kung sino sila kundi kung ano ang maaari nilang kahihinatnan. Kapag kinakausap o pinag-uusapan nila ang mga kabataang lalaki, hindi sila nagtutuon sa kanilang mga kakulangan. Sa halip, binibigyang-diin nila ang mga dakilang katangian ng pamumuno na ipinapakita nila.

Mga kabataang lalaki, ganyan ang tingin sa inyo ng Panginoon. Inaanyayahan ko kayo na tingnan ninyo ang inyong sarili sa ganitong paraan. Magkakaroon ng mga pagkakataon sa inyong buhay na tatawagin kayo para mamuno. Sa ibang mga pagkakataon, aasahan kayong sumunod. Ngunit ang mensahe ko sa inyo ngayon ay na anuman ang calling ninyo, lagi kayong isang pinuno, at lagi kayong isang alagad. Ang pamumuno ay isang pagpapahayag ng pagkadisipulo—pagtulong lamang ito sa iba na lumapit kay Cristo, na siyang ginagawa ng tunay na mga disipulo. Kung sisikapin ninyong maging alagad ni Cristo, matutulungan ninyo ang iba na sumunod sa Kanya at maaaring kayo ang maging pinuno.

Ang kakayahan ninyong mamuno ay hindi nagmumula sa hilig ninyong makipagkaibigan, kasanayan ninyong manghikayat, o kahit sa husay ninyong magsalita sa publiko. Nagmumula ito sa pangako ninyong sumunod kay Jesucristo. Nagmumula ito sa hangarin ninyo, sabi nga ni Abraham, na maging “isang higit na dakilang [alagad] ng kabutihan.”2 Kung magagawa ninyo iyan—kahit hindi kayo perpekto rito, ngunit nagsisikap kayo—kayo ay isang pinuno.

Ang Paglilingkod sa Priesthood ay Pamumuno

Sa isa pang pagkakataon, nasa New Zealand ako at bumibisita sa tahanan ng isang ina na hiwalay sa asawa na may tatlong anak na tinedyer. Ang panganay na anak na lalaki ay 18 at tumanggap na ng Melchizedek Priesthood noon lang nakaraang Linggo. Itinanong ko kung nagamit na niya ang priesthood na ito. Sabi niya, “Hindi ko tiyak kung ano ang ibig sabihin niyan.”

Sinabi ko sa kanya na may awtoridad na siya ngayong magbigay ng basbas ng priesthood para sa kapanatagan o paggaling. Tumingin ako sa kanyang ina, na maraming taon nang walang mayhawak ng Melchizedek Priesthood sa kanyang tabi. “Sa palagay ko masaya,” sabi ko, “kung mabibigyan mo ng basbas ang nanay mo.”

Sagot niya, “Hindi ko alam kung paano.”

Ipinaliwanag ko na maaari niyang ipatong ang kanyang mga kamay sa ulo ng kanyang ina, sabihin ang pangalan nito, ipahayag na binabasbasan niya ito sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood, sabihin ang anumang ipasok ng Espiritu sa kanyang puso’t isipan, at tapusin ito sa pangalan ni Jesucristo.

Kinabukasan, nakatanggap ako ng email mula sa kanya. Sabi roon: “Binasbasan ko ang nanay ko ngayong gabi. … Kabadong-kabado ako at nakaramdam ako ng kakulangan, kaya patuloy akong nanalangin upang matiyak na sumasaakin ang Espiritu, dahil hindi ako makakapagbasbas nang wala ito. Nang magsimula ako, lubos kong kinalimutan ang aking sarili at aking mga kahinaan. … [Hindi ko inasahan] ang matinding espirituwal at emosyonal na kapangyarihang nadama ko. … Pagkatapos ay nakadama ako ng napakatinding pagmahahal at hindi ko napigilan ang aking damdamin, kaya niyakap ko ang nanay ko at umiyak ako na parang bata. … Kahit ngayong isinusulat ko ito, [nadarama ko] ang Espiritu [nang napakatindi kaya] ayaw ko nang magkasalang muli. … Mahal ko ang ebanghelyong ito.”3

Hindi ba nakakaantig na makita kung paano nakakayang gumawa ng mga dakilang bagay ang tila isang karaniwang binata sa pamamagitan ng paglilingkod sa priesthood, kahit nadarama niya na may kakulangan siya? Nalaman ko kamakailan lang na natanggap na ng binatang elder na ito ang kanyang mission call at papasok na sa missionary training center sa isang buwan. Naniniwala ako na aakayin niya ang maraming kaluluwa kay Cristo dahil natutuhan niya kung paano sumunod kay Cristo sa kanyang paglilingkod sa priesthood—simula sa kanyang sariling tahanan, kung saan malaki ang impluwensya ng kanyang halimbawa sa kanyang 14-anyos na kapatid na lalaki.

Mga kapatid, natatanto man natin o hindi, mataas ang tingin ng mga tao sa atin—mga kapamilya, kaibigan, kahit mga estranghero. Hindi sapat para sa atin bilang mga mayhawak ng priesthood na lumapit lang kay Cristo; ang tungkulin natin ngayon ay “mag-aanyaya sa lahat na lumapit kay Cristo.”4 Hindi tayo masisiyahang tumanggap ng mga espirituwal na pagpapala para sa ating sarili; kailangan nating akayin ang mga taong mahal natin na tanggapin din ang mga pagpapalang iyon—at bilang mga disipulo ni Jesucristo, kailangan nating mahalin ang lahat ng tao. Ang utos ng Tagapagligtas kay Pedro ay utos din sa atin: “Kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid.”5

Sundan ang Lalaki ng Galilea

Magkakaroon ng mga pagkakataon na ang daang tatahakin ay tila madilim, ngunit patuloy na sundan ang Tagapagligtas. Alam Niya ang daan; katunayan, Siya ang daan.6 Habang mas masigasig kayong lumalapit kay Cristo, mas titindi ang paghahangad ninyong tulungan ang iba na maranasan ang naranasan ninyo. Ang isa pang tawag sa damdaming ito ay pag-ibig sa kapwa, “na ipinagkaloob [ng Ama] sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo”7 Sa gayon ay malalaman ninyo na sa pagsunod mismo kay Cristo, inaakay rin ninyo ang iba patungo sa Kanya, sapagkat sabi nga ni Pangulong Thomas S. Monson, “Habang sinusunod natin ang Lalaking ito na taga Galilea—maging ang Panginoong Jesucristo—madarama ang ating personal na impluwensya sa kabutihan saanman tayo naroon, anuman ang ating katungkulan.”8

Pinatototohanan ko na ito ang tunay na Simbahan ni Cristo. Pinamumunuan tayo ng isang propeta ng Diyos, si Pangulong Monson—isang dakilang pinuno na isa ring tunay na alagad ng Tagapagligtas. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.