2010–2019
Naniniwala ba Ako?
Abril 2016


11:31

Naniniwala ba Ako?

Kung totoo ang mga bagay na ito, nasa atin nga ang pinakadakilang mensahe ng pag-asa at tulong na nabatid ng sanlibutan.

Noong Marso 30 nito lang nakaraang taon, ipinasok ng ospital ang dalawang-taong gulang na si Ethan Carnesecca, na taga-American Fork, Utah, dahil sa pulmonya at tubig sa baga. Pagkaraan ng dalawang araw, lumala ang kanyang kalagayan kaya kinailangan siyang isakay ng helicopter papuntang Primary Children’s Hospital sa Salt Lake City. Ang kanyang nag-aalalang ina na si Michele ay pinayagang maupo sa harapan at samahan ang kanyang anak. Binigyan siya ng headset para makausap niya ang ibang sakay ng helicopter. Naririnig niya ang mga doktor na gumagamot sa kanyang anak na maysakit, at dahil pediatric nurse din siya, sapat ang alam ni Michele para maunawaan na malubha ang kalagayan ni Ethan.

Si Ethan Carnesecca noong maysakit siya

Sa kritikal na sandaling ito, napansin ni Michele na lumilipad sila sa ibabaw mismo ng Draper Utah Temple. Mula sa himpapawid, tanaw niya ang buong lambak at nakita rin niya ang Jordan River Temple, ang Oquirrh Mountain Temple, at maging ang Salt Lake Temple sa di-kalayuan. May pumasok sa isip niya: “Naniniwala ka ba riyan o hindi?”

Sinabi niya tungkol sa karanasang ito:

“Natutuhan ko ang tungkol sa mga pagpapala ng templo at [na] ang ‘mga pamilya ay walang hanggan’ sa Primary at Young Women. Ibinahagi ko ang mensaheng ito tungkol sa mga pamilya sa mababait na tao sa Mexico noong nasa misyon ako. Nabuklod ako sa aking walang-hanggang kabiyak sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan sa templo. Nagturo ako tungkol sa pamilya bilang isang Young Women leader, at nagkuwento ako tungkol sa mga walang-hanggang pamilya sa aking mga anak sa family home evening. ALAM ko ito, pero NANIWALA ba ako rito? Dumating ang sagot na kasimbilis ng pagpasok ng tanong sa aking isipan: pinagtibay ng Espiritu sa aking puso’t isipan ang sagot na noon ko pa alam—TALAGANG naniwala ako rito!

“Sa sandaling iyon ibinuhos ko ang nilalaman ng aking puso sa panalangin sa aking Ama sa Langit, pinasalamatan ko Siya sa kaalaman at paniniwala ko na ang mga pamilya ay tunay na walang hanggan. Pinasalamatan ko Siya para sa Kanyang Anak na si Jesucristo, na ginawang posible ang lahat ng ito. Pinasalamatan ko Siya para sa aking anak, at ipinaalam ko sa aking Ama sa Langit na kung kailangan na Niyang dalhin ang aking anak na si Ethan sa Kanyang tahanan sa langit, ayos lang. Lubos ang tiwala ko sa aking Ama sa Langit, at alam ko na makikita kong muli si Ethan. Lubos akong nagpapasalamat na sa isang kritikal na sandali, nagkaroon ako ng kaalaman AT paniniwala na ang ebanghelyo ay totoo. Napanatag ako.”1

Maraming linggong nanatili sa ospital si Ethan, sa pangangalaga ng mga dalubhasang doktor. Dahil sa mga panalangin, pag-aayuno, at pananampalataya ng mga mahal sa buhay, at sa pangangalagang iyon, nakalabas siya ng ospital at nakauwi sa kanyang pamilya. Malusog at magaling na siya ngayon.

Ang pamilya Carnesecca
Gumaling si Ethan Carnesecca

Ang pagsubok na ito kay Michele ay nagpatunay sa kanya na ang itinuro sa kanya nang buong buhay niya ay hindi lamang mga salita; ito ay totoo.

Masyado ba tayong nasanay kung minsan sa mga pagpapalang bigay sa atin bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw kaya hindi natin lubos na maunawaan ang himala at karingalan ng pagiging disipulo sa totoong Simbahan ng Panginoon? Hindi ba natin pinahahalagahan ang pinakadakilang kaloob na maiaalay sa atin sa buhay na ito? Itinuro ng Tagapagligtas mismo, “Kung susundin mo ang aking mga kautusan at magtitiis hanggang wakas ikaw ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, kung aling kaloob ay pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos.”2

Naniniwala tayo na ang Simbahang ito ay hindi lamang isang magandang lugar na mapupuntahan tuwing Linggo para matuto kung paano maging mabuting tao. Hindi lamang ito isang kaaya-ayang samahan ng mga Kristiyano kung saan maaari tayong makisalamuha sa mabubuting tao. Hindi lamang ito isang grupo ng mga ideyang maituturo ng mga magulang sa kanilang mga anak sa bahay para sila maging responsable at mababait na tao. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay higit pa sa lahat ng ito.

Isipin sandali ang mga bagay na pinaniniwalaan natin sa relihiyong ito. Naniniwala tayo na ang Simbahang itinatag ni Jesucristo noong narito Siya sa lupa ay naipanumbalik na ng isang propetang tinawag ng Diyos sa ating panahon at na hawak din ng ating mga pinuno ang kapangyarihan at awtoridad na kumilos sa ngalan ng Diyos na hinawakan ng mga sinaunang Apostol. Ang tawag dito ay priesthood ng Diyos. Naniniwala tayo na sa pamamagitan ng ipinanumbalik na awtoridad na ito, maaari nating tanggapin ang nakapagliligtas na mga ordenansa, tulad ng binyag, at mapasaatin ang nagpapalinis at nagpapadalisay na kaloob na Espiritu Santo sa lahat ng oras. Mayroon tayong mga apostol at propeta na namumuno at namamahala sa Simbahang ito sa pamamagitan ng mga susi ng priesthood, at naniniwala tayo na nangungusap ang Diyos sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng mga propetang ito.

Naniniwala rin tayo na ginagawang posible ng kapangyarihang ito ng priesthood na makipagtipan tayo at tumanggap ng mga ordenansa sa mga banal na templo upang makabalik tayo balang-araw sa kinaroroonan ng Diyos at makapiling natin Siya magpakailanman. Naniniwala rin tayo na, sa pamamagitan ng kapangyarihang ito, ang mga pamilya ay maaaring mabigkis nang walang hanggan kapag pumasok ang mga magkasintahan sa bago at walang-hanggang tipan ng kasal sa mga sagradong gusali na pinaniniwalaan nating literal na mga bahay ng Diyos. Naniniwala tayo na maaari nating tanggapin ang nakapagliligtas na mga ordenansang ito hindi lamang para sa ating sarili kundi para din sa ating mga ninuno na nabuhay sa lupa ngunit hindi nagkaroon ng pagkakataong makilahok sa mahalaga at nakapagliligtas na mga ordenansang ito. Naniniwala tayo na maaari tayong magsagawa ng mga ordenansa para sa ating mga ninuno sa pamamagitan ng proxy sa mga banal na templo ring ito.

Naniniwala tayo na, sa pamamagitan ng isang propeta at ng kapangyarihan ng Diyos, natanggap natin ang karagdagang mga banal na kasulatan, na nakaragdag sa patotoo sa Biblia tungkol doon na nagpapahayag na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan.

Naniniwala tayo na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Diyos at ang tanging totoong Simbahan sa lupa. Simbahan ni Jesucristo ang tawag dito dahil Siya ang namumuno rito; ito ang Kanyang Simbahan, at lahat ng bagay na ito ay posible dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.

Naniniwala tayo na ang mga natatanging katangiang ito ay hindi matatagpuan sa iba pang lugar o organisasyon dito sa lupa. Mabuti man at tapat ang iba pang mga relihiyon at simbahan, wala sa mga ito ang may awtoridad na magbigay ng mga ordenansa ng kaligtasan na nasa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Alam natin ang mga bagay na ito, ngunit naniniwala ba tayo rito? Kung totoo ang mga bagay na ito, nasa atin nga ang pinakadakilang mensahe ng pag-asa at tulong na nabatid ng sanlibutan. Ang maniwala sa mga ito ay isang bagay na walang hanggan ang kahalagahan sa atin at sa mga mahal natin sa buhay.

Para maniwala tayo, kailangan nating isapuso ang ebanghelyong nasa ating isipan! Posibleng basta ipamuhay lang natin ang ebanghelyo dahil inaasahan ito sa atin o dahil ito na ang kulturang kinalakhan natin o dahil nakagawian na natin ito. Marahil ay hindi pa naranasan ng ilan ang nadama ng mga tao ni Haring Benjamin matapos marinig ang kanyang nakaaantig na sermon: “At silang lahat ay sumigaw sa iisang tinig, sinasabing: Oo, pinaniniwalaan namin ang lahat ng salitang iyong sinabi sa amin; at gayundin, alam namin ang katiyakan at katotohanan ng mga yaon, dahil sa Espiritu ng Panginoong Makapangyarihan na gumawa ng malaking pagbabago sa amin, o sa aming mga puso, kaya nga kami ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti.”3

Kailangan nating hangaring lahat na baguhin ang ating puso at likas na pagkatao upang hindi na natin hangaring tularan ang mga gawi ng sanlibutan kundi sa halip ay bigyang-kasiyahan ang Diyos. Ang tunay na pagbabalik-loob ay isang prosesong nagaganap sa paglipas ng panahon at kinapapalooban ng kahandaang manampalataya. Dumarating ito kapag sinasaliksik natin ang mga banal na kasulatan sa halip na ang Internet. Dumarating ito kapag sinusunod natin ang mga utos ng Diyos. Dumarating ang pagbabalik-loob kapag pinaglingkuran natin ang mga nasa paligid natin. Dumarating ito mula sa taimtim na panalangin, regular na pagdalo sa templo, at matapat na pagsasakatuparan ng mga responsibilidad natin sa Diyos. Kailangan dito ang patuloy na pagsisikap araw-araw.

Madalas itanong sa akin, “Ano ang pinakamabigat na hamong kinakaharap ng ating mga kabataan ngayon?” Isinasagot ko na naniniwala ako na iyon ay ang laging-nariyang impluwensya ng “malaki at maluwang na gusali” sa kanilang buhay.4 Kung ang Aklat ni Mormon ay isinulat para sa ating panahon, tiyak na makikita nga natin ang kabuluhan sa ating lahat ng mga mensahe sa pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay at ang epekto ng mga taong nakaturo ang mga daliri at nangungutya mula sa malaki at maluwang na gusali.

Ang pinakamalungkot para sa akin ay ang paglalarawan sa mga taong nagpakahirap nang lumakad sa abu-abo ng kadiliman sa makipot at makitid na landas, kumapit na sa gabay na bakal, narating na ang kanilang minimithi, at sinimulan nang tikman ang dalisay at masarap na bunga ng punungkahoy ng buhay. Pagkatapos ay sinabi pa sa banal na kasulatan na ang mga taong maiinam ang kasuotan na nasa malaki at maluwang na gusali “ay nasa ayos ng panlalait at pagtuturo ng kanilang daliri roon sa mga yaong nagsitungo at kumakain ng bunga.

“At matapos na matikman nila ang bunga sila ay nahiya, dahil sa mga yaong humahamak sa kanila; at nangagsilayo sila patungo sa mga ipinagbabawal na landas at nangawala.”5

Ang mga talatang ito ay inilalarawan tayo na mayroon nang ebanghelyo ni Jesucristo sa ating buhay. Ipinanganak man tayo na mayroon na nito o kinailangan nating makibaka sa ating landas sa gitna ng abu-abo ng kadiliman para matagpuan ito, natikman na natin ang bungang ito, na “pinakamahalaga at pinakakanais-nais”6 at may potensyal na dalhin tayo sa buhay na walang hanggan, “ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos.” Kailangan lamang na patuloy tayong magpakabusog at huwag makinig sa mga tao na pinagtatawanan ang ating mga paniniwala o natutuwang pagdudahin tayo o hanapan ng mali ang mga pinuno at doktrina ng Simbahan. Ito ay isang pagpiling ginagawa natin araw-araw—na piliing manampalataya kaysa magduda. Pinayuhan tayo ni Elder M. Russell Ballard na “manatili sa bangka, gamitin ang inyong life jacket, ikapit nang mahigpit ang inyong dalawang kamay.”7

Bilang mga miyembro ng totoong Simbahan ng Panginoon, nakasakay na tayo sa bangka. Hindi natin kailangang hanapin sa mga pilosopiya ng mundo ang katotohanang magbibigay sa atin ng kapanatagan, tulong, at patnubay para ligtas nating malampasan ang mga pagsubok sa buhay—nasa atin na ito! Tulad ng ina ni Ethan na nagawang suriin ang matagal na niyang mga paniniwala at sa sandali ng krisis ay buong tiwalang ipinahayag na, “Naniniwala ako rito,” magagawa rin natin ito!

Pinatototohanan ko na ang pagiging miyembro natin sa kaharian ng Panginoon ay isang kaloob na di-masukat ang kahalagahan. Pinatototohanan ko na ang mga pagpapala at kapayapaan ng Panginoon na nakalaan para sa mga masunurin at matapat ay higit pa sa kayang unawain ng isipan ng tao. Iniiwan ko sa inyo ang patotoong ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.