Ang Halaga ng Kapangyarihan ng Priesthood
Handa ba tayong manalangin, mag-ayuno, mag-aral, maghangad, sumamba, at maglingkod bilang kalalakihan ng Diyos upang mapasaatin ang kapangyarihan ng priesthood?
Anim na buwan na ang nakararaan sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2015, nagsalita ako sa kababaihan ng Simbahan tungkol sa kanilang banal na tungkulin bilang kababaihan ng Diyos. Ngayon ay nais kong magsalita sa inyong kalalakihan tungkol sa inyong banal na tungkulin bilang kalalakihan ng Diyos. Sa paglalakbay ko sa mundo, namamangha ako sa lakas at lubos na kabutihan ng mga lalaki ng Simbahang ito. Talagang walang tiyak na paraan para mabilang ang sugatang mga pusong napagaling ninyo at mga buhay na napasigla ninyo. Salamat!
Sa aking mensahe noong huling kumperensya, ikinuwento ko ang aking nakapanlulumong karanasan maraming taon na ang nakararaan na, bilang heart surgeon, hindi ko nagawang iligtas ang buhay ng dalawang batang babae. Sa pahintulot ng kanilang ama, gusto kong magsalita pa tungkol sa pamilyang iyon.
May congenital heart disease ang tatlong anak nina Ruth at Jimmy Hatfield. Ang una nilang anak na si Jimmy Jr. ay namatay nang walang tiyak na diagnosis. Pumasok ako sa buhay nila nang humingi ng tulong ang mga magulang para sa kanilang dalawang anak na babae, si Laural Ann at ang nakababata niyang kapatid na si Gay Lynn. Nasaktan ako nang mamatay pareho ang mga batang ito matapos silang maoperahan.1 Maliwanag na espirituwal na nanghina sina Ruth at Jimmy.
Sa paglipas ng panahon, nalaman ko na nagkimkim sila ng hinanakit sa akin at sa Simbahan. Sa loob halos ng anim na dekada, pinahirapan ako ng sitwasyong ito at nagdalamhati ako para sa mga Hatfield. Ilang beses ko silang sinubukang kontakin, pero hindi ako nagtagumpay.
Pagkatapos isang gabi noong nakaraang Mayo, ginising ako ng dalawang batang iyon mula sa kabilang panig ng tabing. Bagama’t hindi ko sila nakita o narinig, nadama ko ang kanilang presensya. Espirituwal kong narinig ang kanilang mga pagsamo. Ang mensahe nila ay maikli at malinaw: “Brother Nelson, hindi kami nakabuklod kaninuman! Matutulungan ba ninyo kami?” Hindi naglaon, nalaman ko na pumanaw na ang kanilang ina, ngunit buhay pa ang kanilang ama at nakababatang kapatid na lalaki.
Pinatapang ng mga pagsamo nina Laural Ann at Gay Lynn, muli kong sinubukang kontakin ang kanilang ama, na nalaman kong nakatira sa kanyang anak na si Shawn. Sa pagkakataong ito’y handa na silang makipagkita sa akin.
Noong Hunyo, literal akong lumuhod sa harap ni Jimmy, na ngayo’y 88 taong gulang na, at masinsinan kaming nag-usap. Binanggit ko ang mga pagsamo ng kanyang mga anak at sinabi sa kanya na ikararangal kong isagawa ang ordenansa ng pagbubuklod para sa kanyang pamilya. Ipinaliwanag ko rin na kailangang pag-ukulan nila ni Shawn ng panahon at malaking pagsisikap na maging handa at marapat na makapasok sa templo, dahil hindi pa na-endow ang sinuman sa kanila.
Nadama ang Espiritu ng Panginoon sa buong pag-uusap na iyon. At nang tanggapin nina Jimmy at Shawn ang aking alok, tuwang-tuwa ako! Masigasig silang nakipagtulungan sa kanilang stake president, bishop, mga home teacher, at ward mission leader, gayundin sa mga binatang missionary at sa isang senior missionary couple. At pagkatapos, hindi pa natatagalan, sa Payson Utah Temple, nagkaroon ako ng malaking pribilehiyong ibuklod si Ruth kay Jimmy at ang apat nilang anak sa kanila. Napaiyak kami ni Wendy nang lumahok kami sa nakaaantig na karanasang iyon. Maraming sugatang puso ang napagaling sa araw na iyon!
Sa aking pagninilay, namangha ako kina Jimmy at Shawn at sa anuman na handa nilang gawin. Naging mga bayani sila sa akin. Kung makakamtan ko lang ang naisin ng puso ko, ito ay na maipamalas ng bawat binata at binatilyo sa Simbahang ito ang tapang, lakas, at kababaang-loob ng mag-amang ito. Handa silang magpatawad at kalimutan ang nagdaang mga pasakit at gawi. Handa silang sumunod sa patnubay ng kanilang mga priesthood leader upang mapadalisay at mapaibayo sila ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo . Bawat isa ay handang maging isang lalaking karapat-dapat na magtaglay ng priesthood “alinsunod sa pinakabanal na orden ng Diyos.”2
Ang ibig sabihin ng magtaglay o magpasan ay suportahan ang bigat ng bagay na hawak-hawak. Sagrado ang mapagkatiwalaang magtaglay ng priesthood, ang malaking kapangyarihan at awtoridad ng Diyos. Isipin ito: ang priesthood na ipinagkaloob sa atin ay mismong kapangyarihan at awtoridad na ginamit ng Diyos sa paglikha sa mundong ito at sa di-mabilang na mga mundo, sa pamamahala sa langit at lupa, at sa pagpapadakila sa Kanyang masunuring mga anak.3
Kamakailan, nasa isang miting kami ni Wendy kung saan nakapuwesto at handa na ang organista na tugtugin ang pambungad na himno. Nakatutok ang kanyang mga mata sa piyesa, at ang kanyang mga daliri ay nasa mga tiklado. Sinimulan niyang tipahin ang mga tiklado, ngunit walang lumabas na tunog. Ibinulong ko kay Wendy, “Walang dumaloy na kuryente.” Inisip ko na may pumigil sa pagdaloy ng kuryente sa organong iyon.
Mga kapatid, sa gayon ding paraan, nangangamba ako na napakaraming lalaking nabigyan ng awtoridad ng priesthood ngunit walang kapangyarihan ng priesthood dahil ang pagdaloy ng kapangyarihan ay nabarahan ng mga kasalanang tulad ng katamaran, pagsisinungaling, kapalaluan, imoralidad, o kaabalahan sa mga makamundong bagay.
Nangangamba ako na napakaraming maytaglay ng priesthood na kakaunti o walang nagawa para mapaunlad ang kanilang kakayahang magamit ang mga kapangyarihan ng langit. Nag-aalala ako sa lahat ng taong marumi ang isipan, damdamin, o gawain o minamaliit ang kanilang asawa o mga anak, kaya nawawalan siya ng kapangyarihan ng priesthood.
Nangangamba ako na napakarami ang nakalulungkot na isinuko ang kanilang kalayaan sa kaaway at ipinapakita sa kanilang pagkilos na, “Mas mahalaga sa akin ang tugunan ang aking sariling mga hangarin kaysa magtaglay ng kapangyarihan ng Tagapagligtas upang basbasan ang iba.”
Nangangamba ako, mga kapatid, na ang ilan sa atin ay maaaring magising isang araw at mapagtanto kung ano talaga ang kapangyarihan sa priesthood at labis na manghinayang na gumugol sila ng mas maraming panahon sa paghahangad na magkaroon ng kapangyarihan sa iba o sa trabaho kaysa matutong gamitin nang lubusan ang kapangyarihan ng Diyos.4 Itinuro ni Pangulong George Albert Smith na “hindi tayo naparito para magpalipas ng oras sa buhay na ito at pagkatapos ay lumipat sa isang mundo ng kadakilaan; kundi naparito tayo para gawing marapat ang ating sarili araw-araw para sa mga katungkulang inaasahan ng ating Ama na gagampanan natin sa kabilang-buhay.”5
Bakit sasayangin ng sinumang lalaki ang kanyang mga araw at tatanggapin ang mangkok ng lugaw ni Esau6 samantalang ipinagkatiwala sa kanya ang posibilidad na matanggap ang lahat ng pagpapala kay Abraham?7
Pilit akong nagsusumamo sa bawat isa sa atin na maging karapat-dapat sa ating mga pribilehiyo bilang mga maytaglay ng priesthood. Darating ang araw, tanging ang mga lalaking seryoso sa kanilang priesthood, sa masigasig na paghahangad na maturuan ng Panginoon mismo, ang maaaring magbasbas, gumabay, magprotekta, magpalakas, at magpagaling sa iba. Tanging ang lalaking nagbayad ng halaga ng kapangyarihan ng priesthood ang makagagawa ng mga himala sa kanyang mga minamahal at makakaprotekta sa pagsasama nilang mag-asawa at sa kanyang pamilya, ngayon at magpasawalang-hanggan.
Ano ang halagang kailangan para magkaroon ng gayong kapangyarihan ng priesthood? Ang senior na Apostol ng Tagapagligtas na si Pedro—ang Pedro ding iyon na kasama nina Santiago at Juan na nagkaloob ng Melchizedek Priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery8—ay nagpahayag ng mga katangiang dapat nating hangarin upang “makabahagi sa kabanalang mula sa Dios.”9
Tinukoy niya ang pananampalataya, kagalingan, kaalaman, pagpipigil, pagtitiis, kabanalan, mabuting kalooban sa kapatid, pag-ibig sa kapwa, at kasipagan.10 At huwag kalimutan ang kababaang-loob!11 Kaya’t itinatanong ko, ano ang sasabihin ng ating mga kapamilya, kaibigan, at katrabaho tungkol sa inyo at sa akin sa pagpapaunlad nito at ng iba pang mga espirituwal na kaloob?12 Kapag lalo tayong nagkaroon ng mga katangiang iyon, lalong mag-iibayo ang ating kapangyarihan ng priesthood.
Paano pa natin mapag-iibayo ang ating kapangyarihan sa priesthood? Kailangan nating manalangin nang taos-puso. Ang magalang na pagsalaysay ng nakaraan at paparating na mga aktibidad, na tinapos sa ilang hiling para sa mga pagpapala, ay hindi maaaring bumuo ng uri ng pakikipag-ugnayan sa Diyos na nagdudulot ng walang-maliw na kapangyarihan. Handa ba kayong manalangin upang malaman kung paano manalangin para sa karagdagang kapangyarihan? Tuturuan kayo ng Panginoon.
Handa ba kayong magsaliksik sa mga banal na kasulatan at magpakabusog sa mga salita ni Cristo13—na mag-aral nang masigasig upang magkaroon ng dagdag na kapangyarihan? Kung nais ninyong makitang maantig ang puso ng inyong asawa, hayaan ninyong makita niya na nag-aaral kayo ng doktrina ni Cristo sa Internet14 o nagbabasa ng inyong mga banal na kasulatan!
Handa ba kayong sumamba sa templo nang regular? Gustung-gustong gawin ng Panginoon ang sarili Niyang pagtuturo sa Kanyang banal na bahay. Isipin ninyo kung gaano Siya masisiyahan kung hilingin ninyo sa Kanya na turuan kayo tungkol sa mga susi, awtoridad, at kapangyarihan ng priesthood habang nararanasan ninyo ang mga ordenansa ng Melchizedek Priesthood sa banal na templo.15 Isipin ninyo ang dagdag na kapangyarihan sa priesthood na mapapasainyo.
Handa ba kayong sundan ang halimbawa ni Pangulong Thomas S. Monson sa paglilingkod sa iba? Ilang dekada na niyang ginagawa ang mga bagay na hindi ipinlano, na sinusunod ang mga pahiwatig ng Espiritu na lumapit sa pintuan ng isang tao at marinig ang mga salitang tulad ng, “Paano mo nalaman na anibersaryo ngayon ng kamatayan ng aming anak?” o “Paano mo nalaman na kaarawan ko ngayon?” At kung nais ninyo talagang magkaroon ng dagdag na kapangyarihan sa priesthood, itatangi at mamahalin ninyo ang inyong asawa, at tatanggapin siya at ang kanyang payo.
Ngayon, kung sobra na ang lahat ng sinabi ko, isipin lamang kung gaano magiging kaiba ang relasyon natin sa ating asawa, mga anak, at mga kasamahan sa trabaho kung tayo ay mag-aalala tungkol sa pagtatamo ng kapangyarihan ng priesthood na tulad ng ating pag-aalala tungkol sa pag-asenso sa trabaho o pagdaragdag ng ipon sa ating bank account. Kung mapagpakumbaba tayong lalapit sa Panginoon at hihiling sa Kanya na turuan tayo, ipapakita Niya sa atin kung paano natin higit na matatamo ang Kanyang kapangyarihan.
Sa mga huling araw na ito, alam natin na magkakaroon ng mga lindol sa iba’t ibang lugar.16 Malamang ay isa sa iba’t ibang lugar na iyon ang ating sariling tahanan, kung saan maaaring magkaroon ng emosyonal, pinansyal, o espirituwal na “mga lindol.” Mapapanatag ng kapangyarihan ng priesthood ang mga karagatan at malulunasan ang mga bitak sa lupa. Mapapanatag din ng kapangyarihan ng priesthood ang mga isipan at malulunasan ang mga sugat sa puso ng mga minamahal natin.
Handa ba tayong manalangin, mag-ayuno, mag-aral, maghangad, sumamba, at maglingkod bilang kalalakihan ng Diyos upang mapasaatin ang gayong uri ng kapangyarihan ng priesthood? Dahil sabik na mabuklod ang dalawang maliliit na batang babae sa kanilang pamilya, handang bayaran ng kanilang ama at kapatid na lalaki ang halaga upang mataglay ang banal na Melchizedek Priesthood.
Mahal kong mga kapatid, pinagkalooban tayo ng isang sagradong pagtitiwala—ang awtoridad ng Diyos na basbasan ang iba. Nawa’y manindigan ang bawat isa sa atin bilang lalaki na inorden ng Diyos noon pa man na maging—handang taglayin ang priesthood ng Diyos nang buong katapangan, sabik na bayaran ang anumang halagang kailangan upang mapag-ibayo ang kanyang kapangyarihan sa priesthood. Gamit ang kapangyarihang iyon, makakatulong tayong ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Ito ang Kanyang Simbahan, na pinamumunuan ngayon ng Kanyang propeta, si Pangulong Thomas S. Monson, na lubos kong minamahal at sinusuportahan. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.