Mga Walang-Hanggang Pamilya
Ang ating obligasyon sa priesthood ay gawing sentro ng ating mga alalahanin ang ating pamilya at ang pamilya ng mga nakapaligid sa atin.
Nagpapasalamat akong makasama kayo ngayong gabi sa pangkalahatang sesyon ng priesthood ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ito ay isang dakilang sandali sa kasaysayan ng Simbahan. Isandaan at walumpu’t dalawang taon na ang nakararaan, noong 1834, sa Kirtland, Ohio, lahat ng mayhawak ng priesthood ay tinawag na magtipun-tipon sa isang 14-by-14-foot (4.2 by 4.2 m) na paaralang yari sa troso. Sa pulong na iyon sinabi ni Propetang Joseph Smith na: “Ang nalalaman ninyo hinggil sa tadhana ng Simbahang ito ay katulad lamang ng nalalaman ng isang sanggol na nasa kandungan ng kanyang ina. Hindi ninyo ito nauunawaan. … Kakaunti lamang ang nakikita ninyo ritong mga Priesthood ngayong gabi, ngunit pupunuin ng Simbahang ito ang Hilaga at Timog Amerika—pupunuin nito ang buong mundo.”1
Milyun-milyong mayhawak ng priesthood, sa mahigit 110 bansa, ang nakatipon sa sesyong ito. Marahil ay nakinita ni Propetang Joseph ang panahong ito at ang maluwalhating hinaharap natin.
Ang mensahe ko ngayong gabi ay isang pagtatangkang ipaliwanag ang hinaharap na iyon at kung ano ang kailangan nating gawin upang maging bahagi ng plano ng kaligayahang inihanda ng ating Ama sa Langit para sa atin. Bago tayo isinilang, nabuhay tayo sa isang pamilya sa piling ng ating dakila at walang-hanggang Ama sa Langit. Nag-orden Siya ng isang plano para sumulong at umunlad tayo upang maging katulad Niya. Ginawa Niya ito dahil mahal Niya tayo. Ang layunin ng plano ay bigyan tayo ng pribilehiyong mabuhay nang walang hanggan tulad ng ating Ama sa Langit. Ang planong ito ng ebanghelyo ay nag-alok ng isang buhay sa mortalidad kung saan tayo ay susubukan. Isang pangako ang ibinigay na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, kung susunod tayo sa mga batas at ordenansa ng priesthood ng ebanghelyo, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan, ang pinakadakila sa lahat ng Kanyang kaloob.
Ang buhay na walang hanggan ay ang uri ng buhay ng ating Diyos Amang Walang Hanggan. Sinabi na ng Diyos na ang Kanyang layunin ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Ang dakilang layunin ng bawat mayhawak ng priesthood, kung gayon, ay tumulong sa gawain na tulungan ang mga tao na magtamo ng buhay na walang hanggan.
Bawat pagsisikap at bawat ordenansa ng priesthood ay nilayong tumulong sa mga anak ng Ama sa Langit na magbago sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo upang maging mga miyembro ng mga perpektong pamilya. Kaya nga “ang dakilang gawain ng bawat tao ay ang maniwala sa ebanghelyo, sundin ang mga kautusan, at lumikha at bumuo ng isang walang-hanggang pamilya,”2 at tulungan ang iba na gawin din ito.
Dahil totoo iyan, selestiyal na kasal dapat ang tuon at layunin ng lahat ng ginagawa natin. Ibig sabihin niyan, kailangan tayong magsumikap na mabuklod nang walang hanggan sa isang kabiyak sa templo ng Diyos. Kailangan din nating hikayatin ang iba na gumawa at tumupad ng mga tipan na nagbibigkis sa isang mag-asawa, sa kanilang pamilya, sa buhay na ito at sa kabilang-buhay.
Bakit napakahalaga ng bagay na ito sa bawat isa sa atin—bata o matanda, deacon o high priest, anak o ama? Dahil ang ating obligasyon sa priesthood ay gawing sentro ng ating mga alalahanin ang ating pamilya at ang pamilya ng mga nakapaligid sa atin. Bawat mahalagang desisyon ay dapat ibatay sa magiging epekto nito sa isang pamilya para maging marapat na mabuhay sa piling ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Wala nang mas mahalaga pa sa paglilingkod natin sa priesthood kaysa rito.
Sasabihin ko sa inyo kung ano ang ibig sabihin nito sa isang deacon na nakikinig ngayong gabi bilang miyembro ng isang pamilya at bilang miyembro ng isang korum.
Sa kanyang pamilya, maaaring mayroon o walang regular na panalangin ng pamilya o madalas na family home evening. Kung titipunin ng kanyang ama, na nakaunawa sa mga obligasyong ito, ang pamilya para manalangin o magbasa ng mga banal na kasulatan, maaaring magmadali ang deacon na makibahagi nang nakangiti. Maaari niyang hikayatin ang kanyang mga kapatid na makibahagi at purihin sila kapag ginawa nila ito. Maaari niyang hingan ng basbas ang kanyang ama kapag nagbukas na ang paaralan o sa isa pang sandali ng pangangailangan.
Maaaring hindi gayon katapat ang kanyang ama. Ngunit ang paghahangad mismo ng kanyang puso sa mga karanasang iyon ay maghahatid ng mga kapangyarihan ng langit sa mga tao sa paligid niya dahil sa kanyang pananampalataya. Hahangarin nila ang buhay-pamilya na gustung-gusto ng deacon.
Makikita ng teacher sa Aaronic Priesthood sa kanyang home teaching assignment ang pagkakataong tulungan ang Panginoon na baguhin ang buhay ng isang pamilya. Iminungkahi iyan ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan:
“Ang tungkulin ng mga guro ay pangalagaan ang simbahan tuwina, at makapiling at palakasin sila;
“At tiyakin na walang kasamaan sa simbahan, ni samaan ng loob sa bawat isa, ni pagsisinungaling, paninirang-puri, ni pagsasalita ng masama” (D at T 20:53–54).
Gayundin, ibinigay sa priest sa Aaronic Priesthood ang tungkuling ito:
“Ang tungkulin ng saserdote ay mangaral, magturo, magpaliwanag, manghikayat, at magbinyag, at pangasiwaan ang sakramento,
“At dumalaw sa bahay ng bawat kasapi, at hikayatin silang manalangin nang malakas at nang lihim at isagawa ang lahat ng tungkulin na pang mag-anak” (D at T 20:46–47).
Maaari ninyong isipin, tulad ko noong isang bata pa akong teacher at priest, kung paano ko malalagpasan ang mga hamong ito. Hindi ko nasiguro kailanman kung paano ako maghihikayat sa isang paraan na isulong ang isang pamilya tungo sa buhay na walang hanggan nang walang sumasama ang loob o gustong mamintas. Nalaman ko na ang tanging paghihikayat na nagpapabago ng mga puso ay nagmumula sa Espiritu Santo. Madalas mangyari iyan kapag pinatotohanan natin ang Tagapagligtas, na perpektong miyembro ng pamilya noon at ngayon. Kapag nagtuon tayo sa ating pagmamahal sa Kanya, lalago ang pagkakasundo at kapayapaan sa mga tahanang binibisita natin. Tutulungan tayo ng Espiritu Santo sa paglilingkod natin sa mga pamilya.
Ang batang mayhawak ng priesthood, sa paraan ng kanyang pagdarasal, pagsasalita, at paghihikayat sa mga miyembro ng pamilya, ay maaaring maghatid ng impluwensya at halimbawa ng Tagapagligtas sa kanilang puso’t isipan.
Ipinakita sa akin ng isang matalinong lider ng priesthood na naunawaan niya iyan. Pinamuno niya ang aking binatilyong anak sa isang home teaching visit. Maaari daw tutulan ng pamilya ang kanyang mga panghihikayat, ngunit naisip niya na ang simpleng pagtuturo at patotoo ng isang batang lalaki ay mas malamang na tumagos sa kanilang matitigas na puso.
Ano ang magagawa ng binatang elder upang tumulong sa paglikha ng mga walang-hanggang pamilya? Maaaring papunta na siya sa mission field. Maaari niyang ipagdasal nang buong puso na makakita, makapagturo, at makapagbinyag siya ng mga pamilya. Naaalala ko pa ang isang makisig na lalaki na kasama ang maganda niyang asawa at dalawang magaganda nilang anak na babae na nakaupo sa tabi namin ng missionary companion ko isang araw. Dumating ang Espiritu Santo at nagpatotoo sa kanila na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ipinanumbalik na. Naniwala sila nang sapat kaya itinanong pa nila kung puwede naming basbasan ang dalawang anak nila, tulad ng nakita nilang ginawa sa isa sa mga sacrament meeting namin. Ninais na nilang mabasbasan ang kanilang mga anak, ngunit hindi pa nila nauunawaan na ang mas matataas na pagpapala ay posible lamang sa mga templo ng Diyos matapos silang makipagtipan.
Nasasaktan pa rin akong isipin ang mag-asawa at mga batang iyon, na baka matatanda na ngayon, na walang pangakong magkaroon ng walang-hanggang pamilya. Ang kanilang mga magulang kahit paano ay may kaunting pag-unawa sa mga pagpapalang maaaring ibigay sa kanila. Ang pag-asa ko ay sila kahit paano, kahit saan ay magkaroon pa rin ng pagkakataong maging karapat-dapat na maging walang-hanggang pamilya.
Ang ibang mga elder na patungo sa mission field ay magkakaroon ng mas masayang karanasan na katulad ng sa anak kong si Matthew. Nakakita silang magkompanyon ng isang maralitang biyuda na may 11 anak. Gusto niya para sa kanila ang gusto ninyo—ang magkaroon ng walang-hanggang pamilya. Para sa anak ko, mukhang imposible o malamang na hindi mangyari iyan sa sandaling iyon.
Binisita ko ang munting lungsod na iyon ilang taon matapos binyagan ng anak ko ang balo, at inanyayahan niya akong makilala ang kanyang pamilya sa simbahan. Kinailangan kong maghintay sandali dahil halos lahat ng kanyang mga anak, kasama ang marami niyang apo, ay nagmula pa sa iba’t ibang chapel sa lugar. Ang isang anak niyang lalaki ay tapat na naglilingkod sa bishopric, at marami sa kanyang mga anak ay napagpala ng mga tipan sa templo at siya ay nabuklod sa isang walang-hanggang pamilya. Nang maghiwalay kami ng mabait na miyembrong ito, niyakap niya ako sa baywang (napakaliit niya, kaya halos hindi siya umabot sa baywang ko) at sinabing, “Pakisabi kay Matthew na bumalik sa Chile bago ako mamatay.” Nabigyan siya, dahil sa tapat na mga elder na iyon, ng masayang pag-asam sa pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos.
May mga bagay na kailangang gawin ang isang elder, pag-uwi niya mula sa misyon, upang maging tapat sa kanyang pangakong hangarin ang buhay na walang hanggan para sa kanyang sarili at sa mga mahal niya sa buhay. Wala nang mas mahalagang pangako sa buhay na ito o sa kawalang-hanggan kaysa sa pag-aasawa. Narinig na ninyo ang matalinong payo na gawing prayoridad ang pag-aasawa pag-uwi ninyo mula sa misyon. Ang tapat na lingkod ng priesthood ay gagawin ito nang may katalinuhan.
Sa pag-iisip na mag-asawa, titiyakin niyang piliin ang magulang ng kanyang mga anak at ang pamanang mapapasakanila. Pipili siya nang may masusing paghahanap at mapanalanging pag-iisip. Titiyakin niya na ang taong pakakasalan niya ay kapareho niya ang mga pamantayan para sa pamilya at ang kanyang pananalig sa layunin ng Panginoon para sa pag-aasawa at na siya ay isang tao na handa siyang ipagkatiwala ang kaligayahan ng kanyang mga anak.
Nagbigay ng matalinong payo si Pangulong N. Eldon Tanner: “Ang mga magulang na dapat ninyong mas igalang kaysa iba ay ang mga magulang ng inyong magiging mga anak. Ang mga batang iyon ay may karapatan sa pinakamabubuting magulang na maaari ninyong ipagkaloob sa kanila—matwid na mga magulang.”3 Kadalisayan ang magiging proteksyon ninyo at ng inyong mga anak. Utang ninyo sa kanila ang pagpapalang iyon.
Ngayon, may ilang asawa at ama na nakikinig ngayong gabi. Ano ang magagawa ninyo? Ang pag-asa ko ay na nag-ibayo na ang inyong hangaring baguhin ang kailangang baguhin para mabuhay kayo at ang inyong pamilya sa kahariang selestiyal balang-araw. Bilang isang ama na may priesthood, na may asawa sa inyong tabi, maaantig ninyo ang puso ng bawat miyembro ng pamilya upang hikayatin silang asamin ang araw na iyon. Dadalo kayo sa inyong mga sacrament meeting kasama ang inyong pamilya, magdaraos kayo ng mga family meeting kung saan inaanyayahan ang Espiritu Santo, magdarasal kayo ng inyong asawa at pamilya, at ihahanda ninyo ang inyong sarili na dalhin ang inyong pamilya sa templo. Kasama ninyo silang tatahak sa landas patungo sa walang-hanggang tahanan ng pamilya.
Tatratuhin ninyo ang inyong asawa at mga anak tulad ng pagtrato sa inyo ng Ama sa Langit. Susundin ninyo ang halimbawa at utos ng Tagapagligtas na akayin ang inyong pamilya sa Kanyang landas.
“Walang kapangyarihan o impluwensiya na maaari o nararapat na panatilihin sa pamamagitan ng kabanalan ng pagkasaserdote, tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig;
“Sa pamamagitan ng kabaitan, at dalisay na kaalaman, na siyang lubos na magpapalaki ng kaluluwa nang walang pagkukunwari, at walang pandaraya—
“Pagsabihan sa tamang pagkakataon nang may kataliman, kapag pinakikilos ng Espiritu Santo; at pagkatapos ay magpakita ng ibayong pagmamahal sa kanya na iyong pinagsabihan, at baka ka niya ituring na kaaway” (D at T 121:41–43).
Sinabi na ng Panginoon sa mga amang may priesthood kung anong klaseng asawa sila dapat. Sabi Niya, “Inyong mahalin ang inyong asawa nang buo ninyong puso, at pumisan sa kanya at wala nang iba” (D at T 42:22). Nang mangusap ang Panginoon sa lalaki at sa kanyang asawa, iniutos Niya, “Huwag kayong … makiapid, … ni gumawa ng anumang bagay tulad nito” (D at T 59:6).
Para sa mga kabataan, itinakda na ng Panginoon ang pamantayan. “Mga anak, magsitalima kayo sa inyong magulang sa lahat ng mga bagay, sapagka’t ito’y totoong nakalulugod sa Panginoon” (Mga Taga Colosas 3:20) at “igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina” (Exodo 20:12).
Kapag nangusap ang Panginoon sa buong pamilya, ang payo Niya ay mahalin at suportahan ang isa’t isa.
Inutusan Niya tayong “magsumikap na gawing perpekto ang buhay ng bawat miyembro ng pamilya, [na] palakasin ang mahihina; bawiin [ang] nawawalang mahal [sa buhay], at magalak sa nanumbalik nilang espirituwal na lakas.”4
Iniutos din ng Panginoon na gawin natin ang lahat para matulungan ang pumanaw nating mga kamag-anak upang makapiling nila tayo sa ating walang-hanggang tahanan.
Ang high priests group leader na masigasig na nagsikap na tulungan ang mga tao na mahanap ang kanilang mga ninuno at magdala ng mga pangalan sa templo ay inililigtas ang mga pumanaw na. May mga magpapasalamat sa mundong darating sa mga high priest na iyon, at sa mga nagsasagawa ng mga ordenansa, dahil hindi nila kinalimutan ang pamilya nilang naghihintay sa daigdig ng mga espiritu.
Sinabi na ng mga propeta: “Ang pinakamahalagang gawain ng Panginoon na gagawin ninyo ay ang ginagawa ninyo sa loob ng inyong sariling tahanan. Ang home teaching, gawain ng bishopric, at iba pang mga tungkulin sa Simbahan ay pawang mahalaga, ngunit ang pinakamahalagang gawain ay yaong nasa loob ng inyong tahanan.”5
Sa ating tahanan at sa paglilingkod natin sa priesthood, ang pinakamahalaga ay ang mga munting gawaing tumutulong sa atin at sa mga minamahal natin na magtamo ng buhay na walang hanggan. Ang mga gawaing iyon ay tila maliliit sa buhay na ito, ngunit maghahatid ito ng mga walang-hanggang pagpapala sa kawalang-hanggan.
Kapag tapat tayo sa ating paglilingkod upang matulungan ang mga anak ng Ama sa Langit na makauwi sa Kanya, magiging karapat-dapat tayo sa pagbating gusto nating lahat na marinig pagkatapos ng paglilingkod natin sa lupa. Ganito ang sabi: “Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin: nagtapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay; pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon” (Mateo 25:21).
Kasama sa “maraming bagay” na iyon ang pangako ng walang-katapusang mga inapo. Dalangin ko na maging karapat-dapat tayong lahat at tulungan natin ang iba na maging karapat-dapat sa banal na pagpapala sa tahanan ng ating Ama at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.