2010–2019
Maging Mapagpakumbaba Ka
Abril 2016


10:58

Maging Mapagpakumbaba Ka

Sa pagpapakumbaba tayo ay nagiging mas mabubuting magulang, anak, asawa, kapitbahay at kaibigan.

Mapalad tayo sa Simbahan na magkaroon ng koleksyon ng mga himno na tumutulong sa atin na sumamba sa pamamagitan ng awitin. Sa mga pulong natin sa Simbahan, “ang mga himno ay nag-aanyaya sa Espiritu ng Panginoon, nagdadala ng mapitagang pakiramdam, napagkakaisa tayo bilang mga miyembro, at nagbibigay-daan para makapag-alay tayo ng mga papuri sa Panginoon. Ang ilan sa pinakamagagandang sermon ay naipahahayag sa pamamagitan ng pag-awit ng mga himno.”1

Mga ilang buwan lang matapos maorganisa ang Simbahan, isang paghahayag ang natanggap ni Propetang Joseph Smith para sa asawa niyang si Emma. Inutusan siya ng Panginoon na “gumawa ng isang pagtitipon ng mga banal na himno, tulad ng ibibigay sa iyo, na kalugud-lugod para sa akin, upang magamit sa aking simbahan.”2

Nagtipon si Emma Smith ng koleksyon ng mga himno na unang lumitaw sa himnaryo ng Kirtland noong 1836.3 May 90 awitin lamang na kasama sa manipis na buklet na ito. Marami sa mga ito ay mga himnong mula sa mga Protestante. Dalawampu’t anim sa mga ito ang katha ni William W. Phelps, na kalaunan ay naghanda at naglimbag sa himnaryo. Mga titik lamang ang nakasulat noon; walang kasamang nota ng musika ang mga teksto. Ang aba at munting himnaryong ito ay naging malaking pagpapala sa mga unang miyembro ng Simbahan.

Pahina mula sa hymnbook ni Emma Smith
Pahina ng pamagat mula sa hymnbook ni Emma Smith

Ang pinakahuling edisyon ng ating English hymnal ay inilathala noong 1985. Marami sa mga seleksyon na pinili ni Emma maraming taon na ang nakalipas ang kasama pa rin sa ating hymnbook, gaya ng “Buhay ang Aking Manunubos” at “Saligang Kaytibay.”4

Isang awitin na bago sa 1985 na himnaryo ay ang “Magpakumbaba Ka.”5 Ang payapang himnong ito ay isinulat ni Grietje Terburg Rowley, na pumanaw noong isang taon. Sumapi siya sa Simbahan noong 1950 sa Hawaii, kung saan siya nagtuturo noon. Si Sister Rowley ay naglingkod sa General Music Committee at tumulong sa pag-adapt ng mga himno sa maraming wika. Ibinatay niya ang kanyang teksto para sa “Magpakumbaba Ka” sa dalawang talata ng banal na kasulatan: Doktrina at mga Tipan 112:10 at Eter 12:27. Mababasa sa Eter ang sumusunod na talata: “At kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; … sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila.”

Gaya ng lahat ng himno ng Simbahan, ang “Magpakumbaba Ka” ay nagtuturo ng simple at dalisay na mga katotohanan. Itinuturo nito na kung nagpapakumbaba tayo, sinasagot ang ating mga dalangin; nagiging payapa ang ating isipan; mas epektibo tayo sa paglilingkod sa ating mga tungkulin; at kung patuloy tayong magiging matapat, makababalik tayo sa piling ng ating Ama sa Langit.

Itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga alagad na kailangan silang magpakumbabang gaya ng maliit na bata upang makapasok sa kaharian ng langit.6 Sa pagpapalaki natin sa ating mga anak, kailangan natin silang tulungang manatiling mapagpakumbaba hanggang sa pagtanda nila. Hindi natin ginagawa ito sa pagsira ng kanilang kalooban sa pamamagitan ng kalupitan o sobrang higpit na pagdisiplina. Habang nililinang ang kanilang pagtitiwala sa sarili at pagpapahalaga sa sarili, kailangang ituro sa kanila ang mga katangian ng di-pagkamakasarili, kabaitan, pagsunod, kawalan ng kayabangan, pagiging magalang, at hindi mapagkunwari. Kailangang matuto silang magalak sa tagumpay ng mga kapatid at kaibigan. Itinuro ni Pangulong Howard W. Hunter na ang “ating tunay na malasakit ay dapat para sa tagumpay ng iba.”7 Kung hindi, ang tanging hahangarin nila ay sariling pakinabang at lamangan ang iba, pagkainggit, at masamang-loob sa tagumpay ng mga kasama. Nagpapasalamat ako sa aking ina na, kapag nakikita niyang nagyayabang ako ay nagsasabing, “Anak, ang kaunting pagpapakumbaba sa ngayon ay malaking kapakinabangan kalaunan.”

Ngunit ang pagpapakumbaba ay hindi lamang sa mga bata itinuturo. Kailangang sikapin nating lahat na lalo pang magpakumbaba. Kailangan ang kababaang-loob para makamit ang mga pagpapala ng ebanghelyo. Sa pagpapakumbaba ay nababagbag ang ating puso kapag nagkasala tayo o nakagawa ng mga kamalian at ginagawa nitong posible na makapagsisi tayo. Sa pagpapakumbaba tayo ay nagiging mas mabubuting magulang, anak, asawa, kapitbahay at kaibigan.

Sa kabilang banda, ang kapalaluan ay sanhi ng pagkasira ng mga ugnayan sa pamilya, paghihiwalay ng mga mag-asawa, at pagkasira ng pagkakaibigan. Lalong mahalagang alalahanin ang pagpapakumbaba kapag nagkakaroon ng pagtatalo sa inyong tahanan. Isipin ninyo ang lahat ng sakit ng kalooban na maiiwasan sa mapagpakumbabang pagsasabi ng, “Sori”; “Hindi na kita inisip”; “Ano ang gusto mong gawin ko?”; “Hindi kasi ako nag-iisip”; o “Ipinagmamalaki kita.” Kung ang mga maiikling pahayag na ito ay mapagpakumbabang gagamitin, mababawasan ang pagtatalo at mas payapa ang ating mga tahanan.

Ang simpleng pamumuhay ay maaari at kadalasang nakapagpapababa ng kalooban. Ang sakuna at karamdaman, ang pagkamatay ng mga mahal sa buhay, mga problema sa relasyon, maging ang kasalatan sa pera ay nagtutulak sa atin na magsumamo nang taimtim. Kung ang mahihirap na karanasang ito ay dumating sa atin nang hindi naman natin kagagawan o dahil sa masamang desisyon at pagpapasiya, ang mga karanasang ito ay nakapagpapababa ng kalooban. Kung pipiliin nating espirituwal na umayon at manatiling mapagpakumbaba at madaling turuan, ang ating mga dasal ay nagiging mas taimtim at lumalakas ang ating pananampalataya at patotoo habang nalalampasan natin ang mga dagok ng buhay sa mundo. Inaasam nating lahat ang kadakilaan, ngunit bago ito, kailangang pagsikapan ang tinatawag na “lambak ng kababaang-loob.”8

Maraming taon na ang nakalipas, ang aming 15-taong-gulang na anak na si Eric ay nagkaroon ng matinding pinsala sa ulo. Ang makita siyang nasa coma nang mahigit isang linggo ay dumurog sa aming puso. Sinabi sa amin ng mga doktor na hindi nila alam kung ano ang susunod na mangyayari. Siyempre, tuwang-tuwa kami nang muli siyang magkaroon ng malay-tao. Akala namin magiging maayos na ang lahat, pero nagkamali kami.

Nang magkaroon siya ng malay-tao, hindi siya makalakad o makapagsalita o makakain nang mag-isa. Ang mahirap pa, nawalan siya ng aktibong memorya. Naaalala niya halos lahat ng nangyari bago naganap ang aksidente, pero wala siyang maalaala pagkatapos niyon, kahit ang mga bagay na ilang minuto pa lang naganap.

Pansamantala kaming nabahala na ang isip ng anak namin ay sa pang-15-taong gulang na lamang habambuhay. Maayos ang lahat sa buhay ng anak namin bago ang aksidente. Siya ay atleta noon, popular, at magaling sa paaralan. Noon, parang ang liwanag ng kanyang hinaharap; ngayon ay nag-aalala kami na baka wala na siyang kinabukasan, na maaalaala niya. Hirap na siya ngayong matutuhang muli ang mga simpleng gawain. Nakapagpapakumbabang sandali ito para sa kanya. Nakapagpapakumbabang sandali rin ito para sa kanyang mga magulang.

Ang totoo, nagtataka kami kung bakit nangyari ito. Palagi naman naming sinisikap gawin ang tama. Ang pamumuhay ng ebanghelyo ang priyoridad ng aming pamilya. Hindi namin maunawaan kung bakit nangyari sa amin ang gayon kapait na karanasan. Lumuhod kami sa panalangin nang malaman naming aabutin ng buwan, o mga taon ang kanyang pagpapagaling. Mahirap pa ring isipin na hindi na siya magiging tulad ng dati.

Sa panahong ito, maraming luha ang pumatak at ang mga dasal namin ay mas naging taos at taimtim. Sa pagpapakumbaba ay unti-unti naming nakita ang mumunting himala na nararanasan ng aming anak sa mapait na panahong ito. Nagsimulang bumuti ang kanyang kalagayan. Ang kanyang ugali at pananaw ay napaka-positibo.

Ngayon ang anak naming si Eric ay may napakabuting asawa, at may lima silang anak. Siya ay masigasig na guro at nag-aambag sa kanyang komunidad, gayundin sa Simbahan. Higit sa lahat, taglay pa rin niya ang pagiging mapagpakumbaba gaya ng dati.

Ngunit paano kung maging mapagpakumbaba tayo bago pa natin danasin ang “lambak ng kababaang-loob”? Itinuro ni Alma:

“Pinagpala sila na nagpapakumbaba ng kanilang sarili na hindi kailangang piliting magpakumbaba.”

“Kaya nga, [mas] pinagpala sila na nagpapakumbaba ng kanilang sarili na hindi kailangang piliting magpakumbaba.”9

Nagpapasalamat ako sa mga propetang tulad ni Alma na nagturo sa atin ng kahalagahan ng dakilang katangiang ito. Si Spencer W. Kimball, na ika-12 Pangulo ng Simbahan, ay nagsabi: “Paano nagpapakumbaba ang isang tao? Para sa akin, dapat palaging mapaalalahanan ang isang tao tungkol sa kanyang pag-asa. Kanino aasa? Sa Panginoon. Paano paaalalahanan ang sarili? Sa tunay, palagian, puno ng pagsamba, mapagpasalamat na panalangin.”10

Hindi na dapat ikagulat na ang paboritong himno noon ni Pangulong Kimball ay ang “Kailangan Ko Kayo.”11 Iniulat ni Elder Dallin H. Oaks na ito ang pinakamadalas awitin bilang pambungad na himno ng mga Kapatid sa loob ng templo noong mga unang taon niya sa Korum ng Labindalawa. Sabi niya, “Isipin ninyo ang espirituwal na impluwensya ng iilang lingkod ng Panginoon na kinakanta ang awiting ito bago manalangin para hingin ang kanyang patnubay sa pagganap ng kanilang mabibigat na responsibilidad.”12

Pinatototohanan ko ang kahalagahan ng pagpapakumbaba sa ating buhay. Nagpapasalamat ako sa mga taong tulad ni Sister Grietje Rowley na nagsulat ng inspiradong mga titik at musika na tumutulong sa atin na matutuhan ang doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo, na kinapapalooban ng pagpapakumbaba. Nagpapasalamat ako sa ipinagkaloob sa atin na mga himno, na tumutulong sa atin na sumamba sa pamamagitan ng awitin, at nagpapasalamat ako para sa pagpapakumbaba. Dalangin ko na sikapin nating lahat na magpakumbaba upang tayo ay maging mas mabuting mga magulang, anak, at alagad ng Tagapagligtas. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. “Paunang Salita ng Unang Panguluhan,” Mga Himno ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (1985), ix.

  2. Doktrina at mga Tipan 25:11.

  3. Ang pahinang pamagat ng unang edisyon ng himnaryo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may petsang 1835, ngunit hindi ito nakumpleto at naging available hanggang noong unang bahagi ng taong 1836.

  4. Dalawampu’t anim sa mga himno na lumitaw sa himnaryo ng 1835 ang kasama sa ating himnaryo ngayon (tingnan sa Kathleen Lubeck, “The New Hymnbook: The Saints Are Singing!” Ensign, Set. 1985, 7).

  5. “Magpakumbaba Ka,” Mga Himno, blg. 75.

  6. Tingnan sa Mateo 18:1–4.

  7. Howard W. Hunter, “The Pharisee and the Publican,” Ensign, Mayo 1984, 66.

  8. Anthon H. Lund, sa Conference Report, Abr. 1901, 22.

  9. Alma 32:16, 15.

  10. The Teachings of Spencer W. Kimball, ed. Edward L. Kimball (1982), 233.

  11. “Kailangan Ko Kayo,” Mga Himno, blg. 58; tingnan din sa Brent H. Nielson, “I Need Thee Every Hour,” Ensign, Abr. 2011, 16.

  12. Dallin H. Oaks, “Worship through Music,” Ensign, Nob. 1994, 10.