2010–2019
Magligtas: Kaya Nating Gawin Ito
Abril 2016


10:41

Magligtas: Kaya Nating Gawin Ito

Naglaan ang Panginoon ng lahat ng kasangkapang kailangan para tayo humayo upang iligtas ang ating mga kaibigang di-gaanong aktibo at hindi miyembro.

Malinaw na naunawaan ng Tagapagligtas ang Kanyang misyong iligtas ang mga anak ng ating Ama sa Langit, sapagkat ipinahayag Niya:

“Ang Anak ng tao ay naparito upang iligtas ang nawala. …

[Sapagkat] hindi nga kalooban ng inyong amang nasa langit, na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak.”1

Malinaw na naunawaan ng aking anghel na ina, si Jasmine Bennion Arnold, ang kanyang papel sa pagliligtas sa nasugatan o nawalang tupa ng ating Ama sa Langit, pati na sa sarili niyang mga anak at apo. Kamangha-mangha ang papel na maaaring gampanan ng mga lolo’t lola sa buhay ng kanilang mga apo.

Si Inay ay madalas maatasang bisitahin ang mga nahihirapang manampalataya, mga pamilya na di-gaanong aktibo at hindi lahat ay miyembro; gayunman, kabilang sa kanyang kawan ang ilang iba pa na hindi naman iniatas na bisitahin niya. Karaniwan ay hindi lang minsan sa isang buwan siya bumibisita, dahil tahimik siyang nakinig, naglingkod sa maysakit, at mapagmahal na nagpalakas ng loob. Sa huling ilang buwan ng kanyang buhay, nakaratay na siya, kaya ginugol niya ang oras sa pagliham sa kanila, pagpapahayag ng kanyang pagmamahal, pagpapatotoo, at pagpapalakas sa taong bumibisita sa kanya.

Kapag humayo tayo para magligtas, binibigyan tayo ng Diyos ng kapangyarihan, panghihikayat, at mga pagpapala. Nang utusan Niya si Moises na iligtas ang mga anak ni Israel, natakot si Moises, tulad ng pagkatakot ng marami sa atin. Nangatwiran si Moises, nagsasabing, “ako’y hindi marikit mangusap, … sapagka’t ako’y kimi sa pangungusap at umid sa dila.”2

Tiniyak ng Panginoon kay Moises:

“Sinong gumawa ng bibig ng tao? … Hindi ba akong Panginoon?

“Ngayon nga’y yumaon ka, at ako’y sasaiyong bibig, at ituturo ko sa iyo kung ano ang iyong sasalitain.”3

Ibig sabihin, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Kaya mong gawin ito!” At alam ninyo, kaya rin natin iyon!

Magbabahagi ako ng apat na alituntuning makatutulong sa ating pagliligtas.

Unang alituntunin: Huwag Nating Ipagpaliban ang Paghayo para Magligtas

Nagkuwento si Elder Alejandro Patania, dating Area Seventy, tungkol sa kanyang nakababatang kapatid na si Daniel na naglayag sa dagat kasama ang kanyang crew para mangisda. Pagkaraan ng ilang oras, nakatanggap si Daniel ng apurahang babala na may paparating na malakas na bagyo. Nagmadali si Daniel at ang kanyang crew na makabalik sa daungan.

Paglalayag sa dagat

Nang lumakas ang bagyo, tumigil ang makina ng kalapit na bangkang pangisda. Nagkabit ng kable ang crew ni Daniel sa tumigil na bangka at sinimulang hatakin ito papunta sa ligtas na lugar. Nagradyo sila para humingi ng tulong, batid na, sa lumalakas na bagyo, kailangan nila ng agarang tulong.

Lumalakas na bagyo

Habang balisang naghihintay ang mga mahal nila sa buhay, nagpulong ang mga kinatawan ng coast guard, samahan ng mga mangingisda, at navy upang desisyunan ang pinakamainam na estratehiya para mailigtas sila. Gusto ng ilan na lumisan kaagad ngunit sinabihan silang maghintay ng plano. Habang patuloy na humihingi ng tulong ang mga naipit ng bagyo, patuloy na nagpulong ang mga kinatawan, at pinipilit na magkasundo sa plano kung ano ang tamang gawin.

Mga mahal sa buhay na balisang naghihintay

Nang mabuo na ang grupo ng magliligtas, dumating ang huling desperadong hiling. Napatid ng nagngangalit na unos ang mga kable sa pagitan ng dalawang bangka, at babalik ang crew ni Daniel para tingnan kung maililigtas nila ang mga kapwa nila mangingisda. Sa huli, lumubog ang dalawang bangka at ang mga crew nila, pati na ang kapatid ni Elder Patania na si Daniel, ay nalunod.

Nawala ang dalawang bangka.

Inihambing ni Elder Patania ang trahedyang ito sa payo ng Panginoon nang sabihin Niyang, “Hindi ninyo pinalakas, … [o] ibinalik ang iniligaw, … [o] inyo mang hinanap ang nawala; … at aking aalisin ang aking mga tupa sa [inyong] kamay.”4

Ipinaliwanag ni Elder Patania na, bagama’t kailangang organisado tayo sa ating mga council, quorum, auxiliary, at maging sa ating sarili, huwag tayong magpaliban sa paghayo para magligtas. Kung minsan maraming linggo ang lumilipas sa pag-uusap natin kung paano tutulungan ang mga pamilya o indibiduwal na may espesyal na pangangailangan. Pinag-uusapan natin kung sino ang bibisita sa kanila at paano sila lalapitan. Samantala, patuloy na nangangailangan ng tulong ang ating nawawalang mga kapatid at kung minsa’y tumatawag at humihingi ng tulong. Huwag tayong magpaliban.

Pangalawang alituntunin: Huwag na Huwag Tayong Susuko

Si Pangulong Thomas S. Monson, na nagparating ng malinaw na panawagang humayo para magligtas, ay nagpahayag “Kailangang paalalahanan ang ating mga miyembro na hindi pa huli ang lahat pagdating sa ating … di-gaanong aktibong mga miyembro … na inaakalang wala nang pag-asang maibalik.”5

Gaya ng marami sa inyo, ang ilang nabahaginan ko na ng ebanghelyo ay madaling nabinyagan o napaaktibo, at ang iba pa—tulad ng kaibigan kong hindi miyembro na si Tim at ang kanyang di-gaanong aktibong asawa na si Charlene—ay nangangailangan ng mas mahabang panahon.

Sa loob ng mahigit 25 taon nag-usap kami ni Tim tungkol sa ebanghelyo at isinama ko sila ni Charlene sa mga temple open house. Sumama ang iba sa pagliligtas; gayunman, tinanggihan ni Tim ang bawat paanyayang magpaturo sa mga missionary.

Isang katapusan ng linggo inatasan akong mangulo sa isang stake conference. Pinakiusapan ko ang stake president na ipagdasal at ipag-ayuno kung sino ang dapat naming bisitahin. Nagulat ako nang iabot niya sa akin ang pangalan ng kaibigan kong si Tim. Nang kumatok kami ng bishop ni Tim at ng stake president sa pintuan, binuksan ito ni Tim, tiningnan ako, tiningnan ang bishop, at sinabing, “Bishop, akala ko ba sabi mo espesyal na tao ang isasama mo!”

Pagkatapos ay tumawa si Tim at sinabing, “Pasok ka, Merv.” Nagkaroon ng himala sa araw na iyon. Nabinyagan na ngayon si Tim, at nabuklod na sila ni Charlene sa templo. Huwag na huwag tayong susuko.

Sina Tim at Charlene sa templo

Pangatlong Alituntunin: Kaylaki ng Inyong Kagalakan Kung Kayo ay Makapagdala ng Kahit Isang Kaluluwa kay Cristo

Maraming taon na ang nakararaan ikinuwento ko kung paano naunawaan ni José de Souza Marques ang mga salita ng Tagapagligtas na “kung sinuman sa inyo ang malakas sa Espiritu, isama niya siya na mahina, upang siya ay … maging malakas din.”6

Alam ni Brother Marques ang pangalan ng bawat tupa sa kanyang priest quorum at natanto niya na nawawala si Fernando. Hinanap niya si Fernando sa bahay nito, pagkatapos ay sa bahay ng isang kaibigan, at nagpunta pa sa dalampasigan.

Pagliligtas kay Fernando

Sa wakas ay nakita niya si Fernando na nagsu-surf sa karagatan. Hindi siya nag-atubili hanggang sa lumubog ang bangka, gaya ng kuwento tungkol kay Daniel. Agad siyang lumusong sa tubig upang iligtas ang kanyang nawawalang tupa, at iniuwi ito na nagsasaya.7

Pagtiyak na hindi iiwan ni Fernando ang kawan

Pagkatapos ay tiniyak niya sa patuloy na paglilingkod na hinding-hindi na lilisanin ni Fernando ang kawan.8

Ikukuwento ko sa inyo ang nangyari simula nang mailigtas si Fernando at ibabahagi ko sa inyo ang kagalakang nagmula sa pagliligtas ng kahit isang nawawalang tupa. Pinakasalan ni Fernando ang kasintahan niyang si Maria sa templo. Ngayo’y may 5 anak at 13 apo na sila, na pawang mga aktibo sa Simbahan. Marami silang iba pang kamag-anak at kapamilya na sumapi sa Simbahan. Magkakasama silang nagsumite ng libu-libong pangalan ng kanilang mga ninuno para matanggap ng mga ito ang mga ordenansa sa templo, at patuloy ang pagdating ng mga pagpapala.

Pamilya ni Fernando

Si Fernando ay naglilingkod ngayon bilang bishop sa ikatlong pagkakataon, at patuloy siyang nagliligtas, tulad din niya na naligtas. Ikinuwento niya kamakailan, “Sa ward namin, may 32 aktibong binatilyo kami sa Aaronic Priesthood, na ang 21 ay naibalik nitong huling 18 buwan.” Bilang mga indibiduwal, pamilya, korum, auxiliary, klase, at home at visiting teacher, kaya nating gawin iyan!

Ang young men ni Fernando

Pang-apat na Alituntunin: Anuman ang Ating Edad, Lahat Tayo ay Tinawag na Humayo para Magligtas

Ipinahayag ni Pangulong Henry B. Eyring, “Anuman ang ating edad, kakayahan, tungkulin sa Simbahan, o kinaroroonan, tayong lahat ay tinawag sa gawain upang tulungan [ang Tagapagligtas] sa pag-aani ng mga kaluluwa hanggang sa muli Siyang pumarito.”9

Bawat araw parami nang parami sa ating mga anak, kabataan, young single adult, at adult na miyembro na iba’t iba ang edad ang nakikinig sa malinaw na panawagan ng Tagapagligtas na humayo para magligtas. Salamat sa inyong mga pagsisikap! Magbabahagi ako ng ilang halimbawa:

Inanyayahan ni Amy, edad 7, ang kaibigan niyang si Arianna at ang pamilya nito sa kanyang taunang Primary sacrament meeting program. Pagkaraan ng ilang buwan, nabinyagan si Arianna at ang kanyang pamilya.

Nakatanggap ng inspirasyon si Allan, isang young single adult, na ibahagi ang mga video ng Simbahan, Mormon Messages, at mga talata sa mga banal na kasulatan sa lahat ng kaibigan niya sa social media.

Sinimulan ni Sister Reeves na ibahagi ang ebanghelyo sa bawat telemarketer na tumawag.

Inanyayahan ni James ang kaibigan niyang si Shane na hindi miyembro sa binyag ng kanyang anak.

Ipinadala ni Spencer sa kanyang di-gaanong aktibong kapatid na babae ang link sa mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson sa pangkalahatang kumperensya at ibinalita, “Binasa niya ang mensahe, at nagkaroon siya ng pag-asa.”

Naglaan ang Panginoon ng lahat ng kasangkapang kailangan para tayo humayo upang iligtas ang ating mga kaibigang di-gaanong aktibo at hindi miyembro. Kaya nating lahat na gawin ito!

Inaanyayahan ko ang bawat isa sa inyo na dinggin ang panawagan ng Tagapagligtas na humayo para magligtas. Kaya nating gawin ito!

Taimtim kong pinatototohanan na alam ko na si Jesus ang Mabuting Pastol, na mahal Niya tayo, at pagpapalain Niya tayo sa ating paghayo para magligtas. Alam ko na Siya ay buhay; alam ko ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.