2010–2019
Pinakiusapan Niya Tayo na Maging mga Kamay Niya
Abril 2016


10:18

Pinakiusapan Niya Tayo na Maging mga Kamay Niya

Ang tunay na paglilingkod na katulad ng kay Cristo ay hindi makasarili at nakatuon sa iba.

“Kayo’y mangagibigan sa isa’t isa: na kung paanong iniibig ko kayo.”1 Ang mga salitang ito, na kinanta ng kahanga-hangang korong ito, ay binigkas ni Jesus ilang oras lamang bago naganap ang Kanyang dakilang nagbabayad-salang sakripisyo—isang sakripisyong inilarawan ni Elder Jeffrey R. Holland na “pinakadakilang pagpapamalas ng dalisay na pag-ibig na ipinamalas sa kasaysayan ng mundong ito.”2

Hindi lang tayo tinuruan ni Jesus na magmahal, kundi ipinamuhay Niya ang Kanyang itinuro. Sa Kanyang buong ministeryo, si Jesus ay “naglilibot na gumagawa ng mabuti”3 at “nakiusap Siya sa lahat na sumunod sa Kanyang halimbawa.”4 Itinuro Niya, “Sapagka’t ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay, ay mawawalan nito; datapuwa’t sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin, ay maililigtas nito yaon.”5

Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson, na nakaunawa at ipinamuhay ang payo na magmahal: “Naniniwala ako na sinasabi sa atin ng Tagapaglitas na maliban na kalimutan natin ang ating sarili sa paglilingkod sa iba ay kaunti lamang ang layunin ng ating buhay. Ang mga nabubuhay para sa sarili lamang nila ay nangunguluntoy at nawawalan ng buhay, samantalang ang mga lumilimot sa kanilang sarili sa paglilingkod sa iba ay umuunlad at nananagana—at tunay na naliligtas ang kanilang buhay.”6

Ang tunay na paglilingkod na katulad ng kay Cristo ay hindi makasarili at nakatuon sa iba. Ipinaliwanag ng isang babae na nag-alaga sa kanyang asawang lumpo, “Huwag ninyong isipin na isang pasanin ang inyong gawain; isipin na isang pagkakataon ito para malaman kung ano ang tunay na kahulugan ng pagmamahal.”7

Sa pagsasalita sa BYU devotional, itinanong ni Sister Sondra D. Heaston: “Paano kaya kung talagang nakikita natin ang nilalaman ng puso ng bawat isa? Mas mauunawaan kaya natin ang isa’t isa? Sa pagdama sa nadarama ng iba, pagkakita sa nakikita ng iba, at pagdinig sa naririnig ng iba, mas mag-uukol kaya tayo ng panahon para paglingkuran ang iba, at mag-iiba kaya ang pakikitungo natin sa kanila? Magiging mas mapagpasensya, mas mabait, at mas mapagparaya kaya tayo sa kanila?”

Ibinahagi ni Sister Heaston ang isang karanasan noong maglingkod siya sa isang Young Women camp. Sabi niya:

“Isa sa aming … mga tagapagsalita sa debosyonal … ang nagturo sa amin tungkol sa ‘dapat maging.’ Isa sa mga sinabi niya … ay, ‘Maging isang tao na ginagawa ang lahat para kilalanin at paglingkuran ang iba—itapon ang mga salamin at tumanaw sa bintana.’

Ang pag-uusap ng isang dalagita at isang lider ay mahirap kapag nakatingin sa salamin

“Para maipakita ito, tumawag siya ng isa sa mga dalagita at pinatayo niya ito nang paharap sa kanya. Pagkatapos ay inilabas [niya] ang isang salamin at inilagay ito sa pagitan niya at ng dalagita para siya, [ang tagapagsalita], ang nakatingin sa salamin habang kausap niya ang dalagita. Hindi na nakapagtataka na sa simula pa lang ay hindi ito naging epektibo o taos-pusong pag-uusap. Isa itong mabisang object lesson na nagpakita kung gaano kahirap makipag-usap at maglingkod sa iba kung masyado nating inaalala ang sarili natin at nakikita lamang ang ating sarili at ating mga pangangailangan. Itinabi [niya] ang salamin, inilabas ang isang window frame, at inilagay ito sa pagitan ng kanyang mukha at ng mukha ng dalagita. … Nakita namin na natuon sa dalagita ang [kanyang] pansin at na kailangan sa tunay na paglilingkod na magtuon tayo sa mga pangangailangan at damdamin ng iba. Madalas ay masyado nating inaalala ang ating sarili at ang sarili nating abalang buhay—kapag nakatingin tayo sa mga salamin habang nagsisikap na makahanap ng mga pagkakataong makapaglingkod—kaya hindi natin makita nang malinaw ang mga pagkakataong makapaglingkod.”8

Ang pag-uusap ng isang dalagita at isang lider ay madali kapag tumatanaw sa bintana

Madalas ipaalala sa atin ni Pangulong Monson na “napaliligiran tayo ng mga taong nangangailangan ng ating pansin, ating paghikayat, ating suporta, pag-alo, kabaitan—sila man ay mga kapamilya, kaibigan, kakilala, o dayuhan.” Sabi niya, “Tayo ang mga kamay ng Panginoon dito sa lupa, na inutusang maglingkod at tulungan ang Kanyang mga anak. Umaasa Siya sa bawat isa sa atin.”9

Ang mga bata ay inanyayahang maglingkod at maging mga kamay ng Panginoon

Noong Enero ng nakaraang taon, hinikayat ng mga magasing Friend at Liahona ang mga bata sa lahat ng panig ng mundo na sundin ang payo ni Pangulong Monson—na maging mga kamay ng Panginoon. Hinikayat ang mga bata na maglingkod—sa malalaki at maliliit na paraan. At hinikayat silang bakatin ang kanilang kamay sa isang papel, gupitin ito, isulat dito ang paglilingkod na ginawa nila, at ipadala ito sa mga magasin. Marami sa inyo na nakikinig ngayong gabi ang kasama sa libu-libong batang gumawa ng mapagmahal na paglilingkod at nagpadala nito.10

Mga nakasulat na paglilingkod ng mga bata sa mga ginupit na bakat ng kamay
Libu-libong bata ang nagpadala ng mga nakasulat na paglilingkod nila sa mga magasin

Kapag ang mga bata ay natutong magmahal at maglingkod sa iba habang bata pa sila, nagpapakita sila ng huwaran ng paglilingkod habang nabubuhay sila. Kadalasan ay itinuturo ng mga bata sa atin na ang pagpapakita ng pagmamahal at paglilingkod ay hindi kailangang maging malaki at engrande para maging makabuluhan at makagawa ng kaibhan.

Ibinahagi ng isang Primary teacher ang halimbawang ito. “Ngayon,” sabi niya, “ang aming lima at anim-na-taong-gulang na mga anak ay gumawa ng mga love necklace. Bawat bata ay nagdrowing ng mga larawan sa mga pirasong papel: ang isa’y ng kanilang sarili, ang isa’y ni Jesus, at ang ilan ay mga miyembro ng kanilang pamilya at mahal sa buhay. Idinikit namin nang pabilog ang mga papel na nakabilot at magkakarugtong na parang kadena na ginawa naming mga love necklace. Habang nagdodrowing sila, pinag-usapan ng mga bata ang kanilang mga pamilya.

“Sabi ni Heather, ‘Palagay ko hindi ako mahal ng kapatid ko. Lagi kaming nag-aaway. … Naiinis nga ako sa sarili ko. Ang sama ng buhay ko.’ At itinakip niya ang kanyang mga kamay sa kanyang mukha.

“Naisip ko ang sitwasyon ng kanyang pamilya at nadama ko na siguro talagang mahirap ang buhay niya. Ngunit matapos itong sabihin ni Heather, sumagot si Anna, na nasa kabilang dulo ng mesa, ‘Heather, ilalagay kita sa kuwintas ko sa pagitan ko at ni Jesus dahil mahal ka Niya at mahal kita.’

“Nang sabihin iyon ni Anna, gumapang si Heather sa ilalim ng mesa para puntahan si Anna at niyakap niya ito.

“Sa pagtatapos ng klase, nang sunduin siya ng lola niya, sabi ni Heather, ‘Alam mo, Lola? Mahal ako ni Jesus.’”

Kapag ginawa natin ang lahat sa pagmamahal at paglilingkod kahit sa pinakamaliliit na paraan, nagbabago at lumalambot ang mga puso kapag nadama ng iba ang pagmamahal ng Panginoon.

Gayunman, kung minsan dahil sa napakaraming tao sa ating paligid na kailangan ng tulong at ginhawa mula sa mga pasanin, maaaring mahirap tugunan ang maraming agarang pangangailangan.

Sisters, ang ilan sa inyo na nakikinig ay maaaring sagad na ang kakayahang tugunan ang pangangailangan ng mga kapamilya. Tandaan, sa karaniwan at araw-araw na mga gawaing iyon, kayo ay “nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos.”11

Ang iba sa inyo ay maaaring nakadarama ng kahungkagan na mapupunan kapag naghanap kayo sa inyong mga kapitbahay o komunidad ng mga pagkakataong pagaanin ang mga pasanin ng iba.

Maaari nating samahan ng kaunting paglilingkod ang ating araw-araw na pamumuhay. Nabubuhay tayo sa isang mundong puno ng pagtatalo. Naglilingkod tayo kapag hindi tayo namimintas, kapag tumanggi tayong magtsismis, kapag tumigil tayo sa panghuhusga, kapag ngumiti tayo, kapag nagpasalamat tayo, at kapag mapagpasensya at mabait tayo.

Ang iba pang mga uri ng paglilingkod ay kailangang pag-ukulan ng panahon, sadyang pagpaplano, at dagdag na lakas. Ngunit sulit ang bawat pagsisikap natin para sa mga ito. Marahil masisimulan natin ang paglilingkod sa pagtatanong sa ating sarili ng ganito:

  • Sino sa malalapit sa akin ang matutulungan ko ngayon?

  • Anong panahon at resources ang mayroon ako?

  • Paano ko magagamit ang aking mga talento at kasanayan para mapagpala ang iba?

  • Ano ang maaari naming gawin bilang pamilya?

Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf:

“Kailangang gawin ninyo … ang ginagawa ng mga disipulo ni Cristo sa bawat dispensasyon: payuhan ang isa’t isa, gamitin ang lahat ng makukuhang tulong, hangarin ang inspirasyon ng Espiritu Santo, hingin ang pagsang-ayon ng Panginoon, at ihanda ang sarili at kumilos o magtrabaho.

“Ipinapangako ko sa inyo,” sabi niya. “Kung tutularan ninyo ang paraang ito, kayo ay makatatanggap ng patnubay sa kung sino ang tutulungan, ano ang itutulong, kailan, at saan tutulong sa paraan ng Panginoon.”12

Tuwing iisipin ko kung ano ang pakiramdam kapag muling pumarito ang Tagapagligtas, iniisip ko ang pagbisita Niya sa mga Nephita nang itanong Niya:

“Mayroon bang may karamdaman sa inyo? Dalhin sila rito. Mayroon ba sa inyong pilay, o bulag, o lumpo, o baldado, o ketongin, o mga may dinaramdam, o yaong mga bingi, o yaong mga nahihirapan sa anumang dahilan? Dalhin sila rito at akin silang pagagalingin, sapagkat ako ay nahahabag sa inyo; ang aking sisidlan ay puspos ng awa. …

“… Pinagaling [ng Tagapagligtas] ang bawat isa sa kanila.”13

Sa ngayon, pinakiusapan Niya tayo na maging mga kamay Niya.

Nalaman ko na pag-ibig sa Diyos at sa kapwa ang nagbibigay ng kabuluhan sa buhay. Nawa’y tularan natin ang halimbawa ng ating Tagapagligtas at sundin ang Kanyang payo na paglingkuran ang iba nang may pagmamahal.

Pinatototohanan ko na tunay ang pangako ni Pangulong Henry B. Eyring “na kung gagamitin [natin] ang [ating] mga kaloob para paglingkuran ang iba, madarama [natin] ang pagmamahal ng Diyos para sa taong iyon. Madarama din [natin] ang kanyang pagmamahal sa [atin].”14 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Paalala: Noong Abril 2, 2016, si Sister Esplin ay ini-release bilang unang tagapayo sa Primary general presidency.

Mga Tala

  1. Juan 13:34.

  2. Jeffrey R. Holland, “Kapag ang Katarungan, Pag-ibig, at Awa ay Nagtugma,” Liahona, Mayo 2015, 106.

  3. Ang Mga Gawa 10:38.

  4. “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Liahona, Abr. 2000, 2.

  5. Lucas 9:24.

  6. Thomas S. Monson, “Ano ang Nagawa Ko Ngayon para sa Isang Tao?” Liahona, Nob. 2009, 85.

  7. Lola B. Walters, “Sunshine in My Soul,” Ensign, Ago. 1991, 19.

  8. Sondra D. Heaston, “Keeping Your Fingers on the PULSE of Service” (Brigham Young University devotional, Hunyo 23, 2015), 1, 5, speeches.byu.edu. Ang Young Women camp speaker na nagbahagi ng mga ideyang ito ay si Sister Virginia H. Pearce.

  9. Thomas S. Monson, “Ano ang Nagawa Ko Ngayon para sa Isang Tao?” 86.

  10. Tingnan sa “Tulungan Ninyo Kami!” Liahona, Ene. 2015, 64–65.

  11. Mosias 2:17.

  12. Dieter F. Uchtdorf, “Pagtulong sa Paraan ng Panginoon,” Liahona, Nob. 2011, 55.

  13. 3 Nephi 17:7, 9.

  14. Henry B. Eyring, To Draw Closer to God (1997), 88.