2010–2019
Pagsalungat sa Lahat ng Bagay
Abril 2016


15:27

Pagsalungat sa Lahat ng Bagay

Ang pagsalungat ay nagtutulot sa atin na umunlad tungo sa nais ng ating Ama sa Langit na kahinatnan natin.

Ang pinakamahalagang bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo ay ang plano ng kaligtasan ng Ama para sa walang-hanggang pag-unlad ng Kanyang mga anak. Ang planong iyan, na ipinaliwanag sa paghahayag sa panahong ito, ay tumutulong sa atin na maunawaan ang maraming bagay na nararanasan natin sa mortalidad. Ang mensahe ko ay nakatuon sa mahalagang papel na ginagampanan ng pagsalungat o oposisyon sa planong iyan.

I.

Ang layunin ng mortal na buhay na ito para sa mga anak ng Diyos ay maglaan ng mga karanasang kailangan “upang umunlad tungo sa kaganapan at sa huli ay makamtan ang kanilang banal na tadhana bilang tagapagmana ng buhay na walang hanggan.”1 Tulad ng napakagandang turo sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson kaninang umaga, umuunlad tayo sa ginagawang mga pagpili, na siyang sumusubok sa atin upang ipakita na susundin natin ang mga utos ng Diyos (tingnan sa Abraham 3:25). Upang masubukan, kailangang magkaroon tayo ng kalayaang pumili sa mga mapagpipilian. Upang maglaan ng mga alternatibong magagamitan ng ating kalayaan, kailangan natin ang pagsalungat.

Ang iba pang bahagi ng plano ay mahalaga rin. Kapag mali ang pinipili natin—na talagang nagagawa natin—tayo ay mababahiran ng kasalanan at kailangang maging malinis upang makasulong sa ating walang hanggang tadhana. Ang plano ng Ama ay naglaan ng paraan para magawa ito, ang paraan na matugunan ang mga walang-hanggang hinihingi ng katarungan: binayaran ng Tagapagligtas ang halaga para tubusin tayo mula sa ating mga kasalanan. Ang Tagapagligtas na iyan ay ang Panginoong Jesucristo, ang Bugtong na Anak ng Diyos Amang Walang Hanggan, na ang nagbabayad-salang sakripisyo—ang Kanyang pagdurusa—ang nagbayad para sa ating mga kasalanan kung pagsisisihan natin ang mga ito.

Ang isa sa pinakamagandang paliwanag tungkol sa bahagi ng pagsalungat sa plano ay nasa Aklat ni Mormon, sa mga turo ni Lehi sa kanyang anak na si Jacob.

“Talagang kinakailangan, na may pagsalungat sa lahat ng bagay. Kung hindi, … ang kabutihan ay hindi mangyayari, ni ang kasamaan, ni ang kabanalan o kalungkutan, ni mabuti o masama” (2 Nephi 2:11; tingnan din sa talata 15).

Dahil dito, sinabi pa ni Lehi, “ipinagkaloob ng Panginoong Diyos sa tao na siya ay kumilos para sa kanyang sarili. Samakatwid, ang tao ay hindi makakikilos para sa kanyang sarili maliban kung siya ay nahikayat ng isa o ng iba” (talata 16). Gayon din, sa makabagong paghahayag sinabi ng Panginoon, “Talagang kinakailangan na ang diyablo ay tuksuhin ang mga anak ng tao, o hindi sila magiging kinatawan sa kanilang sarili” (D at T 29:39).

Kinailangan ang pagsalungat sa Halamanan ng Eden. Kung sina Eva at Adan ay hindi gumawa ng pagpili na nagpasimula ng mortalidad, itinuro ni Lehi, “sila sana ay nanatili sa kalagayan ng kawalang-malay, … hindi gagawa ng mabuti, sapagkat hindi sila nakakikilala ng kasalanan” (2 Nephi 2:23).

Mula pa sa simula, ang kalayaan at pagsalungat ay napakahalaga sa plano ng Ama at sa paghihimagsik ni Satanas laban dito. Tulad ng inihayag ng Panginoon kay Moises, sa kapulungan sa langit si Satanas ay “naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao” (Moises 4:3). Ang pagwasak na iyan ay makikita sa mga kundisyong iminungkahi ni Satanas. Lumapit siya sa Ama at sinabi, “Masdan, naririto ako, isugo ninyo ako, ako ang magiging inyong anak, at aking tutubusin ang buong sangkatauhan, upang wala ni isa mang katao ang mawala, at tiyak na akin itong magagawa; kaya nga, ibigay ninyo sa akin ang inyong karangalan.” (Moises 4:1).

Sa gayon, ang paraang iminungkahi ni Satanas para gawin ang plano ng Ama ay hahadlang sa pagsasakatuparan ng layunin ng Ama at magbibigay kay Satanas ng Kanyang kaluwalhatian.

Ang plano ni Satanas ay titiyak sana sa perpektong pagkakapantay-pantay: ito ay “[makatutubos sana sa] buong sangkatauhan,” na wala ni isa mang kaluluwa ang mawawala. Hindi magkakaroon ng kalayaan o pagpili ang sinuman, at, samakatwid, hindi kinakailangan ang pagsalungat. Hindi magkakaroon ng pagsubok, kabiguan, at tagumpay. Hindi magkakaroon ng pag-unlad upang makamtan ang layunin na hangad ng Ama para sa Kanyang mga anak. Nakatala sa mga banal na kasulatan na ang pagsalungat ni Satanas ay humantong sa “[digmaan] sa langit” (Apocalipsis 12:7), kung saan ang lahat maliban sa ikatlong bahagi ng mga anak ng Diyos ang nagkaroon ng karapatang maranasan ang mortal na buhay sa pagpili sa plano ng Ama at hindi pagsang-ayon sa paghihimagsik ni Satanas.

Layunin ni Satanas na bigyan ang kanyang sarili ng karangalan at kapangyarihan ng Ama (tingnan sa Isaias 14:12–15; Moises 4:1, 3). “Dahil dito,” sabi ng Ama, “sapagkat yaong si Satanas ay naghimagsik laban sa akin, … aking pinapangyaring siya ay mapalayas” (Moises 4:3) kasama ang lahat ng espiritu na gumamit ng kanilang kalayaan na sundin siya (tingnan sa Judas 1:6; Apocalipsis 12:8–9; D at T 29:36–37). Dahil pinalayas na mga espiritung walang katawan at narito sa mundo, hinangad ni Satanas at ng kanyang mga alagad na tuksuhin at linlangin at bihagin ang mga anak ng Diyos (tingnan sa Moises 4:4). Kaya ang masamang iyon, na sumalungat at naghangad na wasakin ang plano ng Ama, ay nagpadali pa nito, dahil sa pagsalungat nagkaroon ng pagpili at ang pagkakataong pumili ng tama ay humahantong sa pag-unlad na siyang layunin ng plano ng Ama.

II.

Mapapansin na ang tukso na magkasala ay hindi nag-iisang uri ng pagsalungat sa buhay na ito. Itinuro ni Amang Lehi na kung hindi nangyari ang Pagkahulog, sina Adan at Eva “sana ay nanatili sa kalagayan ng kawalang-malay, walang kaligayahan, sapagkat hindi sila nakakikilala ng kalungkutan” (2 Nephi 2:23). Kung walang mararanasang pagsalungat sa buhay na ito, “lahat ng bagay ay talagang kailangang magkasama sa isa” kung saan walang kaligayahan o kalungkutan (talata 11). Kaya nga, sinabi pa ni Amang Lehi, matapos likhain ng Diyos ang lahat ng bagay “upang maisagawa ang kanyang mga walang hanggang layunin sa kahihinatnan ng tao, … ay talagang kinakailangan na may isang pagsalungat; maging ang ipinagbabawal na bungang-kahoy na kasalungat ng punungkahoy ng buhay; ang isa ay matamis at ang isa ay mapait” (talata 15).2 Ang pagtuturo niya sa bahaging ito ng plano ng kaligtasan ay nagtapos sa mga salitang ito:

“Masdan, ang lahat ng bagay ay ginawa sa karunungan niya na nakaaalam ng lahat ng bagay.

“Si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon; at ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” (mga talata 24–25).

Ang pagsalungat sa mahihirap na kalagayan na nararanasan natin sa mortalidad ay bahagi rin ng plano na nagpapaunlad sa atin sa buhay na ito.

III.

Lahat tayo ay dumaranas ng iba’t ibang uri ng pagsalungat o oposisyon na susubok sa atin. Ilan sa mga pagsubok na ito ay ang mga tuksong magkasala. Ang ilan ay mga hamon sa buhay na walang kinalaman ang sariling kasalanan. May napakalalaki. May maliliit. Ang ilan ay tuluy-tuloy, at may ilang pansamantala lamang. Lahat tayo ay dumaranas nito. Ang pagsalungat ay nagtutulot sa atin na umunlad tungo sa nais ng ating Ama sa Langit na kahinatnan natin.

Matapos makumpleto ni Joseph Smith ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon, kinailangan pa rin niyang maghanap ng maglilimbag nito. Hindi ito madali. Nakapanghihina ng loob ang pagkakumplikado ng napakahabang manuskritong ito at ang halaga ng paglilimbag at paggawa ng libu-libong kopya nito. Unang nilapitan ni Joseph si E. B. Grandin, isang manlilimbag sa Palmyra, at tumanggi ito. Pagkatapos ay naghanap siya ng isa pang manlilimbag sa Palmyra, na tumanggi rin sa kanya. Naglakbay siya patungong Rochester, 25 milya (40 km) ang layo, at nilapitan ang pinakakilalang tagapaglathala sa kanlurang New York, na tumanggi rin. Gusto namang gawin ito ng isang tagapaglathala sa Rochester, ngunit dahil sa mga pangyayari hindi naging katanggap-tanggap ang alternatibong ito.

Lumipas na ang mga linggo, at marahil nagugulumihanan na si Joseph sa mga humahadlang sa paggawa ng tungkuling iniatas sa kanya ng Diyos. Hindi ito ginawang madali ng Panginoon, ngunit ginawa niya itong posible. Ang ikalimang pagtatangka ni Joseph, ang muling paglapit sa tagapaglathalang si Grandin sa Palmyra, ay naging matagumpay.3

Pagkalipas ng ilang taon, si Joseph ay ibinilanggo sa Liberty Jail nang maraming buwan. Nang manalangin siya para humingi ng kaginhawahan, sinabi sa kanya ng Panginoon na “lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti” (D at T 122:7).

Tayong lahat ay pamilyar sa iba pang uri ng mga pagsalungat o oposisyon sa buhay na ito na hindi dahil sa ating mga kasalanan, kabilang na ang mga karamdaman, kapansanan, at kamatayan. Ipinaliwanag ni Pangulong Thomas S. Monson:

“Marahil ang ilan sa inyo kung minsan ay sumasamo sa Diyos dahil sa inyong mga pagdurusa, nagtataka kung bakit tinulutan ng ating Ama sa Langit na danasin ninyo ang anumang pagsubok na kinakaharap ninyo ngayon. …

“Ang ating buhay, gayunman, ay hindi nilayong maging madali o palaging kalugud-lugod. Alam ng ating Ama sa Langit … na matututo at uunlad tayo at madadalisay sa pamamagitan ng mahihirap na hamon, nakapanlulumong kalungkutan, at mahihirap na desisyon. Bawat isa sa atin ay nakararanas ng mapanglaw na panahon kapag pumanaw ang mga mahal natin sa buhay, nalulungkot kapag humina ang ating kalusugan, nadarama nating nag-iisa tayo kapag tila pinabayaan tayo ng mga mahal natin sa buhay. Ang mga ito at iba pang mga pagsubok na dinaranas natin ang tunay na sumusubok sa kakayahan nating magtiis.”4

Ang pagsisikap nating pagbutihin ang paggalang sa araw ng Sabbath ay halimbawa ng hindi gaanong mahirap na pagsalungat o oposisyon. Iniutos sa atin ng Panginoon na igalang ang araw ng Sabbath. Maaaring ang ilan sa pinipili natin ay labag sa kautusang iyan, ngunit ang iba pang pagpipilian kung paano natin gugugulin ang ating oras sa Sabbath ay isang katanungan lamang kung ang gagawin ba natin ay maganda lang o kung mas maganda o pinakamaganda.5

Upang maipaliwanag ang pagsalungat na nauugnay sa mga tukso, inilarawan sa Aklat ni Mormon ang tatlong paraang gagamitin ng diyablo sa mga huling araw. Una, “sasalantahin niya ang puso ng mga anak ng tao, at pupukawin sila na magalit laban sa yaong bagay na mabuti” (2 Nephi 28:20). Pangalawa, “gagawin niyang payapa ang iba, at dahan-dahan silang aakayin tungo sa mahalay na katiwasayan,” sinasabing “umuunlad ang Sion, mainam ang lahat” (talata 21). Pangatlo, sasabihin niya sa atin na “walang impiyerno; at … hindi ako diyablo, sapagkat walang diyablo” (talata 22), at samakatwid walang tama at mali. Dahil sa oposisyong ito, binalaan tayo na huwag maging “pabaya sa Sion!” (talata 24).

Ang Simbahan sa banal na misyon nito at tayo sa ating sari-sariling buhay ay tila nahaharap sa tumitinding oposisyon sa panahong ito. Marahil habang lumalago ang Simbahan at tayong mga miyembro ay tumatatag sa pananampalataya at pagsunod, pinalalakas naman ni Satanas ang puwersa ng kanyang pagsalungat nang sa gayo’y patuloy tayong makaranas ng “pagsalungat sa lahat ng bagay.”

Ilan sa mga pagsalungat na ito ay maaaring magmula sa mga miyembro ng Simbahan. Ang mga taong gumagamit ng personal na pangangatwiran o talino para salungatin ang tagubiling ibinigay ng propeta ay tinatawag ang kanilang sarili na “matatapat na sumasalungat” na taguring ginagamit sa pamahalaan. Bagama’t maaaring angkop ito sa demokrasya, hindi ito bibigyang-katwiran sa pamahalaan ng kaharian ng Diyos, kung saan tinatanggap ang pagtatanong ngunit hindi ang pagsalungat (tingnan sa Mateo 26:24).

Ang isa pang halimbawa ay ang maraming bagay sa naunang kasaysayan ng ating Simbahan, tulad ng ginawa o hindi ginawa ni Joseph Smith sa bawat sitwasyon, na ginamit ng ilan bilang batayan ng kanilang pagsalungat. Sa lahat ay sinasabi ko, manampalataya at magtiwala sa mga turo ng Tagapagligtas na “sa kanilang mga bunga ay [ating] mangakikilala sila” (Mateo 7:16). Ang Simbahan ay lubos na nagsisikap na maipaalam sa inyo ang mga rekord na nasa atin, ngunit matapos ang lahat ng paglalathala, ang mga miyembro natin kung minsan ay naiiwang nagtatanong tungkol sa mga bagay na hindi malulutas sa pag-aaral. Iyan ang bersyon ng “pagsalungat sa lahat ng bagay” sa kasaysayan ng Simbahan. May mga bagay na matututuhan lamang sa pamamagitan ng pananampalataya (tingnan sa D at T 88:118). Dapat tayong lubos na magtiwala sa patotoong natanggap natin mula sa Espiritu Santo.

Bibihirang panghimasukan ng Diyos ang kalayaan ng sinuman sa Kanyang mga anak para sa kaginhawahan ng iba. Ngunit Kanyang pinagagaan ang ating mga paghihirap at pinalalakas tayo para makayanan ito, tulad ng ginawa Niya sa mga tao ni Alma sa lupain ng Helam (tingnan sa Mosias 24:13–15). Hindi Niya hinahadlangan ang lahat ng kapinsalaan, ngunit sinasagot Niya ang ating mga dalangin, tulad ng ginawa Niya sa bagyo na kakaiba ang tindi na nagbantang hadlangan ang paglalaan ng templo sa Fiji,6 o pinahihina Niya ang mga epekto nito tulad ng ginawa Niya sa pambobomba ng mga terorista na kumitil sa buhay ng napakarami sa Brussels airport, ngunit sinugatan lamang ang apat na missionary natin.

Sa lahat ng pagsalungat sa buhay na ito, tiniyak sa atin ng Diyos na Kanyang “ilalaan ang [ating] mga paghihirap para sa [ating] kapakinabangan” (2 Nephi 2:2). Tinuruan din tayo na maunawaan natin ang mga nararanasan natin sa buhay na ito at ang Kanyang mga kautusan sa konteksto ng Kanyang dakilang plano ng kaligtasan, na nagsasabi sa atin ng layunin ng buhay at nagbibigay sa atin ng katiyakan na may Tagapagligtas, na sa Kanyang pangalan ay pinatototohanan ko ang mga bagay na ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. “Ang Mag-Anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  2. Itinuro rin sa paghahayag sa panahong ito na kung hindi natin kailanman natikman ang mapait, hindi natin malalaman ang matamis (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:39).

  3. Tingnan sa Michael Hubbard MacKay at Gerrit J. Dirkmaat, From Darkness unto Light: Joseph Smith’s Translation and Publication of the Book of Mormon (2015), 163–79.

  4. Thomas S. Monson, “Joy in the Journey” (mensaheng ibinigay sa BYU Women’s Conference, Mayo 2, 2008), womensconference.ce.byu.edu. Nakapaloob sa maikling salaysay tungkol sa sportsmanship at demokrasya ni John S. Tanner, ngayon ay pangulo ng BYU–Hawaii, ang ideyang ito tungkol sa isang paksa na pamilyar tayong lahat: “Ang matutong tanggapin ang pagkatalo ay hindi lamang isang tungkuling sibil; ito ay kinakailangan din sa pananampalataya. Ipinlano ng Diyos ang buhay na ito upang tiyakin na may ‘pagsalungat sa lahat ng bagay’ (2 Nephi 2:11). Ang mga dagok at pagkatalo sa buhay ay bahagi ng Kanyang plano para tayo maging perpekto. … Ang pagkatalo ay kinakailangan sa ating ‘pagsisikap na maging perpekto’” (Notes from an Amateur: A Disciple’s Life in the Academy [2011], 57).

  5. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” Liahona, Nob. 2007, 104–8.

  6. Tingnan sa Sarah Jane Weaver, “Rededication Goes Forward,” Church News, Peb. 28, 2016, 3–4.