2010–2019
Kaloob na Gumagabay sa Isang Bata
Abril 2016


9:46

Kaloob na Gumagabay sa Isang Bata

Paano natin tuturuan ang ating mga anak na iwasan ang mga makamundong impluwensya at magtiwala sa Espiritu?

Isang bata pang ama ang talagang papalubog na. Siya, ang kanyang dalawang anak, at kanyang biyenang lalaki ay naglakad-lakad sa paligid ng isang lawa. Sa paligid nila ay ang napakagandang bulubundukin na puno ng mga pine tree, at ang kalangitan ay kulay-asul, na puno ng malalambot na puting ulap, na nagpapatingkad sa kagandahan at kapayapaan. Nang naiinitan at napapagod na ang mga bata, nagpasiya ang dalawang lalaki na pasanin ang mga bata at lumangoy patawid sa lawa.

Tila madali—hanggang sa sandaling madama ng ama na nahihila siya pababa, at nagiging mabigat na ang lahat. Itinulak siya ng tubig pababa sa lawa, at nakadama na siya ng pagkabahala. Paano siya mananatiling nakalutang—at paano niya gagawin ito habang nakapasan sa likod niya ang kanyang mahal na anak?

Hindi na marinig ang kanyang tinig habang sumisigaw siya; napakalayo na ng kanyang biyenan para tumugon sa paghingi niya ng saklolo. Nadama niyang mag-isa siya at walang magawa.

Nakikinita ba ninyo na nadama ninyong nag-iisa kayo tulad niya, walang anumang makapitan at hirap na hirap sa situwasyon para manatili ka at ang iyong anak na ligtas? nakalulungkot na, tayong lahat ay nakakaranas kahit paano ng ganitong damdamin kapag nasa situwasyon na kailangan natin ng tulong para makaligtas at mailigtas ang mga mahal natin sa buhay.

Natatarantang natanto niya na ang sapatos niyang babad na sa tubig ang nagpapabigat sa kanya. Habang sinisikap na manatiling nakalutang, sinubukan niyang hubarin ang kanyang mabigat na sapatos. Pero parang may humihigop sa kanila. Basang-basa na ang sintas, kaya lalo itong humigpit.

Sa tila kanyang huling pagtatangka sa kawalan ng pag-asa, nagawa niyang hubarin ang kanyang sapatos, at natanggal ito at mabilis na bumagsak sa ilalim ng lawa. Dahil wala na ang bigat na humahatak sa kanya pababa, kaagad silang pumaitaas ng kanyang anak. Kaya na niyang lumangoy, tungo sa ligtas na lugar sa kabilang panig ng lawa.

Kung minsan para tayong nalulunod. Maaaring mabigat ang buhay. “Maingay at abala ang mundong ito. … Kung hindi tayo maingat, mangingibabaw ang mga bagay ng mundo sa mga bagay ng Espiritu.”1

Paano natin matutularan ang halimbawa ng amang ito at tatanggalin ang ilang pabigat ng mundo na dala-dala natin—para hindi tayo malunod sa mga bagay ng daigdig? Paano natin, gaya ng payo ni Pablo, “[itatabi nang] walang liwag ang bawa’t pasan”?2 Paano natin ihahanda ang ating mga anak para sa araw na hindi na sila maaaring kumapit sa atin at sa ating patotoo—kapag sila na ang lumalangoy?

Dumarating ang sagot kapag kinikilala natin ang banal na pinagmumulan ng lakas. Ang pinagmumulang ito ay madalas maliitin, gayunman magagamit ito araw-araw para pagaanin ang ating pasanin at gabayan ang mahal nating mga anak. Ang pinagmumulan na iyan ay ang kaloob na paggabay ng Espiritu Santo.

Sa edad na walong taon, maaaring maranasan ng mga bata ang binyag. Nalalaman nila ang tungkol sa tipan at ginagawa nila ito sa Diyos. Nakapalibot ang mga mahal nila sa buhay habang inilulubog sila at umaahon sa bautismuhan na puno ng kagalakan. At natanggap nila ang hindi masambit na kaloob na Espiritu Santo, isang kaloob na gagabay sa kanila sa tuwina habang namumuhay sila para sa pagpapalang iyon.

Sinabi ni Elder David A. Bednar: “Maaari nating makaligtaan ang kahalagahan nito [kumpirmasyon] dahil sa kasimplehan ng ordenansang ito. Ang apat na salitang ito—‘Tanggapin ang Espiritu Santo’—ay hindi isang pahayag na walang kaakibat na paggawa; bagkus, kinapapalooban ito ng isang utos sa priesthood—isang makapangyarihang payo na kumilos at hindi lamang pinakikilos.”3

Ang mga bata ay may likas na hangaring gumawa ng mabuti at maging mabuti. Dama natin ang kanilang kawalang-malay, ang kanilang kadalisayan. Napakasensitibo rin nila sa marahan at banayad na tinig.

Ministeryo sa mga Batang Nephita

Sa 3 Nephi 26, ipinakita sa atin ng Tagapagligtas ang espirituwal na kakayahan ng mga bata:

“Kanyang kinalagan ang kanilang mga dila, at sila ay nangusap sa kanilang mga ama ng mga dakila at kagila-gilalas na bagay, maging higit na dakila kaysa roon sa kanyang inihayag sa mga tao. …

“… Kapwa nila nakita at narinig ang mga batang ito; oo, maging ang mga sanggol ay nagbukas ng kanilang mga bibig at nangusap ng mga kagila-gilalas na bagay.”4

Bilang mga magulang paano natin daragdagan ang espirituwal na kakayahan ng ating mga anak? Paano natin sila tuturuang umiwas sa mga makamundong impluwensya at magtiwala sa Espiritu kapag hindi nila tayo kasama at mag-isa sila sa malalalim na tubig ng kanilang buhay?

Ibabahagi ko sa inyo ang ilang ideya.

Una, ipaalam sa ating mga anak kapag naririnig at nadarama nila ang Espiritu. Balikan natin ang Lumang Tipan para makita kung paano ito ginawa ni Eli para kay Samuel.

Dalawang beses narinig ng batang Samuel ang tinig at tumakbo kay Eli, at sinabing, “Narito ako.”

“Hindi ako tumawag,” sagot ni Eli.

Ngunit “hindi pa nga nakikilala ni Samuel ang Panginoon, o ang salita man ng Panginoon ay nahahayag pa sa kaniya.”

Sa ikatlong beses, natanto ni Eli na ang Panginoon ang tumatawag kay Samuel at sinabihan si Samuel na sabihing, “Magsalita ka, [Panginoon]; sapagka’t dinirinig ng iyong lingkod.”5

Nagsimulang madama, makilala, at dinggin ni Samuel ang tinig ng Panginoon. Ngunit hindi ito naunawaan ng bata hanggang sa ipaunawa ito ni Eli. At dahil naturuan, si Samuel ay magiging mas pamilyar sa marahan, at banayad na tinig.

Pangalawa, maihahanda natin ang ating tahanan at mga anak para madama ang marahan at banayad na tinig. “Maraming guro ng foreign languages o banyagang wika ang naniniwala na pinakamainam na natututo ng wika ang mga bata sa ‘immersion programs,’ kung saan napaliligiran sila ng iba pang mga nagsasalita ng wikang iyon at kailangan nilang salitain din ito. Hindi lang sila natututong bumigkas, kundi natututo ring magsalita nang matatas at mag-isip sa bagong wika. Ang pinakamainam na ‘immersion’ para sa espirituwal na edukasyon ay ang tahanan, kung saan ang mga espirituwal na alituntunin ang magiging batayan ng araw-araw na pamumuhay.”6

“At iyong ituturo [ang mga salita ng Panginoon] nang buong sikap sa iyong mga anak, at iyong sasalitain tungkol sa kanila pagka ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, at pagka ikaw ay lumakad sa daan, at pagka ikaw ay nahihiga, at pagka ikaw ay bumabangon.”7 Ang palaging pagpapadama ng Espiritu sa ating pamilya ay magbubukas ng puso ng ating mga anak sa Kanyang impluwensya.

Pangatlo, matutulungan natin ang ating mga anak na maunawaan kung paano nagsasalita sa kanila ang Espiritu. Itinuro ni Joseph Smith, “Kung lalapit Siya sa isang batang musmos, ibabagay Niya ang kanyang sarili sa wika at kakayahan ng batang musmos.”8 Natuklasan ng isang ina na dahil iba-iba ang paraan ng pagkatuto ng mga bata—ang ilan ay natututo sa nakikita, sa naririnig, sa nahahawakan, o sa nadarama—sa dagdag niyang pagmamasid sa kanyang mga anak, lalo niyang natanto na tinuturuan ng Espiritu Santo ang kanyang mga anak sa pinakamainam na paraan na matututo sila.9

Isang ina ang nagbahagi ng karanasan sa pagtulong sa kanyang mga anak na makilala ang Espiritu. “Kung minsan,” isinulat niya, “hindi natatanto [ng mga bata] na ang paulit-ulit na kaisipan, damdamin ng kapanatagan pagkatapos nilang umiyak, o pag-alaala ng isang bagay sa oras na kailangan ito ay mga paraan ng komunikasyon [sa kanila] ng Espiritu Santo.” Pagpapatuloy pa niya, “Tinuturuan ko ang mga anak ko na magpokus sa nadarama nila [at kumilos ayon dito].”10

Ang pagkadama at pagkilala sa Espiritu ay magdudulot ng espirituwal na kakayahan sa buhay ng ating mga anak, at ang makikilala nilang tinig ay lalo pang lilinaw sa kanila. Magiging gaya ito ng sinabi ni Elder Richard G. Scott: “Kapag nagtatamo kayo ng karanasan at tagumpay dahil sa paggabay ng Espiritu, magiging mas tiyak ang tiwala ninyo sa mga nadarama ninyo kaysa sa pag-asa ninyo sa inyong nakita o narinig.”11

Hindi tayo dapat matakot kapag nakita natin ang ating mga anak na lumusong sa tubig ng buhay, dahil natulungan natin silang iwasan ang mga bagay ng daigdig. Naturuan natin silang mamuhay para sa kaloob na paggabay ng Espiritu. Patuloy na pagagaanin ng kaloob na ito ang kanilang pasanin at aakayin sila pabalik sa tahanan sa langit, kung mamumuhay sila para dito at susundin ang mga paramdam nito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Joseph B. Wirthlin, “Ang Hindi Masambit na Kaloob,” Liahona, Mayo 2003, 27.

  2. Sa Mga Hebreo 12:1.

  3. David A. Bednar, “Tanggapin ang Espiritu Santo,” Liahona, Nob. 2010, 95.

  4. 3 Nephi 26:14, 16.

  5. Tingnan sa I Samuel 3:4–10.

  6. C. Terry and Susan L. Warner, “Helping Children Hear the Still, Small Voice,” Tambuli, Ago. 1994, 27.

  7. Deuteronomio 6:7.

  8. Joseph Smith, sa History of the Church, 3:392.

  9. Tingnan sa Merrilee Browne Boyack, “Pagtulong sa mga Anak na Makilala ang Espiritu Santo,” Liahona, Dis. 2013, 10–12.

  10. Irinna Danielson, “How to Answer the Toughest ‘Whys’ of Life,” Okt. 30, 2015, lds.org/blog.

  11. Richard G. Scott, “Upang Magtamo ng Espirituwal na Patnubay,” Liahona, Nob. 2009, 7.