2010–2019
Isang Huwaran para sa Kapayapaan
Abril 2016


12:56

Isang Huwaran para sa Kapayapaan

Upang matamo ang kapayapaang hangad nating lahat, kailangan nating kumilos—sa pamamagitan ng pagkatuto tungkol kay Jesucristo, pakikinig sa Kanyang mga salita, at paglakad na kasama Niya.

Ilang taon na ang nakararaan, nahilingan ang anak naming babae at manugang na magkasamang magturo sa klase ng limang aktibong apat-na-taong-gulang na batang lalaki sa Primary. Ang anak namin ang natokang magturo at ang manugang namin ang natokang sumaway, at sinikap nilang mapanatiling tahimik ang klase sa gitna ng paminsan-minsang kaguluhan para maituro ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa mga bata.

Noong minsan na talagang napakagulo ng klase, matapos sawayin ang isang magulong bata, inilabas ng silid ng manugang ko ang apat-na-taong gulang na batang ito. Nang nasa labas na sila ng silid, at kakausapin na niya ang bata tungkol sa inaasal nito at hahanapin ang mga magulang nito, pinigilan ng bata ang manugang ko bago pa siya nakapagsalita, habang nakataas ang kamay, at madamdaming ibinulalas, “Kung minsan—kung minsan po kasi—nahihirapan akong isipin si Jesus!”

Sa ating buhay sa mundo, gaaano man kaganda ang gusto nating patunguhan at gaano man kasaya ang ating maging paglalakbay, daranas tayong lahat ng mga pagsubok at lungkot habang daan. Itinuro ni Elder Joseph B. Wirthlin: “Talagang darating ang kalungkutan sa bawat isa sa atin. Ngayon o sa ibang pagkakataon, lahat ay daranas ng kalungkutan. Walang [ligtas] dito.”1 “Ang Panginoon sa Kanyang karunungan ay hindi pinoprotektahan ang sinuman mula sa pighati o kalungkutan.”2 Gayunman, ang mamuhay nang payapa sa mundong ito ay halos depende pa rin sa kung nahihirapan tayong isipin si Jesus o hindi.

Ang kapanatagan ng isipan, katahimikan ng budhi at kapayapaan ng puso ay hindi nakasalalay sa kakayahan nating iwasan ang mga pagsubok, kalungkutan, o pighati. Sa kabila ng ating taos-pusong mga pagsamo, hindi lahat ng unos ay maiiwasan, hindi lahat ng karamdaman ay gagaling, at maaaring hindi lahat ng doktrina, alituntunin, o gawaing itinuro ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ay lubos nating mauunawaan. Gayon pa man, pinangakuan tayo ng kapayapaan—na may kaakibat na kundisyon.

Sa Ebanghelyo ayon kay Juan, itinuro ng Tagapagligtas na sa kabila ng mga paghihirap sa buhay, maaari tayong magalak, maaari tayong umasa, at hindi tayo kailangang matakot, sapagkat sinabi Niya, “Kayo’y mag[ka]karoon sa akin ng kapayapaan.”3 Ang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ngayon, at magpakailanman, ang unang alituntunin ng ebanghelyo at ang pundasyong kinasasaligan ng ating pag-asa sa “kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.”4

Sa paghahanap natin ng kapayapaan sa gitna ng mga hamon sa buhay araw-araw, binigyan tayo ng simpleng huwaran upang maituon natin ang ating isipan sa Tagapagligtas, na nagsabing: “Matuto ka sa akin, at makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking Espiritu, at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin. Ako si Jesucristo.”5

Matuto, makinig, at lumakad—tatlong hakbang na may pangako.

Unang Hakbang: “Matuto sa Akin”

Sa Isaias mababasa natin, “At maraming bayan ay magsisiyaon at mangagsasabi, Halina kayo, at tayo’y magsiahon sa bundok ng Panginoon, sa bahay ng Dios ni Jacob; at tuturuan niya tayo ng kaniyang mga daan.”6

Sa patuloy na pagdami ng mga templong itinatayo sa iba’t ibang panig ng mundo, natututo tayo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang papel sa plano ng Ama bilang Lumikha ng mundong ito, at ating Tagapagligtas at Manunubos, at ang pinagmumulan ng ating kapayapaan.

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson: “Ang mundo ay puno ng hamon at lugar na mahirap tirhan. … Sa pagpasok natin sa mga banal na bahay ng Diyos, sa pag-alala natin sa mga tipang ginawa natin doon, mas makakaya nating tiisin ang bawat pagsubok at daigin ang bawat tukso. Sa sagradong santuwaryong ito magkakaroon tayo ng kapayapaan.”7

Sa isang stake conference assignment ilang taon na ang nakararaan habang naglilingkod ako sa South America, may nakilala akong mag-asawa na nagdadalamhati sa pagkamatay kamakailan ng kanilang sanggol na lalaki.

Sa isang interbyu ko unang nakausap si Brother Tumiri habang idinaraos ang kumperensya at nalaman ko ang pagpanaw ng kanyang anak. Habang nag-uusap kami, sinabi niya na hindi lamang siya labis na nalungkot sa pagkamatay ng kanyang anak, kundi natatakot din siya na baka hindi na niya ito makitang muli. Ipinaliwanag niya na bilang mga bagong miyembro ng Simbahan, nag-ipon sila ng pera para makapunta sa templo kahit minsan, bago ipinanganak ang kanilang bunso, kung saan sila nabuklod ng kanyang asawa at nabuklod sa kanila ang dalawang anak nilang babae. Ikinuwento niya na nag-iipon silang muli para makabalik sa templo ngunit hindi pa nila nadadala ang kanilang bunsong anak para mabuklod din sa kanila.

Nang makita ko na posibleng mali ang pagkaunawa niya, ipinaliwanag ko na makikita niyang muli ang kanyang anak, kung mananatili siyang tapat, dahil ang ordenansa ng pagbubuklod na nagbigkis sa kanila ng kanyang asawa at mga anak ay sapat na rin para mabigkis siya sa kanyang bunsong anak, na isinilang sa tipan.

Namamanghang itinanong niya kung totoo ba talaga iyon, at nang tiyakin kong totoo iyon, hiniling niya na kausapin ko ang kanyang asawa, na nagdadalamhati pa rin sa pagkamatay ng anak dalawang linggo na ang nakalilipas.

Linggo ng hapon, pagkatapos ng kumperensya, kinausap ko si Sister Tumiri at ipinaliwanag din sa kanya ang napakagandang doktrinang ito. Dama pa ang lungkot sa pagpanaw ng anak, ngunit may pag-asa nang nababanaag, lumuluhang itinanong nito, “Talaga bang mayayakap kong muli ang aking anak? Talaga bang akin siya magpakailanman?” Tiniyak ko sa kanya na kapag tinupad niya ang kanyang mga tipan, talagang tutulutan siya ng kapangyarihang magbuklod na matatagpuan sa templo, na may bisa dahil sa kapangyarihan ni Jesucristo, na makapiling at mayakap na muli ang kanyang anak.

Si Sister Tumiri, bagama’t malungkot pa rin sa pagkamatay ng anak pagkatapos naming mag-usap, ay umalis na may luha ng pasasalamat at payapang kalooban dahil sa mga sagradong ordenansa sa templo, na ginawang posible ng ating Tagapagligtas at Manunubos.

Tuwing pumupunta tayo sa templo—sa lahat ng ating naririnig, ginagawa, at sinasabi; sa bawat ordenansang nilalahukan natin; at sa bawat tipan na ginagawa natin—inaakay tayo kay Jesucristo. Napapayapa tayo kapag naririnig natin ang Kanyang mga salita at natututo sa Kanyang halimbawa. Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “Magpunta sa bahay ng Panginoon at doon ay damhin ang Kanyang Espiritu at maging malapit sa Kanya at malalaman ninyo ang kapayapaang hindi ninyo makikita saanman.”8

Ikalawang Hakbang: “Makinig sa Aking mga Salita”

Sa Doktrina at mga Tipan mababasa natin, “Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa.”9 Mula pa noong panahon ni Adan hanggang sa kasalukuyan nating propeta na si Thomas Spencer Monson, nangungusap ang Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga awtorisadong kinatawan. Yaong mga nagpapasiyang makinig at tumalima sa mga salita ng Panginoon, na ibinigay sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, ay makasusumpong ng kaligtasan at kapayapaan.

Sa Aklat ni Mormon marami tayong makikitang halimbawa ng kahalagahan ng pagsunod sa payo ng propeta at pagtalima sa propeta, kabilang na ang isang aral na natutuhan mula sa pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay, na matatagpuan sa 1 Nephi kabanata 8. Ang malaki at maluwang na gusali noon kung ihahambing ngayon ay mas puno ng tao o ang ingay na nagmumula sa mga bukas na bintana nito ay mas mapanghusga, mapanlait, at mapanlinlang. Sa talatang ito mababasa natin ang dalawang grupo ng mga tao at ang tugon nila sa isinisigaw ng mga nasa gusali.

Ang panaginip ni Lehi

Simula sa talata 26, mababasa natin:

“At nagpalingun-lingon din ako, at nakamalas, sa kabila ng ilog ng tubig, ng isang malaki at maluwang na gusali. …

“At puno ito ng tao, … at sila ay nasa ayos ng panlalait at pagtuturo ng kanilang daliri roon sa mga yaong nagsitungo at kumakain ng bunga.

“At matapos na matikman nila ang bunga sila ay nahiya, dahil sa mga yaong humahamak sa kanila; at nangagsilayo sila patungo sa mga ipinagbabawal na landas at nangawala.”10

Sa talata 33 mababasa natin ang iba pa na iba ang tugon sa mga panlalait at pangungutya ng mga nasa gusali. Ipinaliwanag ng propetang si Lehi na ang mga nasa gusali “ay itinuro … ang mapanlibak nilang daliri sa akin at sa mga yaong kumakain din ng bunga; subalit hindi namin sila pinansin.”11

Ang malaking kaibhan sa pagitan ng mga napahiya, nagsilayo, at nawala at ng mga taong hindi pinansin ang pangungutya mula sa gusali at tumalima sa propeta ay matatagpuan sa dalawang parirala: una, “matapos [nilang] matikman,” at ikalawa, “yaong mga kumakain.

Ang unang grupo ay nakarating sa puno, tumalima sandali sa propeta, ngunit tinikman lamang ang bunga. Sa pagtigil sa pagkain, hinayaan nilang maimpluwensyahan sila ng panunukso ng mga nasa gusali, na inilalayo sila sa propeta patungo sa mga bawal na landas, kung saan sila nangawala.

Kabaligtaran naman ng mga tumikim at nagpagala-gala ang mga patuloy na kumakain ng bunga. Hindi pinansin ng mga taong ito ang kaguluhan sa gusali, tumalima sila sa propeta, at nagtamasa ng kaligtasan at kapayapaang kaakibat nito. Ang ating katapatan sa Panginoon at sa Kanyang mga lingkod ay hindi maaaring paminsan-minsan lang. Kung magkagayon, ipinapakita natin na madali tayong matukso ng mga taong hangad na wasakin ang ating kapayapaan. Kapag nakikinig tayo sa Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga awtorisadong lingkod, tumatayo tayo sa mga banal na lugar at hindi matitinag.

Ang kaaway ay nag-aalok ng mga huwad na solusyong tila nagbibigay ng mga kasagutan ngunit lalo tayong inilalayo sa kapayapaang hangad natin. Nagpapakita siya ng ilusyong parang tama at ligtas ngunit sa huli, tulad ng malaki at maluwang na gusali, ay guguho, at malilipol ang lahat ng naghahanap ng kapayapaan sa loob nito.

Ang katotohanan ay natatagpuan sa kasimplihan ng isang awitin sa Primary: “Anang propeta: Sundin ang utos. Dito’y ligtas at payapa.12

Ikatlong Hakbang: “Lumakad sa Kaamuan ng Aking Espiritu”

Gaano man tayo napalayo sa tamang landas, inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na bumalik at lumakad na kasama Niya. Ang paanyayang ito na lumakad na kasama ni Jesucristo ay isang paanyayang samahan Siya sa Getsemani at mula Getsemani hanggang Kalbaryo at mula Kalbaryo hanggang Libingan sa Halamanan. Ito ay isang paanyayang pahalagahan at gamitin ang Kanyang dakila at nagbabayad-salang sakripisyo, na ang saklaw ay hindi lang pangkalahatan kundi personal. Ito ay isang paanyayang magsisi, umasa sa Kanyang nakalilinis na kapangyarihan, at abutin ang Kanyang mapagmahal at nakaunat na mga bisig. Ito ay isang paanyayang pumayapa.

Inaanyayahan tayong lumakad na kasama Niya.

Nadama na nating lahat, sa isang pagkakataon sa ating buhay, ang sakit at lungkot na dulot ng kasalanan at paglabag, sapagkat “kung sinasabi nating tayo’y walang kasalanan, ay ating dinadaya ang ating sarili, at ang katotohanan ay wala sa atin.”13 Gayunman, “bagaman ang [ating] mga kasalanan ay maging tila mapula,” kapag ginamit natin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at lumakad tayo na kasama Niya sa pamamagitan ng taos-pusong pagsisisi, “ay magiging mapuputi na parang niebe.”14 Kahit nabigatan tayo dahil sa kasalanan, magtatamo tayo ng kapayapaan.

Inaanyayahan tayong magsisi.

Napilitang harapin ni Nakababatang Alma ang kanyang mga kasalanan nang dalawin siya ng isang anghel ng Panginoon. Inilarawan niya ang kanyang karanasan sa mga salitang ito:

“Ang kaluluwa ko’y sinaktan sa pinakamasidhing sakit at giniyagis ng lahat ng aking kasalanan.

“… Oo, nakita ko na ako’y naghimagsik laban sa aking Diyos, at na hindi ko sinunod ang kanyang mga banal na kautusan.”15

Sa bigat ng kanyang mga kasalanan, at sa gitna ng pagdurusang ito, nagpatuloy siya:

“Naalaala ko ring narinig ang aking ama na nagpropesiya sa mga tao hinggil sa pagparito ng isang Jesucristo, isang Anak ng Diyos, na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan.

“… Nagsumamo ako sa aking puso: O Jesus, ikaw na Anak ng Diyos, kaawaan ako.”16

“At hindi kailanman, hanggang sa humingi ako ng awa sa Panginoong Jesucristo, na nakatanggap ako ng kapatawaran sa aking mga kasalanan. Subalit masdan, ako ay nagsumamo sa kanya at natagpuan ko ang kapayapaan sa aking kaluluwa.17

Tulad ni Alma, mapapayapa rin ang ating kaluluwa kapag lumakad tayo na kasama ni Jesucristo, nagsisi tayo sa ating mga kasalanan, at ginamit natin ang Kanyang nagpapagaling na kapangyarihan sa ating buhay.

Ang kapayapaang hangad nating lahat ay hindi lamang ninanais. Kailangan tayong kumilos—sa pamamagitan ng pagkatuto tungkol kay Jesucristo, pakikinig sa Kanyang mga salita, at paglakad na kasama Niya. Maaaring wala tayong kakayahang kontrolin ang lahat ng nangyayari sa ating paligid, ngunit makokontrol natin kung paano gamitin ang huwaran para sa kapayapaan na inilaan ng Panginoon—isang huwaran na tutulong sa atin na laging isipin si Jesus.

Magagamit natin ang huwaran ng Tagapagligtas.

Pinatototohanan ko na si Jesucristo “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay”18 at na sa pamamagitan lamang Niya tayo maaaring magtamo ng tunay na kapayapaan sa buhay na ito at ng buhay na walang hanggan sa daigdig na darating. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.