2010–2019
Mga Pagpili
Abril 2016


4:13

Mga Pagpili

Nawa’y piliin natin palagi ang tama na mas mahirap gawin sa halip na ang mali na mas madaling gawin.

Mga kapatid, bago ko simulan ang aking mensahe sa araw na ito, gusto kong ibalita ang apat na templong itatayo, sa darating na mga buwan at taon, sa mga sumusunod na lugar: Quito, Ecuador; Harare, Zimbabwe; Belém, Brazil; at ang ikalawang templo sa Lima, Peru.

Nang maging miyembro ako ng Korum ng Labindalawang Apostol noong 1963, may 12 templong ginagamit sa buong Simbahan. Sa paglalaan ng Provo City Center Temple dalawang linggo na ang nakalilipas, may 150 templo na ngayon na ginagamit sa buong mundo. Lubos nating pinasasalamatan ang mga pagpapalang natatanggap natin sa mga banal na bahay na ito.

Ngayon, mga kapatid, nais kong pasalamatan ang pagkakataong ibahagi sa inyo ang ilang ideya ngayong umaga.

Nitong huli, naiisip ko ang tungkol sa mga pagpili. Sabi nga, sa maliliit nagmumula ang malalaking kaganapan sa kasaysayan, at gayundin sa buhay ng tao. Mga pagpili natin ang huhubog sa ating tadhana.

Nang lisanin natin ang premortal na daigdig at naparito tayo sa mortalidad, taglay natin ang kaloob na kalayaan. Ang ating mithiin ay matamo ang kaluwalhatiang selestiyal, at ang mga pagpiling ginagawa natin, kadalasan, ang magpapasiya kung matatamo natin ang ating mithiin o hindi.

Karamihan sa inyo ay pamilyar na kay Alice sa klasikong nobela ni Lewis Carroll na Alice’s Adventures in Wonderland. Maaalala ninyo na nakarating siya sa sangandaang may dalawang landas sa kanyang harapan, bawat isa ay tuluy-tuloy ngunit sa magkabilang direksyon. Habang nag-iisip siya kung aling landas ang tatahakin, nakaharap niya ang Cheshire Cat, na tinanong ni Alice ng, “Aling landas ang susundan ko?”

Sagot ng pusa, “Depende kung saan mo gustong pumunta. Kung hindi mo alam kung saan mo gustong pumunta, hindi na mahalaga kung aling landas ang tatahakin mo.”1

Hindi tulad ni Alice, alam natin kung saan natin gustong pumunta, at talagang mahalaga kung saan tayo pupunta, dahil ang landas na sinusundan natin sa buhay na ito ay humahantong sa ating destinasyon sa kabilang buhay.

Nawa’y piliin nating taglayin ang matibay at matatag na pananampalataya na magiging pinakamabisang depensa natin laban sa masamang balak ng kaaway—isang tunay na pananampalataya, ang uri ng pananampalataya na tutulong sa atin at magpapatibay sa ating hangaring piliin ang tama. Kung wala tayong ganyang pananampalataya, wala tayong patutunguhan. Kung mayroon, makakamit natin ang ating mga mithiin.

Bagama’t kailangan tayong pumili nang may katalinuhan, may mga pagkakataon na nagkakamali tayo sa pagpili. Ang kaloob na pagsisisi, na inilaan ng ating Tagapagligtas, ang nagtatama sa direksyon natin sa buhay, upang makabalik tayo sa landas patungo sa kaluwalhatiang selestiyal na hinahangad natin.

Nawa’y panatilihin natin ang tapang na salungatin ang gusto ng nakararami. Nawa’y piliin natin palagi ang tama na mas mahirap gawin sa halip na ang mali na mas madaling gawin.

Sa pagninilay natin sa mga desisyong ginagawa natin sa buhay araw-araw—piliin man natin ito o kaya’y iyon—kung pipiliin natin si Cristo, tama ang gagawin nating desisyon.

Nawa’y mangyari iyon ang aking taos-puso at mapakumbabang dalangin sa pangalan ni Jesucristo, na ating Panginoon at Tagapagligtas, amen.

Tala

  1. Hango mula Lewis Carroll, Alice’s Adventures in Wonderland (1898), 89.