2010–2019
Kung Saan Nagkakatipon ang Dalawa o Tatlo
Abril 2016


2:3

Kung Saan Nagkakatipon ang Dalawa o Tatlo

Kung makikinig kayo taglay ang Espiritu, makikita ninyo na lalambot ang inyong puso, lalakas ang inyong pananampalataya, at madaragdagan ang kakayahang mahalin ang Panginoon.

Minamahal kong mga kapatid, binabati ko kayo sa Ika-186 na Taunang Pangkalahatang Kumperensya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Masaya akong makasama kayo, at malugod ko kayong binabati.

Nagpapasalamat ako na dumalo kayo sa kumperensya para madama ang inspirasyong mula sa langit at mas mapalapit sa ating Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo.

Nakatipon sa pulong na ito, na umaabot sa iba’t ibang panig ng mundo, ang milyun-milyong disipulo ni Jesucristo na nakikipagtipan na palagi Siyang aalalahanin at paglilingkuran. Sa himala ng makabagong teknolohiya, sama-sama at sabay-sabay tayong dumadalo sa pulong na ito. Nagpupulong tayo na para bang nasa isang bulwagan lang tayong lahat.

Ngunit mas mahalaga sa ating pagtitipon ang kung kaninong pangalan natin ginagawa ito. Nangako ang Panginoon na kahit napakarami na ng Kanyang mga disipulo sa mundo ngayon, magiging malapit Siya sa bawat isa sa atin. Sinabi Niya sa Kanyang munting grupo ng mga disipulo noong 1829, “Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, … kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa aking pangalan, … masdan, ako ay naroroon sa gitna nila—maging ako ay nasa gitna ninyo” (D at T 6:32).

Ngayon ay mahigit na tayo sa isa o dalawa, at marami tayo na Kanyang mga disipulo ang nakatipon sa kumperensyang ito, at gaya ng ipinangako, nasa gitna natin ang Panginoon. Dahil Siya ay nabuhay na mag-uli at niluwalhating nilalang, Siya ay hindi pisikal na nasa bawat lugar kung saan nagtitipon ang mga Banal. Ngunit, sa kapangyarihan ng Espiritu, madarama natin na kasama natin Siya ngayon.

Kung saan at kailan natin nadarama na malapit ang Tagapagligtas ay depende sa bawat isa sa atin. Ibinigay Niya ang utos na ito:

“At muli, katotohanang sinasabi ko sa inyo, aking mga kaibigan, iniiwan ko ang mga pananalitang ito sa inyo upang bulay-bulayin ninyo sa inyong mga puso, lakip ang kautusang ito na aking ibinibigay sa inyo, na kayo ay manawagan sa akin habang ako ay malapit—

“Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo; masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan; humingi, at kayo ay makatatanggap; kumatok, at kayo ay pagbubuksan” (D at T 88:62–63).

May kilala akong dalawang tao na nakikinig ngayon na nais ang pagpapalang iyon nang buong puso nila. Sisikapin nilang mabuti na mapalapit sa Panginoon sa kumperensyang ito. Sumulat sila sa akin—ang liham nila ay dumating sa opisina ko nang parehong linggo—na iisang tulong ang isinasamo.

Kapwa sila convert sa Simbahan at tumanggap na noon ng malinaw na patotoo sa pag-ibig ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo, ang Tagapagligtas ng mundo. Alam nila na si Propetang Joseph Smith ang nag-organisa sa Simbahan sa pamamagitan ng direktang paghahayag mula sa Diyos at na ang mga susi ng banal na priesthood ay ipinanumbalik. Nadama ng bawat isa na ang mga susi ay nasa Simbahan ngayon. Ibinahagi nila sa akin ang kanilang tapat na patotoo sa mga liham na iyon.

Gayunman kapwa sila nalulungkot na ang pagmamahal nila sa Panginoon at ang Kanyang pagmamahal para sa kanila ay nababawasan. Kapwa nila gusto, nang buong puso, na tulungan ko silang madamang muli ang galak at pagmamahal na nadama nila nang pumasok sila sa kaharian ng Diyos. Kapwa sila may pangamba na kung hindi nila muling madarama ang pagmamahal na iyon para sa Tagapagligtas at sa Kanyang Simbahan, baka madaig ng mga pagsubok ang kanilang pananampalataya.

Hindi sila nag-iisa sa alalahaning ito, ni hindi na bago ang pagsubok na ito. Noong Kanyang mortal na ministeryo, ibinigay sa atin ng Tagapagligtas ang talinghaga ng binhi at ng manghahasik. Ang binhi ang salita ng Diyos. Ang manghahasik ay ang Panginoon. Ang pagtubo ng binhi at paglago nito ay depende sa kundisyon ng lupa. Naaalala ninyo ang Kanyang sinabi:

“At sa paghahasik niya, ay nangahulog ang ilang binhi sa tabi ng daan, at dumating ang mga ibon at kinain nila:

“At ang mga iba’y nangahulog sa mga batuhan, na doo’y walang sapat na lupa: at pagdaka’y sumibol, sapagka’t hindi malalim ang lupa:

“At pagsikat ng araw ay nangainitan; at dahil sa walang ugat, ay nangatuyo.

“At ang mga iba’y nangahulog sa mga dawagan; at nagsilaki ang mga dawag, at ininis ang mga iyon:

“At ang mga iba’y nangahulog sa mabuting lupa, at nangagbunga, ang ila’y tigisang daan, at ang ila’y tigaanim na pu, at ang ila’y tigtatalongpu.

“At ang may mga pakinig, ay makinig” (Mateo 13:4–9).

Muli, ang binhi ay ang salita ng Diyos. Ang lupa ay ang puso ng taong tumatanggap ng binhi.

Lahat tayo ay halos katulad din ng mabubuting tao na sumulat sa akin para humingi ng tulong at katiyakan. Tayong lahat ay may mga binhi, o salita ng Diyos, na nakatanim sa ating puso. Para sa ilan, ito ay noong bata pa tayo nang anyayahan tayo ng ating mga magulang na magpabinyag at nakumpirma ng mga taong may awtoridad. Ang iba sa atin ay tinuruan ng mga tinawag na lingkod ng Diyos. Nadama ng bawat isa na mabuti ang binhi, at nadama pa ang pag-usbong sa ating puso, at nagagalak habang ang ating pagmamahal at pang-unawa ay tila lumalawak.

Ang ating pananampalataya ay sinubukan ng mahahalagang pagpapala na naantala, ng pagtuligsa ng mga taong gustong sirain ang ating pananampalataya, ng mga tuksong magkasala, at pagiging makasarili na nakabawas sa pagsisikap nating ihanda ang ating espirituwal na damdamin.

Ang mga taong nalulungkot sa pagkawala ng kagalakan na minsan nilang nadama ay mapapalad. Ang ilan ay hindi nakikita ang pagkalanta ng kanilang pananampalataya. Tuso si Satanas. Sinasabi niya sa mga taong gusto niyang magkaroon ng miserableng buhay na ang kagalakang nadama nila noon ay panlilinlang sa sarili.

Ang mensahe ko ngayon sa lahat ay na may mahalagang pagkakataon sa susunod na ilang araw na piliing palambutin ang ating mga puso at tanggapin at pangalagaan ang binhi. Ang binhi ay ang salita ng Diyos, at ibubuhos ito sa lahat ng nakikinig, nanonood, at binabasa ang mga kaganapan ng kumperensyang ito. Ang musika, ang mga mensahe, at mga patotoo ay inihanda ng mga lingkod ng Diyos na masigasig na naghangad ng patnubay ng Espiritu Santo sa kanilang paghahanda. Sila ay nanalangin nang mas matagal at mapagpakumbaba habang papalapit ang araw ng kumperensya.

Nagdasal sila na mapasakanila ang kapangyarihan na mahikayat kayong piliin ang bagay na lilikha ng matabang lupa sa inyong puso para lumago at magbunga ang mabuting salita ng Diyos. Kung makikinig kayo taglay ang Espiritu, makikita ninyo na lalambot ang inyong puso, lalakas ang inyong pananampalataya, at madaragdagan ang kakayahang mahalin ang Panginoon.

Ang pagpili ninyong manalangin nang buong taimtim ay magpapabago sa karanasan ninyo sa mga sesyon ng kumperensya at sa susunod na mga araw at buwan.

Marami sa inyo ang nakapagsimula na. Sa simula ng sesyong ito, hindi lang kayo nakinig sa panalangin, idinagdag ninyo ang inyong pananampalataya sa pagsamo na matamasa natin ang pagpapala ng pagbuhos sa atin ng Espiritu Santo. Sa inyong tahimik na pagsamo sa pangalan ni Jesucristo, mas napalapit kayo sa Kanya. Sa Kanya ang kumperensyang ito. Tanging ang Espiritu Santo ang makapaghahatid ng mga pagpapalang nais ng Panginoon para sa atin. Sa Kanyang pagmamahal sa atin, nangako Siya na madarama natin na:

“Anuman ang kanilang sabihin kapag pinakikilos ng Espiritu Santo ay magiging mga banal na kasulatan, ang magiging kalooban ng Panginoon, ang magiging kaisipan ng Panginoon, ang magiging salita ng Panginoon, ang magiging tinig ng Panginoon, at ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan.

“Masdan, ito ang pangako ng Panginoon sa inyo, O kayo na aking mga tagapaglingkod.

“Kaya nga, magalak, at huwag matakot, sapagkat ako ang Panginoon ay kasama ninyo, at tatayo sa tabi ninyo; at magpapatotoo kayo sa akin, maging si Jesucristo, na ako ang Anak ng buhay na Diyos, na ako ang noon, na ako ang ngayon, at na ako ay paparito” (D at T 68:4–6).

Maaari kayong manalangin at idagdag ang inyong pananampalataya sa tuwing ang isang lingkod ng Diyos ay nakatayo sa pulpito nang ang pangako ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan bahagi 50 ay matupad:

“Katotohanang sinasabi ko sa inyo, siya na inordenan ko at isinugo upang mangaral ng salita ng katotohanan sa pamamagitan ng Mang-aaliw, sa Espiritu ng katotohanan, ipinangangaral ba niya ito sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan o sa ibang pamamaraan?

“At kung ito ay sa ibang pamamaraan ito ay hindi sa Diyos.

“At muli, siya na tumatanggap ng salita ng katotohanan, natanggap ba niya ito sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan o sa ibang pamamaraan?

“Kung ito ay sa ibang pamamaraan ito ay hindi sa Diyos.

“Samakatwid, bakit hindi kayo makaunawa at makabatid, na siya na tumatanggap ng salita sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan ay natatanggap ito ayon sa ipinangaral sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan?

“Dahil dito, siya na nangangaral at siya na nakatatanggap, ay nauunawaan ang isa’t isa, at sila ay kapwa pinagtitibay at magkasamang magsasaya” (D at T 50:17–22).

Maaari kayong magdasal kapag kakanta na ang koro. Ang choir director, ang mga organista, at ang mga miyembro ng koro ay nagdasal at nagpraktis taglay ang panalangin sa kanilang puso at pananampalataya na ang musika at mga salita ay magpapalambot sa mga puso at daragdagan ang kanilang kapangyarihan na patatagin ang pananampalataya ng iba. Magtatanghal sila para sa Panginoon na para bang nakamasid Siya sa kanila, nalalaman na naririnig sila ng ating Ama sa Langit gaya ng pagdinig Niya sa kanilang mga panalangin. Sama-sama silang nagpapagal nang may pagmamahal para matupad ang pangako ng Tagapagligtas kay Emma Smith: “Sapagkat ang aking kaluluwa ay nagagalak sa awitin ng puso; oo, ang awit ng mabubuti ay isang panalangin sa akin, at ito ay tutugunan ng pagpapala sa kanilang mga ulo” (D at T 25:12).

Kung kayo ay di lamang makikinig kundi mananalangin din habang umaawit sila, ang inyong dalangin at ang dalangin nila ay tutugunan ng pagpapala sa inyong ulo at sa kanila. Madarama ninyo ang pagpapala ng pagmamahal at pagsang-ayon ng Tagapagligtas. Lahat ng kasama sa gayong papuri ay madaramang lumalago ang kanilang pagmamahal para sa Kanya.

Maaari ninyong piliing manalangin kapag tila matatapos na ang mensahe ng tagapagsalita. Siya ay tahimik na mananalangin sa Ama na ibigay ng Espiritu Santo sa kanila ang mga salita ng patotoo na magpapasigla sa puso ng mga nakikinig, magbibigay ng pag-asa, at determinasyon na palaging alalahanin ang Tagapagligtas at sundin ang mga utos na ibinigay Niya sa atin.

Ang patotoo ay hindi pagpapahayag ng mensahe. Ito ay pagpapatibay ng ilang katotohanan na maihahatid ng Espiritu sa puso ng mga taong nagdarasal para humingi ng tulong, para sa banal na patnubay, at para matanggap ang dalisay na pag-ibig ni Cristo.

Ang tunay na patotoo ay ibibigay sa mga magsasalita. Maaaring kaunti lang ang sasabihin nila, ngunit ihahatid ito sa puso ng mga mapagpakumbabang tagapakinig na dumalo sa kumperensya na nagugutom sa mabuting salita ng Diyos.

Mula sa karanasan ay alam ko kung ano ang magagawa ng pananampalataya ng mabubuting tao para maihatid ang mga salita mula sa Espiritu sa pagtatapos ng isang sermon. Hindi lang minsan na may nagsabi sa akin pagkatapos kong magpatotoo na, “Paano ninyo nalaman ang kailangan kong marinig?” Hindi na ako nagugulat kapag hindi ko na maalala na sinabi ko nga iyon. Binigkas ko ang mga salita ng patotoo, ngunit naroon ang Panginoon, na nagbibigay sa akin nang sandaling iyon. Ang pangako ng Panginoon na ibibigay sa atin ang mga salita sa oras na kailangan natin ang mga ito ay angkop lalung-lalo na sa patotoo (tingnan sa D at T 24:6). Pakinggan ninyong maigi ang mga patotoong ibibigay sa kumperensyang ito—mas mapapalapit kayo sa Panginoon.

Nadarama ninyo na malapit ko nang wakasan ang mensaheng nais kong iparating na may patotoo ng katotohanan. Ang inyong mga dasal ay makatutulong para maibigay sa akin ang mga salita ng patotoo na maaaring makatulong sa isang taong naghihintay ng sagot sa kanyang mga tanong.

Iniiwan ko sa inyo ang aking tiyak na patotoo na ang ating Ama sa Langit, ang dakilang Elohim, ay mahal at kilala tayo, bawat isa sa atin. Sa Kanyang patnubay, ang Kanyang Anak na si Jehova, ang Lumikha. Nagpapatotoo ako na si Jesus ng Nazaret ay isinilang na Anak ng Diyos. Pinagaling Niya ang maysakit, binigyan ng paningin ang bulag, at binuhay ang patay. Binayaran Niya ang lahat ng kasalanan ng bawat anak ng Ama sa Langit na isinilang sa mortalidad. Kinalag Niya ang mga gapos ng kamatayan para sa lahat nang bumangon Siya mula sa libingan noong unang Linggo ng Pagkabuhay. Buhay Siya ngayon, isang Diyos—nabuhay na mag-uli at maluwalhati.

Ito lamang ang tanging totoong Simbahan, at Siya ang Pangulong Bato sa Panulok. Si Thomas S. Monson ang Kanyang propeta ngayon sa buong mundo. Ang mga propeta at apostol na maririnig ninyo sa kumperensyang ito ay nagsasalita para sa Panginoon. Sila ay Kanyang mga tagapaglingkod, may karapatang kumilos para sa Kanya. Ginagabayan Niya ang Kanyang mga tagapaglingkod sa buong mundo. Alam ko ito. At ito ang patotoo ko sa Kanyang pangalan, maging ang sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.