2010–2019
Bilang Papuri sa mga Taong Nagliligtas
Abril 2016


18:14

Bilang Papuri sa mga Taong Nagliligtas

Kapag tinularan natin ang pagmamahal ng Tagapagligtas, tiyak na pagpapalain at pauunlarin Niya ang ating matwid na mga pagsisikap na iligtas ang relasyon natin sa ating asawa at patatatagin ang ating pamilya.

Maraming taon na ang nakararaan, nasa Frankfurt Germany Temple ako nang mapansin ko ang isang matandang mag-asawang magkahawak-kamay. Ang magiliw na pagsuyo at pagmamahal na ipinakita nila sa isa’t isa ay nagpasaya sa puso ko.

Hindi ko lubos na natitiyak kung bakit labis akong naapektuhan ng tagpong ito. Siguro’y dahil sa tamis ng pagmamahalan ng dalawang taong ito—isang nakahihikayat na simbolo ng pagtitiyaga at katapatan. Malinaw na matagal nang nagsasama ang mag-asawang ito at mainit at matatag pa rin ang kanilang pagmamahalan.

Isang Lipunan ng mga Puwedeng Itapon

Palagay ko ang isa pang dahilan kaya nakintal nang napakatagal sa isip ko ang madamdaming tagpong ito ay ang kaibhan nito sa ilan sa mga pag-uugali ngayon. Sa napakaraming lipunan sa buong mundo, lahat ng bagay ay parang puwedeng itapon. Sa sandaling masira o maluma ang isang bagay—o kahit kapag pinagsawaan lang natin ito—itinatapon natin ito at pinapalitan ng mas moderno, mas bago o mas kaibig-ibig.

Ginagawa natin ito sa mga cell phone, damit, kotse—at, ang malungkot, maging sa mga relasyon.

Bagama’t maaaring mahalaga na alisin na sa buhay natin ang materyal na mga bagay na hindi na natin kailangan, pagdating sa mga bagay na walang hanggan ang kahalagahan—ang ating asawa, pamilya, at mga pinahahalagahan—ang desisyong palitan ng moderno ang orihinal ay maaaring labis nating pagsisihan.

Nagpapasalamat ako na kabilang ako sa isang simbahan na nagpapahalaga sa kasal at pamilya. Ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay kilala sa buong mundo na may ilan sa pinakamatiwasay na mga pagsasama ng mag-asawa at pamilya na inyong makikita. Naniniwala ako na bahagi ng dahilan ang mahalagang katotohanang ipinanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith na ang pagsasama ng mga mag-asawa at pamilya ay nilayong maging walang hanggan. Ang mga pamilya ay hindi lamang kailangang mabuhay nang mas maayos dito sa lupa at itapon pagdating natin sa langit. Bagkus, ito ang patakaran ng langit. Ito ay halimbawa ng isang selestiyal na huwaran at kahalintulad ng walang-hanggang pamilya ng Diyos.

Ngunit ang matibay na relasyon ng mag-asawa at pamilya ay hindi nangyayari nang dahil lang sa mga miyembro tayo ng Simbahan. Kailangan dito ang patuloy at sinadyang pagsisikap. Ang doktrina ng mga walang-hanggang pamilya ay kailangang bigyan tayo ng inspirasyon na ilaan ang pinakamatitindi nating pagsisikap sa pagliligtas at pagpapayaman sa relasyon ng mag-asawa at pamilya. Hinahangaan at pinupuri ko ang mga taong napangalagaan at naaruga ang mahalaga at walang-hanggang mga relasyong ito.

Ngayo’y nais kong papurihan ang mga taong nagliligtas.

Pagliligtas sa Ating mga Pagsasama Bilang Mag-asawa

Sa paglipas ng mga taon, nakagawa na ako ng ordenansa sa pagbubuklod para sa maraming umaasa at nag-iibigang mga mag-asawa. Wala pa akong nakilalang sinuman na nag-isip, habang nakatitig sa mga mata ng isa’t isa sa altar, na magwawakas ang kanilang pagsasama sa diborsyo o kasawian.

Sa kasamaang-palad, nangyayari iyon sa ilan.

Kahit paano, sa pagdaan ng mga araw at nagbago ang kulay ng pag-iibigan, may ilan na unti-unting tumitigil sa pag-iisip sa kaligayahan ng bawat isa at sinisimulang pansinin ang maliliit na pagkakamali. Sa gayong sitwasyon, ang ilan ay naaakit sa kalunus-lunos na pagpapasiya na hindi sapat ang talino, ganda, saya, o kabataan ng kanilang asawa. At kahit paano ay nagkakaroon sila ng ideya na may katwiran silang humanap ng iba.

Mga kapatid, kung tila kayo ang tinutukoy ko, binabalaan ko kayo na ang daang inyong tinatahak ay hahantong sa pagkasira ng relasyon ninyong mag-asawa, wasak na tahanan, at kasawian. Nakikiusap ako sa inyo na tumigil na kayo ngayon, pumihit, at bumalik sa ligtas na landas ng integridad at katapatan sa mga tipan. At, mangyari pa, angkop din ang mga alituntuning ito sa mahal nating kababaihan.

Ngayon, isang salita lang sa mga kapatid nating wala pang asawa na nalilinlang sa ideya na dapat muna silang maghanap ng “perpektong babae” bago sila maging seryoso sa panliligaw o pag-aasawa.

Mahal kong mga kapatid, paalala lang, kung may perpektong babae man, palagay ba ninyo magkakainteres siya sa inyo?

Sa plano ng kaligayahan ng Diyos, hindi tayo naghahanap ng isang taong perpekto kundi ng isang taong makakatuwang natin, habambuhay, sa mga pagsisikap na bumuo ng mapagmahal, tumatagal, at mas perpektong relasyon. Iyan ang mithiin.

Mga kapatid, nauunawaan ng mga taong inililigtas ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa na ang mithiing ito ay ginugugulan ng panahon, pagtitiis, at higit sa lahat, kailangan nito ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kailangan kayong maging mabait, huwag mainggit, huwag maghangad para sa sarili, huwag madaling magalit, huwag mag-isip ng masama, at magalak sa katotohanan. Sa madaling salita, kailangan dito ang pag-ibig sa kapwa-tao, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo.1

Hindi basta nangyayari ang lahat ng ito sa isang iglap. Ang matiwasay na relasyon ng mga mag-asawa ay nabubuo nang paunti-unti, bawat araw, habambuhay.

At magandang balita iyan.

Dahil gaano man nakakabagot ang inyong relasyon ngayon, kung palagi kayong magdaragdag ng kaunting kabutihan, habag, pakikinig, sakripisyo, pag-unawa, at pagiging di-makasarili, kalaunan ay mabubuo ang isang mataas na piramide.

Kung mukhang natatagalan ito, tandaan: ang maliligayang pagsasama ng mag-asawa ay nakatadhanang tumagal magpakailanman! Kaya “huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang [pagsasama ng mag-asawa]. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila.”2

Maaaring mabagal ang progreso, ngunit hindi ito kailangang maging malungkot. Katunayan, mapanganib mang ilahad ang malinaw, bihirang mangyari ang diborsyo kapag maligaya ang mag-asawa.

Kaya maging maligaya!

At mga kapatid, gulatin ang inyong asawa sa paggawa ng mga bagay na magpapasaya sa kanya.

Ang mga taong inililigtas ang relasyon nilang mag-asawa ay pinipiling maging maligaya. Bagama’t totoo na ang ilang uri ng malubhang depresyon ay nangangailangan ng espesyal na panggagamot, gusto ko ang munting karunungang ibinahagi ni Abraham Lincoln: “Halos lahat ng tao ay masaya kapag ipinasiya nilang maging masaya.” Akmang-akma ito sa sinasabi sa banal na kasulatan: “Magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong.”3

Kung hahanapan natin ng mali ang ating asawa o ng mga nakakainis ang relasyon natin sa ating asawa, tiyak na makikita natin ito, dahil may kaunti nito ang lahat. Sa kabilang dako, kung hahanapin natin ang mabuti, tiyak na makikita natin ito, dahil marami ring magagandang katangian ang lahat.

Ang mga taong inililigtas ang relasyon nilang mag-asawa ay nagtitiis ng hirap at nagtutuon sa magagandang katangian ng kanilang asawa. Ipinagdiriwang nila ang mga munting biyayang naghihikayat ng magiliw na pag-ibig sa kapwa. Ang mga taong inililigtas ang relasyon nilang mag-asawa ay inililigtas ang darating na mga henerasyon.

Mga kapatid, alalahanin kung bakit kayo umibig.

Sikapin araw-araw na mas patibayin at pasayahin ang inyong relasyon.

Mahal kong mga kaibigan, gawin natin ang lahat para mapabilang sa banal at masasayang kaluluwa na inililigtas ang relasyon nilang mag-asawa.

Pagliligtas sa Ating Pamilya

Ngayo’y nais ko ring papurihan ang mga taong inililigtas ang relasyon nila sa kanilang pamilya. Bawat pamilya ay kailangang iligtas.

Nakakatuwa man na kilala ang Simbahang ito sa pagkakaroon ng matatatag na pamilya, maaaring madalas nating madama na angkop ito sa bawat pamilyang Banal sa mga Huling Araw maliban sa atin. Ngunit ang totoo ay wala namang perpektong pamilya.

Bawat pamilya ay may mga sandali ng pagkaasiwa.

Halimbawa, kapag hiniling ng mga magulang mo na kunan ninyo sila ng “selfie,” o kapag iginiit ng inyong mapagmataas na kamag-anak na wala pa kayong asawa dahil masyado kayong mapili, o kapag inisip ng mapunahin ninyong bayaw na ang pananaw niya sa pulitika ay tumpak na tumpak, o kapag isinaayos ng inyong ama na magkaroon kayo ng family portrait na ang bihis ng lahat ay parang mga tauhan sa paborito niyang pelikula.

At napapunta sa inyo ang Chewbacca costume.

Ganyan ang mga pamilya.

Maaaring iisa lang ang pinagmulan natin, ngunit hindi tayo magkakapareho. Iba-iba ang espiritu natin. Naaapektuhan tayo ng ating mga karanasan sa iba’t ibang paraan. At bawat isa sa atin ay nagiging kaiba dahil dito.

Sa halip na tangkaing pilitin ang lahat na umakma sa gusto nating kahinatnan nila, mapipili nating ikagalak ang mga pagkakaibang ito at pahalagahan ang mga ito dahil sa dagdag nitong yaman at patuloy na sorpresa sa ating buhay.

Gayunman, kung minsan, ang mga miyembro ng ating pamilya ay gumagawa ng mga pagpapasiya o mga bagay na hindi pinag-isipan, masakit, o mahalay. Ano ang dapat nating gawin sa ganitong mga sitwasyon?

Walang isang solusyon na sumasaklaw sa lahat ng sitwasyon. Nagtatagumpay ang mga taong inililigtas ang relasyon nila sa pamilya dahil humihingi sila ng payo sa kanilang asawa at pamilya, hinahangad nila ang kalooban ng Panginoon, at nakikinig sila sa mga panghihikayat ng Espiritu Santo. Alam nila na ang tama para sa isang pamilya ay maaaring hindi tama para sa iba.

Gayunman, may isang bagay na tama sa lahat ng sitwasyon.

Sa Aklat ni Mormon nalaman natin ang tungkol sa mga taong nakatuklas sa sikreto ng kaligayahan. Sa maraming henerasyon, “hindi nagkaroon ng alitan. … At tunay na wala nang mas maliligayang tao pa sa lahat ng tao na nilikha ng kamay ng Diyos.” Paano nila ginawa iyon? “Dahil sa pag-ibig sa Diyos na nananahan sa mga puso ng tao.”4

Anumang mga problema ang kinakaharap ng inyong pamilya, anuman ang kailangan ninyong gawin para malutas ito, ang simula at wakas ng solusyon ay pag-ibig sa kapwa-tao, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo. Kung wala ang pag-ibig na ito, kahit na ang tila mga perpektong pamilya ay mahihirapan. Kung mayroon nito, kahit ang mga pamilyang may malalaking hamon ay magtatagumpay.

“Ang pagibig ay hindi nagkukulang kailan man.”5

Totoo ito sa pagliligtas ng pagsasama ng mga mag-asawa! Totoo ito sa pagliligtas ng mga pamilya!

Huwag Magmalaki

Ang matinding kaaway ng pag-ibig sa kapwa ay pagmamalaki. Ang pagmamalaki ay isa sa pinakamalalaking dahilan kaya nagkakaproblema ang mga mag-asawa at pamilya. Ang pagmamalaki ay mayayamutin, malupit, at mainggitin. Ang pagmamalaki ay pinalalabis ang sarili nitong lakas at hindi pinapansin ang magagandang katangian ng iba. Ang pagmamalaki ay sakim at madaling magalit. Ang pagmamalaki ay ipinalalagay na may masamang layon ang iba kahit wala at nagkukunwari para itago ang sarili nitong mga tusong katwiran. Ang pagmamalaki ay mapangutya, negatibo, magagalitin, at walang pasensya. Tunay ngang kung ang pag-ibig sa kapwa ay dalisay na pag-ibig ni Cristo, ang pagmamalaki kung gayon ay pangunahing katangian ni Satanas.

Ang pagmamalaki ay maaaring isang karaniwang pagkukulang ng tao. Ngunit hindi ito bahagi ng ating espirituwal na pamana, at wala itong puwang sa mga mayhawak ng priesthood ng Diyos.

Maikli ang buhay, mga kapatid. Maaaring tumagal nang mahabang panahon ang mga panghihinayang—ang ilan ay may mga bungang aapekto sa atin sa kawalang-hanggan.

Ang pakikitungo ninyo sa inyong asawa o mga anak o mga magulang o mga kapatid ay maaaring makaapekto sa darating na mga henerasyon. Anong pamana ang nais ninyong iwan sa inyong mga inapo? Pamana ba ng kalupitan, paghihiganti, galit, takot, o paghiwalay? O pamana ng pagmamahal, kababaang-loob, pagpapatawad, habag, espirituwal na pag-unlad, at pagkakaisa?

Kailangan nating lahat na alalahanin na “Ang paghuhukom ay walang awa doon sa hindi nagpakita ng awa.”6

Pakiusap, para sa kapakanan ng mga relasyon ninyo sa pamilya, para sa kapakanan ng inyong kaluluwa, maging maawain, dahil “ang awa ay lumuluwalhati laban sa paghuhukom.”7

Huwag magmalaki.

Ang taos-pusong paghingi ng tawad sa inyong mga anak, asawa, pamilya, o kaibigan ay hindi tanda ng kahinaan kundi ng kalakasan. Mas mahalaga ba ang maging tama kaysa magkaroon ng kapaligiran ng pangangalaga, pagpapagaling, at pagmamahal?

Makipag-ugnayan sa mga pamilya; huwag itong sirain.

Kahit hindi kayo ang may kasalanan—marahil lalo na kapag hindi kayo ang may kasalanan—daigin ng pagmamahal ang pagmamalaki.

Kung gagawin ninyo ito, anumang paghihirap ang kinahaharap ninyo ay lilipas, at dahil sa pag-ibig ng Diyos na nasa inyong puso, maglalaho ang pagtatalo. Ang mga alituntuning ito sa pagliligtas sa mga relasyon ay angkop sa ating lahat, may asawa man tayo, diborsyado, biyudo, o binata. Lahat tayo ay maaaring maging tagapagligtas ng matatatag na pamilya.

Ang Pinakadakilang Pag-ibig

Mga kapatid, sa mga pagsisikap nating iligtas ang relasyon natin sa ating asawa at pamilya, tulad sa lahat ng bagay, sundan natin ang halimbawa ng ating Tagapagligtas. Ang Tagapagligtas ay nagbayad-sala upang “tayo’y matubos.”8 Si Jesucristo ang ating Panginoon. Ang Kanyang gawain ay ating gawain. Ito ay isang gawaing nagliligtas, at nagsisimula ito sa ating tahanan.

Ang pagmamahal sa plano ng kaligtasan ay di-makasarili at hinahangad ang kapakanan ng iba. Ganyan ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa atin.

Kapag tinularan natin ang pagmamahal ng Tagapagligtas, tiyak na pagpapalain at pauunlarin Niya ang ating matwid na mga pagsisikap na iligtas ang relasyon natin sa ating asawa at patatatagin ang ating pamilya.

Nawa’y pagpalain kayo ng Panginoon sa inyong walang-sawa at matwid na mga pagsisikap na makabilang sa mga nagliligtas. Ito ang aking dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.