Mensahe ng Unang Panguluhan
Ang Pangakong Babaling ang mga Puso
Ang aking ina, si Mildred Bennion Eyring, ay lumaki sa komunidad ng mga magsasaka sa Granger, Utah, USA. Ginaya ng isa sa kanyang mga kapatid, si Roy, ang negosyo ng pamilya na pag-aalaga ng mga tupa. Noong binata pa siya maraming linggong malayo siya sa tahanan. Sa paglipas ng panahon hindi na siya gaanong aktibo sa Simbahan. Kalaunan ay lumipat siya sa Idaho, USA, nag-asawa, at nagkaroon ng tatlong anak. Namatay siya sa edad na 34 noong 28 taong gulang ang kanyang asawa at maliliit pa ang kanilang mga anak.
Kahit nasa Idaho ang maliit na pamilya ni Roy at lumipat ang nanay ko nang mga 2,500 milya (4,025 km) sa New Jersey, USA, madalas siyang lumiham sa kanila nang may pagmamahal at panghihikayat. Magiliw na tinatawag ng pamilya ng tiyo ko ang aking ina na “Aunt Mid.”
Lumipas ang mga taon, at isang araw ay tinawagan ako ng isa sa mga pinsan ko. Sinabi niya sa akin na yumao na ang balo ni Roy. Sabi ng pinsan ko, “Gusto ni Aunt Mid na malaman mo.” Matagal nang namayapa si Aunt Mid, ngunit dama pa rin ng pamilya ang kanyang pagmamahal at ipinaalam iyon sa akin.
Naisip ko kung gaano ginampanang mabuti ng aking ina ang tungkulin niya sa kanyang pamilya na katulad ng pagganap sa tungkulin ng mga propetang Nephita sa kanilang pamilya sa pananatiling malapit sa mga kamag-anak na nais nilang maturuan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Sumulat si Nephi ng isang talaan sa pag-asang maimpluwensyahan ang mga anak ng kanyang mga kapatid na bumalik sa pananampalataya ng kanilang patriyarkang si Lehi. Ipinakita ng mga anak ni Mosias ang pagmamahal ding iyon nang ipangaral nila ang ebanghelyo sa mga inapo ni Lehi.
Naglaan ng mga paraan ang Panginoon para makadama tayo ng pagmamahal sa mga pamilya na maaaring magpatuloy magpakailanman. Nadarama ng mga kabataan sa Simbahan ngayon na bumabaling ang kanilang puso sa kanilang pamilya. Nagsasaliksik sila ng mga pangalan ng mga kapamilya na hindi nagkaroon ng pagkakataong matanggap ang mga ordenansa ng kaligtasan sa buhay na ito. Dinadala nila ang mga pangalang iyon sa templo. Kapag lumusong sila sa mga tubig ng binyag, may pagkakataon silang madama ang pagmamahal ng Panginoon at ng mga kapamilyang ginagawan nila ng mga ordenansa.
Naaalala ko pa ang pagmamahal sa tinig ng pinsan kong tumawag at nagsabing, “Patay na si Inay, at gusto ni Aunt Mid na malaman mo.”
Kayo na mga nagsasagawa ng mga ordenansa para sa mga kapamilya ay tumutulong nang may pagmamahal, tulad ng ginawa ng mga anak ni Mosias at ng propetang si Nephi. Gaya nila, magagalak kayo para sa mga taong tatanggap ng inyong handog. Maaasahan din ninyo na madarama ninyo ang malaking kasiyahang nadama ni Ammon, na ganito ang sinabi tungkol sa kanyang paglilingkod bilang missionary sa malalayong kamag-anak:
“Kaya nga, tayo ay magpapuri, oo, magbigay-puri tayo sa Panginoon; oo, magsasaya tayo, sapagkat ang ating kagalakan ay lubos; oo, pupurihin natin ang ating Diyos magpakailanman. Masdan, sino ang maaaring labis na pupuri sa Panginoon? Oo, sino ang makapagsasabi ng labis-labis sa kanyang dakilang kapangyarihan, at ng kanyang awa, at ng kanyang mahabang pagtitiis sa mga anak ng tao? Masdan, sinasabi ko sa inyo, hindi ko masasabi ang kaliit-liitang bahagi ng nararamdaman ko” (Alma 26:16).
Pinatototohanan ko na ang nadarama ninyong pagmamahal para sa inyong mga kapamilya—saanman sila naroroon—ay katuparan ng pangako na darating si Elijah. At dumating nga siya. Ang mga puso ng mga anak ay bumabaling sa kanilang mga ama, at ang mga puso ng mga ama ay bumabaling sa kanilang mga anak (tingnan sa Malakias 4:5–6; Joseph Smith—Kasaysayan 1:38–39). Kapag nadarama ninyo ang matinding hangaring hanapin ang mga pangalan ng inyong mga ninuno at dalhin ang mga pangalang iyon sa templo, nararanasan ninyo ang katuparan ng propesiyang iyon.
Isang pagpapala ang mabuhay sa panahon na ang pangakong babaling ang mga puso ay natutupad na. Nadama ni Mildred Bennion Eyring ang matinding hangaring iyan sa kanyang puso. Minahal niya ang pamilya ng kanyang kapatid, at tinulungan niya sila. Nadama nilang bumabaling ang kanilang puso nang may pagmamahal kay Aunt Mid dahil alam nilang minahal sila nito.