Sinagot ni Nephi ang Tanong Ko
Judy M. Smith, Kansas, USA
Isinilang ako na miyembro na ng Simbahan ang pamilya ko, ngunit bihira silang magsimba habang lumalaki ako. Sa kabila nito, lagi akong nakakahanap ng paraan na makasimbang mag-isa. Noong mga unang taon ng 1970s naglingkod ako bilang seminary teacher sa Pittsburg, Kansas, USA. Nang pag-aralan namin ang Aklat ni Mormon, hinamon ko ang klase—pati na ang sarili ko—na basahin ang buong aklat. Isang araw habang nagbabasa, nakatanggap ako ng napakalakas na patotoo na ito ay totoo.
Makaraan ang ilang taon bumisita ang mga magulang ko. Habang nag-uusap kami, may ilang paksang binanggit ang aking ama na hindi namin mapagkasunduan at ayaw kong pag-usapan namin. Gayunman, ipinagpilitan pa niya ito hanggang sa muntik na akong hindi makapagpigil. Nagpaalam ako sandali at nagpunta sa aking silid, kung saan lumuhod ako at nanalangin sa Ama sa Langit at humingi ng tulong sa Kanya kung paano ko haharapin ang aking ama. Dumating ang sagot sa aking isipan: ang kuwento tungkol kay Nephi at ang nabaling busog.
Binasa ko ang kuwento sa 1 Nephi kabanata 16. Naisip ko ang sapat na pagpapakumbaba ni Nephi na lumapit siya sa kanyang ama, na bumulung-bulong laban sa Panginoon, para itanong kung saan siya dapat magpunta para makakuha ng pagkain (tingnan sa talata 23). Sa naisip na iyon, nahikayat akong lumapit sa aking ama at humingi ng payo pati na rin ng basbas ng priesthood.
Nang bumalik ako sa sala at humingi ng basbas kay Itay, naantig ang kanyang puso at nagsimula siyang umiyak. “Pag-iisipan ko muna ito,” sabi niya.
Nang sumunod na ilang araw nag-ayuno siya at nanalangin. Pagkatapos, bago umalis sina Itay at Inay, binigyan niya ako ng magandang basbas.
Pagkatapos ng karanasang iyon, nagsimulang magbago si Itay. Sa daan pauwi mula sa Kansas, binisita ng aking mga magulang ang Adan-ondi-Ahman, Missouri, USA, kung saan nagkaroon ang aking ama ng matinding espirituwal na karanasan.
Hindi nagtagal, naging aktibo at tapat na mga Banal sa mga Huling Araw ang mga magulang ko. Nang sumunod na ilang taon, magkasama silang nagmisyon nang dalawang beses—isa sa Germany at isa sa Temple Square sa Salt Lake City. Naglilingkod si Itay bilang stake patriarch nang yumao siya noong 1987.
Alam ng Panginoon na si Itay ay isang mabuting tao. Sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon natanggap ko ang sagot, at sa pagsunod ko sa pahiwatig na iyon ay nalaman ni Itay na kailangan niyang mamuno sa aming pamilya. Nagbago ang lahat sa amin dahil sa karanasang ito.
Nalaman ko na ang Aklat ni Mormon ay tunay na isa pang tipan ni Jesucristo at na ito ay isinulat para sa ating panahon. Alam ko na makakaasa ako rito tuwing pinanghihinaan ako ng loob at sa anumang sitwasyon. Naroon ang mga sagot.
Tunay ngang ang “mga salita ni Cristo ang magsasabi sa [atin] ng lahat ng bagay na dapat [nating] gawin” (2 Nephi 32:3).