Ang Ating Paniniwala
Nagtuturo Tayo sa Pamamagitan ng Kapangyarihan ng Espiritu Santo
Naniniwala tayo na ang pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ay mahalaga sa gawain ng Diyos ukol sa kaligtasan. Ang epektibong pagtuturo ay nagpapalakas ng pananampalataya at hangarin ng mga tao na ipamuhay ang ebanghelyo. Ang pagtuturo ay maaaring maganap sa maraming sitwasyon, tulad ng pagbibigay ng mga aralin at mensahe sa simbahan; ngunit nagtuturo din tayo kapag tinatalakay natin ang isang talata sa banal na kasulatan sa kapamilya o ipinapaliwanag natin sa kapitbahay kung ano ang priesthood.
Pag-isipan ang apat na alituntuning ito para sa epektibong pagtuturo:
-
Mahalin ang mga tinuturuan ninyo. Kilalanin sila. Mapanalanging isipin ang kanilang mga pangangailangan habang naghahanda kayong magturo. Sikaping gumamit ng iba’t ibang pamamaraan sa pagtuturo: ang iba’t ibang pamamaraan ay makakatulong sa iba’t ibang tao (tingnan ang ilang ideya sa kanan).
-
Magturo sa pamamagitan ng Espiritu. Itinuro ni Nephi, “Kapag ang isang tao ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ang nagdadala nito sa puso ng mga anak ng tao” (2 Nephi 33:1). Habang nagtuturo kayo, maaanyayahan ninyo ang impluwensya ng Espiritu sa pamamagitan ng pagpapatotoo at paggamit ng mga banal na kasulatan at mga turo ng mga propeta sa mga huling araw. Manalangin na patnubayan kayo ng Espiritu Santo habang naghahanda kayong magturo. Ipaaalam Niya sa ninyo kung paano magturo sa pinakamainam na paraan.
-
Ituro ang doktrina. Ang inaprubahang mga materyal sa kurikulum mula sa Simbahan, tulad ng mga banal na kasulatan, mensahe sa pangkalahatang kumperensya, at manwal, ay naglalaman ng doktrina—mga walang-hanggang katotohanan mula sa Diyos.
-
Maghikayat ng masigasig na pag-aaral. Habang nagtuturo kayo, alalahanin na responsibilidad ng mga nakikinig na matuto para sa kanilang sarili. Hikayatin silang magtanong, magbahagi ng kanilang mga ideya tungkol sa paksa, at pag-isipang mabuti kung paano nila ipamumuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Lalakas ang kanilang patotoo sa mga alituntuning iyon kapag ipinamuhay nila ang mga iyon (tingnan sa Juan 7:17).
Nagsalita si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) tungkol sa kahalagahan ng mahusay na pagtuturo: “Ang buhay na walang hanggan ay darating lamang kapag ang kalalakihan at kababaihan ay naturuang mabuti kaya’t babaguhin at didisiplinahin nila ang kanilang buhay. Hindi sila mapipilit na magpakabuti o magpakabanal. Kailangan silang akayin, at pagtuturo ang ibig sabihin niyan” (binanggit sa Jeffrey R. Holland, “A Teacher Come from God,” Ensign, Mayo 1998, 26).