2014
Sinagip Mo ang Pagsasama Naming Mag-asawa
Hulyo 2014


Sinagip Mo ang Pagsasama Naming Mag-asawa

Neil S. Roy, Yorkshire, England

Nang magtrabaho ako sa konstruksyon sa Oman mula 1979 hanggang 1986, nagtrabaho ako para sa ministry of defense. Binigyan ako ng ministry ng mga proyekto sa mga lugar na hindi madaling mapuntahan, at kadalasan ay ako lang ang supervisor na nagbabantay sa mga proyekto. Ako lang din ang nag-iisang miyembro ng Simbahan na nagtatrabaho para sa ministry.

Isang araw sa headquarters ng aming kumpanya, nakilala ko ang isang electrical engineer na nagbitaw, tulad ng dati, ng mga negatibong puna tungkol sa Simbahan. Hinayaan ko siyang magsalita dahil karaniwan ay sandali lang ako sa headquarters bago ako umalis papunta sa isa pang proyekto.

Gayunman, kalaunan ay inatasan ang lalaking ito na inspeksyunin ang ikinabit na mga kawad ng kuryente sa mga proyektong itinatayo sa may hangganan ng Oman sa Yemen. Naka-iskedyul kami nag magkasama nang mga isang oras bago siya bumalik sa headquarters.

Pagdating niya, ininspeksyon niya ang trabaho at nakitang maayos ang lahat. Habang magkasama kami, itinuon ko ang aming pag-uusap sa trabaho at pagkatapos ay inihatid ko siya sa paliparan.

Panahon ng tag-ulan, at ang paliparan, na nasa talampas na 6,000 talampakan (1,830 m) mula sa ibabaw ng Indian Ocean, ay natatakpan ng mga ulap. Maaantala ang pag-alis ng katrabaho ko.

Kinabahan ako nang matanto ko na kailangan kong maghintay sa kotse kasama ang lalaking ito. Matapos akong magdasal nang tahimik, pumasok sa isipan ko na tanungin ang lalaking ito tungkol sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang asawa.

Ginawa ko nga iyon, at biglang napaiyak ang engineer, na sinasabing kababalita pa lang sa kanya na gustong makipagdiborsyo ng kanyang asawa. Agad pumasok sa isip ko ang salitang pagmamahal, at sa sumunod na dalawang oras ay nag-usap kami tungkol sa pagmamahal na dapat nating madama para sa iba at sa pagmamahal ng Panginoong Jesucristo para sa ating lahat. Bago ko pa namalayan, magkaibigan na kami. Nang matapos ang aming pag-uusap, napawi ang mga ulap at sumakay na sa eroplano ang engineer. Hindi nagtagal ay nabalitaan ko na nagbitiw na siya sa trabaho at umuwi.

Makalipas ang ilang taon habang namamasyal kami ng Aaronic Priesthood young men sa Plymouth, isang lungsod sa katimugang baybayin ng England, napansin kong palapit sa akin ang isang lalaki. Nang makalapit na siya, sinabi niya, “Sabi ko na nga ba’t ikaw nga, Neil.”

Siya ang electrical engineer mula sa Oman. Ang sumunod na mga salitang sinambit niya ay nanatili sa puso ko: “Salamat at kinausap mo ako tungkol sa pagmamahal noong araw na iyon sa bundok. Sinagip mo ang pagsasama naming mag-asawa, at walang hanggan ang pasasalamat ko.”

Nag-usap pa kami sandali, at umalis na siya. Hindi ko na siya nakita mula noon.

Lagi kong pasasalamatan ang inspirasyong natanggap ko sa Oman. Pinagpala nito ang engineer at binigyan ako ng lakas na panatilihin ang aking mga paniniwala sa Simbahan kapag nag-iisa ako at malayo sa pamilya.