Ang Katawan Ko ay Isang Templo
Kapag inalagaan natin ang ating katawan sa paraang iniutos ng Diyos, tayo ay pagpapalain! (Tingnan sa Mosias 2:41; D at T 89:18–21.)
Bakit tayo may mga katawan?
Bago tayo isinilang, tayo ay mga espiritung walang pisikal na katawan. Maraming bagay ang hindi natin magagawa hangga’t wala tayong katawan. Ipinadala tayo ng Diyos sa lupa upang magkaroon ng katawan. Kailangan natin kapwa ang espiritu at katawan upang maging katulad ng Ama sa Langit. (Tingnan sa D at T 88:15.)
Ano ang kahalagahan ng pagkakaroon ng katawan?
Ang ating katawan ay mahalaga at banal kaya tinawag ito ng Panginoon na mga templo (tingnan sa I Mga Taga Corinto 3:16–17). At ang pagkakaroon ng katawan ay masaya rin! Ang katawan ay maaaring tumakbo, kumanta, umakyat, tumawa, magdrowing, lumangoy, sumayaw, at gawin ang iba pang nakatutuwang mga aktibidad. Gayundin, magagamit natin ang ating katawan para matuto, tulungan ang mga tao, bumuo ng mga pamilya, at gawing mas magandang lugar ang mundo.
Bakit hindi magkakamukha ang lahat?
Ang mga katawan ay maraming hugis, kulay, at laki, at ito ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit. Kahit iba-iba ang bawat katawan, lahat tayo ay nilikha sa larawan ng Diyos (tingnan sa Genesis 1:26). Ibig sabihin ang ating katawan ay itinulad sa Kanyang perpektong katawan. Ang bawat katawan ay maganda dahil bawat isa ay kaloob mula sa ating mapagmahal na Ama sa Langit.
Paano kung may mga bagay na ayaw ko sa aking katawan?
Kung minsan ang hitsura, galaw, o kilos ng ating katawan ay hindi tulad ng nais natin sa mga ito. Ngunit anuman ang hitsura ng katawan natin ngayon, mapipili pa rin nating magpasalamat para sa mga ito at gamitin ang mga ito sa paggawa ng mabubuting bagay dito sa lupa. Balang araw, bawat isa sa atin ay mabubuhay na mag-uli at magkakaroon ng perpektong katawan (tingnan sa Alma 40:23). Mahal tayo ng Diyos anuman ang hitsura ng ating katawan, at maaari din nating mahalin ang ating sarili.
Paano ko dapat tratuhin ang aking katawan?
Dapat nating tratuhin ang ating katawan nang tulad ng pag-aalaga natin sa anumang napakahalagang kayamanan—nang may pagmamahal at paggalang. Sa pamamagitan ng mga propeta at ng Word of Wisdom, sinabi sa atin ng Ama sa Langit kung ano ang masama sa ating katawan at kung ano ang mabuti. Marami tayong magagawa para mapangalagaan ang ating katawan:
-
Kumain ng masusustansyang pagkain at mag-ehersisyo.
-
Manamit nang disente at panatilihing malinis ang ating katawan.
-
Igalang ang katawan ng ibang tao.
-
Huwag magpatato o magpalagay ng butas sa ating katawan.
-
Huwag gumamit ng droga, uminom ng alak, manigarilyo, at uminom ng kape o tsaa.
-
Maglaro ng mga larong malayo sa disgrasya at masaya at iwasan ang mga aktibidad na mapanganib.
Kapag inaalagaan natin ang ating katawan, mas madarama natin ang Espiritu Santo.